Chapter 2

1198 Words
“At bakit ngayon ka lang? Saan ka na naman nagsususuot bata ka? Kanina pa tapos ang klase niyo ah! Bakit ngayon ka lang umuwi? Nag-gi-girlfriend ka na ba? Hoy, Chino para sabihin ko sa iyo ha, kung mag-gi-girlfriend ka rin lang, aba, ngayon pa lang ay lumayas ka na rito sa pamamahay ko! Sarili mo nga hindi mo pa mabuhay tapos mag-gi-girlfriend ka na?!” Nasa pintuan pa lang siya ng kanilang bahay, ay pinaulanan na siya agad ng kung anu-anong salita ng kaniyang tiyahin. Sanay na siya rito. Kaya naman nagmano na siya, at hindi na lang pinansin pa ito. Inilapag niya ang kaniyang bag sa upuan, saka dumiretso sa kusina para magsaing. Ganito ang kaniyang gawain sa araw-araw. At kung araw naman ng Sabado’t Lingo, paglalaba, at pamamalengke ang kaniyang ginagawa. Daig pa niya si Kuracha, ang babaeng walang pahinga. Pero wala naman siyang magagawa. Nakikitira at nakikikain lang siya sa bahay na iyon. Kaya kahit anong hirap, tinitiis niya. Kahit anong sermon, at pang-aapi sa kaniya ng tiyahin at tiyuhin niya, ay nilulunok na lang niya. Iyon ang dahilan kung bakit niya gustong makatapos ng pag-aaral, at maging piloto. Gusto niyang ipakita sa mga ito na may narating siya balang araw. Matapos niyang magluto, ay siya namang dating ng kaniyang tiyuhin. Malamang talo na naman ito sa sugal. Nakainom na naman kasi ito, kaya agad siyang umiwas dito. Sa tuwing natatalo ito sa sugal, ay naglalasing ito. At kapag lasing ito, siya lang naman ang napagdi-diskitahan ng kaniyang tiyuhin. Simula pagkabata, siya ang pinagbu-buntunan nito ng mga frustrations nito sa buhay. Kahit wala siyang gawin, at kahit nananahimik lang siya sa isang tabi, siya pa rin ang trip nitong saktan. At kahit minsan, hindi siya ipinagtanggol ng kaniyang tiyahin. “Hanong hulam?” bulol na tanong nito sa kaniya, sabay salampak nang upo sa harapan ng mesa. “Huyyy, bingi ka ba? Shabi koh, hanong hulam?” ulit pa nito sa tanong nito sa kaniya. Sasagot na sana siya nang biglang pumasok ang kaniyang tiyahin, at pinsan sa loob ng kusina. “Oh, ano Julio? Lasing ka na naman? Talo ka na naman sa sugal? Punyeta ka talaga! Hindi ka na nga nakatutulong, naglalasing ka pa!” nakapamewang na sigaw ng tiyahin niya sa asawa nito. “Huwag mo akong mashigaw-shigawan Cedes ha? Baka gushto mong umbaghin kita riyan!” Dinuro pa nito ang asawa. “Subukan mo lang saktan ako Julio, makikita mong hinahanap mo! Letseng buhay ito, oo!” Nagdadabog na lumabas ng kusina ang tiyahin niya, kasunod ang maarte niyang pinsan. “Hikaw, hanong tinitingin-tingin mo riyan? Ipaghain mo na ako ng makakain!” Utos nito sa kaniya. Agad naman siyang tumalima, at ipinaghain ang kaniyang tiyuhin. Dahil sa kalasingan, natabig nito ang kamay niyang may hawak na mainit na sabaw, at natapon iyon sa kaniyang tiyuhin. Nanlaki ang mga mata niya, lalo na nang makita ang nanlilisik na mata ng kaniyang tiyuhin. Agad siyang dinakot nito sa kaniyang kwelyo, at isinalya sa dinding ng kanilang kusina. “Tarantado ka talagang bata ka! Pinaso mo pa ako!” Inundayan siya nito nang suntok sa kaniyang sikmura. Napaigik siya sa sakit, at nanghihinang napasandal sa pader. Habang hawak ang isang kamay ng kaniyang tiyuhin. “Malas ka talaga sa buhay namin!” sabi pa nito, at akmang uundayan na naman siya ng isa pang suntok. Inipon niya ang lahat ng kaniyang lakas, saka buong puwersa niyang itinulak ang kaniyang tiyuhin. Dahil sa gulat, nawalan ito ng balanse, at tumama ito sa kabilang dinding. Sa sobrang kalasingan, agad itong nakatulog nang tumama ang ulo nito sa sementadong dinding ng kusina nila. Siya namang pasok ng kaniyang tiyahin. “Anong nangyayari rito? Diyos ko Julio! Anong ginawa mo sa asawa ko? Julio!” hurumintadong tanong ng kaniyang tiyahin sa kaniya, habang ginigising nito ang asawa. Nananakit pa rin ang kaniyang sikmurang sinuntok ng kaniyang tiyuhin. Hawak-hawak pa niya iyon nang sugurin siya ng kaniyang tiyahin. Pinagsasampal siya nito at pinagsalitaan ng masasakit na salita. “Walang hiya ka! Wala kang utang na loob! Pagkatapos ka naming kupkupin, at palakihin, ito pa ang igaganti mo sa amin?!” Wala pa ring tigil ito sa pagsampal sa kaniya. Hindi niya ininda ang sakit ng mga sampal nito. Mas masakit kasi ang ang panunumbat nito sa kaniya. Hindi na niya kaya ang pang-aapi, at pang-aalipusta ng mga ito sa kaniya. Kaya naman hinawakan niya ang kamay ng kaniyang tiyahin upang pigilan ito sa ginagawa nito sa kaniya. “Tama na Tiyang! Tama na!” sigaw niya rito na nakapagpa-tahimik sa kaniyang tiyahin. Nang matigagal ito, ay unti-unti niyang ibinaba ang kamay ng tiyahin. Nagngangalit ang kaniyang pangang hinarap ito habang nagpipigil siyang maiyak sa harapan ng kaniyang tiyahin. “Nagpapasalamat po akong kinupkop, at pinalaki niyo ako Tiyang. Pero ni minsan, hindi ko naramdamang trinato niyo akong kadugo sa bahay na ito. Opo, pinakain, binihisan, at pinag-aral ninyo ako. Pero lahat naman ng iyon ay pinagtatrabahuhan ko rito sa bahay na ito. Lahat tinitiis ko para lang may bahay akong matuluyan, at may makain kahit papaano. Lahat nang masasakit na salita, nilunok ko at tiniis para lang ‘wag niyo akong palayasin. Lahat nang pananakit tiniis ko rin. Wala kayong narinig ni katiting na reklamo mula sa akin. Kahit kailan hindi niyo ako kinampihan, kahit alam niyong ako ang nasa tama. Hinahayaan niyo lang saktan ako nang lasengero’t sugarol mong asawa!” Tuluyan nang bumagsak, ang kanina pa niyang pinipigilang mga luha sa kaniyang mga mata. Marahas niya iyong pinahid at muling tumingin sa kaniyang tiyahin. “Wala kang kuwenta! Wala kang utang na loob! Lumayas ka sa pamamahay ko! Layas!” Itinulak pa siya ng kaniyang tiyahin palabas ng kusina. Humarap siya sa kaniyang tiyahin, at malungkot na tinitigan ito. “Hindi mo na ako kailangang ipagtulakan Tiyang, aalis po ako ng kusa. Hindi ko na kayang sikmurain ang pagtrato ninyo sa akin. Maraming salamat po sa lahat.” Tumalikod na siyang muli at kinuha ang kaniyang bag, na naglalaman ng kaniyang mga gamit pang eskwela. “Tingnan natin kung saan ka dadalhin nang pagmamalaki mong iyan! Umalis ka na at ‘wag ka ng babalik dito sa pamamahay ko kahit kailan!” sigaw nito sa kaniya. Nilingon naman niya ito, saka dire-diretsong naglakad palabas ng bahay ng kaniyang tiyahin. Malungkot man siyang iwan ang mga ito, ngunit sa kabilang banda, nakaramdam din siya nang pagluwag sa kaniyang dibdib. Sa wakas, nakalaya na siya sa malupit niyang buhay sa poder ng kaniyang tiyahin. Pero ngayon, hindi niya alam kung saan siya pupunta. Bukod kasi sa kaniyang Tiya Cedes, wala na siyang iba pang alam na kamag-anak na puwede niyang takbuhan. Bigla na lang niyang naisip si Lester. Tama, ito lang naman ang makakatulong sa kaniya ngayon. Dahil bukod sa nag-iisa ito sa kanilang bahay, ito lang din ang malapit-lapit na puwede niyang puntahan. Binilisan na niya ang paglalakad, at tinahak ang direksiyon patungo sa bahay ng kaibigan. Kakapalan na lang niya ang kaniyang mukha. Ang importante sa ngayon, ay ang may matuluyan siya pansamantala. Saka na siya iisip ng paraan kung paano siya mabubuhay ngayong wala na siya sa poder ng kaniyang tiyahin. Bahala na.    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD