Chapter 18

3614 Words
Chapter 18 Royal Noong umagang iyon ay hindi ko alam kung paano lalabas nang hindi maaapektuhan ang reaksyon ko. Nararamdaman ko pa rin ang pamamaga ng paligid ng mga mata ko. Binisita ako ni Lola sa aking kwarto. Hindi ko inaasahan iyon kaya nadatnan niyang medyo magulo ang higaan ko. At ang sarili. Natakpan ko na lang ang mukha at sinabing namamahay ako at hindi agad nakatulog. Sinuri niya akong mabuti. Nanalangin na lang akong wala na sanang mapansin pa ang Lola ko. Sabay na rin kaming bumaba ni Lola. Sa mahaba nilang lamesa ay naroon na halos ang buong pamilya. Ako pa ang naninibago dahil sa masayang pag-uusap nina tatay at Tito Carlos. Kahit ang nanay at ang ma’am Andrea ay nag-uusap na rin. Sila pa nga ang naghanda ng almusal para sa lahat. At ang Don Eugenio..nakangiti ang mga mata habang nakatingin sa akin. Nginitian ko rin siya pabalik. Hinawakan ako sa kamay ng Lola, nang lingunin ko ay nasa mata niya ang kagustuhang lapitan ko ang Don. Tumango ako at ginawa iyon. Lumapit ako sa Don at nagmanong. “Magandang umaga, apo. Mahimbing ba ang tulog mo kagabi?” tinitigan niya ako. Tumikhim ako. Nahihiya akong tumingin ng deretso sa mga mata niya. Nilingon na rin kami ng iba. “O-opo, Don Eugenio.” Halos hindi na lumabas sa bibig ko. At dahil kasinungalingan lang naman. “Apo, dapat ay sanayin mo na ang sariling tawagin akong ‘Lolo’. Tama pala si Carlos na nahihiya kang tawagin kami. Apo kita.” Nasa tinig niya ang pagka-amuse sa akin at pagkatuwa na rin. “Siguro Papa ay mana lang kay Fonso. They are adjusting. Let’s give them time to adopt.” Nakangiting sabi ni Tito Carlos. Bumuntong hininga ang Don. “I undertand. Simulan na nating kumain. Nandito na ba ang lahat..” pinasadahan niya ng tingin ang mga nakaupo sa lamesa. “Maupo ka na, apo.” “Opo.” Sabi ko. Tumalima ako at tinungo ang upuan sa tabi ni nanay. “Nimpha, nasa taas pa ba si Quinn?” tanong ni ma’am Andrea sa mayordoma. Napalunok ako. “Tulog pa, Andrea. Mamaya na lang daw siya mag-aalmusal.” Sagot nito. Napailing si Tito Carlos. “’Yang lalaking ’yan talaga. Umuwi pa yata ng lasing kagabi. Siguro ay nagbabad sa Peyton.” Disgusto nitong litanya. Nagbaba ng tingin ang asawa niya. Ang Don naman ay bahagyang tumawa. “Hayaan mo na, Carlos. Mabuti nga ay bumalik din dito. Ilang araw siyang tumao sa hasyenda noong wala tayo.” Pagtatanggol ng Don. Napalingon ako sa labas. Iniisip kung tulog na tulog pa ba siya. “He’s not getting any younger, Papa. Iyong mga kaibigan niya mga may may-asawa na. Siya na lang ang napag-iiwanan. Kung anu-ano kasi ang pinagkakaabalahan sa manila. His music..women—” “Carlos!” tawag ni ma’am Andrea sa asawa. Mahina akong napasinghap. Nahihiyang sinulyapan kami ni ma’am Andrea. Tila humihingi ng pasensya sa nasabi ng asawa. “Hayan. Kakaganyan mo kaya lumaki ang ulo ng anak mo, Andrea. Dapat ay binigyan mo siya ng limitasyon kung hanggang kailan lang siya sa pagkanta-kanta niya. Pero kita mo ang nangyari, nagtayo pa ng sarili niyang recording company. May kikitain pa ba siya roon? When anyone can record their own music with computers. That’s a useless job!” “That was his dream.” Maikling sagot ng asawa. Napatitig ako kay ma’am Andrea. Gusto ko siyang lapitan at hawakan ang kanyang kamay habang nilalaban si Tito Carlos. “We have our own business. Kung magpapabaya siya ay malalamangan siya ng mga Frago. They are slowly seducing our board of directors. I heard of it!” “Stop it, Carlos. Nasa harap tayo ng pagkain.” Seryosong saway ni Don Eugenio. Mabigat na bumuntong hininga si Tito Carlos. Hindi na nasundan pa ang litanya sa asawa. Nagkatinginan na lamang kami nina nanay at tahimik na kumain. Nilingon ko ulit ang labas. Nalulungkot ako na ganitong uri siya kung pag-usapan ng mga magulang niya. Pero kung maaari ay gusto ko ring aluin ang nalungkot na si ma’am Andrea. Pagkatapos naming mag-almusal ay inaya agad kami ni Tito Carlos na libutin ang hasyenda Esperanza. Pinasakay niya kami sa sasakyan at inikot ang lupain. Pinapaliwanag din niya kay tatay ang iba’t-ibang bahagi at ang bawat tungkulin. At dahil sa kabilang hasyeda lang din kami namuhay ng ilang taon, hindi na rin iba sa tatay ang Azucarera at tubuhan. Maliban sa mas malaki ang sugar mill ng Altamirano. Mas malawak din ang tubuhan. Ang Esperanza business Park ang bago sa akin. Iyon ang hindi namin napuntahan dati ni Rita. Iyon na ang pinaka-commercialize na lugar dito sa bayan namin. Nag-expand na rin ng negosyo ang Altamirano at mayroong head office sa Mandaluyong. Ang Tito Carlos ang nag-suggest sa Lolo na pasukin ang Fuel and Oil business. At wala akong nakitang pagsisisi sa kanyang mga mata habang nagpapaliwanag dahil lumago rin siya sa sector na iyon. Pero pangunahin pa ring produkto ng Altamirano Corporation ay sikat na softdrinks. Kilala ko iyon at natikman na ang ilang variety. Sandamakmak ang mga nagbebenta no’n sa mga tindahan malapit sa amin. Pero hindi kami madalas na bumibili dahil ganoon din ang produkto ng Santiaguel. Dumaan kami sa Esperanza Clubhouse bago umuwi. Pumasok kami sa loob at sandaling nagpahinga roon. Wala na si William. Si Tito Carlos ay nagsalin ng brandy sa dalawang baso para sa kanila ni tatay. Habang si ma’am Andrea ay kumuha ng meryenda sa kusina. Pagbalik na hasyenda ay napili na lang namin nina tatay na maglakad. Ang Lola ay pinasakay ni Tito Carlos sa sasakyan para maiwasang mapagod, kasama ang nanay. Binaybay namin ang daang pamilyar na rin sa akin. Iyong puno..kung saan ako unang hinagkan ni..Quinn. Matalim na guhit ang naramdaman ko sa aking dibdib. Mabilis akong napailing na lamang. “Ilang taon ka na, hija?” biglang baling sa akin ni Tito Carlos. Bahagya akong nagulat. Tumikhim ako para makabawi sa lumulutang kong isipan. “Bente tres po,” Kumunot ang noo niya. “My son is nine years older to you. I guess, he can teach you about the organization in the company. I’m sure Papa will give you a position one of these days.” Bahagyang namilog ang mga mata ko. Napatingin ako kay tatay. “Pero..Kuya Carlos, sa tingin ko ay ’di na iyon kailangan. Ang anak ko ay..” “Don’t worry, Fonso. We will take care of your daughter. She’s my niece anyway. At may karapatan din siya sa kompanya. She can study abroad or here para mas lumawak pa ang kaalaman niya negosyo. My son can guide her.” Napatingin ulit ako kay tatay. Nilingon niya ako at bumuntong hininga. Pakiramdam ko ay may lihim na silang pagkakaintindihan ni Tito Carlos. Pero iyong ideyang maaari kong makasama si Quinn..para akong tinutugis ng konsensya. Wala sa sariling nag-angat ako ng tingin sa pangalawang palapag ng hasyenda—at tumigil ang pag-ikot ng mundo ko nang makita ko mula sa teresa ay matiim na nakatitig sa akin si Quinn! Walang damit pang-itaas at halatang katatayo lamang sa higaan. Magulong-magulo ang buhok at may lukot sa suot na boxer shorts na asul. Hawak sa isang kamay ay..isang kopita ng alak? Tinitigan ko pa ng maigi ang nag-iisang hawak niya. Tinaas niya pa iyon at sumimsim ng kaunti. Inumpisahan niya ang umaga na alak ang agahan at unang laman ng kanyang tiyan. Kung makikita siya ni Tito Carlos ay may sentimyento na ito sa anak. Nakahawak ang isang kamay niya sa barandilya. Hindi ako binibitawan ng titig kaya nagbaba na ako ng tingin. Ngunit alam kong sa bawat hakbang ay naroon ang mga mata niya. Kumakawala ang puso ko. Para makaiwas na masalubong si Quinn ay niyaya ko ang Lola na manood ng TV sa kwarto ko. Agad naman akong sinamahan ni Lola, lalo pa at oras na ng kanyang siyesta. Pero bago pa man din kami makaakyat ni Lola ay tinawag kami ni Don Eugenio at niyaya sa kanilang TV room. Nagkatinginan kami ni Lola. May ganoon pa rito? Nasa ibaba ang tinatawag nilang TV room. Dinala kami ni Nimpha at pinagsilbihan pa. Mas malaki pala ang TV doon at nakasabit sa dingding. Mahaba ang sofa na nakaharap sa TV. Pila-pila ang mga bala ng pelikula sa isang estante. “Pumili ka kung anong gusto mong panoorin, apo.” Nakangiting aya sa akin ni Don Eugenio. Sinundan na rin niya kami at tulak-tulak ng kanyang personal nurse. Nahihiya naman akong tumango sa kanya. Lumapit ako roon at pinasadahan ng tingin ang mga pelikula. Pero karamihan ay hindi ko kilala. Tatawagin ko sana si Lola para tulungan ako pero nakita ko na siyang nakatingin sa isang kuwardro ng litrato. Sa kanyang tabi ay ang Don. Nakangiti at may ningning ang mga mata. Natigilan ako at tinitigan silang dalawa. Mabibilang ko sa aking mga daliri ang pagkakataon na magkasarilinan silang dalawa. Oo nga pala at anak nila si tatay. Naging magkarelasyon din sila. Nalaman namin lahat na nagkaanak sila pero hindi namin alam ang kanilang istorya. Hinawakan ni Don Eugenio ang kamay ni Lola Mila. Napatitig ako roon. At tiningnan ang kanyang mga mata. Nakatingala sa Lola ko. Tila may bumundol sa dibdib ko nang makita ko iyon sa kanya. Ang mga tingin niya ay hindi naiiba sa mga tingin ng Lolo Pepe sa Lola Mila. Pareho ng intensidad at ningning. Ibig sabihin, sa kabila ng mga dekadang nagkahiwalay sila ay mahal pa rin ni Don Eugenio ang Lola Mila ko? At hindi nagbago. Pero bakit sila kailangang magkahiwalay? Mga lumang dahilan ang naiisip ko. Na maaaring baka dahil mahirap lang ang Lola at mayaman ang Don. Mas mayabong siguro ang ganoon rasyon noong panahon nila. Bumuntong hininga ako at nilayo na ang tingin sa kanilang dalawa. Na mukhang may pinag-uusapan na. At muli kong pinasadahan ng tingin ang mga DVDs. Naaagaw ang paningin sa isang bala. May nakadikit doong tape at sinulat lamang ang title. Demetria & Carlos Altamirano – ’77 Hindi lamang iyon nag-iisa. May kasunod pa at mayroon ding year. Demetria..siya siguro ang Mama ni Tito Carlos. Nilingon ko ulit sina Lola. Binaba na niya ang picture frame sa dati nitong pwesto. Saka ko lang nakita ang litrato ng isang matandang babae doon. Nakataas ang buhok at prominente ang postura. Siguro ay siya iyon. *** “Rita!” tawag ko sa kilalang kasambahay ng hasyenda. Papaakyat na ako nang makita ko siya. Napansin ko ang dala niyang maliit na transparent box. Nakita ko ang mga laman no’n. May bulak, gasa, betadine. Kumunot ang mukha ko. “Sinong may kailangan niyan?” Bahagya siyang napangiwi at sumulyap sa taas. “Kay Ser Quinn po, Mam Royal. Maglilinis po yata ng sugat niya. ’Yung nasa tagiliran niya po..” Nawala ang kunot ng noo ko at wala sa sariling napatitig sa kanya. “Gano’n ba..” “Opo, mam. Sige po. Akyat ko lang po ito.” paalam niya. At nauna nang umakyat sa hagdanan. Ilang sandali pa akong tumayo roon. Tumitibok ng malakas ang dibdib ko. Hindi pwede, Royal. Pigil ang sarili ay umakyat na rin ako. At sa pinakadulo ng pasilyo ay naroon ang kwarto ni Quinn. Nakabukas ang pinto. Kinuyom ko ang mga kamao at pinatigas ang isipan at mga paa upang hindi tumungo roon. Tandaan mo, Royal, mababalewala ang pagrerenda mo sa sarili kung hindi mo pipigilan ang puntahan siya. Parang bombang napipintong sumabog si Quinn at kung pupuntahan mo ay mabubutas iyon. Masasaktan silang lahat. Ang dalawang matanda. Napapikit ako at isang beses na humakbang. Gusto ko lang siyang tulungan..pero baka iba ang gawin niyang pag-intindi kung tutulungan mo. Lalo na kung hahawakan mo siya. O kung sa isang dantay lamang ng mga balat ninyo ay bumigay ka. Kinagat ko ang ibabang labi. Malaki na siya. Kaya na niyang alagaan ang sarili niya. Hindi niya kailangan ng tulong galing sa pinsan niya! Tila sinundot ang dibdib ko nang pumasok iyon sa isip ko. Kaya mabilis akong tumalikod na at nilandas ang sariling kwarto. Dama ko ang dibdib at umupo sa gilid ng kama. Malalim akong bumuntong hininga. Magadang hakbang na ito para makalayo sa kanya ng tuluya—natigilan ako nang marinig ang nagre-ring na cellphone. Iyong cellphone niya! Agad ko iyong kinuha sa bag na dala ko. Nasa ilalim iyon ng kama at nang nabuksan ko ay hinalukay ko sa bulsa ang tumutunog na cellphone. Nag-register sa screen ang pangalan niya. Nilingon ko ang pinto. Bakit siya tumatawag? “H-hello..” sagot ko sa linya. “I need help..” mabagal at mahina niyang boses. Kinabahan ako. “Bakit? Anong nangyari?!” Hindi siya sumagot at mas narinig ko pa ang malalim niyang hininga na para bang nahihirapan. “I..need help..” ulit niya. Mabilis akong tumayo at lumabas ng kwarto. “Papunta na ko!” sabi ko. Pero kahit naglalakad na ako sa labas ay nasa tainga ko pa rin ang cellphone. Naabutan kong nakabukas pa rin ang pintuan. At nasa loob pa rin si Rita, nakatayo sa tabi ng pinto. Nakatingin sa pintuan si Quinn na parang hinihintay akong pumasok. Lumapit ako sa kanya at binaba ang cellphone. “Anong nangyari? Dumugo ba ang sugat mo?!” nag-aalala kong tanong sa kanya. Nakaupo siya sa gilid ng kama at katabi ang box na dala sa kanya ni Rita. Binaba niya ang cellphone. Hinagalap ko ang sugat niya, tinaas ko pa ang T-shirt niya..may benda pa naman iyon. “Ano bang nangyari?” tanong ko ulit. Nilingon niya si Rita. “Sige na, Rita.” Natigilan ako at nilingon din si ang kasambahay. “Dito ka lang, Rita!” binalik ko ang tingin sa kanya. “Sagutin mo nga ko!” naiinis ko nang sabi sa kanya. Tiningala niya ako. Walang emosyon ang mukha maliban sa pagtaas ng sulok ng labi. “I need someone to help me here..” sabay turo sa sugat. Napamaywang ako. “Hindi ba ’yan kaya ni Rita? Kung tutuusin kaya mo ring linisan ’yan.” Nagkibit-balikat siya. “I can’t.” Tinitigan ko siya at napailing. “Akin na..!” padabog kong binuksan iyong box at kinuha ang bulak at betadine. “Para kang bata..” bulong ko. Trenta y dos na siya hindi ba? Pero kung umasta parang batang may sumpong. Pinatakan ko ng gamot ang bulak. Tinaas niya ang damit, “You can leave, Rita.” utos niya ulit. “Dyan ka lang, Rita!” pigil ko sa kanya. Napakamot sa kanyang batok si Rita. Litong-lito ang mukha kung sino susundin sa aming dalawa. Matalim ko siyang tiningnan. “Tanggalin mo na ’yang gasa,” sabi ko. Sinunod niya naman ako at dahan-dahan na tinuklap ang puting tape roon. Halos mapangiwi ako nang makita ng sugat. May tahi. Napalunok ako at nanginginig na mga kamay kong dinampi ang bulak. Kaya lang parang hindi sapat iyon na malinis. Kaya binaba ko ang bulak, sinudan niya lang ng tingin ang mga ginagawa ko. Inabot ko ang agua at binuhos ko iyon sa sugat niya. Bumula ang gilid-gilid pagkatapos. Pinunasan ko ang paligid at ang dinaanan ng likido pababa. At nang bumagsak iyon sa baywang niya..hindi ko na sinundan pa. Ang tyan niyang malayang nakikita ng mga mata ko ay sobra-sobra nang hirap sa akin. Mali ito. Mali! Pero may mali ba sa simpleng paglilinis ng sugat? Nang matapos ako ay binigay ko na kay Rita ang susunod na gagawin. Iniwan ko na sa tabi niya ang mga pinaggamitan namin. At sinusundan niya ako ng titig. “Ikaw na ang..bahala, Rita. Babalik na ako sa kwarto ko.” hindi ko nagawang lingunin siya. Iniwas ko kaagad ang kamay nang tangkain niya akong hawakan. Hindi na ako lumabas ng kwarto at nakatulugan na ang hapdi sa dibdib. Naalimpungatan ako nang marinig ang mahihinang katok sa pinto. Noong una ay tinitigan mo ko muna ang pintuan at pinakinggan ulit kung totoo ngang may kumakatok doon. At kumpirma ko iyon nang may kumatok ulit. Bumangon ako at nilapitan ang pintuan. Nila-lock ko na ang pinto mula nang..mangyari iyon. Natatakot na ako. Hindi ko na binuksan ang ilaw. “Sino ’yan?” tanong ko. Hinawakan ko ang doorknob pero hindi ko binuksan hanggang sa hindi ko alam kung sino ang nasa labas. At sa ganitong oras pa. “Babe..it’s me.” Namilog ang mga mata ko. Dumagundong ang dibdib ko nang marinig ko ang boses niya. at napapaso kong binitawan ang doorknob. “A-anong kailangan mo..” Pakiramdam ko ay nakadikit pa siya pinto. Dahil tila tumatagos sa gilid ang kanyang boses. Malalim at tila pagod. “Buksan mo ’tong pinto, please.” Pakiusap niya. Iyong pakiusap na tila..naiiyak. Na tila..lasing. Umiling ako. “Hindi, Quinn. Gabi na. Bumalik ka na sa kwarto mo.” Tumalikod ako. Ang tingin ko ngayon sa pinto ay siya. “Babe please..I miss you so f*****g much! Hindi mo ba ’yon nakikita? I miss you so much!” Napapikit ako. “Umalis ka na dyan at baka magising mo sina tatay..!” “Babe please..maawa ka naman sa akin.. ’wag mo kong pahirapan..” “Ako ang pinapahirapan mo! Lapit ka ng lapit! Sinabi ko na sa ’yong hindi pwede!” kumakawala na ang damdamin ko. “Gusto lang kitang makausap...makita..” “Ayoko! Ayoko sa ’yo!” Napaigtad ako ng suntukin niya ang pinto. “Quinn ano ba!” “Then open this f*****g door! I want to see you!” Binagsak ko ang mga balikat. Ano ba ang dapat kong gawin sa ’yo? Ano.. “I swear, maririnig nilang lahat ang sasabihin ko kapag hindi mo ’to binuksan, Royal.” Napaawang ang labi ko nang magbanta na siya. Nasa boses niya ang panggigigil. At agad na bumalong ang luha sa aking mga mata. “Don’t try me, Royal.” Ulit pa niya. Napaiyak na ako. Dahil kung hahayaan ko siya..nakikita ko na ang magiging reakyon nina tatay, ni nanay, ang lola at ang Don Eugenio. Bakit hindi niya naiisip ang dalawang matanda? “Pakiusap, Quinn. Ayoko na sa ’yo. Hindi na kita gusto..hindi kita m-mahal!” kinagat ko ang ibabang labi. Mas maganda na ito. Mas okay ito. Tama ito. Muli akong napaigtad nang suntukin niya ang pinto. Tinakpan ko ang labi upang hindi makagawa ng hikbi. I’m sorry, Quinn. Ilang sandali pa ay wala na akong ingay na narinig. O kahit ang presensya niya ay hindi ko na naramdaman pa. Siguro ay umalis na siya. Pero paano bukas? Paano ko na naman siya iiwasan? Paano kung maulit pa ito at magmakaawa? Nauubos din ako at napapagod. At baka mamanhid ang isip kakataboy sa kanya. Bakit kasi.. *** “Magandang umaga, Mam Royal!” Nasilaw ako sa sinag ng araw nang hawiin ni Rita ang kurtina. “Ano’ng oras na?” minamalat kong tanong sa kanya. “Mag-aalas nuebe po, Mam Royal. Ayaw pa po kayong pagisingin ng Lolo niyo pero—” Bigla akong napabangon. “Alas nuebe na?!” nilingon ko ang alarm clock na nasa tabi ng kama. Mag-aalas nuebe na nga! Tinanggal ko ang kumot at halos talunin ko ang kama. Sabay deretso sa banyo at mabilis na naligo. Nahihiya ako sa may-ari ng hasyenda at tanghali pa ako nagising. Bakit naman hindi ako dinaan nina nanay para gisingin na rin? Nakakahiya kina Don Eugenio at Lola Mila ko. Hindi ko na inalala pa ang damit na suot at basta na lang lumabas ng banyo. Si Rita ay inayos na ang kama ko, “Salamat, Rita.” sabi ko at hinagilap ang hair brush. “Walang anuman po, Mam Royal. Iaakyat ko po ba ang agahan niyo?” tipid at tila pilit niyang ngiti sa akin. “’Wag na. Bababa na lang ako. Nasa labas na ba ang mga magulang ko?” pinagpatuloy ko ang pagsusuklay. “Nasa azucarera po. Ang Lolo at Lola niyo naman po ay nagpunta sa club house p-pagkaalis ni Ser Quinn..” Natigilan ako sa pagsuklay. At walang-kurap ko siyang nilingon. “Saan siya nagpunta?” Huminto sa ginagawa si Rita at pinagsalikop ang mga kamay. “Sa maynila na po, Mam Royal. Kasama po niyang umuwi roon ang parents niya. Sa head office po nagpalipat si Ser..” Bumagsak ang mga balikat ko. Maganda na ito. Mas mapapadali ang lahat kung aalis siya at malayo. Ito naman ang gusto ko, ’di ba? Napasinghap ako. Ito ang tama. Dapat ay walang pagsisisi. At nasabi ko na sa kanyang hindi ko siya..mahal. Paglabas ko ng kwarto ay tiningnan ko ang pinto ng kwarto niya. Isang sulyap mula sa malayo. Taas-noo kong inalis din ang mga mata roon. Bumaba ako at kumain. Pero ang panlasa ay tila namayapa na rin. Hindi ko alam kung paano ko naubos ang inihanda sa akin ni Rita at Nimpha. Wala pa akong kasabay. Nagpasalamat pa rin ako pagkatapos. Nilakad ko ang daan patungong club house at pinuntahan doon ang Lola Mila at si Don Eugenio. Sa labas ko na sila naabutan ay nagtsatsaa. Kinawayan ako ni Don Eugenio at matamis na nginitian. Tinawag ako at pinaupo sa kanilang tabi. Sa kabila ng kalungkutan ko ay pinakita kong maayos ang lahat at walang bahid ng problema. Ngumingiti at nakipagpalitan ng jokes sa kanila. Napakahaba ng araw. Bakit kaya mas nararamdaman mo iyon kapag malungkot ka? Ang tagal lumubog ng araw. Sana gumabi na lang ulit para makapag-isa ako sa kwarto. Dahil sa luhang umaakyat sa mga mata ko. Napatingin ako kay Don Eugenio nang hawakan niya ang aking kamay. Nginitian niya ako. “Apo, alam kong sa malayo pa lang ay nakita ko nang malayo rin ang iniisip mo.” Makahulugan niyang sabi sa akin. “P-po?” bahagya akong nagulat. Bumuntong hininga siya. At tumingin sa labas. Na ang tanawin ay ang damo at mga puno. “Noong unang beses kong nakita si Milagros..umibig na ako sa kanya. Hindi ko siya tinantan at sinuyo..” bigla niyang kwento sa akin. Napayuko ako. May kakilala akong ganyan din ang determinasyon. Mapait akong ngumisi. “Nagka-long distance love affair din kami, alam mo ba ’yon?” Napaawang ang labi ko. Habang siya ay tumawa sa alaala. “Nagpapalitan kami ng sulat ni Milagros. Walang oras o araw na hindi ko siya naiisip. Kung maaari nga lang na isama ko siya sa bagahe ko ay ginawa ko na..” huminto siya at nanatiling nakangiti. Tinatanaw ang kabataan na para banng kahapon lang iyon nangyari. “Nagbalak na kaming magpakasal ni Milagros bago pa mamatay ang Papa ko. Magulo noon at ni wala ako sa sarili, napabayaan ko ang Lola mo. Pero sa isip at puso ko..siya lang ang babaeng mahal ko..hanggang sa mawala siya sa akin. Hinabol ko siya ngunit hindi ko na siya nabawi pa..” Malungkot ang ngumiti. “Dahil sa Lolo Pepe.” dugtong ko. “Kung hindi niya minahal si Milagros, kahit kasal pa silang dalawa ay babawiin ko ang Lola mo. Pero hindi e..ang pag-ibig niya ay katulad ng sa akin. Dumating sa buhay ko si Demetria. Sa kanya ko binuhos ang dapat sana ay kay Milagros. Hindi naman ako nagsisi dahil naging maligaya rin ang pagsasama naming dalawa..” Mahal nila ang isa’t-isa, pero hindi pa rin sila sa huli.. binalikan ko ang Lolo Pepe.. Malalim na bumuntong hininga si Don Eugenio. “May nabasa nga ako..may mga taong pinagtatagpo para mag-ibigan pero hindi tinadhana ng langit. Ganoon siguro ang nangyari sa amin ni Milagros. Nandito kami para kay Ildefonso pero hindi kami para isa’t-isa dahil mayroon pang nakalaan na iba. Natutunan ko lang din tanggapin sa huli.” Nilingon niya ako at nginitian. Bumalong ang luha sa aking mata. Malungkot ko siyang nginitian. Matutunan ko lang din tanggapin..sa huli.. binalik ko ang tingin sa mga puno. Ito pala ang totoong unang hakbang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD