Napapangiti si Chino habang binabalikan ang tagpo nila ni Althea sa service noong nakaraang araw. Napansin niya ang pagiging uneasy nito, kaya tinanong niya ito kung ayos lang ba ang dalaga. Sinagot naman siya nito na nilalamig ito. Dahil sa wala naman siyang jacket to offer her, he offered himself to make her feel warm. Kaso mukhang hindi naman nagustuhan ng dalaga ang idea na iyon kaya tinanggihan siya nito. Honestly, it’s a sincere offer and there is no malice in that.
Kaya nang tumanggi ang dalaga sa kaniyang alok ay sumandal na siya at pumikit sa kaniyang upuan. He suddenly felt tired after their competition. That’s why he decided to rest while heading back to their school.
Ilang sandali pa lang siyang nakapikit nang maramdaman niyang tila bumigat ang kaniyang kaliwang balikat. Nagmulat siya ng kaniyang mga mata at nilingon ang gawing iyon ng kaniyang balikat. Napangiti pa siya nang makitang nakasandal si Althea roon at nakayakap sa sarili nito.
Lamig na lamig talaga ang dalaga sa ayos nito, that’s why he gently moved and wrapped his left arm around her waist, and leaning her head on his chest. Marahan pa niyang hinaplos ang pisngi nito saka inayos ang buhok nitong napunta sa mukha nito.
Nang masigurong komportable na ang dalaga sa pagkakasandal sa kaniyang dibdib, ay saka naman niya iniyakap ang isa pang kamay rito. Saka siya muling sumadal at pumikit sa kaniyang kinauupuan. Nakangiti siyang muling bumalik sa kaniyang pagtulog habang yakap ang dalaga sa kaniyang tabi.
Napabalik lang siya sa kasalukuyan nang tapikin siya ni Lester sa kaniyang balikat. Kasalukuyan kasi siyang nakaupo sa gilid ng pool habang nakalublob ang mga paa niya roon. Nilingon niya ang kaibigang ngayon ay nakaupo na rin sa kaniyang tabi.
“Parang masyado yatang malalim ang iniisip mo ah. Ano ba iyang iniisip mo at napapangiti ka pa riyan?” tanong nito sa kaniya.
“Wala naman, masaya lang ako’t naipanalo namin iyong quiz bee kanina,” sagot niya sa kaibigan.
Partly, totoo naman iyong sinabi niyang iyon sa kaibigan, pero hindi naman talaga iyon ang nakakapagpangiti sa kaniya.
“Congrats nga pala. Pero alam ko naman na may iba pang dahilan ang mga ngiting iyan,” makahulugang sambit naman ni Lester sa kaniya.
Sinulyapan niya ang kaibigan saka humugot nang malalim na paghinga, bago siya tumingala sa kalangitan. Hindi niya alam kung paanong sasabihin iyon sa kaibigan, pero dahil ito naman ang pinakamalapit sa kaniya, pinili na lang din niyang ibahagi rito ang dahilan ng kaniyang kaligayahan.
“Alam ko namang napakababaw kung dahil lang sa quiz bee ang mga ngiti kong ito,” panimulang wika niya sa kaibigan. “Alam kong sinabi ko sa iyo dati na may motto ako sa buhay ko at iyon ay ang— aral muna bago landi. Pero I think, I’m starting to like someone,” kumikinang ang mga mata niyang saad sa kaibigan.
Napapito naman si Lester saka ginaya ang pagtingala niya sa kalangitan. “‘Tol, mukhang hindi mo na matatakasan iyan. Maaari mong iwasan sa ngayon, pero darating ang araw na hindi mo na mapaglalabanan pa iyan,” anito sa kaniya. “Pero ang maipapayo ko lang sa iyo, take it easy. Huwag kang magmadali, gusto mo pa lang naman siya ‘di ba? So there’s still a chance na mawala pa iyang pagkagusto mo sa kaniya. Saka isa pa, two more months ga-graduate na tayo. Destiny na lang talaga kung magkita pa kayo sa college,” mahaba-habang litaniya pa nito sa kaniya.
Ninamnam niya ang bawat katagang sinabi ng kaibigan niya sa kaniya. May punto naman ito, kaya tama nga sigurong sa ngayon ay hayaan na lang muna niya ang feelings niya para rito. Tama nga rin siguro si Lester, maaari pang mawala ang attraction na nararamdaman niya para sa dalaga.
“Thanks ‘tol,” nakangiting turan niya rito. “Nga pala, nagkausap na ba kayo ni Tito about sa scholarship sponsor ko para sa college?” mayamaya’y naalala niyang itanong rito.
“Ahhh, oo nga pala. Sabi ni Papa, pag-uwi niya next month, saka raw kayo mag-usap. May nakausap na raw siyang mag-i-sponsor sa iyo for college. Kaya chillax ka na riyan, solve na ang problema mo,” nakangiting sabi nito saka siya muling tinapik nito sa kaniyang balikat.
Umaliwalas naman lalo ang kaniyang mukha at saka umayos ng upo. “Thanks man! Promise mag-aaral akong mabuti, at sisipagan ko sa pagtatrabaho sa company ninyo para naman makabayad ako sa kabutihan niyo sa akin,” saad niya sa kaibigan.
Napag-usapan na kasi nila noon na hindi siya papayag na hindi pagtrabahuhan ang lahat ng tulong na ibinibigay ng pamilya ni Lester sa kaniya. Kaya naman kinausap ng kaibigan niya ang ama nito via phone, at sinabi nito ang proposal niya sa ama ng kaibigan. Noong una hesitant ang ama ni Lester, ngunit nang siya na mismo ang kumausap sa matanda ay napapayag naman niya ito.
“Hayan na naman po kami ng kaibigan kong wala ng ginawa kundi ang magpasalamat,” nakangising sambit ni Lester sa kaniya.
“Walang katumbas na pasasalamat ang tulong ninyo sa akin, kaya hayaan mo nang magpa-ulit-ulit ako sa pagpapasalamat sa iyo at sa Papa mo,” wika naman niya rito.
Natawa naman ang kaibigan saka siya winisikan ng tubig nito. “Oo na! You’re welcome ‘tol!”
Masaya na nilang muling pinagmasdan ang kalangitang puno ng mga bituin. Katulad ng pagkinang ng mga iyon, balang araw magiging kasing tayog at kasing kinang ng mga bituing iyon ang kaniyang buhay. Magsusumikap siya upang maabot ang kaniyang pangarap na maging piloto. Ipinapangako niya sa kaniyang sarili na kahit na anong mangyari, maaabot niya iyon. Walang anoman o sinomang makahahadlang sa kaniyang pag-abot, sa kaniyang minimithing pangarap.
Habang sa kabilang barangay naman ay nakaupo rin sa labas ng bahay nila si Althea, at nakatanaw sa kumukuti-kutitap na bituin sa kalangitan. Simula nang araw na makulong siya sa mga bisig ni Chino, ay hindi na niya makalimutan ang pakiramdam na umusbong sa kaniyang damdamin. Parang hinahanap-hanap na niya ang mayakap itong muli. Parang drugs na nakaka-addict ang pakiramdam niya sa tuwing maiisip iyon.
‘Hayst! Kailan kaya ulit ako makukulong sa mga bisig ni Chino?’ nangangarap na sambit pa niya sa kaniyang sarili.
Crush niya si Chino pero hindi naman siya sigurado kung ganoon din ba ito sa kaniya. Baka kasi mamaya siya lang pala ang may crush sa binata, eh ‘di awit! Kung sabagay sino ba naman siya, kumpara sa ibang mga babaeng nagkakandarapang mapansin ni Chino?
Muli siyang napahinga nang malalim at saka iginuhit sa kaniyang isip ang binatang gumugulo sa kaniyang damdamin. He’s tall, moreno, kimpee hair, with deep set of eyes, pointed nose, thick eyebrows, thin kissable lips and makalaglag panty sa kamachohan! Napapakagat labi pa siya habang ini-imagine ang mukha nito.
Ang sarap lang pagmasdan ng mukha nito, kahit mukhang suplado ito. Parang ang sarap haplusin ng pisngi nito’t buhok. Ano nga kaya ang feeling na mahawakan ang mga iyon? Siguro napakakinis ng mukha nito’t napakalambot ng buhok nito.
“Althea!”
Parang sirang plakang nagising siya sa katotohanan nang marinig niya ang tinig ng kaniyang ina. Agad siyang tumayo at nilingon ang pinanggalingan ng tinig na iyon.
“Po?” sagot pa niya rito.
“Ano pang ginagawa mo riyan sa labas? Pumasok ka na’t malamok diyan hija,” sabi pa nito sa kaniya.
“Opo papasok na Ma!” Kakamot-kamot sa ulong tugon na lang niya sa kaniyang ina.
‘Si mama talaga eh, ang ganda ng timing eh,’ bulong pa niya sa kaniyang sarili, saka nagmartsa nang papasok sa kanilang bahay.
Pagpasok niya sa kanilang bahay ay agad siyang dumiretso sa kaniyang silid, upang doon ipagpatuloy ang kaniyang naantalang pangangarap. Nahiga siya sa kaniyang kama at saka niyakap ang isang unan, ipinikit pa niya ang kaniyang mga mata at saka nangarap na si Chino ang kaniyang kayakap na iyon.
‘Eeeiii! Ang landi mo girl!’ sita pa niya sa kaniyang sarili.
Muli niyang binalikan ang mainit na yakap nito sa kaniya at habang ginagawa iyon ay pumasok ang mga paano niya sa isip.
Paano kaya kung hindi siya umalis mula sa pagkakayakap nito sa kaniya? Paano kaya kung hinayaan niyang ganoon ang ayos nila hanggang sa makarating sila sa school? May chance kayang sabihin nito sa kaniya ang nararamdaman nito para sa kaniya? Paano kaya kung sa pagmulat ng kaniyang mga mata ay ang matamis na labi nito ang sumalubong sa kaniyang mga labi?
‘Eeeiii! Sobra ka na sa imagine girl!’ sita niyang muli sa kaniyang sarili.
‘Paano lang naman eh!’ kagat labi pa niyang depensa sa kaniyang sarili.
‘Hayst! Chino, ano bang mayroon ka at nagkakaganito ako? Alam ko namang guwapo ka, matalino, at may pangarap sa buhay, kaya nga bagay na bagay ka sa akin eh. Ayyyiiieee!’ tukso pa niya sa sarili.
Nagpatuloy siya sa pangangarap at kausap sa kaniyang sarili hanggang sa gupuin na lang siya ng antok. Malamang hanggang sa kaniyang panaginip ay dala niya ang kaniyang kahibangan para kay Chino.
Hayayay! Crush pa bang matatawag iyon? Hindi kaya pag-ibig na ang tamang itawag sa bagay na iyon? Ahhh basta, ang malinaw sa ngayon, malakas ang tama niya kay Chino. Pero hindi pa puwede, may pangako siyang kailangang tuparin sa kaniyang mga magulang, at hindi niya maaaring biguin ang mga ito. Kaya tama na muna siya sa kilig-kilig na imagine niyang iyon.