Chapter 20
Royal
Napalingon muli ako sa nakabukas na pinto nang makarinig ulit ng ugong mula sa bagong dating na sasakyan. May mga tao ulit na dumating. Nakita ko sa bukana si Nanay Nimpha at sinasalubong ang mga dumarating. Yumuko ako at binalik ulit ang tingin sa harap.
Nag-init ang sulok ng mga mata ko. Punong-puno ng mga bulaklak ang tabi at paligid ng kabaong ni Lolo Eugenio. Ang kanyang malaking litratong masayang nakangiti ay nakalagay sa isang patungan na kahoy. Tila isang painting canvass holder sa ulunan ng kanyang pinaghihimlayan.
Hinihiwa ang puso ko nang mapagmasdan ko ang litrato niya. Hindi mag-sink in sa utak na wala na ang Lolo Eugenio. Na malamig nang bangkay ang sumalubong sa amin noong umagang iyon.
“He peacefully died in his sleep.” Paliwanag sa amin ng doktor na umeksamin sa kanya.
Tila pinagbagsakan ng mundo ang tatay pagkarinig. Agad na pinuntahan si Lolo at pilit ginigising, pero huli na ang lahat. Hindi na gumising pa ang Lolo kinaumagahan.
Natulala ako noong una dahil ang pakiramdam ko ay natutulog ang Lolo ko. Hinawakan ko ang kamay niya..malamig at matigas na. Tinitigan ko ang kanyang mukha at banayad na hinaplos sa aking palad. Ginuguhit sa aking isipan ang gwapo niyang ngiti. Ang kanyang nagniningning na mga mata. Ang hindi niya kayang itagong kasiyahan sa tuwing nakikita sina Lola Mila at tatay.
At ang kanyang walang reaksyong mukha habang nakatingin kay Quinn kagabi.
Masaganang lumandas ang luha sa aking mga mata. Sandaling panahon pa lang iyon, Lolo..bakit ang bilis mong umalis? Ang kapatawarang hihingin ko ay hindi ko na nasabi pa.
Nilingon ko ang Lola ko rito sa aking tabi. Nasa harapan kami at kanina ko pa napapansin ang pagiging tahimik niya. Nakatunghay sa mga labi ng Lolo. Ilang beses kaming nilapitan ni nanay para ayain kumain. Wala akong gana pero ang Lola ay ayaw ding kumain. Kinuha ko siya ng tubig at mainit na lugaw pero ni hindi niya iyon hinawakan man lang. Ang sabi ni tatay ay hayaan muna sa ngayon ang Lola at kung bukas ay ganoon pa rin, kailangan na namin siyang pilitin.
Tinawag ni Tito Carlos ang tatay at pinakilala sa mga taong bagong dating. Nakikilala ko ang mga kamag-anak naming nanggaling na rito kagabi pero mayroon ding nakikiramay na malapit nilang kaibigan.
Ni hindi ako masyadong nagsasalita. Sina Ramona at Venice ay tinitingnan lamang ako. Ramdam ko ang alanganin nilang lapitan ako. Samantalang si Finnix ay nagawang lapitan ang Lola ko at yakapin. Kahit papaano ay may ibang miyembro ng Altamirano ang umalu sa tahimik kong Lola Mila.
“Apo..kumain ka na muna. Ako na muna rito..”
Nilingon ako ni Lola at tipid akong nginitian. Bahagya niyang pinisil ang aking kamay. “Sumabay na po kayo sa akin.” aya ko.
“Sige na..mauna ka ro’n. Dito na muna ako.” sabay tingin sa kabaong. Hindi na niya ako nilingon ulit na para bang tinatapos na ang pag-uusap namin. Dahil muli na namang napako ang mga mata niya sa Lolo Eugenio.
Hindi ako tumayo at nanatili na rin sa tabi ni Lola.
Madilim na sa labas at unti-unting napupuno ang mga upuang inihanda. Bukod sa mga kaibigan, ang mga trabahador ng Esperanza ay grupo-grupo na ring pumupunta. Ang tatay ang unang sumalubong sa kanila. Kinamayan nila ang tatay ko at narinig ang kanilang pakikiramay.
Naramdaman ko ang pagtahamik at pagtigil ng ilang nag-uusap. Bahagya kong nilingon ang likuran, napako roon ang mga mata ko nang makitang dumating si Quinn. Sa kanyang tabi ay naroon ang Tita Andrea. Nakasuot din ng itim na damit. Ang kanyang itim na longsleeves polo ay nirolyo ang manggas hanggang sa kanyang siko. Ang paligid ng kanyang panga ay nahahawig na sa kulay ng kanyang damit.
Sa Lolo siya kaagad na nakatingin pagkapasok. Na para bang walang ibang tao sa paligid. Hindi ngumingiti at tumatango lang kapag may kumakausap sa kanya.
At bago pa niya akong makita na nakatingin sa kanya ay umiwas na ako.
Nakita ko lang siya muli nang lapitan niya ang Lolo. Humawak sa gilid at dinungaw ang kabaong. Tumitig siya roon at tila nakikipag-usap.
Sumikip ang aking lalamunan. Nahirapan akong lumunok habang pinagmamasdan ko siyang nakatitig kay Lolo. Pagkatapos ng ilang sandali ay inakbayan niya ang ina at sabay nang pinagmasdan ang Lolo.
Hinatid niya ang ina sa upuan at inalalayan itong umupo. Nilingon niya sandali ang mga kamag-anak sa kanilang likuran at kinausap saglit. Pagkatapos ay muling tumingin sa harap.
Tiningnan ko na rin ang harap. Ang pakiramdam ko ay wala siyang balak na sulyapan ako.
Dumaan ang ilang oras ay ganoon nga ang nangyari. Hindi nagtangkang tingnan ako. Lalo na ang kausapin pa. Maliban sa mga magulang ko at nagbigay siya ng respeto.
Nang lumalim ang gabi ay inaya ko na ang Lola sa kanyang kwarto. Dinalhan kami ni Nanay Nimpha ng pagkain sa taas at doon na lamang naghapunan. Ang sabi niya ay maiiwan sa baba sina tatay para magbantay. Ang ilang kamag-anak namin ay nagpahinga rin sa guest room.
Kinaumagahan ay naabutan ko sina tatay at Tito Carlos na nakatayo sa harap ng Lolo. Walang ibang tao. Pumunta ako sa kusina at tumulong sa pagluluto para mamaya.
Lumipas pa ang ilang araw ay halos idlip lang ang naitutulog ko. Nahihirapan na rin ako sa paggising ng maaga kaya pinipilit ko ang katawan. Unti-unti ay nasasanay na ako sa presensya ng mga kamag-anak namin. At ang pag-iwas sa akin ni Quinn.
Minsan ko na siyang kamuntik na makasalubong sa taas. Pero nang makita ako ay tumalikod siya at pumasok ulit sa kwarto niya. Natigilan pa ako noong una. Para ba akong may nakakahawak sakit kung iwasan. Ngunit kalaunan ay nasanay na ako.
Ang respeto ko sa aking Lolo ay nag-uumapaw. At ayokong unahin ang pasaway kong puso ngayon pang nagluluksa kami sa pagkamatay niya.
Marami ang pumunta sa libing. Hanggang sa labas ng bahay ay naglaan ng mga upuan noong huling gabi. At kinabukasan..nalula ako sa dami ng mga taong pumunta. Ang lahat ay malungkot sa pagkawala ng kanilang Don Eugenio Altamirano.
Bumuhos ang luha at pighati nang ihatid namin siya sa huling hantungan. Ang Lola Mila..ay banayad na hinaplos ang salamin ng kabaong. May sinambit ngunit hindi namin narinig.
Mahigpit akong niyakap ni Tito Carlos noong paalis na kami sa sementeryo. Ang mga nakiramay ay isa-isa nang nagpapaalam.
“Sana ay ipagpatuloy mo ang nasimulan ninyo ng Lolo mo, Royal. Alam kong iyon din ang gusto ng Papa..” sabay lingon sa bagong lagay na lapida. Pinisil niya ako sa aking balikat at tinapik. Nilapitan si tatay at kinausap.
Pinagmasdan ko ang pangalan ng Lolo sa lapida.
Hindi ko alam kung gaano katagal kong ginawa iyon hanggang sa tawagin ako ng nanay at lahat sila ay papunta na ng sasakyan para umuwi.
Maayos na ulit ang sala pag-uwi namin. Pero ang laki na ng kawalan sa lahat. Si Lance ay nagpaalam na ring babalik sa manila. Tipid ko siyang nginitian at nagpasalamat.
Ang Tito Carlos at Tita Andrea ay nagpa-iwan muna sa hasyenda ng ilang araw. Ang lahat ay pinili munang magpahinga at lumiban pa sa trabaho. Hindi rin umuwi si Quinn at nalaman ko na lang kay Rita na nasa clubhouse manunuluyan bago bumalik ng manila. Mas pinili nitong mapag-isa.
Isang linggo pagkatapos ilibing ang Lolo Eugenio ay pinatawag lahat kami ni Tito Carlos na pumunta sa library. Si Lola ay pinasamahan muna kay Nanay Nimpha sa kanyang kwarto.
Pagkapasok namin doon ay may ibang tao akong nakita. Isang matandang lalaki na nauubos ang buhok sa tuktok ng ulo. Pormal na pormal sa suot nitong amerikana na kulay gray. Kausap niya si Tita Andrea nang huminto at nilingon kami. Tumayo at nakipagkamay kay tatay.
“Good afternoon, Mr. Altamirano. Ako ang abogado ng yumaong si Eugenio, Attorney Amando Guerrero..” pakilala niya sa sarili.
Bahagyang nagulat ang tatay. Hindi kaagad na nakasagot at niyaya na ni Tito Carlos na maupo sa sofa.
Si Atty. Guerrero ay nakaupo sa isang single sofa. Kami nina tatay at nanay ay nasa mahabang ang sofa. si Tita Andrea ay sa katapat ng attorney, ang Tito ay nanatiling nakatayo sa tabi ng asawa habang may hawak na tasa ng kape.
Pinasadahan kami ng tingin ng abogado, “Narito na ba ang lahat?” tanong niya.
Nilingon ni Tita Andrea ang pintuan. “Wala pa ang anak ko, attorney,”
Bumukas ang pinto at magsakasalubong ang kilay ni Quinn nang pumasok. Humampas ang puso ko nang makita siya. Kunot na kunot ang noo nang makita kami roon.
“What is it? I have to go.” Walang-buhay nitong simbulat.
“Come here, son. You need to be here.” Marahang tawag sa kanya ni Tita.
Nilingon niya kami. Napalunok ako at unang nag-iwas. Narinig ko na lang ang mabigat niyang buntong hininga at nilapat din ang pintuan. Hindi lumapit para umupo. Sa aking gilid, nakikita ko siyang humalukipkip at sumandal na lamang sa tabi ng pinto.
Nagsuot ng salamin si atty. Guerrero at tumikhim. Inabot niya ang isang folder at binuksan iyon..binasa at saka nag-angat ng tingin sa amin. “Babasahin ko na ang last will and testament ng inyong Papa.” Binalingan niya ang magkapatid.
Namilog ang mga mata ko. Ang tatay ay napatingin din kay Tito Carlos.
“Kailangang nandito ka rin, Fonso.” Sagot niya sa tingin ng kapatid. “You can start now, attorney,”
Tumango ang lalaki at muling inayos ang kanyang salamin.
***
“Ang Altamirano Corporation..ay pinamana ko sa aking panganay na anak na si Carlos Altamirano. Sa kanya ko binibigay ang lahat ng karapatan at pamamahala sa maiiwang kompanya. Ang hasyenda Esperanza, ang Azucarera at ang kalahati ng aking ari-arian ay pinamana ko sa aking anak na si Ildefonso Altamirano. Dahil sa lubos niyang pagmamahal sa trabahong ito ay alam kong malayo pa ang mararating ng aking hasyenda. . Ang aking si Briseis Royal Altamirano...”
Habang pinapakinggan ko ang pagsasalita ni attorney Guerrero..pakiramdam ko ay si Lolo Eugenio mismo ang nagsasabi no’n sa amin habang nagsusulat sa kanyang lamesa, rito sa kanyang library. Nakangiti at masaya.
Pinamanahan niya ako ng halagang kailanman ay hindi ko magagawang kitain. At pwesto sa kumpanya. Napayuko ako at kinagat ang aking labi. Ang aking si Briseis Royal Altamirano..
Bukod sa akin, pinamanahan din niya si Quinn. Na parang kanina pa naiinip. Ilang milyon, karapatan sa kumpanya at isang brown envelop ang inabot sa kanya ng abogado. Hindi niya pa iyon kinuha at tinitigan lang sa ibabaw ng lamesita. Maging ako ay napatitig din doon. Kuryoso sa kung ano ang laman ng naka-sealed na envelop.
Sinara ni attorney Guerrero ang folder at malalim na bumuntong hininga. Ang envelop na binaba ay sinulyapan at nag-angat ng tingin kay Quinn. Hindi nagsalita rito pero batid ko ang makahulugan niyang tingin sa kanya.
Binaba niya sa lamesa ang mga dokumentong ang sabi niya ay pirmado na ng Lolo. Matapos nitong makilala ang tatay ay agad na pinabago ang kanyang last will.
Walang nasambit noon si tatay at nanatiling nakayuko. Tumayo na lamang ng lapitan ni attorney at kinamayan. Nagpasalamat kami at nagpaalam sa abogado ng Lolo. Ang lahat ay lumabas na ng library pero naiwan doon si Quinn. Lumapit sa sealed envelop at tinitigan. Ang huling nakita ay lumapit siya lamesa at nagbukas ng drawer. Nilagak doon ang envelop at sinusian. Nasa mukha niya ang walang gana sa kayamanang binigay ng Lolo.
Mapait akong ngumiti.
***
Ilang linggo pa ang lumipas nang unti-unting naging normal ang lahat. Noong ika-apatnapung araw ng Lolo ay muli kong nakita ang mga kamag-anak at dumalaw sa puntod ng Lolo.
Pero ang huling kita ko kay Quinn ay noon pang binasa ng last will ng Lolo. Hindi na siya bumalik pa sa hasyenda.
Pagkatapos ng ilang araw pa ay pinapapunta na ako ni Tito Carlos sa manila para magtrabaho sa kumpanya. Kinakabahan pa ako no’n dahil wala pa akong alam. Kakaunti pa lang ang naaaral ko.
“Hija. Pwede ka namang kumuha ng kurso habang nagtatrabaho sa opisina. I will appoint you as an office or admin staff first and then you can go to university at night. I will give you a special working schedule so you can adjust. I know it’s a lot for you but the company needs you too. Nakuha na rin kita ng sarili mong condo unit para may uuwian kang sarili. At kung kailangan mo pa ng kasambahay ay, I can hire for you. What do you think, hija?”
Napaawang ang aking labi habang nakatingin kay Tito Carlos. Kaharap ang mga magulang ko at si Lola ay tila naiguhit na ang kapalaran ko pagkatapos mamayapa ng Lolo ko. Ang pananalita ay banayad pero naroon ang diin at kagustuhang dalhin ako sa maynila.
Kinakabahan ako. Wala akong alam sa maynila. At sariling condo? Ang pag-aaral ay walang problema sa akin pero sadyang natatakot ako. Na hindi ko alam kung saan.
Tumikhim ako. “Pwede po ba akong magsama ng kakilala?” kabado kong tanong.
Ngumiti si Tito Carlos. Nasa anyo ang tagumpay. “Ofcourse, hija! Katulong ba? Si Rita?”
Umiling ako. Baka hindi sila pumayag? “Hindi po. Iyong matalik ko po sanang kaibigan, si Lelet..”
Napaangat ang mga balikat ni tatay nang marinig ang pangalan ng kaibigan ko.
“Nasa kabilang hasyenda si Lelet, Royal. Baka hindi pumayag ang mga magulang niya,”
“Gusto pong magtrabaho sa maynila ni Lelet, tay. Wala po siyang matutuluyan doon kaya kung pwede po sana ay..siya na lang ang isasama ko.” nilingon ko ang Tito.
Nakakunot ang kanyang noo. Kuryoso. “Nakatapos na ba ng pag-aaral itong kaibigan mo, hija?”
Umiling ako.
“Kung gusto niya, pwede ko siyang ipasok sa scholarship program ng kumpanya. Magkaiba nga lang kayo ng eskwela. At kung gusto rin ay ipapasok ko siya ng trabaho sa atin. Nang sa ganoon ay magkasama pa rin kayo sa opisina.”
Nagliwanag ang aking mukha sa narinig. Mas magandang balita iyon para kay Lelet.
“Sige po, Tito. Sasabihin ko po sa kanya.” Masaya kong sagot.
Agad ko iyong tinawag kay Lelet. Halos magtitili siya sa binalita ko at agad na sinabi sa mga magulang niya. At dahil kasama niya ako sa maynila ay agad din siyang pinayagan. Sa kondisyong uuwi rin ito at dadalaw sa kanilang bahay.
Hindi nagtagal ay sabay na kaming bumayahe ni Lelet pa maynila. Hinatid kami nina tatay. At tiningnan na rin nila ang sinasabing condo unit ni Tito Carlos. Ang nanay at Lola naman ay nilibot ang kusina, kung sapat ba ang pagkain doon at ang aming kwarto. Dalawa ang kwarto pero mas gusto namin ni Lelet na matulog na lang sa isa.
Bago dumilim ay umuwi na rin sa hasyenda ang mga magulang ko at si Lola.
Excitement at kaba ang nararamdaman ko habang sinusuyuran namin ni Lelet ang aming mga dokumentong kailangan sa eskwela. May entrance exam kami sa isang araw. At pareho naming hindi maitago ang kaba.
Pagkagaling sa eskwela ay nauna na akong nagpunta sa AC. Nalula ako sa taas ng building. Nakahulma sa labas ng napakalaking pangalan ng kumpanya. Napangiti na lang ako dahil ito ang kumpanya ng Lolo.
Pinasamahan ako ni Tito Carlos sa kanyang sekretarya. Dinala niya ako sa Marketing Department at binigyan ng sariling cubicle at table. Bumaba pa si Tito para personal akong ipakilala sa mga empleyado.
“This is Briseis Royal Altamirano..I’m hoping you will coordinate with her and do not be afraid..” biro ni Tito.
Ngumiti ang ilan at iba ay tila kuryoso pa rin sa akin. At dahil sa apelyido ko, puro matatamis na ngiti ang natanggap ko. Nakipag-usap sandali si Tito sa Marketing Director. Sinusulyapan nila ako. Nag-iinit ang mga pisngi ko. Pakiramdam ko ay pinahahabilin ako sa kanya.
“Oh, do we have a new employee?”
Napalingon ako sa isang bagong dating na lalaki. Napansin ko rin ang pag-angat sa kanya ng tingin ng iba. Lalo na ng mga babae. Sa tangkad niyang iyon ay malabong hindi siya mabibigyan ng pansin.
“Sir Euric!” tawag sa kanya ng isang babaeng employee.
Pero ang paningin ng lalaki ay nasa akin. Pinasadahan pa ako ng tingin.
Saglit ko naman siyang pinagmasdan. Ang suot niya ay tamang pang-opisina naman. Kulay abong pantalon, puting longsleeves na nirelyo ang manggas hanggang siko. Ang suot na relos ay halatang mamahalin. Napansin kong ang damit ay humahakab sa kanyang hita at dibdib. Katulad kung paano yakapin din ang katawan ni..Quinn.
Tumikhim ako nang maalala siya. Umiling at winalis siya sa aking isipan ang mukha at katawan.
“Mr. Frago..” tawag sa kanya ni Tito Carlos. Nilapitan niya ako. Tinanguan naman niya ang tinawag na lalaki.
“Mr. Altamirano,” at binigyan na naman ako ng tingin. “Is she newly hired?” tukoy sa akin.
“She’s my niece, Euric. Briseis Royal Altamirano. She is the new office staff here in marketing..Royal, this is Euric Frago. Our one of the board of directors.” Sabi niya sa akin.
Nahihiya ko siyang nginitian at nagtaas ng kamay. “Nice to meet you po,”
Agad na kumunot ang kanyang noo. Pero nagawa ring ngumisi at tinanggap ang kamay ko. Naramdaman ko pa ang diin sa kanyang pisil.
“Nice meeting you, Ms. Altamirano. But why office staff?”
“Nag-aaral pa kasi siya at inihahanda sa ibang posisyon. She wants to know the organization and the company itself.”
“Oh. I see.” Muli ay tiningnan ako.
“Do you need anything here, Euric?” untag sa kanya ni Tito nang magtagal ang titig sa akin.
Tumikhim ito. “Actually, kakausapin ko lang si Karen,” tukoy niya sa kasalukuyang Marketing director.
Tumango si Tito. “Go ahead. Bago pa matunaw ang pamangkin ko.” taboy sa kanya nito.
Natigilan ako roon. Si Euric naman ay tumawa lang.
“Alright! See you, Briseis.” At sabay kindat pa sa akin! Abat...!
Nang makaalis ay napailing na lang si Tito. “Palipasin mo lang, hija. He’s a womanizer.” Mahinang sabi niya sa akin.
Hindi ako sumagot. Hindi naman ako interisado sa kung anuman.
Nang makaalis si Tito ay tila gusto kong sumama sa kanya. Mas naging tahimik ang department namin. Lalo pa at bukas pa makakapasok si Lelet. Magkatabi lang kami ng lamesa. Ang mga tao ay tila ilag pa sa akin pero nginingitian naman ako.
Ang unang pinagawa sa akin ni Ma’am Karen ay mag-sort ng file. At dahil nag-uumpisa pa lang ay matagal ko pa iyong ginawa. Halos tinambak nila ang ilalim ng lamesa ko.
Pero ayos lang din sa akin. Mamaya ay ite-text ko si Lelet at babalitaan.
Tumayo ako at pumasok sa pantry para sana kumuha ng tubig. Naabutan ko na roon ang dalawang babaeng nag-uusap at hindi na ako napansin. Sa likod nila ako pumunta dahil naroon ang water dispenser.
Hindi ko sila nililingon. Dahil umiiyak yata iyong isang babaeng may straight na buhok at inaalu ng katabi.
“Okay lang ’yan, Phoebe. Alam naman ng lahat na ganoon na ang ugali ni Sir Quinn,”
Natigilan ako. Inalis ko ang baso sa tapat ng dispenser. Inalon ang dibdib ko sa kaba nang marinig ang pangalang iyon.
Dito rin siya nagtatrabaho! Syempre! Ano ka ba, Royal. Nagugulat ka pa?
Napalunok ako.
Suminghap iyong babaeng umiiyak. “Hindi ba nila naisip na pinaghirapan ko rin ’yung presentation ko?! Ilang araw at gabi akong hindi natulog para matapos ’yon! Tapos..ganun-ganun na lang? Ni hindi nga ako pinakinggan no’n sa conference room! Napakasama ng ugali! He should have appreciated my effort to research atleast!”
“I know. Narinig ko ngang may pinatalsik na namang empleyado si Sir. Incompetent daw..kawawa naman..” malungkot na sabi ng katabi.
“He’s the real devil!”
“Relax ka na..”
Agad na akong umalis doon bago nila ako mapansin.
Pagkaupo ko ay nanginginig pa rin ang mga kamay ko. Ang puso kong humahampas sa aking dibdib ay tila nagwawala.
Pati ba naman dito ay hindi maganda ang tingin kay Quinn? Napabuntong hininga ako. Ako ang nasasaktan sa mga naririnig ko.
Sinundo ko si Lelet sa labas ng gate ng university niya. Ang dami niyang daldal sa akin. Pero hindi naman ako makasingit dahil naaamoy ko iyong binili niyang cheeseburger. Napapangiwi ako at halos masuka-suka sa amoy. Nang mapansin niya at tinitigan niya ako.
“Uy, okay lang ba? Bakit? Mabaho ba ako?” sabay taas sa mga braso at inamoy ang kili-kili.
Umiling ako. “Hindi ikaw. ’Yang dala mo, ’di kaya expired na? Mabaho na e.” Turo ko sa dala niyang plastic bag. Nang tinaas pa niya iyon at mas lumago ang amoy at napatakip na ako ng bibig.
Tumataas na ang maasim na likido sa aking lalamunan.
Namilog ang mga mata ni Lelet. “Ayos ka lang ba? Bagong luto kaya ’to..” sabi niya at pinasadahan ako ng tingin.
Pero nasusuka na talaga ako. Pinahinto ko ang sasakyan at dumukwang na lang sa pader na malapit sa akin. Doon ay binuhos ko ang nakain mula kanina. Sumakit ang lalamunan ko. Nasusuka pa rin ako kahit wala nang lumalabas sa akin. Kundi mapait na likido.
Hinagod ni Lelet ang likod ko. Inipit ang buhok ko at binigyan ng bottled water.
Nang mahismasan ay tila guminhawa naman ang pakiramdam ko.
“May sakit ka ba?” nag-aalalang tanong niya sa akin.
Umiling ako. At tinuro ang cheeseburger niya. “Naamoy ko lang ’yon, nasuka na ako. Baka expired na, Lelet.”
Tinitigan niya ako. “Sasama siguro ang pakiramdam mo kung makakain mo. Pero naamoy mo lang naman, Royal.”
Pinunasan ko ang labi pagkatapos magmumog. Nagkibit-balikat na. “Ewan ko. Basta ang sama ng amoy.”
“Dinatnan ka na ba?”
Kunot noo ko siyang tiningnan.
“Kailan ang huling period mo?” seryoso niyang tanong sa akin.
Napatitig ako sa kanya at ganoon din siya sa akin. Kailan nga ba ako huling humawak ng sanitary napkin..noon pang..
Noon pang bago kami magpakasal ni..Quinn..at..dalawang buwan na akong hindi dinadatnan..
Nanlamig ako. Natulos sa kinatatayuan.
“Sumakay ka na. M-may bibilhin lang ako.” kinakabahang sabi sa akin ni Lelet.
Sinundan ko siya ng tingin. Kinuha niya ang wallet sa bag at tinawid ang botika sa harap namin.