Chapter 3

1260 Words
Masuwerte siyang gising pa si Lester at nanonood lang ng kung anu-ano. Nang makarating kasi siya sa bahay ng mga ito, ay nakita niya ang kasambahay nitong nagtatapon ng basura sa labas ng bakuran ng mga ito. Dali-dali niya itong nilapitan, at tinanong kung gising pa ang kaniyang kaibigan. Dahil kilala naman siya ni Aling Ising, pinatuloy siya agad nito at iginiya sa sala, kung saan naroroon ang kaniyang kaibigan. Nagulat pa ito nang makita siya nito sa loob ng bahay ng mga ito. “‘Tol, gabing-gabi na ah. Anong nangyari?” nag-aalalang tanong nito sa kaniya. “Pinalayas ako ng Tiyahin ko sa bahay nila,” sagot naman niya rito saka bumuntong hininga, “‘Tol, nakakahiya man, pero puwede bang dumito muna ako sa inyo? Promise, maghahanap agad ako nang matutuluyan. O kaya naman gawin mo akong boy mo rito sa bahay niyo. Kahit walang sahod, okay lang. Matutulugan at pagkain lang okay na ako roon.” Pakiusap pa niya sa kaibigan. “Sus, ano ka ba naman ‘tol. Dumito ka hanggang kailan mo gusto. Ako nang bahala sa iyo. Para na tayong magkakapatid ‘no. Saka okay nga rin iyon, kasi may makakasama na ako rito sa bahay. Alam mo na, palagi namang wala si Papa eh.” Tinapik pa siya ng kaibigan sa kaniyang balikat. Naluha naman siya sa sinabi nito. Hanggang sa tuluyan na siyang naiyak. Laking pasasalamat talaga niya, dahil may kaibigan siyang kagaya ni Lester. “Salamat ‘tol. Sa totoo lang hindi ko rin alam kung saan pa ako pupunta kapag tinanggihan mo ako.” Suminghot pa siya saka tumawa. “Ano ba iyan ‘tol, nakakabakla. Umiiyak ako sa iyo.” Nagkatawanan pa silang dalawa. “Walang anuman Chino. Teka ikaw ba’y kumain na?” maya-maya’y tanong nito sa kaniya. “Hindi pa nga eh. Nagugutom na nga ako eh,” sagot naman niya kay Lester. “Tamang-tama, wala kasi akong ganang kumain kanina, kaya hindi pa rin ako kumakain. Halika na!” yaya pa nito sa kaniya saka inakbayan siya patungong kusina. “Salamat talaga. Tatanawin kong isang malaking utang na loob ito sa iyo,” muli niyang sabi sa kaibigan. “Ano ka ba Chino, hindi ka na matapos-tapos sa pasasalamat mong iyan sa akin. Saka mo na ako bayaran kapag ako naman ang nangailangan ng tulong mo. Ayos?” nakangiting saad nito sa kaniya. “Ayos!” sagot naman niya saka sila naupo na sa harap ng hapag kainan. Dahil gutom na gutom talaga siya, at masasarap ang pagkaing nakahain, naparami ang kain nila. Ginanahan din si Lester sa pagkain na ikinagulat pa ni Aling Ising. “Naku hijo, mabuti nga sigurong dito ka na muna tumira, para kumain ng marami itong alaga ko. Ngayon lang iyan kumain ng ganiyan karami,” tuwang-tuwang sabi ng matandang kasambahay nila Lester. “Ganoon po ba, Aling Ising? Hayaan niyo po, simula ngayong araw, palagi nang kakain nang marami itong kaibigan ko,” nakangiting sabi niya sa matanda. “Opo, Nanay Ising, may makakasabay na kasi akong kumain, kaya paniguradong kakain na ako nang marami,” nakangisi namang saad ni Lester sa matanda. “Mabuti naman kung ganoon. Oh, siya magpahinga na kayo at ako’y magliligpit na.” Tumayo na sila mula sa pagkakaupo sa harapan ng mesa, at naglakad na palabas ng kusina. “‘Tol, okay lang ba kung dito ka muna sa kuwarto ko matulog ngayong gabi? Hindi pa kasi maayos iyong guest room. Bukas ipapalinis ko na lang, para may magamit ka,” sabi nito sa kaniya. “Naku ‘tol, okay lang kahit nga magkasama na lang tayo rito sa kwarto mo eh. Malaki naman dito oh,” nahihiyang sagot niya sa kaibigan. “Ano ka ba? Simula ngayon, ituring mo ng bahay mo na rin ito. Huwag ka nang mahihiya. Teka, may mga dala ka bang damit?” naalalang itanong nito sa kaibigan. Nagkamot naman ng ulo si Chino saka umiling. “Wala ‘tol eh. Basta ang nabitbit ko lang eh iyong gamit ko sa eskwela,” nahihiyang nakangiti niyang tugon kay Lester. “Grabe naman talaga iyang tiyahin mo. Buti na lang madami akong damit.” Lumapit ito sa aparador nito saka binuksan iyon. “Halika,” tawag pa nito sa kaniya. Lumapit naman siya at nakitang maraming damit na nakasalansan doon, na karamihan yata’y bago pa, dahil may tag pa ang mga ito. Nanguha nang ilan si Lester at ibinigay iyon sa kaniya. Nagulat naman siya dahil hindi naman basta-basta ang mga iyon. “Uyyy, ‘tol nakakahiya na. Tama na ito, hindi ko naman kailangan ng madaming damit,” nahihiyang sabi niya sa kaibigan. “Ano ka ba naman Chino? Hayaan mo na ako, sabik akong magkaroon ng kapatid. Kaya naman simula ngayon ituturing na nating magkapatid ang isa’t isa. Kaya lahat ng iyan, ay sa iyo na. Saka madami rin akong damit, sayang nga ang mga iyan kung hindi magagamit. Luluma lang,” mahabang paliwanag nito sa kaniya. Nahihiya man, ay tinanggap na rin niya ang mga iyon. “Salamat talaga ‘tol ha? Hulog ka talaga ng langit sa akin,” naiiyak na namang wika niya rito. “Huyyy, ayan ka na naman eh. Nababakla ka na naman.” Tumawa pa ito sabay pabirong sinuntok ang kaniyang braso. “Kung gusto mong maligo muna, nandoon ang banyo saka may tuwalya na rin doon. Hep! Tama na ang pasasalamat na iyan. Bilisan mo, nang makatulog na tayo. Alam kong pagod ka na rin. Bukas na kita uusisain nang husto. Tamang-tamang pupunta naman sila Jeff dito eh,” mahabang litanya ni Lester, bago siya sumunod na rito upang maligo. Matapos maligo ay nadatnan na niyang nakahiga si Lester sa kama nito, at nakaayos na rin ang pwesto niya. lumapit na siya sa kaniyang pwesto saka tumitig sa kisame. “Alam mo ‘tol, kung nabubuhay siguro ang mga magulang ko, hindi siguro ganito ang takbo ng buhay ko ngayon. Siguro mas magiging maayos at madali ang lahat para sa akin. Hindi siguro ako nahirapang makisama sa mga tiyahin ko.” Bumuntong-hininga pa siya bago nagpatuloy, “Pero hindi ko naman sila sinisisi na iniwan nila ako nang maaga. Hanggang doon lang siguro talaga ang buhay nila. Kaya naipangako ko sa sarili ko na magtatapos ako ng pag-aaral, at aabutin ko ang pangarap kong maging piloto,” determinadong saad niya rito. Nilingon naman siya ni Lester bago ito nagsalita, “Pero paano ‘tol kung sa pag-abot mo ng pangarap mo, ay may makilala kang babaeng magpapa-ibig sa iyo? Anong gagawin mo?” tanong nito na ikinalingon niya rito. “May motto kasi ako eh. Aral muna, bago landi. Pangarap muna, bago love life,” napangisi pa siya sa sinabi niyang iyon. “Paano kung hindi mo napigilang magmahal?” tanong ulit nito sa kaniya. “Hindi ko alam. Basta ang alam ko lang, hindi ko puwedeng bitiwan ang pangarap ko. Kaya hindi ko alam ang sagot sa tanong mo,” pabuntong-hiningang sagot niya sa kaibigan. “Teka nga bakit ba tayo nabalik sa drama? Matulog na nga tayo. Good night ‘tol. Salamat ulit,” muli niyang sabi na ikinatawa lang ni Lester. “Isa pang thank you mo, palalayasin na kita rito sa bahay,” pabirong sabi nito sa kaniya. “Huwag naman ‘tol. Sige na good night.” Tumagilid na siya at saka pumikit. Impit siyang nanalangin upang magpasalamat. Minalas man siya sa kaniyang kamag-anak, sinuwerte naman siya sa kaibigan. Balang araw, makakabawi rin siya sa lahat ng kabutihang ipinamamalas ng kaniyang kaibigan sa kaniya.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD