Chapter 8

1603 Words
Agad na silang naghiwalay ni Althea nang makarating na ang service sa kanilang paaralan. Balak pa sana niya itong ihatid, pero tila nagmamadali itong nagpatiunang maglakad sa kanila ni Margarita. Habang si Margarita naman ay nagtungo sa canteen dahil nagugutom raw ito. Kaya naman tinanguan lang niya ito’t nagtungo na siya sa kanilang silid aralan. “‘Tol, na-miss ka namin!” tuwang-tuwang sabi ni Rex pagpasok niya sa kanilang classroom. Nakangiti naman siyang lumapit sa mga ito saka isa-isang kinamayan ang mga kaibigan. Inilapag niya ang kaniyang bag sa kaniyang upuan bago siya naupo roon. “Kumusta naman ang pakikipagbasagang utak mo kanina?” nakangising tanong ni Marc sa kaniya. “Ayos naman. Ayun naiuwi namin ang gintong medalia,” proud na sagot naman niya sa kaniyang mga kaibigan. “Wooaahhh!” magkakapanabay na sambit naman ng kaniyang mga kaibigan. “So ibig sabihin ba niyan eh magsi-celebrate tayo mamaya?” nangniningning ang mga matang tanong ni Rex sa kaniya. Napakamot naman siya sa kaniyang batok sabay kuha sa kaniyang bag. Binuksan niya ang bulsa ng kaniyang bag, at saka inilabas mula roon ang limang candy. Napangisi pa siya habang isa-isang binibigyan ng candy ang mga kaibigan niya. Nagtataka namang tinanggap iyon ng kaniyang mga kaibigan habang nakatingin sa kaniya. “Oh, ano ito?” tanong ni Jeffrey sa kaniya. “‘Tol candy! Ano ka ba naman?” sagot naman ni Marc dito. “Alam naming candy ito, pero para saan ito?” kunot-noong turan naman ni Lester kay Marc bago ito sumulyap sa kaniya. “Eh, mga ‘tol sabi niyo kasi magsi-celebrate tayo, kaya ayan. Pasensiya na at candy lang ang kaya kong ibigay sa ngayon eh. Babawi na lang ako kapag isa na akong ganap na piloto,” nahihiyang tugon naman niya sa mga ito. Tinapik naman siya sa balikat ni Lester bago siya akbayan nito. “Ano ka ba naman Captain Chino, maraming salamat sa candy. Huwag kang mag-alala, ako na ang taya sa celebration mo mamaya. Sa bahay tayo mga ‘tol,” sabi ni Lester sa kanilang lahat. “Alright!” magkapanabay na saad naman nina Rex at Marc. “Uyyy, ‘tol nakakahiya naman sa iyo, sa inyo na nga ako nakikitira, pati celebration ikaw pa rin ang taya,” nahihiyang saad niya sa kaibigan. “Ay sus! Ayan na naman siya,” sabi naman ni Jeffrey. “‘Tol hayaan mo na si Lester, walang mapaglagyan ng pera iyan kaya pagbigyan mo na.” Tinapik pa siya nito sa kaniyang balikat. “Kaya nga. And isa pa, ‘di ba sabi ko naman sa iyo na sabik ako sa kapatid? Kaya hayaan mo na ako,” nakangiti namang sambit ni Lester sa kaniya. Bumuntong-hininga naman siya saka ngumiti na rin sa kaibigan. “Sige ikaw ang bahala, pero ‘tol kapag may kailangan ka sa kahit na anong academic, or kahit saan, basta kaya ko, sabihin mo lang sa akin ha? Sa ganoong paraan man lang ay makabawi ako sa iyo,” nahihiyang saad niya kay Lester. “Oo na sige na, sige na, matigil ka lang,” natatawa namang sagot ni Lester sa kaniya. Ngumiti na rin siya at nakipag-fist bump dito. Laking pasasalamat talaga niya na nakatagpo siya ng ganitong klase ng mga kaibigan. Mga kaibigang itinuring niyang mga kapatid na rin. Samantala si Althea naman ay sinadyang magmadaling maglakad patungo sa kanilang classroom. Hindi na niya hinintay pa sina Chino at Margarita dahil nais na lang niyang makaiwas sana kay Chino. Hanggang nang mga sandaling iyon kasi ay nararamdaman pa rin niya ang mainit nitong katawan sa kaniyang balat. Kaya maigi na ang dumistansiya na lang muna siya sa binata. “Girl, ano na? Kumusta naman ang kumpitisyong sinalihan ninyo?” excited na tanong ni Dianne kay Althea nang makapasok siya sa kanilang classroom. “Ayyy, puwedeng maupo muna bago niyo ako tanungin?” biro naman niya rito. Bumungisngis naman ito at saka siya hinayaang makaupo sa tabi nito. Nakapangalumbaba pa ito habang naghihintay sa kaniyang kuwento. Alam naman niyang hindi sa kumpitisyon interesado ang dalawa niyang kaibigan, kundi sa kanila ni Chino. “Nanalo ang school natin sa kumpitisyon!” nagniningning ang mga niyang pahayag sa mga kaibigan. Hindi man lang nag-react ang dalawang bruha niyang kaibigan sa kaniyang sinabi. Kaya naman nabawi niya ang kaniyang ngiti at saka nakataas ang isang kilay na tumingin sa mga ito. “Hoy! Kayong dalawa, bakit parang hindi kayo masaya na nanalo kami?” masungit niyang tanong sa mga ito. “Hmmm, alam naman na kasi naming mananalo kayo. At saka bago pa man kayo nakarating dito, alam na naming nanalo ang school natin. Haller! Mas excited pa sa inyo si Sir Encinares ‘no!” litaniya naman ni Grace sa kaniya. “Oh, alam naman na pala ninyo, eh, ano pa ang gusto niyong ibalita ko?” nakasimangot na tanong niyang muli sa mga ito, saka humalukipkip sa kaniyang upuan. Agad naman ang pagrehistro ng kilig sa mga mukha ng dalawa niyang kaibigan, saka inilapit pa ng husto ng mga ito ang kanilang mga armed chair sa kaniyang upuan. “Kumusta naman kayo ni Chino?” walang prenong tanong ni Dianne sa kaniya. Kunot-noo naman niyang tiningnan ang kaibigan. “Oh, anong kumusta kami ni Chino?” maang niyang tanong dito. “Pambihira, ang daya mo naman eh! magkuwento ka na kasi!” reklamo naman ni Grace sa kaniya. “Ano ba kasing ikukwento ko, eh wala naman?” aniya rito. “Hoy, babae! Huwag kami! Alam naman naming may namumuong something sa inyo ni Chino eh,” sabi naman ni Dianne sa kaniya. “Huuuyyy! Iyang bibig mo, mamaya may makarinig sa iyo kung ano pa ang isipin nila!” saway niya kay Dianne at hinaltak pa niya ang kamay nito. “Aray!” reklamo pa nito matapos niyang hilahin ang kamay ng kaibigan. “In denial ka pa rin ba? Alam naman naming crush mo si Chino eh. Sige na kasi i-share mo na kung anong nangyari kanina,” pangungulit pa rin ni Dianne. “Hala siya! Ano nga kasi ang gusto niyong ikuwento ko?” kunwa’y inosente niyang tanong dito. Napakagat labi pa siya nang muling maalala ang mainit na yakap ni Chino kanina sa kaniya sa loob ng school service. Ang mainit na hininga nitong tumatama sa kaniyang pisngi kanina. Ang matatag nitong mga bisig na nakapulupot sa kaniyang baywang kanina. Ang mabining pagtibok ng puso nito na kay sarap pakinggan. Lahat nang iyon ay nananariwa sa kaniyang balintataw. Bahagya pa siyang nagulat nang ipitik ni Grace ang mga daliri sa harap ng kaniyang mukha. “Huyyy! Sinasabi na nga ba namin at may kailangan ka ngang ikuwento eh!” wika ni Grace sa kaniya. “Eiii! Magkuwento ka na kasi!” pangungulit muli ni Dianne sa kaniya. Inalog pa siya nito sa kaniyang balikat dahil sa sobrang kilig na nararamdaman nito. “Shhh! Oo na magkukwento na ako, huwag na kayong maingay riyan!” saway naman niya sa mga ito. Lumapit pa nang husto ang mga ito sa kaniya saka matamang nag-aabang sa kaniyang sasabihin. Natawa naman siya sa itsura ng mga ito, dahil parang mga tsismosang kapit-bahay lang ang mga itong willing maghintay sa tsismis. Tumikhim muna siya bago isinalaysay sa mga ito ang nangyari sa loob ng school service nila. Matapos niyang isalaysay sa mga ito ang kaganapang iyon, ay parang mga kiti-kiting naasinan ang mga kaibigan niya, at nagtitilian pa ang mga ito sa mga upuan ng mga ito. “Shhhh! Huwag kayong maingay! Baka mamaya may makarinig sa atin,” muli niyang saway sa mga ito. “Eeeeiiii! Nakakakilig naman kasi eh! Ayyy!” sabi pa ni Dianne sa kaniya. “Hindi naman siguro intentional iyon, pareho kaming nakatulog kaya siguro napasandal ako sa kaniya kaya hayun, akala niya unan ako kaya nayakap niya ako,” nag-iinit ang kaniyang mga pisnging paliwanag sa mga kaibigan. “Weeehhhh! Hindi rin! Malay mo habang natutulog ka at napasandal sa kaniya eh nagising siya’t, siya na mismo ang yumakap sa iyo bago siya muling natulog. Ayyyiiieee! Kinikilig ako!” muling saad ni Dianne sa kaniya. “Tse! Huwag na nga kayong mang-asar diyan. Wala lang iyon, hindi kami aware sa mga naganap habang tulog kami,” turan pa niya sa kaibigan. “Sige, sabi mo eh! Pero aminin mo muna na nagustuhan mo naman ang payakap na iyon?” nakangising wika pa ni Grace sa kaniya, saka siya nito sinundot sa kaniyang tagiliran. Napaigtad naman siya sa ginawang iyon ng kaibigan kaya hinampas niya ito, na ikinatawa lang ng bruha niyang kaibigan. “Tigilan niyo akong dalawa! Ano bang inaral ninyo ngayon para makahabol ako sa lesson kanina,” pag-iiba na niya ng usapan. “Uyyy, umiiwas siya!” panunukso pa rin ni Dianne. “Heh! Tantanan  niyo na ako at pakopya na lang ng mga notes at assignments,” sungit-sungitan niyang saad sa mga ito. “Opo madam, ito na oh.” Iniabot naman sa kaniya ni Grace ang notebook nito na kaniya namang kinuha mula rito. Binuklat niya iyon at nag-umpisang magsulat upang tantanan na siya ng mga kaibigan. Lihim pa siyang napapangiti habang nakayukong nagsusulat. Hindi niya ipagkakaila sa sariling may pagtingin na nga siya kay Chino, pero hanggang doon lang iyon. Bata pa sila at naipangako niya sa mga magulang niyang hindi siya magnonobyo hangga’t hindi siya nakakapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo. ‘Yes, tama Althea. I-reserve na lang muna natin ang feelings natin para kay Chino. Tama na ang crush-crush lang muna,’ bulong pa niya sa kaniyang sarili, saka pabuntong hiningang ipinagpatuloy na ang pagsusulat sa kaniyang kuwaderno.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD