Chapter 9
Royal
Wala sa sariling napalunok ako. Nang makita niya iyon ay bumaba ang tingin niya sa labi ko. Pinagpawisan ako ng malapot. Kakahalik pa lang niya sa akin pero para akong nanghihimok na halikan niya ulit! Ano ba, Royal! Utang na loob umayos ka oh.
Kaya nang makakuha ng tyempo ay agad ko siyang tinulak. Hindi niya iyon inasahan kaya nabitawan niya ako. Umiwas na ako ng tingin sa kanya nang hanapin niya ang mga mata ko.
“Babe..” nanghihinang tawag niya sa akin.
Isang beses ko siyang tiningnan. Sandali lang dahil hindi ko matagalan ang nakakakilabot niyang tingin sa akin. “U-umalis ka na, Quinn. Baka maabutan ka pa dito ng mga magulang ko. At nasa kabilang kwarto lang ang Lola ko.” Pagtataboy ko sa kanya. Pero talaga yatang malakas ang loob niya. Dahil imbes na makinig sa akin ay inilang hakbang niya ako. Yumuko na lang ako para hindi mahatak at malula sa paningin niya.
“Ibigay mo muna ang chance ko.”
Doon ako napaangat sa kanya ng tingin. “A-anong chance?” pagkakaila ko pa.
Sumimangot siya. Para bang batang hindi napagbigyan ang itsura.
“Na ligawan ka. Please, mmm?”
Napatda ako. “Quinn—”
“Payagan mo lang akong ligawan ka, patutunayan ko sa iyo na malinis ang intensyon ko, Royal. Kung hindi, nasa hasyenda pa lang kita..”
Hindi niya tinuloy ang sasabihin. Tiningnan ako ng makahulugan.
“Ano? Ano ang dapat na gagawin mo sa akin?” pagtatanong ko pa.
Ngumisi siya. Yumuko at kinamot ang kaliwang makapal na kilay niya. Kumibot ang labi, para bang magsasalita pero pinipigilan lang ang magsalita.
“Puro ka kalokohan.” Nasambit ko. Nag-angat siya ng tingin, hininto na ang pagngisi at tumikhim na lang.
“Sige na..”
“Tumigil ka.”
Lumapit na naman siya sa akin. Hinapit ako sa aking baywang. Natigilan na naman ako at hindi kaagad nakakilos.
“Hindi kita titigilan, sorry.” Bulong niya sa akin. pinakatitigan niya ako. Napako ako sa kinatatayuan ko. Hapit sa baywang ko at naiipit sa malapad niyang dibdib.
Hindi siya nagsalita. Unti-unti kong nilapat ang mga palad sa kanyang balikat. Numinipis ang hangin sa aming dalawa. Ang hanging nalalanghap ko na ay ang kanya. Masarap sa ilong at mainit. Nagtatalo ang isipan ko. Itutulak ko siya..dapat ko siyang itulak pero kapag nakikita ko ang mga mata niya, nababalewala lang. Hindi ko nagagawa. Para ba akong tinatali sa kawalan at hihimukin lang kapag hindi na siya nakatingin sa akin.
Napalunok ako. Hindi ko na alam kung ilang beses iyon. Ramdam na ramdam ko ang makahulugan niyang paninitig. Hindi nilulubayan ang aking mga mata.
“Royal?”
Napaigtad ako sa narinig na tawag sa akin mula sa labas ng kwarto—nasa likod lang ng pinto ang Lola ko!
“Apo nandyan ka ba?” marahan na kumatok ang Lola ko. Mas lalo kong naramdaman ang gapang ng lamig sa aking mukha. Ang malakas na pintig sa aking dibdib.
“L-La—n-nandito po ako, sandali lang po!” binalingan ko si Quinn at tinulak sa nakabukas kong bintana. “Umalis ka na! Umalis ka na! Baka makita ka pa ng Lola ko dito!” bulong pero madiin kong sabi sa kanya.
Nagpatianod siya sa tulak ko, pero marahan na hinawakan ang mga palad kong tumutulak sa kanya palabas ng bintana.
“Pumayag ka na muna,”
Nalukot ang mukha ko sa inungot niya sa akin. “Ano ka ba? Hindi mo talaga ’yan tatantanan? Umalis ka na sabi.”
Natigilan lang ako nang pinisil niya ang mga kamay kong pilit kong hinahatak mula sa kanya.
“I’m not going anywhere not until you surrender..”
Napaamang ako. Gusto ko siyang titigan pero nasa labas ng Lola Mila ko. At wala sa mukha niya ang susuko!
“Quinn.”
“Just say yes and it’s done.”
“Parang ang dali-dali lang sa iyo ang lahat.”
“Royal?” tawag ulit ni Lola.
“Nandyan na po, La!” nilingon ko siya ulit.
“I swear, I’m going to kiss you infront of your Grandma.” Pagbabanta niya.
Namilog ang mga mata ko. Pakiramdam ko ay pati ang butas ng ilong ko at bumulusok rin sa paraan ng pagkakasabi niya niyon. “Quinn!”
Ngumisi siya sa akin. “Ang sarap pakinggan ng pangalan ko sa boses mo.”
Lihim akong nanggaliite. Kung sisigawan ko siya ay mas lalong mabubuking kami ni Lola.
Pumikit ako at bumuntong hininga. Kailangan ko na lang siyang sakyan para hindi na siya maabutan ni Lola. Sa ngayon ay iyon lang naiisip kong madaling paraan.
“S-sige na. P-pumapayag na ko. Alis na.” Pagtataboy ko kaagad. Lumiwanag ang mukha niya at nagpakawala ng magandang ngiti.
“Yes!” tinaas pa ang kaliwang kamao sa pagkakasabi niyang iyon.
“Umalis ka na sabi.” Tulak ko ulit. Pero imbes na magpatulak ay may kinuha siya mula sa kanyang bulsa at binigay sa akin—kinuha ang kamay ko at sapilitang nilagay doon.
“Take this phone. Alam kong mahihirapan na naman ako makuha ang number mo kaya ito na lang. Para madali kitang matawagan.”
Tiningnan ko ang binigay niya—isang cellphone!
Nang tingnan ko siya ulit at nakasampa na ito sa hamba ng bintana at saka tumalon palabas. Hinabol ko siya at iniabot ang mamahaling cellphone na iyon. “Hindi ko ’to matatanggap.” Habol ko.
Nilingon niya ko. Parang hindi man lang nasalanta ang mukha niya sa pagkakasabi ko.
“Pag binalik mo ’yan sa akin, kikidnapin na lang kita ulit. Ano?”
Nag-hang ang braso ko sa ere. Tiningnan ko ulit ang pintuan sa isa ulit na tawag sa akin ni Lola. Humigpit ang hawak ko sa cellphone. Masama ko siyang binalingan. “Bilisan mo umalis ka na!” panghuling sabi ko at saka sinarado ang bintana. Narinig ko pa ang matikas niyang tawa.
Pagkasara na pagkasara ng bintana ko ay saka ko lang naramdaman ang pagsabog na pintig sa dibdib ko. Napahawak ako roon at malalim na humugot ng hangin.
Naalarma ako.
***
Ilang araw ang lumipas ay napansin ko na ang pagbalik ng dating ugali ng Lola Mila. Nitong mga nakaraang araw ay madalas siyang nagkukulong lang sa kwato at kahit ang lumabas para kumain ay hindi niya magawa. Pero ngayon, sa harap ng hapag-kainan ay nagkakatingin pa kami nina Tatay at Nanay dahil pagbubukas ulit sa kwentuhan ang Lola. Hindi sila kaagad umimik. Pero ako, sinabayan ko ang pagbabalik ang pagiging masayahin ni Lola. Iyong bagay na matagal ko ring na-miss.
Bago magtanghalian ay umalis na ako sa bahay para dalhan ng pagkain sina Tatay sa tubuhan. Nilagay ko lang iyon sa isang basket na inihanda rin ni Lola. Gusto sana niyang sumama pero dahil sa mainit at tirik na tirik ang araw ay ako na lang ang naghatid ng pagkain. Hindi na kasi ako ulit pinasama ni Tatay sa tubuhan kahit pa hindi na naman nagkakasakit si Lola.
Palapit pa lang ako sa tubuhan ay agad na akong natanaw ng isa sa mga kasamahan naming magsasaka, si Manong Ricky. Ang laki ng ngiti nong nakita ko pati ang malaking basket ng pagkain na dala-dala ko.
“Oy Ildefonso nandito na ang dalaga mo!” sigaw niya na siyang nagpalingon hindi lang kay Tatay at Nanay pati ang iba naming kasamahan.
Lumapit ako sa mahabang lamensang gawa sa kawayan na nagsisilbi nilang hapag kapag nasa tubuhan. Hinintay ko munang makalapit ang mga magulang bago naghain.
Ngumiti ako nang nakangiting lumapit na rin sina Manong Ricky sa lamensa. Hindi lang naman ako ang naghahatid ng pagkain, kahit iyong ibang magsasaka rin ay dinadalan ng kani-kanilang anak o kapatid. Pero itong si Manong Ricky ay talagang sa bahagi ko lumapit.
“Dalagang-dalaga na itong si Royal oh. At napakaganda pa. May nobyo ka na ba, hija?” may kaunting lambing na tono ang pinahiwatig niya sa huling sinabi. Naasiwa ako roon at pilit na ngumiti ulit.
“Wala po.” Nag-iwas na lang ako ng tingin at binuksan na lang ang dalang basket para gawing busy ang sarili. Narinig ko ang mahina niyang pagtawa. Nang tabihan niya ako ay kinabahan ako bigla.
“Hmmm. Wag ka munang magbo-boyfriend ah? Bata ka pa.” Pabulong niyang sabi sa akin.
Hindi na ako nag-angat ng tingin at tumango na lang. hindi kami masyadong napapasin dahil ang ibang mga kadalagahan ay naghahain na rin ng kanilang mga dala. Nang tuluyang makalapit sina Tatay at Nanay ay doon lamang ako nakakilos ng malaya. Nakipagkwentuhan sa kanila si Mang Ricky at nakipagtawanan.
Tumabi ako sa Nanay ko. Hindi ako kumain dahil tapos na ako sa bahay pa lang kasabay ang Lola Mila. Hindi pa ako aalis ay hihintayin ko pang matapos kumain ang mga magulang at iuuwi ko rin ang pinagkain. Habang nananghalian ay napapasin ko pa rin ang pahapyaw na tingin sa akin ni Mang Ricky. Kung minsan pa ay alam kong tinititigan niya ako. Kasing-edad lang din niya ang Tatay ay kilalang-kilala sa loob ng Hasyenda Rosemarie. Siya ang lider ng union ng mga magsasaka kaya malapit din sa ibang trabahador. Magaling siyang magsalita at makisama. Wala pa akong narinig na naging kaaway niya o kahit ang masangkot sa mga kaguluhan at pagtatalo. Huli ko siyang nakita mga ilang linggo na rin ang nakalipas dahil lumuwas ito ng Maynila para ilibing ang namayapa niyang asawa. Hindi siya ganito sa akin noong nabubuhay pa ang maybahay nito, pero ngayon para bang may iba na sa bawat hagod ng kanyang mga mata.
Nagsalin ako ng tubig sa baso at tangka sanang iinumin pero nagulat ako nang hawakan din iyon ni Manong Ricky. Sa gulat ko ay nabitawan ko kaagad ang baso at tumapon sa kandungan ko. Napatingin sa akin si Nanay. Nang dumantay ang kamay ni Manong Ricky sa balat ko para akong napaso kaya’t hindi ko nasalo ang baso.
“Naku basang-basa ang palda mo, hija..” sabi ni Manong Ricky.
Kinuha ni Nanay ang kanyang puting tuwalya at pinatong sa akin.
“Salamat po, Nay.” Sabi ko.
“Basang-basa ang suot mo. Ang mabuti pa ay umuwi ka na at magpalit ka. Kami na lang mag-uuwi nito mamaya.”
Tumango ako kay Nanay. Tinawag niya si Tatay na busy sa pakikipagkwentuhan at pinagpaalam ako. Binalik ko ang baso sa lamesa.
“Oh aalis ka na, hija? Hindi ka man lang kumain.”
Alangan kong tiningnan si Manong Ricky. Hindi na ako komportable sa mga tingin niya sa akin. “Opo.” Tipid kong sagot dito.
“Wala ring kasama ang Nanay sa bahay kaya hindi rin magtatagal dito ang anak ko, Ricky.” Sabi ni Nanay sa kanya.
Tumayo si Manong Ricky na kinagulat ko. “Gano’n ba? Gusto mo ihahatid na kita sa inyo, dala ko ang owner ko.” Alok nito pero para bang siguradong sasama ako dahil nilapitan pa niya ako.
Mabilis akong umiling. “Wag na po. Ayos lang po ako.” Tiningnan ko rin si Nanay para humingi ng tulong.
“Hindi, okay lang! Hindi ka na naman iba sa akin.” dagdag niya.
“Wag na po.” Ulit ko.
“May kasabay naman siyang uuwi na rin, Ricky..” sabi ni Nanay. Sinundan ko ng tingin ang iba pang mga kamag-anak ng ilang magsasaka na nagliligpitan na rin ng mga dinala.
Mahigpit kong hinawakan ang tuwalya at nanatili sa pwesto habang hinihintay ang makakasabay sa pag-uwi. Dahil doon ay hindi rin nakaimik si Manong Ricky. Bumalik na lang ito sa upuan at uminom ng tubig. Hindi nakaligtas sa akin ang pailalim niyang titig mula sa kinaroroonan ko.
***
Kinagabihan habang naghuhugas ng pinggan ay napatingin sa maliit naming bintana sa kusina. Nakarinig ako ng kaluskos kaya’t sinuri kong maigi ang labas. Madilim naman at halos wala nang naiilawan ang nag-iisang poste ng ilaw.
“Sinarado ko ang pintuan, anak. Magpapahinga na rin kami ng Nanay mo.”
Nilingon ko si Tatay na sinilip pa ako dito sa kusina pagkatapos mag-lock ng pintuan.
“Sige po, Tay. Pagkatapos nito ay matutulog na rin ako.” Nakangiti kong sagot sa Tatay ko.
Nginitian niya lang ako at saka umalis.
Pagkatapos kong maghugas ay sunod ko nang sinarado ang maliit na bintana sa kusina. Bago pumunta ng kwarto ay dinaanan ko muna si Lola Mila sa kwarto niya. Tulog na siya. Naiwan pang nakabukas sa gilid ng kama niya ang binasang bibliya. Nilapitan ko iyon at inipit ang lumang litrato ni Hesus na nagsisilbi ring bookmark. Maingat kong nilapag sa plastik na upuan. Inayos ko nang kaunti ang kumot ni Lola bago tuluyang umalis ng kwarto niya.
Pagkabukas na pagbukas ko ng pinto ng kwarto ay agad kong narinig ang isang kanta. Nangunot ang noo ko. Saan nanggagaling ang tugtog na iyon? Sinarado ko ang pinto at sinuyod ng tingin ang buong kwarto. Nakapatay naman ang radyo, paanong—iyong cellphone ni Quinn!
Kaya inilang hakbang ko ang kama ko, lumuhod at kinuha mula sa ilalim ng higaan ang kahon ng sapatos na siyang pinaglagyan ko rin ng cellphone niya. Tama ako, iyon nga ang tumutunog. Agad na rumagasa ang t***k ng puso ko nang makita ko ang mukha niya sa malaking screen ng cellphone. Tumatawag siya gamit ang video call at nakikita sa screen na naghihintay siyang sagutin ang tawag niya.
Napalunok ako. Hustong tinitigan ko muna ang mukha niya bago tuluyang sinagot ang tawag. Bahagya lang siyang ngumiti nang makita ako.
“Saan ka galing? Bakit ngayon mo lang sinagot ang tawag ko?” marahan niyang tanong agad sa akin.
Nakaupo siya sa swivel chair at nakasandal sa backrest nito. Nakasuot pa siya ng asul na longsleeve. Magulo nang bahagya ang kanyang buhok.
Bumuntong hininga ako. “Nagluto ako. Kumain at naglinis kaya hindi ko narinig ang pag-ring nitong cellphone mo.” Walang-buhay kong sagot sa kanya. Tumayo ako at umupo sa gilid ng kama. Hindi niya ako nilulubayan ng titig.
Ilang sandali ring namayani wala sa amin nagsalita. Hanggang sa siya na ang bumasag sa katahimikan namin.
“I miss you.”
Napatda ako. Nang tingnan ko siya ay nakatitig pa rin sa akin. Uminit ang mukha ko. Wala akong maisagot sa sinabi niyang iyon.
Bumuntong hininga siya. Nilapat niya ang hinlalaki at marahan na pinunas-punas sa gilid ng camera. “Wish I could kiss you right now, babe.”
Halos lumukusin ang dibdib ko sa bagsik ng t***k nito. Heto na naman kami. Nararamdaman ko na naman ang mga simbolo kapag si Quinn na ang nakakausap ko.
At bago ako tuluyang lukubin ng sarili ay tumikhim ako at nag-iwas ng tingin. “Ano bang ginagawa mo ngayon? Gabi na ah. Hindi ka pa ba magpapahinga?”
Maingay siyang bumuntong hininga at bahagyang pinahaba ang nguso. “Ngayon pa lang tayo nag-usap pero parang tinataboy mo na naman ako. Hindi mo ba ako na-miss?” lambing niyang ungot sa akin.
Nagpigil akong matawa dahil sa itsura niyang iyon. “Walang dahilan para ma-miss kita.” Biro ko.
“Ah. Kasi alam mong hahabol at hahabol ako sa’yo kaya hindi mo ko nami-miss.”
Napairap ako sa kawalan. “Hindi ganoon ’yon.” Inayos ko ang unan at humiga habang sumasagot sa kanya. “Hindi nga kita naalala nitong mga nakaraang araw, kaya walang dahilan para ma-miss kita.” Pagsisinungaling ko. Busy ako sa mga gawain dito sa bahay pero pagkagising ko pa lang sa umaga ay siya na ang pumapasok sa isipan ko. Ilang beses ko ring sinisilip ang cellphone at baka may text siya o missed calls. Pero ngayon lang talaga siya ulit nagparamdam kung kailan hindi ko na tinitingnan ang cellphone niya.
“Ako miss na miss kita. Walang araw, oras, minuto at segundong hindi kita naiisip. Gustong-gusto na kitang yakapin, halikan—nakakabaliw ang pagka-miss ko sa’yo alam mo ba ’yon?”
Napalunok ako. Kitang-kita ko ang hirap sa mukha niya. Totoo ba iyon?
“I’m stuck in here.”
Tiningnan ko lang siya. Mukha rin siyang pagod sa buong araw. “Magpahinga ka na.” Sabi ko. Napatakip ako sa bibig nang mapahikab.
“Date tayo.”
Kumunot ang noo ko. “Ano?”
Nilapit niya pa ang cellphone kaya halos nasakop na ng mukha niya ang screen. Na mas lalong nagpadepina sa mapula niyang labi.
“Date tayo.”
Napaisip ako. Date raw. Anong klaseng date ba iyon? Iyong kakain sa labas, manonood ng sine. The typical date ba? Na hindi ko pa nararanasan. Iyong kasi sa amin ni Garett, palihim lang kaming nagkikita sa tagpuan namin. Noong nililigawan niya pa ako sa pinupuntahan niya lang ako sa tubuhan at dinadalan ng mga pinitas niyang bulaklak mula sa bakuran nila.
“Royal..” malambing niyang tawag sa akin.
“Mmm?”
“Babe ko..” malambing pa rin niyang tawag sa akin.
“Mmm?”
Napatingin ako sa kanya nang marinig ang mahina niyang pagtawa.
“Magkita tayo bukas. Pupuntahan kita.”
Kinabahan ako. “Pupunta ka dito bukas?”
Gamit ang katawan ng hintuturo ay dinampi-dampi niya iyon sa kanyang baba at mataman akong tiningnan.