Alwena
"Yey!! Thank you, Mama! Ang sarap neto!"
Tuwang-tuwa ang anak ko nang maiabot ko na sa kanya ang supot ng jollibee na naglalaman ng spaghetti and fries. 'Yan lang naman ang paborito niya doon.
Dito ko na lang inilabas sa bahay matapos ko siyang kunin sa ate ko dahil fries lang ang naibigay ko kay Niko. Kulang na kulang na ang pera ko at sinimot-simot ko lang ang barya mula sa mga bulsa ng bag ko upang maibili siya niyan.
Sigurado naman kasi na iiyak siya kapag pinaghati ko pa sila ni Niko.
"Wala bang kiss si Mama?" Ipinatong ko sa silya ang bag ko at saka lumapit sa kanya.
Inuumpisahan na niyang kainin ang spaghetti sa sarili niyang maliit na mesa na may maliit ding upuan. Sakto lang para sa kanya.
"Uhmnn.." Kaagad siyang lumapit sa akin habang tumutulis ang nguso na napupuno na ng spaghetti sauce.
Humalik siya sa lips ko kaya nalipat sa akin ang spaghetti sauce sa mga labi niya.
"Ang sarap naman," nakangiti kong sabi habang pinanggigigilan ang pisngi niya.
"Gusto mo po, Mama?!"
"Tikim lang ako, anak." Mabilis siyang tumakbo sa pagkain niya at sumalok ng spaghetti gamit ang disposable fork. Kaagad din siyang lumapit sa akin at isinubo sa bibig ko ang piraso ng spaghetti.
"Sarap?!"
"Hmmnn...masarap."
Napapalakpak siya sa sobrang tuwa.
"Kumain ka ba kila Tita?" Tumayo na ako at pumasok sa silid namin.
Napakaliit lang naman ng apartment na ito at wala kaming gaanong gamit. T.v lang talaga ang pinagtuunan kong bilhin para may libangan kahit papaano ang anak ko.
"Opo!"
"Anong kinain mo do'n?" Hinubad ko ang lahat ng damit na isinuot ko sa maghapon at nagtapis lang ng tuwalya sa katawan.
"Rice and fish po! Tapos may gulay pa. Tapos may ... may karne pa."
"Wow. Masarap 'yon ah. Marami ka bang kinain?" Muli akong lumabas ng silid at nagtungo sa lababo upang magtingin nang makakain.
"Opo. Inagawan pa nga ako kuya Niko eh! Ang damot-damot!" Siguradong nagkakandahaba na naman ang nguso niya habang kumakain sa likuran ko.
May nakita pa akong kaunting kanin sa rice cooker. Mabuti na lang at hindi nasira. Nagluto na lamang ako ng lucky me beef at nilagyan ng isang itlog.
"Ang bango niyan, Mama! Penge po ako, ah?!" Mabilis siyang lumapit sa akin habang bitbit ang pinaglagyanan ng spaghetti na ngayon ay wala ng laman.
Tinanaw ko ang mesa niya na malapit sa pinto at nakita kong naroroon pa ang supot ng fries na mayroon pang laman.
"Baka naman sumakit na ang tiyan mo, anak. Marami ka nang nakakain." Inilipat ko na sa isang malaking mangkok ang lutong noodles with egg at doon na rin inilagay ang kaunting kanin bago ko inilipat sa mesa.
"Gutom pa 'ko eh," nakanguso niyang sagot kahit ang tiyan niya ay nanlalaki na.
"Huwag ako, anak. Ang laki na ng tiyan mo. Naghalo-halo na ang laman niyan."
"Tatae na po ako, Mama para mawala na sila." Bigla naman akong natawa sa sinabi niya.
"Ikaw talaga. Sige, pero kaunti na lang, ha?"
"Yey!!! Opo! Hmmnn..sarap!" Nilanghap niya ang mabangong amoy ng noodles at napapalakpak pa siya sa sobrang tuwa.
Masaya pa rin kaming naghapunan na may kasamang kulitan.
Kahit pagod mula sa labas, makita at makasama ko lang ang anak ko ay madaling gumiginhawa ang pakiramdam ko.
MATAPOS naming kumain ay sabay kaming naglinis ng mga katawan namin upang presko ang pakiramdam namin bago matulog.
"Kwento ka po ulit, Mama," ungot ng aking anak kasabay nang pagyakap niya sa akin.
Kasalukuyan na kaming nakahiga sa isang katre na pinatungan ko lamang ng hindi kakapalan na foam. Para lamang hindi manakit ang likod ng anak ko ay nangutang pa ako sa bombay.
Awa ng Diyos ay natapos ko rin hulugan kahit napakamahal ng tubo nila.
"Ano naman ang gusto mong kwento?" Niyakap ko siya at hinagkan sa noo.
"Yong tungkol po ulit sa Prinsipe at sa Prinsesa na tumakas sa kaharian. Ano na pong nangyari sa mahal na Prinsesa? Saan na po siya tumira?"
"Ang mahal na Prinsesa ay tumira sa lugar na napakaraming tao."
"Bakit po? Ayaw ba niya sa bundok?"
"Sa tingin kasi ng Prinsesa ay hindi kaagad siya mahahanap kung sa lugar na maraming tao siya titira kasama ng mga taong hikahos sa buhay."
"Pero mayaman 'yong Prinsipe. Marami siyang kawal!"
"Marami pero sa tingin ng Prinsesa ay hindi rin naman siya ipinahanap ng mahal na Prinsipe dahil wala itong nararamdaman na pagmamahal para sa Prinsesa."
"Kawawa naman ang Prinsesa." Ramdam ko ang lungkot sa tinig ng anak ko.
"Pero naging masaya pa rin ang Prinsesa noong malaman niyang nagdadalang-tao siya."
"Dadalantae?!" sigaw niya kasabay nang pagtingala niya sa akin.
"Nagdadalang-TAO, anak. At saka, huwag kang sumigaw. Maririnig tayo ng kapitbahay."
"Hmn...Ano po ba 'yon?" Muli siyang umayos nang pagkakahiga at yumakap sa akin.
"Ang ibig sabihin ay buntis ang mahal na Prinsesa."
Kaagad namang namilog ang mga mata niya at muling tumingala sa akin.
"Di ba po, baby ang laman ng tiyan?"
"Aha. May baby sa tiyan ng Prinsesa at iyon na lamang ang naging dahilan niya upang magpatuloy sa buhay kahit wala ang mahal niyang Prinsipe. Nakaya niya itong ipanganak ng mag-isa at nakaya ring buhayin ng mag-isa. Dahil tanging ang anak na lamang niya ang mahalaga para sa kanya."
Napayuko ako sa aking anak at nakita kong nakapikit na ang mga mata nito at lumalalim na rin ang paghinga niya.
Napangiti na lamang ako at hinagkan siya sa noo.
"Gagawin ng Prinsesa ang lahat-lahat para sa kanyang munting anghel...dahil ito lamang ang tanging kayamanan niya."
Napahinga na lamang ako ng malalim bago ipinikit na rin ang aking mga mata.
KINABUKASAN ay muli kong iniwan sa ate ko si Charleigh para muling balikan ang agency na siyang may hawak sa akin.
"Ma'am, sige na po. Baka naman po mayroon pa."
"Pasensya ka na pero wala pa talagang bakante sa ngayon. Kahapon ay ipinadala ko na sa ibang company ang mga kasama mong applicant kahapon at natanggap na sila doon."
"Makikipagpalit na lang po ako, Ma'am."
"It's not that easy 'cause they've already signed a contract and it's been passed on to the head. If you want you can just wait until next month when there's already a vacancy."
"Next month?" Pinigilan ko ang mapasigaw.
Mangiyak-ngiyak na ako sa harapan ng babaeng ito at halos magpapadyak na ako sa inis!
Hindi na ako nakipagtalo pa. Lumabas na lamang ako ng agency at muling inayos ang mga kopya ng mga requirements ko.
"Kung ayaw nila akong ilipat, eh 'di mag-a-apply na lang ako sa iba! Hindi lang sila ang agency, no! Maraming hiring dito sa buong Pilipinas!" inis kong sigaw dito sa gilid ng kalye habang naghihintay nang masasakyan.
Siguradong hindi na maintindihan ang hitsura ng mukha ko ngayon at lahat nang nakakasalubong ko ay iniismiran ko. Wala akong pakialam kung magalit kayo! Hindi ko naman kayo kilala!
Sinuyod ko ang lahat ng agency sa lugar na malapit sa una kong ina-apply-an ngunit iisa ang lahat ng kanilang naging sagot sa akin.
"WALANG BAKANTE! B'WISIT!" sigaw ko pagkalabas ko ng huling agency kong pinasukan.
Napalingon sa akin ang gwardya pero umismid na lamang ako sa hangin at saka nagmartsa paalis.
"Imposible namang walang bakante sa sampong agency na 'yon? Ang alam ko, marami silang hawak na kumpanya. Paano magiging bakante?!"
Bigla akong natigilan. Hindi kaya may kinalaman ang anak ng tipaklong na Delavega na 'yon?
"Haayst! Humanda talaga siya sa akin kapag nalaman kong siya ay may pakana nito! Ayoko nang bumalik sa kanya! Manigas siya!"
"Miss, sayang ka. Ang ganda mo pa naman." Bigla akong napalingon sa mamang dumaan sa harapan ko sakay ng kanyang bisikleta.
Sinamaan ko siya ng tingin. Siya naman ay nakangisi habang habol-tingin pa rin sa akin.
"Malas mo kapag nabangga ka," bulong ko sa sarili ko at tangka na sana akong tatalikod nang bigla ngang sumemplang si manong sa gutter ng kalsada.
"Ayown. Bullseye! Hmp." Sa tingin ko ay hindi naman siya gaanong nasaktan kaya tumalikod na ako at naglakad na lamang dahil mauubos na rin ang pamasahe ko.
Nakarating ako sa palengke ng Pasig at nagmasid-masid sa paligid. Hapon na at napagod na ako mula sa kalalakad at kakahanap nang mapapasukang trabaho sa buong maghapon. Ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin akong napapala!
Kahit maging tindera na lang muna kaya ako pansamantala habang nag-a-apply sa medyo mataas-taas na sahod? Pagtityagaan ko na lang muna siguro ito kaysa sa wala.
Mahirap umasa na lamang sa direct selling na pahirapan maningil.
May natanaw akong tindahan na may nakasabit na karatula.
"Ayown, wanted saleslady daw. Chance ko na 'to."
Nagmadali ako sa paglalakad ngunit bago ako makalapit ay may natanaw akong dalawang lalaking pumasok doon. Saglit lang at kaagad din silang lumabas at umalis.
"Magandang hapon po," bati ko sa Ale na nasa loob, na sa tingin ko ay nasa kwarenta'y anyos na.
"Anong kailangan mo, Iha? Bibili ka ba?" tanong niya habang inaalis niya ang karatulang nakasabit na may nakasulat na wanted Saleslady.
"Ahm, a-available pa po ba 'yan, Nanay? Gusto ko po sanang mag-apply bilang tindera. Magaling po ak--"
"Wala na. Sa iba ka na lang maghanap."
"Po? Eh 'y-yan--"
"Bingi ka ba?!" biglang sigaw niya sa akin at inis na pumasok sa loob dala ang karatula.
"Eh, hindi po. Ba't kayo nagagalit? Para nagtatanong lang eh. Hmp."
Umalis na lamang ako at muling nag-ikot-ikot sa buong palengke.
Nasa walo yata ang nakita kong may nakapaskil na wanted tindera ngunit tuwing lumalapit na ako ay inaalis na nila ito at samo't saring dahilan ang mga narinig ko mula sa mga may-ari.
Nakalimutan lang daw nilang alisin, nagbago na daw ang isip nila, may natanggap na daw sila, bawal daw ang maganda, lalaki daw talaga ang hanap nila.
Ano ba talaga? Parang nananadya na ang mga 'to, ah?!
Inabot na ako ng gabi sa kahahanap ng trabaho.
Minabuti ko nang umuwi ng bahay dala ang kalahating kilong galunggong. Walang nangyari sa maghapon ko at lahat sila ay ayaw akong tanggapin!
Humanda ka sa akin, Delavega! Sigurado akong ikaw ay may pakana nito!
KINABUKASAN
"Mama, namatay ang t.v!"
"Ha? Anong namatay?" Bigla akong napalabas ng banyo dahil sa napakatinis na boses ng anak ko. Kasalukuyan akong nagkukusot ng mga hinubad naming damit kanina matapos naming maligo.
"Nonood akong Dora, Mama eh!" Nagpapadyak sa sahig ang anak ko habang hawak ang remote control.
"Sandali, anak. Baka naman brownout lang." Ilang beses kong binuhay-patay ang switch ng ilaw ngunit hindi gumana ang bombilya namin sa kisame.
Lumabas ako para tingnan ang kapitbahay ngunit naririnig ko naman ang malalakas nilang sound system at tanaw ko ang nakabukas na t.v nila Tinay mula sa nakabukas nilang pinto.
"Mamaa! Tapos na 'yong Dora!" nagsimula nang umatungal ang anak ko kaya naman natataranta ako.
"Sandali, anak. Titingnan ko ang metro natin sa labas. Wala pa naman tayong disconnection, ah."
Nagmadali akong lumabas ng apartment at nagtungo sa labasan dahil ang kinatitirikan naming apartment ay pangatlo sa bilang mula sa tabing kalsada.
Natanaw kong may dalawang lalaki ang naroroon na mukhang pamilyar. Hindi ko lang matandaan kung saan ko sila nakita pero kapwa din sila nakasuot ng uniform ng meralco.
"Kuya, ano 'yan?"
"Nagpuputol, Ma'am," sagot ng isa. Ang isa naman ay abala na sa pagla-lock ng metro ko.
"A-Ano? P-Pero wala pa naman kayong ipinapadalang disconnection sa akin, ah." Pansin kong nag-iwas sila ng tingin sa akin at bahagyang tumalikod.
"Ma'am, n-nagpadala na po ang opisina sa inyo. B-Baka nakaligtaan niyo lang at saka tatlong buwan na po kayong hindi nakakabayad."
"Alam ko pero hinihintay ko pa ang disconnection ko!" inis kong sagot sa isa.
"Magpunta na lang po kayo sa branch, Ma'am." Kaagad na akong tinalikuran ng dalawang anak ng kuwago.
Aba, mga walanghiya!
"Mamaaa!!!" Napalingon ako sa anak ko na nagpapapadyak pa rin sa labas ng apartment namin. Mabilis akong naglakad pabalik.
"Anak, may pupuntahan lang si Mama. Doon ka na lang muna kila Tita manood, ha."
Kinuha ko lang ang wallet at susi ng bahay at saka ko ito isinara.
Binuhat ko si Charleigh at inihabilin ko munang muli sa ate ko. Kaagad din akong umalis.
Imbes na sa Meralco ako magtungo ay dito ako dinala ng mga paa ko sa C.D Building.
"Ma'am!" Gulat na sinalubong ako ng mga gwardya.
"Kakausapin ko lang ang boss niyo!" Dire-diretso akong pumasok ng gusali.
"Ma'am, n-nasa meeting po si Sir." Hinabol nila ako at imbes na mag-elevator ako ay tinakbo ko na ang hagdan.
Mabuti na lang at nasa third floor lang ang opisina niya kaya hindi ako mahihirapan.
"Ma'am, sandali lang po!"
Mas binilisan ko pa ang pag-akyat ko sa hagdan. Muntik pa akong madulas dahil basa pala ang suot kong tsinelas, maging ang mga binti ko!
"CHLOE!!" sigaw ko kaagad pagpasok ko ng unang pinto. Bumalot sa katawan ko ang lamig ng paligid at pakiramdam ko ay mas matindi ngayon ang lamig.
Porket marami silang pambayad ng kuryente!
Kaagad din akong nakapasok sa pangalawang pinto habang nararamdaman ko ang pagsunod ng mga gwardya sa likuran ko.
"Ma'am! Sandali lang po!"
"Chloe, lumabas ka d'yan!"
Nagsitayuan ang lahat ng mga empleyado at mga nakangangang tumunghay sa akin.
"Ano?! Ngayon lang ba kayo nakakita ng artista?! Ilabas niyo ang sira-ulo niyong amo! Malaki ang atraso niya sa akin!" Nagtuloy-tuloy ako sa paglalakad sa hallway at lahat naman sila ay halos lumuwa ang mga mata sa pagtitig sa akin.
Nasa gitna pa lamang ako ay kaagad ko nang natanaw ang pagbukas ng isa sa mga pinto sa dulong bahagi at sa tingin ko ay nasa sampong businessman ang lumabas doon, isa na nga ang antipatikong Delavega.
"Ma'am! Naku, mayayari tayo nito," dinig kong saad ng mga gwardya sa likuran ko.
"Akala ba ng magaling niyong amo ay aatrasan ko siya?!"
Dahil sa ingay namin ay napalingon na sa amin ang grupo ng mga businessman at sabay-sabay napanganga habang nakatitig sa akin.
"Wena?" Maging si Chloe ay bakas ang pagkagulat at halos lumuwa ang mga mata sa pagtitig sa akin.
"Hoy, lalaki! Alam kong ikaw ang may pakana kung bakit hindi ako matanggap-tanggap sa trabaho kahapon! At malamang, ikaw din ang nagpaputol ng kuryente ko, hudas ka!" sigaw ko na may kasamang pagduro habang naglalakad palapit sa kanya.
Mabilis naman niya akong sinalubong habang hinuhubad ang suot niyang coat.
"What the f**k are you doing? Gusto mo bang ibilad sa madla 'yang katawan mo?!" mariin niyang bulong sa akin kasabay nang pagbalot niya sa katawan ko ng kanyang coat.
"Wala akong pakiala--" Natigilan ako at biglang napasilip sa loob ng coat.
Biglang namilog ang mga mata ko nang makita kong basang-basa ang suot kong puting blouse at halos nakaluwa na ang dibdib ko. Napaka-igsing short lang din ang suot ko na pareho nitong basa.
Kaya pala basa ang mga hita ko! Naglalaba nga pala ako kanina!
"Kasalanan mo 'to!" sigaw ko kay Chloe sa sobrang inis at kahihiyan.
"Yeah, it's my fault but you're the one who's gonna taste the punishment from me!
Mabilis niya akong binuhat at isinampay sa balikat niya.
"Chloe!" Tila biglang bumaligtad ang mundo ko at nakaramdam ako nang pagkahilo.
"The meeting is over. Magsi-uwi na kayo!" sigaw niya sa lahat at mabilis niya akong ipinasok sa loob ng opisina niya.