Kinabukasan, sabay silang pumasok ni Lester sa kanilang paaralan. Nasa huling taon na sila ng kanilang pag-aaral sa high school. Ilang buwan na lang at magtatapos na sila, at ngayon pa lang ay kailangan na niyang makahanap nang paraan para makapag-aral ng college. Masyado kasing mahal ang kursong nais niyang kunin sa kulehiyo.
“‘Tol, ayos ka lang ba?” untag sa kaniya ni Lester. “Parang ang lalim ng iniisip mo ah.” Inakbayan pa siya nito habang naglalakad sila patungo sa kaniyalang silid aralan.
“Wala ito ‘tol. Iniisip ko lang kung saan ako makakakuha ng scholarship para sa pag-aaral ko sa college. Alam mo naman na mahal iyong gusto kong kurso eh.” Napabuntong hininga pa siya pagkasabi niyon sa kaibigan.
Kahit siguro makakuha siya ng scholarship, baka hindi pa rin niya kayanin. Utak lang ang mayroon siya, hindi ang pera.
Tinapik naman siya ni Lester sa kaniyang balikat saka ito nagsalita, “Huwag mo ng masyadong pinag-iisip ang tungkol diyan. Kakausapin ko si Papa, baka matulungan ka niya,” nakangiting sambit nito sa kaniya.
“Naku ‘tol, nakakahiya! Sa inyo na nga ako nakikitira’t nakikikain, pati ba naman pag-aaral ko sa kolehiyo, kayo pa rin ang mamomroblema?” nahihiyang tugon naman niya rito.
“Tsk! Oh sige, kapag ba hinayaan kita, sure ka bang mapapag-aral mo iyang sarili mo?” tanong naman ni Lester sa kaniya.
Bigla siyang nanahimik at napa-isip sa sinabing iyon ng kaibigan. Kung sabagay nga hindi niya kakayaning makapag-aral sa kolehiyo ng walang pagkukuhanan ng pinansiyal na suporta. Pero hindi naman siya papayag na tanggapin na lang niya ang tulong ng ama ng kaniyang kaibigan ng walang kapalit.
“Salamat Lester, pero hindi puwedeng tutulungan niyo ako ng Papa mo ng walang kapalit,” aniya sa kaibigan.
“Ikaw talaga, sige pag-uwi ni Papa kakausapin ko siya. Baka may vacant pa sa office na puwede sa iyo,” nakangising sagot naman nito sa kaniya.
Napangiti naman siya at kahit papaano’y nabawasan ang kaniyang pag-aalala. Kung maipapasok kasi siya ng trabaho ng ama ni Lester, kahit papaano ay mababawasan ang kaniyang hiya sa mga ito.
“Bilisan na natin at baka mahuli tayo sa klase natin,” untag pa nito sa kaniya.
Nginitian naman niya ang kaibigan saka nila binilisan ang paglalakad.
Paliko na sila sa pasilyo patungo sa kanilang silid aralan, nang may masalubong silang tatlong babaeng nagku-kuwetuhan. Dahil hindi nakatingin ang babaeng makakasalubong niya sa nilalakaran nito, nabangga tuloy ito sa kaniyang dibdib. Mabuti na lang at maagap siya’t mabilis niyang nahawakan sa bewang ang babae at hindi ito bumagsak sa sahig.
“Ooooppppsss!” sambit pa niya rito.
“Aray!” sabi naman nito sa kaniya.
“Titingin ka kasi sa dinaraanan mo,” tugon naman niya sa dalagang nakabanggaan.
Malakas naman siyang itinulak nito at nakataas ang isang kilay na tiningnan siya ng dalaga. Doon naman niya nakilala ang dalagang bumangga sa kaniya. Si Althea Frilles, ang babaeng maganda sana kaso mataray. Taga kabilang section ito, kung saan ito ang nangunguna sa klase ng mga ito.
“Excuse me! Nakatingin kaya ako sa dinaraanan ko!” masungit pa nitong saad sa kaniya.
“Kung nakatingin ka sa dinaraanan mo, bakit ka bumangga sa akin?” nakangising tanong naman niya rito.
“Aba’t—” Hindi na naituloy pa ng dalaga ang sasabihin nito, nang awatin ito ni Grace.
“Girl, hayaan mo na sila, baka ma-late tayo sa klase natin,” sabi pa nito sa kaniya.
“Oo nga. Ah, eh, excuse us mga poging suplado,” singit ni Dianne saka hinila nang palayo si Althea.
Sinamaan pa siya ng tingin ng dalaga saka inirapan. Nasundan na lang nila nang tingin ang papalayong imahe ng tatlong dalaga saka siya napahinga nang malalim. Napa-iling pa sila ni Lester bago muling naglakad patungo sa kanilang klase.
“Nakakainis talaga ang kumag na iyon!” paghihimutok naman ni Althea, nang makarating na sila sa kanilang classroom.
Ayaw na ayaw niya sa lahat ang nagpapatalo sa kahit na saang argumento. Alam naman niyang may pagkakamali rin siya kung bakit siya nabangga sa katawan ni Chino. Ngunit hindi siya makapapayag na mapahiya siya sa harapan ng mga kaibigan niya.
“Ayyy, ayaw mag-move on teh?” wika naman ni Dianne, habang nakapangalumbaba ito sa kaniya.
“Oo! Ayaw kong mag-move on! Ayyy, basta naiinis ako sa kaniya!” nakanguso niyang saad sa kaibigan.
Tatawa-tawa naman si Grace sa kaniyang tabi kaya napalingon siya rito. Natutop pa nito ang bibig nang tapunan niya ito ng masamang tingin.
“Ang sungit mo naman nito! Alam ko na siguro may dalaw ka ngayon ‘no?”
Nagtawanan pa ang mga kaibigan habang nakatunghay sa kaniya.
“Kayong dalawa, mga kaibigan ko ba talaga kayo? Grabe kasi kayo sa akin eh!” kunwa’y nagtatampong saad niya sa mga ito.
“Of course friendship ka namin, ano ka ba naman? Masyado ka kasing high blood diyan kay Mr. Vicente, eh, kasalanan mo naman talaga kung bakit ka nabangga sa kaniya,” sabi naman ni Dianne sa kaniya.
“Hay, naku girl, para namang hindi mo kilala ang kaibigan nating ito eh. Kailan ba nagpatalo iyan?” tanong naman ni Grace kay Dianne.
“Ayyy! Oo nga naman. Anyway, huwag mo na nga lang kasing pakaisipin si Chino. Mamaya niyan magkagusto ka pa sa kaniya, uyyy!” nanunuksong wika naman ni Dianne sa kaniya.
“Pinagsasabi niyong dalawa riyan?” sagot naman niya sa mga ito. “Tigilan niyo nga ako, wala pa sa isip ko ang mga bagay na iyan ‘no!” sabi pa niya sa mga ito, saka inilabas ang kaniyang libro para sa subject nilang iyon.
Napabungisngis naman ang dalawang kaibigan niya sa kaniyang sinabi. Umayos lang sila sa pagkakaupo nang pumasok na ang kanilang guro. Hindi na rin naman siya inasar pang muli ng mga kaibigan niya, kaya naman nanahimik na ang kaniyang mundo.
“Ms. Frilles, can I talk to you for a minute?” tanong sa kaniya ng kanilang guro nang matapos ang kanilang klase.
Napalingon naman siya sa gawi ng kanilang guro, at bahagyang nahinto sa pag-aayos ng kaniyang mga gamit. Sinulyapan pa niya sina Dianne at Grace, na tanging pagkibit na lamang ng balikat ang naisagot sa kaniya.
“Yes, ma’am, tungkol saan po?” magalang niyang sagot rito, at saka naglakad papalapit sa lamesa ng kanilang guro.
“As you know, may gaganaping district quiz bee sa darating na lingo. Namili kami ng mga mag-aaral na lalahok sa patimpalak na iyon, at isa ka sa mga napili namin para lumahok.”
Nanlaki naman ang kaniyang mga mata sa sinabing iyon ng kanilang guro. Hindi niya inaasahang mapapasama siya sa district competition na iyon. Oo’t matalino siya, ngunit may mas matalino pa sa kabilang section— kagaya na lang ni Chino.
“Ahm, ma’am sigurado po ba kayong ako ang lalaban sa district quiz bee na iyon?” naninigurong tanong pa niya rito.
“Yes, hija. Bakit may problema ba?” nag-aalalang tanong naman ni Mrs. Celis sa kaniya.
“Wala naman po. Pero hindi ba’t palaging sa section one kayo nangunguha ng mga lalahok sa ganitong patimpalak?” muli niyang tanong sa kanilang guro.
‘Si Chino naman palagi ang sumasali sa mga ganitong contest eh,’ bulong pa niya sa kaniyang sarili.
Hindi naman sa nag-iinarte siya at ayaw niyang sumali, ngunit nakakapanibago lang na isinasama siya ngayon ng kanilang guro sa kumpetisyong iyon.
Ngumiti naman ang ginang at mataman siyang pinagmasdan nito. “Tama ka. But this time tatlo ang kailangan naming estudyante na magpi-present ng ating school. Nagkataon na nalamangan mo ng grade sa academic ang isang estudyante sa section one, kaya ikaw ang ipapalit namin sa kaniya,” paliwanag pa nito sa kaniya.
“Ahhh, okay po kung ganoon. Ahm, sino-sino po ba kaming lalaban?” nag-aalangang tanong niya sa kanilang guro.
“Oh, it’s you, Margarita, and Chino. Actually, start na nga pala ng review ninyo ngayon. Hintayin lang natin saglit sina Margarita and Chino,” nakangiting tugon nito sa kaniya.
Expected naman na niyang kasama si Chino, pero aaminin niyang abot-abot ang kabang kaniyang nadarama ngayon. Hindi niya maipaliwanag kung bakit, pero iyon ang nararamdaman niya.
Lumingon siya sa kaniyang mga kaibigan at ibinuka ang bibig upang mag-sorry. Tumango naman ang dalawa niyang kaibigan at sumenyas na mauuna ng umuwi.
“Ma’am, excuse lang po, kukunin ko lang po ang mga gamit ko.” Paalam niya sa kanilang guro, na tumango naman sa kaniya.
Dali-dali siyang naglakad patungo sa kaniyang mga kaibigan, na nakatayo malapit sa kaniyang upuan.
“Sorry naman girls, hindi ko alam na kasali pala ako sa district competition na iyon,” halos pabulong niyang saad sa mga ito, habang inaayos ang kaniyang mga gamit.
“Okay lang ano ka ba? Galingan mo ha?” sagot naman ni Dianne sa kaniya.
“Good luck girl!” nakangiti namang saad ni Grace, sabay kindat sa kaniya.
“Thank you!” tugon niya sa mga ito, bago naglakad palabas sa kanilang classroom ang dalawang kaibigan.
Huminga na lang siya nang malalim bago nagpatuloy sa kaniyang ginagawa. Maging maayos kaya ang pagre-review niya kasama si Chino? Bahala na nga! Sa ngayon, kailangan niyang mag-focus sa competition na iyon.
‘Althea, fight! Kaya mo iyan!’ Pagpapalakas pa niya ng kaniyang loob.