Chapter 7

1664 Words
Buong maghapong nakikipaglaban sina Chino, Althea, at Margarita sa San Narciso High. Doon kasi ginanap ang district competition na nilahukan ng kanilang paaralan. Iba’t ibang paaralan ang lumahok doon at tanging isa lamang ang kailangang manalo sa kumpetisyong iyon. Masuwerteng nakapasok sila sa final three kung kaya’t tuwang-tuwa silang tatlo. “This is it pansit canton! Umabot na tayo sa finals, itodo na natin ito!” sabi ni Margarita na ikinatawa naman nila ni Althea. “Yes! Fighting!” wika naman ni Althea saka inilahad ang kanang kamay nito sa kanilang harapan. Ipinatong niya ang kamay sa kamay nito na sinundan naman ni Margarita. Sabay-sabay pa silang nagsabi ng ‘Go SNA!’ saka sila nag-group hug. Tila may mainit na gumapang sa buong katawan ni Chino sa simpleng pagdidikit ng mga balat nila ni Althea. Bahagya pa siyang napatingin rito na nakatingin na rin pala sa kaniya. Ilang sandali ring naghinang ang kanilang mga mata, bago siya nagbawi ng tingin sa dalaga. Para kasi siyang natutunaw sa paghihinang ng kanilang mga mata, kaya tuloy napatikhim pa siya bago magsalita. “Ahm, tara na sa hall baka mahuli pa tayo, huling laban na natin ito,” nakangiti na niyang yaya sa dalawang dalaga. “Oo nga tara na baka kung saan pa mapunta ang pagtititigan ninyo eh,” makahulugang sambit naman ni Margarita sabay sulyap nito sa kaniya. Nakakaloko ang tingin nito sa kaniya bago ito tumalikod at nagpatiunang maglakad patungo sa hall, na paggaganapan ng kanilang last and final quiz. Nilingon niya si Althea upang yayain na ito nang kunot ang noo itong nakatunghay lang sa kaniya. “Bakit ganiyan ka makatingin?” tanong niya rito. “W-wala naman. Ano lang kasi, naguluhan lang ako sa sinabi ni Margarita,” tila nahihiyang saad pa nito sa kaniya. “Ahhh, iyon ba? Naku huwag mo nang pakaisipin iyon, nanti-trip lang iyon,” sagot naman niya rito, kahit pa alam niyang may gusto talagang ipahiwatig si Margarita sa sinabi nito kanina. Ngumiti naman si Althea at saka nag-umpisa nang maglakad. Wala na ulit silang imikan hanggang sa makarating sila sa hall. Nag-sign of the cross pa si Althea saka impit na bumulong ng panalangin. ‘Lord, guide us on this.’ Huminga siya nang malalim saka nagtungo na sa kani-kanilang mga upuan. Kalahating oras din ang itinagal ng final quiz nila saka sila tahimik na naghihintay ng resulta. Hindi na mapakali sa upuan si Althea at nilalaro na ang kaniyang lapis na halos maputol na sa kaniyang pagkakahawak. Napalingon pa siya sa kaniyang tabi nang hawakan ni Chino ang kaniyang kamay. Agad ang pagkalat ng tila maliliit na boltahe ng kuryente sa kaniyang katawan, dahil sa pagkakahawak nitong iyon sa kaniyang kamay. “Easy ka lang, huwag ka nang ma-tense, manalo, matalo okay lang iyon. Ang makarating sa finals ay isang malaking achievement na para sa atin,” pagpapakalma pa sa kaniya ni Chino. Pilit siyang ngumiti rito dahil gustuhin man niyang kumalma ay hindi naman iyon pinahihintulutan ng kaniyang sutil na puso. Dumoble pa lalo ang pagsirko nito sa loob ng kaniyang dibdib dahil sa nakapatong na kamay ng binata sa kaniyang kamay. Sabay pa silang napalingon sa harapan ng stage nang magsalita na ang guro na mag-a-announce kung sino ang nanalo sa kumpetisyong iyon. Hawak pa rin ni Chino ang kaniyang kamay kaya lalo siyang ninenerbiyos. ‘Althea, focus!’ bulong pa niya sa kaniyang sarili. Nagtatatalon sa tuwa si Margarita nang matapos ang pag-anunsiyo ng nanalo sa patimpalak na iyon. Dahil wala ang atensiyon niya sa nagsasalitang guro kanina, kunot-noo niyang tingnan at hinila si Margarita na hindi pa rin matigil sa pagtili at paglundag sa kaniyang tabi. “Sis, kumalma ka nga!” sabi pa niya rito. Nilingon naman siya nito at hinilang patayo mula sa kaniyang kinauupuan. “Sis! Tayo ang nagwagi! Eeeiii!” nagtititiling saad nito, saka muling nagtatatalon habang hawak nito ang kaniyang kamay. Doon lang parang pumasok sa kaniyang isip na sila nga ang nanalo sa kumpetisyong iyon. Nanlalaki ang mga mata niyang napatili na rin at nakisabay ng pagtalon dito. Maya-maya pa’y bumitiw siya rito at hinarap naman si Chino, na nakangiti habang pinagmamasdan lang sila ni Margarita. “Nanalo tayo!” sabi pa niya sa binata, saka ito niyakap sa sobrang kagalakan. Natigilan naman si Chino nang bigla siyang yakapin ni Althea. Hindi niya alam kung gaganti ba siya sa pagkakayakap ng dalaga, o ilalayo ito sa kaniyang katawan. Sa bandang huli ay nanaig pa rin ang kagustuhan niyang mayakap ito. Hindi maipaliwanag ni Chino, but he felt comfort and peace on that warmth embrace. Naramdaman niyang muli ang yakap na matagal na niyang nakalimutan kung ano ang pakiramdam. Simula nang mawala ang kaniyang mga magulang ay hindi na niya muling naranasan pa ang mayakap ng ganoon. “Ahm, Chino, hindi ako makahinga.” Napamulat pa siya ng kaniyang mga mata nang marinig niya ang pagrereklamo ni Althea. Agad naman niyang niluwagan ang pagkakayakap sa dalaga at unti-unting pinakawalan mula sa kaniyang mga bisig. Hindi niya namalayang napahigpit pala ang pagkakayakap niya rito. “Sorry!” tanging nasambit niya sabay kamot ng kaniyang batok. “Uyyy, guys tara na tinatawag na tayo sa stage!” untag ni Margarita sa kanila. Napalingon naman sila ni Althea rito at saka magkakapanabay na naglakad paakyat sa stage upang tanggapin ang medalya at certificate, katunayan na sila nga ang nagwagi sa kumpetisyong iyon. Kasama rin nila ang kanilang gurong hindi maitago ang kagalakan sa mukha nito. “Congratulations mga anak! We’re so proud of you!” nakangiting saad ni Mrs. Fajota. “Thank you rin po ma’am!” magkakapanabay rin nilang tugon sa kanilang guro. Matapos ang kanilang paglaban ay inihatid na rin sila ng school service pabalik sa kanilang paaralan. Magkatabi sila ni Althea sa upuan dahil si Margarita ay mas piniling maupo sa bangdang likuran ng sasakyan. Ayon sa kaeskuwela, para raw makapag-usap sila ni Althea ng masinsinan. Nanunukso pa nga ito nang kindatan siya nito bago ito pumasok sa loob ng sasakyan. “Ayos ka lang ba riyan?” tanong niya kay Althea nang tila hindi ito mapakali sa kaniyang tabi. “Huh? Oo, okay lang naman ako rito, medyo malamig lang iyong aircon,” sagot naman nito sa kaniya habang yakap nito ang sarili. “Ganoon ba? Wala naman akong jacket na maipapahiram sa iyo. Kung gusto mo sumuksik ka na lang sa akin para hindi ka masyadong lamigin,” suhistiyon niya rito. Tiningnan naman siya ni Althea at parang alangan ito sa kaniyang sinabi. Kaya naman alanganin siyang ngumiti rito saka muling nagsalita, “Kung okay lang naman sa iyo. Kung ayaw mo, eh okay lang din naman,” kakamot-kamot pa sa ulong wika niya sa dalaga. “Thank you, pero okay naman na ako yayakapin ko na lang itong bag ko,” nakangiting sagot nito sa kaniya. “Okay, ikaw ang bahala,” sabi na lang niya rito at umayos na siya nang pagkakasandal sa kaniyang upuan at saka pumikit. Matutulog na muna siya tutal malayo-layo pa naman ang biyahe nila, ipapahinga na muna niya ang sarili. Palihim namang sinusulyapan ni Althea si Chino sa kaniyang tabi. Nahiya talaga siya rito kanina nang ialok nitong sumiksik siya sa katawan nito upang hindi lamigin. Gusto man niyang sundin ang sinabi nito kanina, pero talagang nahihiya siya rito. Looking at him right now, parang ang sarap pa man din na sumiksik sa katawan ng binata. ‘Hayst! Ano ba iyang iniisip mo Althea, matulog ka na nga lang din para mawala iyang pagnanasa mo kay Chino!’ sita pa niya sa sarili. Huminga siya nang malalim saka umayos ng pagkaka-upo. Ginaya na niya si Chino na nakasandal sa sariling upuan nito. Matutulog na lang din muna siya tutal mahaba-haba pa ang kanilang lalakbayin. Hindi na niya alam kung gaano na siya katagal na natutulog, basta ang alam lang niya ay masarap at kumportable ang kaniyang pagkakasandal sa kaniyang upuan. Agad siyang napamulat nang may tila yumakap sa kaniyang baywang. Napatingin siya sa kaniyang baywang kung saan niya naramdaman ang paghapit mula roon. Nanlalaki ang mga mata niya nang makitang kamay iyon ng kung sino. Unti-unti siyang kumilos at nag-angat ng kaniyang paningin, upang sulyapan ang nagmamay-ari ng mga kamay na nakapulupot sa kaniyang baywang. ‘Hala! Chino bakit ka nakayakap sa akin?’ tanong niya sa kaniyang sarili. Mabilis ang kaniyang paghinga at tila siya pangangapusan ng hangin, habang nakatunghay sa mukha nang natutulog na si Chino. Nakasandal pa rin ang ulo nito sa upuan nito habang nakayakap ang mga braso nito sa kaniya. Samantalang siya naman ay nakaunan sa dibdib nito at nakapatong ang kamay sa braso nito. Patuloy sa mabilis na pagkabog ang kaniyang dibdib, habang hindi malaman kung paanong aalisin ang mga braso ng binata mula sa pagkakayakap nito sa kaniya. ‘Oh heart, huwag ka namang kumabog ng ganiyan, baka ma-stroke tayo bigla!’ saway pa niya sa kaniyang puso. Habang busy siya sa pag-iisip ng paraan kung paano tatanggalin ang mga kamay ni Chino na nakapulupot sa kaniya, ay siya namang pagkislot nito sa kaniyang tabi. Bigla siyang nataranta at hindi malaman kung ano ang kaniyang gagawin. Magpapanggap ba siyang tulog, o hihintayin na lang niyang magising ito ng tuluyan? ‘Bahala na!’ sabi niya sa kaniyang sarili saka huminga nang malalim. Lakas loob siyang tumingala kay Chino upang harapin ang binata. Ngunit sa kaniyang pagkamangha, tulog pa rin ito. Muli niyang tiningnan ang kamay nitong nasa baywag niya na lumuwag na sa pagkakahapit doon. Dahan-dahan siyang kumilos at unti-unting tinanggal ang kamay ni Chino bago siya umalis sa pagkakasandal sa binata. Nakahinga siya nang maluwag nang matagumpay niyang matanggal iyon na hindi nagigising ang binata. ‘Hay salamat!’ naibulong na lang niya sa kaniyang sarili. Umayos na siya nang upo saka ibinaling ang paningin sa labas ng bintana. Hanggang sa mga sandaling iyon ay kumakabog pa rin ang kaniyang dibdib. Hindi pa rin niya makalimutan ang pakiramdam na nadama niya habang nakakulong siya sa bisig ni Chino. She felt warm and secure inside his arms.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD