Chapter 6

1579 Words
Simula nang araw na iyon, naging mas malapit na sina Chino at Althea. Hindi naman pala mahirap pakisamahan ang dalaga, in fact, mabait naman pala ito at malambing. Kagaya na lang ngayong araw, nagbaon ito ng isang damakmak na afritada at kanin para sa kanilang tatlo nina Margarita. Huling araw na ng kanilang review at bukas na ang kanilang kumpetisyon. “Wow! Grabe naman sis, ang dami naman nito, para tayong bibitayin!” bulalas ni Margarita, nang buksan na nito ang baunang dala ni Althea. “Madami ba?” tanong pa nito na tila hindi naniniwala sa sinabi ni Margarita. “Ayyy! Hindi ang konti nga eh, sana binitbit mo na ang buong kaldero ninyo,” bumubungisngis namang sagot ni Margarita kay Althea. Natawa naman si Chino sa usapan ng dalawa niyang kasama. “Nagalit ka yata eh, kaya napakarami mong binaong kanin at ulam,” saad niya rito. “Uyyy, hindi ah! Pinadamihan ko lang talaga iyan kay mama kasi nga tatlo tayong kakain. Mahirap na ang mabitin sa pagkain, baka hindi tayo makapag-review nang maayos,” nakalabing sagot naman nito sa kaniya, habang inaayos ang mga plato sa lamesang kanilang kakainan. Nasa labas sila ng kanilang canteen ngayon, sa ilalim ng punong mangga, kung saan may upuan at mesang yari sa bato. Doon nila naisipang maupo dahil sariwa ang hangin at tahimik sa parteng iyon ng kanilang paaralan. “Biro lang. Tara na ngang kumain nang maipagpatuloy na natin ang pagre-review,” aniya sa mga kasama saka naupo sa kaniyang puwesto. Sumunod naman ang dalawang dalaga sa kaniyang ginawa, at tahimik nang kumain. Habang kumakain ay hindi maiwasan ni Chino na sulyapan si Althea sa kaniyang tapat. Hindi niya ipagkakailang may gusto siya sa dalaga. Sino ba naman ang hindi magkakagusto sa isang dalagang kagaya nito? Maganda na, matalino pa. Kung ilalarawan niya ang dalaga, morena ito na may taas na five feet, five inches at balingkinitan ang katawan. Tuwid at itim na itim ang buhok nitong hanggang baywang ang haba, may pagkabilugan ang mga mata nitong may mahahaba ring pilikmata at may kakapalang mga kilay, hindi man matangos ang ilong nito na kagaya ng kay Margarita, bumagay naman iyon sa maliit nitong mukha. What attracts him most is when she smiles. Lumalabas kasi ang mga biloy nito sa ilalim ng mga mata nito, at ang pantay-pantay na ngipin nito sa ilalim ng maninipis nitong mga labi. “Aherm! Nabulunan yata ako, Chino paabot naman ng tubig, please.” Bigla naman siyang natauhan nang marinig niyang magsalita si Margarita sa kaniyang tabi. Nilingon naman niya ito at nakita niyang nakangisi ito sa kaniya. Kakamot-kamot naman siya sa kaniyang ulo habang iniaabot ang tubig dito. Taas-baba naman ang mga kilay ng dalaga nang tanggapin nito ang tubig mula sa kaniya. Napailing na lang siya saka itinuloy ang kaniyang pagkain. Batid niyang alam ni Margarita na kanina pa niya pinagmamasdan si Althea kaya naman mapanukso ang tingin nito sa kaniya. Matapos nilang kumain ay ipinagpatuloy na nga nila ang kanilang pagre-review. Lahat sila ay naka-focus sa kanilang paghahanda para sa kumpetisyon nila bukas. Nang matapos ang kanilang pag-aaral ay magkakasabay na rin silang naglakad palabas ng kanilang paaralan. Si Margarita ang unang nagpaalam dahil malapit lang ang bahay nito sa kanilang school, habang sila naman ni Althea ay nagpatuloy pa sa paglalakad. “Ihahatid na kita sa inyo para may kasama kang maglakad,” mayamaya’y alok niya sa dalaga. “Ahm, sigurado ka ba? Baka makaabala pa ako sa iyo, saka baka gabihin ka pa sa daan,” nagdadalawang isip na tugon naman nito sa kaniya. “Okay lang, doon na lang ako sasakay pagkahatid ko sa iyo. Isa pa malapit nang magdilim oh,” tugon naman niya saka tumingala sa kalangitan. “Hmmm, okay kung hindi naman ako makakaabala sa iyo, eh ‘di sige,” nakangiti nang sagot ni Althea sa kaniya. Napangiti naman siya, saka sila nagpatuloy sa kanilang paglalakad. Hindi na siya muling umimik at palihim na lang na sinusulyapan ang dalaga sa kaniyang tabi. Alam niyang may pagtingin na siya sa dalaga, ngunit kailangan niya iyong pigilan. Hindi pa napapanahon upang pumasok siya sa isang relasyon. Kailangan muna niyang matupad ang kaniyang mga pangarap, bago siya manligaw. “Paano ba iyan Chino, iyan na ang bahay namin.” Itinuro pa ni Althea ang bahay nilang nasa kanto lang ng arkong papasok sa barangay nila. “Maraming salamat sa paghahatid ha?” nakangiting turan pa niya kay Chino. “Walang anuman,” ganting tugon naman nito sa kaniya. “See you tomorrow!” muling saad nito bago tuluyang tumalikod sa kaniya. Inihatid naman niya ng tanaw ang binata habang nakangiti siya sa kawalan. Sa mga lumipas na mga araw kasi ay mas naging malapit na sila nito. Simula nang ipagtanggol siya nito sa nakabanggaan niya sa kanilang eskuwelahan, ay hindi na niya sinungitan at tinarayan pa ang binata. Totoo naman pala ang impression dito ng mga estudyante— guwapo, matalino, at mabait si Chino. No wonder, kung bakit marami ang nagkakagustong estudyante rito. Iyon nga lang sa kabila ng pagiging mabait nito, mailap din ito sa mga babae. Hindi niya alam kung bakit, pero hindi nga ito masyadong malapit sa mga kababaihan. Oo’t nakikipagbatian ito sa mga babae sa kanilang school, pero ni minsan wala siyang nabalitaang nagustuhan man lang nito, or na-link sa binata. Napabuntong hininga na lang si Althea at saka naglakad na patungo sa gate ng kanilang bahay. ‘Bakit ba biglang naging interesado ka sa buhay ni Chino?’ sita pa niya sa kaniyang sarili. ‘Eh, curious lang naman ako ‘no!’ sagot rin niya sa sariling tanong. Naipilig na lang niya ang kaniyang ulo saka pumasok sa kanilang bakuran. Nakita niya ang kaniyang mga magulang na may kausap sa kanilang garden. Lumapit siya sa mga ito at humalik sa pisngi ng kaniyang mga magulang. “Oh hija, sila ang tito Nestor at tita Amelia mo. Natatandaan mo pa ba sila?” magiliw na tanong ng kaniyang ina. Napatingin naman siya sa kaharap na upuan ng mga ito, at saka muling bumaling sa kaniyang mga magulang. Sa totoo lang hindi niya kilala ang mga ito, pero mukhang pamilyar ang mukha ng mga kausap ng kaniyang mga magulang. “Sorry Ma, Pa, hindi ko po sila matandaan eh.” Alangang ngiti niya sa mga ito. “Kumpadre, kumare, ito na ang anak naming si Althea,” masayang pakilala ng kaniyang ama sa mga ito. “Anak, naalala mo ba ang kababata mong si Zaki?” tanong pa nito sa kaniya. ‘Zaki?’ tanong niya sa kaniyang sarili at pilit na inaalala kung sino si Zaki. Agad ring nagliwanag ang kaniyang mukha nang may maalala. Si Zaki ang kababata niya noon na palagi niyang kalaro sa dati nilang tinitirahan. Matagal-tagal na rin kasi iyon kaya naman hindi na niya halos maalala pa ito. “Naaalala ko na po!” nakangiti na niyang saad sa mga ito. Lumapit siya sa mga bisita nila at saka nagmano sa dalawang matanda. “Kumusta na po kayo? Si Zaki po kumusta na? Bansot pa rin po ba?” sunod-sunod na tanong niya sa mga ito, saka humagikhik. Nagtawanan naman ang mga matatanda sa kaniyang sinabing iyon. Naaalala kasi niyang madalas nilang tuksuhin si Zaki noon na bansot. Ito kasi ang pinakamaliit sa kanilang magkakaibigan noon. “Ikaw talagang bata ka, matangkad na ngayon si Zaki at guwapong-guwapo na. Baka mamaya niyan ma-in love ka sa kaniya kapag nakita mo siya.” May panunukso sa tinig ng ina ni Zaki, nang banggitin iyon sa kaniya. “Talaga po lumaki na si Zaki? Akala ko po kasi hindi na lalaki iyon eh,” hindi makapaniwalang tanong pa niya sa ginang. “Hay, naku hija, hayaan mo’t sasabihin kong sumama sa amin sa susunod na pagbisita namin nang magkita naman kayong muli,” nakangiting sabi ni Tita Amelia sa kaniya. “Sige po, para makita ko po kung may pagbabago ba sa kaniya. Matagal-tagal na rin po noong huli kaming nagkita eh,” sagot naman niya rito. “Sige’t isasama namin siya sa susunod,” muling saad ng ginang sa kaniya. “Ahm, Ma, Pa, Tito, Tita, mauuna na po muna ako sa inyo sa loob. Kailangan ko pa po kasing mag-review para sa kumpetisyon namin bukas eh,” magalang na niyang paalam sa mga ito. “Sige hija, magpalit ka muna ng damit at magmiryenda, bago ka mag-review ulit,” bilin pa ng kaniyang ina sa kaniya. “I will, Ma,” maikling sagot niya rito saka kumaway sa mga ito’t naglakad nang papasok sa kanilang bahay. “Napaka-suwerte talaga ninyo sa mga anak ninyo ano? Matatalino’t mababait,” narinig pa niyang turan ng ama ni Zaki sa kaniyang mga magulang. “Ayyy, oo naman sinabi mo pa mare,” proud namang turan ng kaniyang ina. Hindi niya inaasahang makikitang muli ang mga magulang ni Zaki sa kanilang bahay. Simula kasi nang umalis sila sa dati nilang tinitirahan, ay nawalan na siya ng balita sa kaniyang mga kababata. Bigla siyang nanabik na makitang muli si Zaki. Sa lahat kasi ng mga kalaro niya noon, ito ang pinakamalapit sa kaniya. Napakabait nito sa kaniya kahit palagi niya itong binu-bully. ‘Kumusta na kaya siya?’ tanong pa niya sa kaniyang sarili. Napahugot pa siya nang malalim na paghinga, bago tuluyang nagtungo sa kaniyang silid upang magbihis. Saka na niya iisipin si Zaki kapag natapos na ang kumpetisyong kanilang sinalihan. Kailangan manalo sila sa kumpetisyong iyon para sa karangalan ng kanilang paaralan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD