Chapter 15
Royal
Quinn:
Hihintayin kita sa malaking puno. 8AM.
Napahawak ako sa aking dibdib matapos kong mabasa ang unang text sa akin ni Quinn ngayong umaga. Nilingon ko ang orasan sa dingding, alas-kuatro pa lamang ng madaling-araw. Pero agad akong nagising sa isang vibrate ng cellphone niya.
Bumuntong hininga ako at nagtipa ng sagot sa kanya.
Ako:
Okay. Magkita na lang tayo mamaya.
Tinitigan ko pa ang text niya sa akin at ang reply ko sa kanya. Ramdam kong siguradong-sigurado na siya sa gagawin. Naayos na niya ang lahat mula kahapon pagkauwi ko.
Ang sabi rin niya ay naibili na niya ako ng susuotin at wala nang dapat pang isipin kung hindi ang siputin ko ang kasal namin.
Payak akong napangiti. Dati-rati lang ay panay ang iwas ko sa kanya. Ang mga text ko ay palaging pangtaboy. Ngunit sa isang iglap ay nabago ang lahat. Nang nabaril siya ay parang umikot ang mundo at napalitan ang nararamdaman ko sa kanya. Nang malagay sa panganib ang buhay niya ay saka ko naintindihan ang tunay kong nararamdaman sa kanya.
At ngayon, lihim kaming magpapakasal. Nagi-guilty ako. Pero ang pangako ni Quinn ay sasabihin din namin sa kanila ang totoo pagkatapos ng kasal.
Kinakabahan ako.
Dahil hindi na rin ako makatulog ay bumangon na ako at sinimulang tiklupin ang kumot. Nagligpit ng hinigan at naglinis ng kwarto. Iniisip ko pa na baka mamaya rin o bukas ay makapasok na rito si Quinn. Pagkaisip ko pa lang ay para nang nakawala ang mga paru-paro sa tiyan ko at nagliparan. Nagkulasan na parang mga binibining napahaginan ng mga maginoo sa bintana.
Lihim akong nangiti. Pag-ibig nga naman. Kaunting dahilan lang ay malaking epekto sa isipan.
Natigil lamang ako sa pagde-day dreaming nang mag-vibrate ang cellphone. May text ulit si Quinn.
Quinn:
I love you.
Pagkabasa ko..ay unti-unti akong napangiti. Ngiting may kasamang pag-usbong ng init sa aking buong mukha. Kinagat ko ang ibabang labi at pilit na sinisiksik sa utak na totoo ang lahat ng ito.
Na may isang lalaking bigla na lang dumating sa buhay ko at minahal ako ng ganito. Minsan nga, palagay ko ay mas mahal niya ako. Ang hirap ipaliwanag. At ang kaisa-isang dahilan kung bakit susuungin ko ang pagsubok na ito, dahil sa pag-ibig namin. Niya.
Hindi ako maglalakas ng loob kung hindi rin ganito katapang si Quinn. Handa siyang lumaban para sa aming dalawa. At na-appreciate ko iyon.
Ako:
Mahal din kita.
Nag-ipon ako ng hangin sa dibdib at pumikit. Sana ay gabayan Niyo po kami. Salamat po.
Bago ako naligo ay naglinis muna ako ng bahay at kusina. Pagkasaing ko ay naligo na rin ako. Magbubukang-liwayway na nang lumabas sa kwarto si Tatay. Pupungas-pungas pa. Pero natigilan din nang makitang may pagkain na sa lamesa namin. Napaawang pa ang kanyang labi.
“Aba, anak. Himala. Ang aga mong nagising. Anong meron?” natigilan pa si Tatay at pinasadahan ako ng tingin mula ulo hanggang paa. Kumunot ang noo niya. “May lakad ka ba?”
Lumakas ang kabog sa dibdib ko. Ilang beses pa akong napalunok dahil sa mga salitang parang nag-rumble sa utak ko. Ngayon pa lang ay inuusig na ako ng konsensya ko.
Lumabas na rin sa kwarto si Lola. At pareho na silang nakatingin sa akin.
“Oh, Royal..nakapaghain ka na pala,” sambit ng Lola. Ni hindi pinansin ang maaga kong paggising. Ang napansin niya ay ang uri ng tingin sa akin ni Tatay. “Ildefonso may problema ka?” tanong niya sa Tatay.
Nilingon ni Tatay ang Lola, tila doon lamang natauhan. Umiling siya at tinungo ang timplahan ng kape.
“Wala naman, Nay. E, nagtataka lang ako at mukhang..nakagayak ng maaga ngayon ang apo ninyo.” Binigyan niya ako ng mapanuring sulyap.
“Ay ’ko! Ganoon talaga kapag babae. Magandang dalaga ang anak mo kaya nako-conscious din sa itsura. Ang dami mo masyadong napapansin.” Sabi ng Lola.
Agad kong nilapitan si Lola at inalalayan sa pag-upo sa hapagkainan.
“Nagtataka lang naman ako. Ang asawa ko ay hindi naman ganyan kung makagayak noon.”
Napalunok ako sa uri ng tono ni Tatay. Ramdam ko ang pagsusuri niya sa akin ng tingin kahit hindi ako nakatingin sa kanya. Malakas ang pakiramdam kong nakakatunog na ang Tatay.
“Ay sus! Iba na kasi ang henerasyon ngayon, Fonso. Mas maagang namulat sa pagpapaganda ang mga kabataan ngayon. May computer na nga kaya mas malawak ang natutuklasan nila. Ikaw nga e, tumatakas ka sa gabi para dalawin si Cari sa bahay nila. Ilang beses kang pinagsabihan ng ama mo na mag-aral ka muna bago ang magnobya. Aba’t atat na atat kang mapasagot ang Mama ni Royal.” Natawa pa si Lola nang maalala iyon.
Napangisi si Tatay habang nagtitimpla ng kape. Hindi na siya nakasagot.
Nag-angat ng tingin sa akin si Lola. “Ngayon ba ang lakad ninyo ni Lelet, apo?”
Natigilan ako. “P-po?”
Pinanliitan niya ako ng mga mata. “Nagpaalam ka sa akin kahapon na may lakad kayo ni Lelet ngayon, ’di ba? Sasamahan mo kamo siya sa lakad niya ngayon.” Sabay kindat sa akin ng Lola.
Bahagyang namilog ang mga mata ko. Napalunok ako. Nilingon ko si Tatay, nakatingin na rin siya sa akin habang nakakunot ang noo.
Tumikhim ako. “O-opo, ’la. Ngayon nga po ’yon. B-baka daw po matagalan kami kaya inagahan ko na po ang pag-ayos..” halos mautal-utal ako sa pagsasalita dahil sa kalabog ng dibdib ko.
“O siya, maupo ka na at kumain nang makaalis ka ng maaga, apo.” Makahulugan akong nginitian ng Lola.
Kinagat ko ang ibabang labi. Nanubig kaagad ang mga mata ko dahil sa labis-labi na konsensyang dumapo. Kung sana ay hindi ganito ang lahat. Kung sana ay nasa maayos na proseso kami magpapakasal ni Quinn. Kung sana ay maluwag siyang tanggap ng pamilya ko.
Humigop ako ng hangin at pinaalis ang kirot sa dibdib. Mas dapat kong palakasin ang sarili. Panandaliang kasinungalingan lamang ito. Sana ay ngayong araw lang. Pagkatapos ng kasal ay yayain ko kaagad dito si Quinn at maayos na ipakikilala sa kanila. Hindi madali at nakakatakot pero alam kong sa huli ay matatanggap din nila. Maiintindihan nila ang naging desisyon ko.
Suot ang luma kong bestidang kulay asul at lumang flat shoes, nagpaalam ako sa mga magulang kong may pait ang ngiti sa labi. Si Lola ay matamis pang nakangiti sa akin habang pinapaalis na ako. Maiiwan sa bahay si Nanay. Si Tatay ay tutuloy sa tubuhan.
Nagbaba ako ng tingin at naglakad palayo sa bahay tangan ang pait sa aking dibdib.
Mangiyak-ngiyak ako nang matanaw ko sa malaking puno si Quinn. Nakapamulsa habang nakatingin sa akin.
Parang may bumundol sa dibdib ko nang sa wakas ay nakita ko na siya ulit. Parang ang tagal ng kahapon.
Nakasuot siya ng itim na pantalon at puting longsleeves polo. Ang mga manggas ay nirolyo hanggang makarating sa siko niya. Ang tanging palamuti ay ang kanyang kumikinang na wrist watch. Ang kanyang sapin sa paa ay isang black leather shoes. Nakaayos na siya para sa kasal?
Nakangiti siya sa akin. Nanubig ulit ang mga mata ko. Nagawa ko siyang ngitian pero may pait pa rin dito sa puso ko. Tinakbo ko ang distansya namin at agad na piniikot ang mga braso sa baywang niya. Nilubog ko ang mukha sa kanyang dibdib. Sinalakay ng mabango niyang katawan ang ilong ko. Tila ako ay inantok pagkayakap ko sa kanya.
“Excited to see me, babe?” nanunukso niyang tanong sa akin.
Napahikbi ako.
“Royal,” nagbago ang kanyang tono. Napalitan ng pag-aalala.
Inangat ko ang mukha mula sa kanyang dibdib at tumingala sa kanya. Pakiramdam ko ay namumula na ang ilong ko.
Nang makita niya ako ay nagbabanta sa pagsasalubong ang makakapal niyang kilay.
“Babe what happened? Napagalitan ka ba?” pag-aalala niyang tanong sa akin. Kinulong niya sa kanyang palad ang mukha ko at pinakatitigan ako.
Umiling ako. “Nakokonsensya ako, Quinn. Hindi ko kayang..itago sa kanila ang kasal natin..”
Sandali niya akong tinitigan at saka bumuntong hininga. Nilagay niya ang kamay sa likod ng ulo ko at kinabig ako ng halik sa noo.
“Don’t worry. Bukas na bukas din ay sasabihin na natin sa kanila ang totoo. Sabay natin silang haharapin.”
Tiningala ko siya ulit. “Bakit bukas pa?” mahinahon kong tanong.
Dinungaw niya ako at sinulyapan ang paligid. “Gusto ko munang makasama ka kahit isang gabi lang bago tayo pumunta sa inyo..”
Bahagya akong lumayo sa kanya ngunit hindi ako bumitaw. “Ibig mong sabihin, ’di mo ko pauuwiin ngayong gabi?” kinabahan na naman ako.
Malungkot siyang ngumiti at kinuha ang mga kamay ko. Dinala sa kanyang labi at mainit na hinalikan. Matagal. Na parang nangungusap. At saka ako tiningnan ulit.
“I want to spend our first night as husband and wife in our house. Just this night, babe. And we will tell the world about us..I promise you.”
Tinitigan ko siya. Hindi ko alam kung papayag ba ako o tatanggi. Pero isang hiling naman iyon. Pero baka mag-alala ang mga magulang kapag hindi ako umuwi.
“Mag-aalala ang mga magulang ko at ang Lola kung hindi ako uuwi ngayong gabi..” amin ko.
“Bukas din ng maaga ay lalakad tayo pauwi sa inyo. Tatawagin ko rin ang parents ko para makilala ka. Trust me, Royal. Maaayos din ang lahat.” Pangako niya sa akin. “Just trust me.”
Napayuko ako sandali at binalik din sa kanya ang tingin. Patuloy na nangusap ang mga mata niya sa akin. Dama ko naman ang sinsero sa kanyang boses. Ngayon pa ba ako mangangamba? At sa unang pagkakataon ay may gustong ipaglaban ako.
Sa huli ay nginitian ko siya at tumango. Napangiti na rin siya at niyakap ako.
“Nasa sasakyan na ang susuotin mo.” Aya niya sa akin.
Nagpatianod naman ako nang hawakan niya ako sa aking baywang. Ngunit isang tawag ang nagpalingon sa akin. At sa hindi kalayuan ay nakita ko si Mang Ricky!
“Who’s that?” tanong sa akin ni Quinn.
Ang lakas ng t***k ng puso ko. “S-si Mang Ricky..kaibigan ng Tatay ko.”
Tiningnang mabuti ni Mang Ricky si Quinn. Bumaba rin ang paningin sa baywang kong hapit-hapit ni Quinn.
“Anong ginagawa niyo dito, hija?” tanong niya pero mapanghinala ang kanyang tono.
“Don’t answer him, babe. Let’s go.” Bulong sa akin ni Quinn.
Inalis ko ang tingin kay Mang Ricky at sinunod si Quinn. Hindi na ulit nagsalita pa si Mang Ricky hanggang sa makasakay kaming dalawa sa sasakyan. Agad niya ring pinaandar ang sasakyan patungo sa bahay.
***
Tumayo si Quinn nang lumabas ako sa kwarto. Suot-suot ang puting bestidang binili niya para sa akin. Nakaawang ang kanyang labi habang nakatunghay.
Tumikhim ako para mapawi ang awkwardness sa amin. Nginitian ko siya at tiningnan din ang damit. “Salamat dito. Nagustuhan ko.” nahihiya kong sabi sa kanya.
Lantaran niya akong sinuyuran ng tingin at saka lumitaw ang maganda niyang ngiti. “Ang ganda mo.” Usal niya.
Pinaliitan ko siya ng mga mata at namaywang. “Paano mo nalaman ang sukat ko?” kunwaring panghihinala ko.
Tinaas niya ang dalawang kamay at nagkibit-balikat. “I used my hands.”
Napanguso ako. Sa huli ay natawa na lang din.
Isang off-shoulder, knee-length plain white dress at high heels shoes ang binigay niya sa akin. Pero hindi lang iyon ang binili niya. Pinasuot niya sa akin ang isang pares ng diamond earrings at bracelet! Ang sabi niya ay regalo niya raw sa akin iyon.
Samantalang ako ay walang kahit anong bitbit papunta rito.
Naiilang man ay sinunod ang mga gusto niya. Kasiyahan na lang niya ang maibibigay ko.
Mag-aalas nuebe na kami nakarating sa City hall. Sa labas na niya ako binilhan ng isang kumpol na bulaklak. Hinalikan pa niya ako sa harap ng tindera kaya nagmistulang kamatis ang mukha nang maghiyawan ang mga tao roon.
Deretso kaming nakapasok sa loob ng City hall. May isang lalaki lang ang sumalubong sa kanya at pinakilala niya ako. Sinabayan na kami ng lalaki paakyat sa opisina ni Mayor.
May mga tao na sa city hall kaya bago pa lamang kami makapasok sa opisina ng alkalde ay pinapasadahan na ako ng tingin ng mga taong naroroon. Iyong iba ay nagtataas ng kilay at bubulong sa katabi. Ngunit kapag nakikita si Quinn ay nagkikislapan ang kanilang mga mata at iyong iba ay namumula pa.
Tiningala ko si Quinn. Mahigpit ang hawak niya sa kamay ko. Pero hindi naman niya nililingon o sinusulyapan man ang mga taong iyon.
Napailing na lang ako. Marahil ay kilala nila si Quinn. At pinagtatakhan nila ako. Ang pobre ko kasi. Siguro ay hindi rin bagay sa akin ang hikaw ko. Bumuntong hininga na lang ako.
Lumakas ang dagundong sa dibdib ko nang huminto kami sa mismong tapat ng pinto ng opisina ng alkalde. Nag-warning knock iyong lalaking kasama namin at saka binuksan ang pinto. Pinauna niya kaming pumasok habang nakangiti.
Pagkapasok ko ay naghihintay sa loob ang alkalde ng bayan namin. Nakangiti at inaasahan na kami. Tumayo siya at sinalubong ako.
“Good morning, Miss Mauricio?” masigla niyang bati sa akin.
Nahihiya kong sinulyapan si Quinn. Amused siyang nakatingin din sa akin. Nang ibalik ko ang mga mata sa alkalde ay nakataas na sa akin ang kamay. Kinuha ko iyon bilang paggalang. “G-good morning po..Mayor..” naiilang tawag sa kanya.
Dumagundong ang baritonong tawa ng alkalde. “Mahiyain pala itong mapapangasawa mo, hijo. Kamusta na ang Lolo Eugenio mo pala?” binalingan niya rin si Quinn at nakipagkamay din.
Pormal na ngumiti ang katabi ko. “He’s alright now, Ninong. Nami-miss na rin ni Lolo ang hangin sa hasyenda. He’ll be back soon.”
“Oh, that’s good! Matagal-tagal na ring ’di nagagawi rito si Don Eugenio. Maigi ngang pumarito na siya dahil masulasok ang kapaligiran sa Maynila. Nanggaling pa ba siyang Los Angeles niyan?”
Tumango si Quinn. “Opo, Ninong. Pero baka dito na siya mamalagi.”
“Mmm, maganda sana rito kaya lang nakakabata rin ang hangin sa US. Sana ay makausap ko rin ang Papa mo. Matagal ko na ring ’di siya nakakakwentuhan. Extend my greetings to your parents, hijo.” Sinulyapan niya ako, “Simulan na natin ang kasal ninyong dalawa.”
Bumalik ang alkalde sa kanyang lamesa at kinuha ang folder. Hinatak ako ni Quinn. Mula sa itim na sofa ay tumayo ang isang matangkad na lalaki. Malapad ang kanyang balikat at matipuno ang pangangatawan. Pero ang uri ng tingin niya ay madilim na akala mo ba ay pinanganak na nakabusangot ang mukha.
“Thanks for coming, bro!” nakangiting bati rito ni Quinn. Nakipagkamay pa siya.
Tipid na ngumisi iyong malaking lalaki sa kanya. Halos magkapareho sila ng tangkad. Pero mas malapad nga lang ang balikat no’ng lalaki kay Quinn.
“Ikaw pa. Malakas ka sa akin.” binalingan niya ako at nginitian din. “Hi..” kinamayan niya rin ako. “Ridge Castillano. Kaibigan ko ang boyfriend mo.”
Nginitian ko siya. “Hello. Royal..kamusta?”
Kumunot ang noo niya. Na-curious?
“Okay lang. Nice to meet you, Royal.”
“Nice to meet you too.” Pakiramdam ko ay pinamulahan na ako ng mukha.
Isang ngiti lang sinagot niya sa akin at binalingan ulit si Quinn.
“Hindi ko naisama si Ellie, pare. Kabuwanan na niya sa pangatlo namin.” Kumislap ang mga mata nito sa kinuwento.
“s**t. Ang bilis mo naman, Ridge.” makahulugang sabi ni Quinn. Pinisil pa niya ang palad ko.
Ngumisi si Ridge at sinulyapan ako. “Humabol ka na.”
Kumunot ang noo ko. Tumawa silang dalawa. Saan hahabol? Sa paggawa ng baby?
Agad na uminit ang mukha ko nang maisip iyon.
Tinawag na kami ng alkalde at pinapwesto sa harap ng kanyang lamesa. Hindi iniwan ni Quinn ang kamay ko habang sinisimulan ang pagkakasal sa amin. Si Ridge at ang sekretarya ni mayor ang tumayong witness.
Hindi naman matagal ang seremonya. Agad din kaming nagkapirmahan ng kontrata ilang minuto lamang ang lumipas. Mariin akong hinalikan ni Quinn sa labi sa harap nilang lahat. Nang magtagal ang halik niya ay ako na ang unang tumulak sa kanya at ngising-aso na ang mukha ni Ridge.
Matapos ang kasal ay hindi rin nagtagal si Ridge dahil kailangan daw siya ng asawa niyang si Ellie. Pinangako pa niyang ipapakilala sa akin pati ang dalawa pa niyang anak.
Pagdating sa bahay ay hindi na ako tinantanan sa kahahalik ni Quinn. Ni hindi pa kami nakakakain dahil sa sabik na sabik niyang yakap at halik sa akin. Lumipas lamang ang ilang minuto ay natagpuan ko na ang sariling wala nang saplot at nasa ilalim niya.
Hindi ko mabilang kung ilang beses kong kinulong ang daing sa aking lalamunan para hindi makagawa ng ungol sa loob ng kwarto. Nakalimutan ko na ang oras sa bawat sandaling inaangkin ako ng asawa ko.
Ang sarap pakinggan. “Asawa ko..” bulong sa akin ni Quinn habang ang kanyang p*********i ay damang-dama ko sa loob ko. “Mahal na mahal kita..” mainit niyang dagdag.
Sa tuwing nawawala na ang huwisyo ko ay tanging saksi ang kisame. Ang paggalaw niya sa ibabaw ko ay tila nakakahilo sa akin. Bawat haplos at halik ay nakakayanig.
Inaantok pa ako nang dumilat ako at nabungaran ang madilim na kalangitan. Wala si Quinn sa tabi ko. Siguro ay nasa labas at naghahanda ng hapunan namin. Hinatak ko ang kumot at binalot sa hapong-hapo kong katawan. Tumagilid ako at tumingin sa labas.
Iniisip ko ang nangyayari ngayon sa bahay. Siguro ay nagtataka na sina Tatay at hindi pa ako umuuwi. Napuntahan na kaya nila si Lelet at hinanap ako? Malalaman ni Lelet na umalis ako at nagsinungaling pa.
Pumikit ako at bumuntong hininga nang maramdaman ang kirot sa aking dibdib. Tumihaya ako at kamuntik nang mapaungol nang humapdi rin ang pagitan ng mga hita ko. Kahit ang mga hita at braso ko ay masakit din. Ano bang pinaggagawa sa akin ni Quinn? Halos hindi ko siya maawat kanina.
Naputol ako sa pag-iisip at bumaling sa pinto. Bumukas iyon at inuluwa ang asawa kong may dalang isang tray ng pagkain namin.
“Gising na pala ang asawa ko. I made our dinner,” nakangiti niyang salubong sa akin.
Bumangon ako at sumandal sa headboard ng kama. Ngayon ko naramdaman ang gutom nang maamoy ko ang hinain niya. Tinolang manok! At may cake pa para sa panghimagas!
“Ginawa mo ’to?” hindi ko makapaniwalang tanong sa kanya.
Hinalikan niya ako sa labi at saka nilapag ang tray sa kama. “Niluto ko ’yung tinola pero ’yung cake pinabili ko. I wanted to give you a perfect wedding dinner but it’ll not be perfect without your family. But I promise you, after we settled our families, we’ll going to have a beautiful wedding that you have in mind. Whatever you want, ibibigay ko sa ’yo. Kahit saang simbahan pa ’yan. Basta mapasaya kita, asawa ko.”
Ngumiti ako sa kanya. “Hindi ko kailangan ng marangyang kasal, Quinn. Ang matanggap ka lang nina Tatay ay sobrang kaligayahan na ’yon sa akin. Masaya ako basta kasama kita.”
Kinagat niya ang ibabang labi at walang-salitang siniil ako ng halik. “I love you, Mrs. Altamirano.”
“I love you too.” Tapat ko sa kanya.
Sumapit ang hatinggabi nang siya ang kasama ko. Kahalikan ko at inaangkin ako. Hindi ko na iniinda ang hapdi dahil mas nangingibaw ang kaligayang nararamdaman ko.
Sa buong magdamag ay naisang-tabi ko ang alalahanin. Ang gusto kong isipin ay ang paligayahin din siya. Ang makasama ako ngayong gabi. Sabay naming bubuuin ang pangarap at pamilya.
Nakatulog akong naririnig na ang tilaok ng mga manok. Halos ayaw akong patulugin ng asawa ko at panay ang lambing sa akin. Agad naman akong nakatulog nang hayaan na niya ako.
Tanghali na akong nagising no’ng umaga. Pumapasok na ang sinag ng araw mula sa bintana kaya tumayo na rin ako para makapaghanda sa pag-uwi namin sa bahay.
Kabadong-kabado ako habang nag-aayos. Sinuot kong muli ang puting bestidang ginamit ko sa kasal. Pwera na lang sa mga alahas na binigay niya. At sana ay hindi niya muna mapansin. Ang tanging mahalagang bagay na suot ko ay ang wedding ring namin. Ang pinakaimportante para sa akin. Ang kayamanan ko.
Nadatnan ko ang asawa kong nagsasalin ng tubig mainit sa tasa ng kanyang kape. Nang makita ako ay agad niya akong nginitian. Nilapitan at hinalikan sa labi.
“You ready?” tanong niya sa akin.
Kinakabahan ko siyang nginitian. “Handa na ko.” sabi ko. At wala akong balak na umurong pa. Ayoko nang pahabain pa.
Pinag-almusal niya ako bago kami umalis. Mas nauna siyang nagising sa akin. Nakapaligo na at nakapagpalit ng bagong polo at jeans. Mahusay siyang manamit. Palaging bagay sa kanya ang sinusuot niyang branded na longsleeves at pantalon. Kaya kung minsan ay nahihiya akong tumabi sa kanya.
Ang unang destinasyon namin ang kina Tatay. Natatakot ako na kinakabahan. Tinanim ko na nga sa isipan ko na itatago ko ang mga itak ng Tatay. Baka lang kasi..sa sobrang galit niya ay mataga niya ang asawa ko.
Pinarada ni Quinn ang sasakyan niya sa mismong tapat ng bakuran namin. Tinambol ang dibdib ko. Nakasarado ang pintuan pati ang bintana. Nagtaka ako. Kapag ganitong oras ay nakataas ang bintana namin.
“Parang walang tao, babe.” Pansin din ni Quinn.
Hindi ko na siya sinagot at bumaba na ng sasakyan. Tinanggal ko ang tarangkahan at pinuntahan ang pintuan. Nakakandado ang pinto! Hinawakan ko pa iyon para makasiguradong naka-lock nga, at nakumpirma ko. Umikot pa ako sa bintana ng kwarto ko. Nakasarado pa.
Umalis sina Tatay? Pero saan sila nagpunta?
“Babe..” tawag sa akin ni Quinn.
“Wala sila rito..” nag-aalala kong sabi sa kanya.
Bumuntong hininga siya at hinila ako palapit sa kanya. “Baka may pinuntahan lang sila. Sa..bahay kaya ng kaibigan mo?”
Napatingin ako sa kanya. Tumango ako. “Tama. Baka ngayon nila ako sinimulang hanapin..” napapikit ako sa labis-labis na panibugho. “Baka kung mapano ang Lola, Quinn..” naiiyak kong sabi sa kanya.
“Sssh..everything will be alright. I promise you.” Bulong niya sa akin at kinakalma ako.
“Royal?!”
Sabay kaming napalingon ni Quinn sa malakas na boses ni Aling Imelda. Namimilog ang mga mata niya—hindi sa akin kung hindi sa asawa ko. Kulang na lang yata ay lumuwa ang eyeballs niya sa pagkakatitig kay Quinn.
“Aba’y totoo nga ang balita ni Ricky! Sumama ka nga sa isang Altamirano! Ay jusmiyo!” nahisterya niyang sambit.
Napasinghap ako. Para na siyang nagtatawag ng mga santo.
At nabanggit niya si Mang Ricky. Pinagsabi niyang magkasama kami ni Quinn!
“Kung hinahanap mo ang Tatay at Nanay mo..nando’n sila sa hasyenda Esperanza kasama ang Lola Mila mo! Sumugod sila doon pagkatapos sabihin ni Ricky na sumama ka raw sa..Altamirano’ng ’yan! Nako, tyak na gulo ang mangyayari!”
Napahawak ako sa braso ng asawa ko. Hindi ko na pinansin pa ang banta sa pananalita ni Aling Imelda.
“Umuwi na tayo sa hasyenda.” Madiing sabi ni Quinn. Tumango ako sa kanya at nagpaubaya.
Dumami rin ang tao sa labas. At mas napansin si Quinn maging ang sasakyan niya. Maliban sa mga Santiaguel, ang mga Altamirano ang nakakapasok na ganoon ng sasakyan kaya umaagaw ng atensyon.
Mabilis na pinaandar ni Quinn ang sasakyan. Panay ang lingon niya sa akin pero sa nakikita ko ang igting ng kanyang panga.
“Don’t worry, babe. Kakausapin ko ang Tatay mo. Magpapaliwanag ako ng maayos.” Sabi niya habang pinapasok ang sasakyan sa loob ng hasyenda.
Natatakot ako. Hindi ako sigurado kung paanong pananalitang sinabi iyon ni Mang Ricky sa mga magulang ko. Naalala ko pa ang uri ng titig niya sa amin kahapon.
“Baka masaktan ka ng Tatay, Quinn.” Paalala ko sa kanya.
“I deserves it. I stole you yesterday.” Walang kakaba-kabang sagot niya.
Mariin ko siyang tiningnan. Paano ko ikakalma ang sarili kung simulan siyang pagbuhatan ng kamay ni Tatay? Paano kung mapuruhan ang sugat niya?
“’Yung sugat mo ah.”
Nginisihan niya ako. “Aalagaan naman ako ng asawa ko. Don’t panic.”
Sinimangutan ko siya.
“f**k!” bulalas niya pagkakita sa isang itim na sasakyang nakaparada sa tapat ng hasyenda.
“B-bakit?” kinabahan ako. Bigla siyang nagalit. Ang panga niya ay nag-igting.
Hindi niya ako sinagot at kinuha ako sa loob ng sasakyan. Pinagsalikop niya ang mga kamay namin habang umaakyat sa ilang hakbang na hagdanan.
Mahigpit ang hawak niya sa akin. Halos dumaing ako at madurog ang kamay ko.
Sa tapat ng pinto ay naroon si Rita. Hindi mangiti. Pagpasok namin ay agad kong nakita sina Tatay, Nanay at Lola Mila ko.
“Royal!” sambit ng Nanay ko. Tumayo siya at lalapitan sana ako pero napatingin siya sa magkahawak naming kamay ni Quinn. Hindi na niya ako nilapitan pa.
“T-tay..’L-la..” mahina at kinakabahan kong tawag sa kanila. Ang Lola, Nanay at ang Tatay ko ay nakaupo sa malaking sofa. Pero hindi lamang sila ang naroon. Tila ba kanina pa sila nag-uusap-usap.
“Quinn, apo!” tawag ng isang matandang lalaking nakaupo sa wheelchair. Kumikislap ang mga mata nang mapatingin sa akin.
Lumapit sa kanya si Quinn at hila ako. Gusto ko sanang tanggalin ang kamay ko pero mahigpit pa rin ang hawak niya. At nakikita kong ang lahat ng mga mata nila ay manghang nakasubaysabay sa aming dalawa.
Hinalikan sa ulo ni Quinn ang matanda. “Lo, kailan pa kayo bumalik dito?” manghang tanong niya.
Nakangiti ang matanda pero sinulyapan pa rin ang mga kamay namin. “Kanina lang, hijo.” Tiningnan niya ako.
“Where the hell have you been?! Pinapunta ka namin dito para pamahalaan ang hasyenda pagkatapos ay aabutan ka naming wala dito?” galit na sabi ng isang lalaking halos kasing-edad ng Tatay. Ngunit sa kabila ng edad ay matikas pa rin ang tindig.
At kahawig pa ni Quinn!
“Dad, Mom,” ani Quinn.
Namilog ang mga mata ko. Narito ang mga magulang niya!
“Anong ginagawa niyo dito? Hindi kayo nagpasabi?” si Quinn.
“At kailangan pa naming magsabi, gano’n ba? Saan kayo galing na dalawa? Ito ba ang anak mo, Fonso?” baling ng Daddy ni Quinn sa Tatay ko.
Tumango si Tatay. At matalim akong tiningnan.
“Hija..a-apo ko..”
Napalingon ako ng tingin sa Lolo ni Quinn. Si Don Eugenio Altamirano. Tila mamasa-masa pa ang paligid ng kanyang mga mata. Umiyak ba siya?
“Royal Briseis..napakaganda ng pangalan mo, apo..” nakangiti niyang sabi sa akin.
Nangunot ang noo ko. Alam niya ang buong pangalan ko? Tiningnan ko si Quinn pero tila naninigas na ang panga niya sa pag-igting.
“Hija..” tawag sa akin ni Lola Mila. “Lumapit ka dito..” banayad niyang sabi.
Tumango ako. Bibitaw sana ako mula sa hawak ni Quinn pero ayaw niya akong pakawalan. Hindi niya rin ako tinitingnan. “Quinn..” mahina kong tawag sa kanya. Inangat ko na ang isa pang kamay para mahatak ang kamay ko sa kanya. Nang hindi ako makawala ay tumayo na si Tatay at pilit akong hinila palayo.
Nagulat ako sa pwersang pinaramdam sa akin ng Tatay ko. Tila bakal ang kamay ng hatakin ako mula kay Quinn at pinapunta kina Lola.
Nilingon ko ang asawa ko. Namumula ang mga mata niyang nakasunod sa akin. Para bang gustong humakbang palapit sa akin. Nakakuyom ang kanyang mga kamao.
Hinawakan ni Lola ang mga kamay ko. “Apo..may sasabihin kami sa ’yo..”
“Po?”
Bumuntong hininga si Nanay. Nilingon si Quinn at saka ang Tatay.
Tumahimik ang lahat. Kumalabog ang dibdib ko.
Pinisil ni Lola ang mga kamay ko. “Si Ildefonso..ang tatay mo..ay anak ni Eugenio.” Humikbi si Lola, “Isang Altamirano ang tatay mo, Royal..”
Tila huminto ang ikot ng mundo. Ginapangan ako ng lamig mula sa ulo hanggang sa buo kong katawan.
Natatakot kong nilingon ang Tatay. Na ngayon ay galit ang mga mata habang nakatitig sa akin.
“Isa ka ring Altamirano, Royal. Magpinsan kayo ni Quinn.” Madiin na pagsabi sa akin ng Tatay.