“Walang dapat ipag-alala.” halos mahulog ang puso ng Assassin ng narinig niya ito.
“Marami pa tayong ‘stock’ na kapalit ng mga namatay nating kasamahan.” dagdag pa ng isang boses na nagpatindig ng balahibo ng Assassin.
Sanay na siyang pumatay, ngunit hindi pa rin talaga siya sanay na marinig ang mga nakakatakot na boses ng mga taong hindi man lang niya makita ang itsura. Normal lang ang boses nila, pero ramdam mo rito ang presensiya ni kamatayan.
“Assassin no. 2,” tawag ng isa,
“Po!” ang mabilis na tugon ng Assassin. Labis siyang kinakabahan.
Para sa kanya, nakikipag usap siya sa kamatayan. Ang mga alagad ng kamatayan na hindi niya alam kung kakampi ba ng mga tulad niya o kalaban.
“Kaagad na mag-recruit ng mga bagong Assassin. Pero siguraduhing sapat pa rin ang natitirang normal na tao upang linlangin ang mga users. Makakaalis ka na.” sabi nito.
“Masusunod!” sagot ng Assassin at dali-daling nagteleport papalabas ng lugar na iyon. Medyo napanatag ang kanyang loob ng makalabas dito. Sino bang hindi mapapanatag ang loob kapag nakalabas sa isang lugar na tila impyerno?
Pero alam niya na wala na siyang pinagkaiba sa kanila. Sapagkat matagal na siyang naging demonyo. Nagbalik sa kanyang ala-ala ang mga oras na kung saan sapilitan siyang dinala sa Neuron kasama ang marami pang tao na katulad na niya ay magkakaroon ng malupit na kapalaran.
Noong una ay inakala nila na katapusan na ng kanilang buhay. Walang nagtangkang tumakas sapagkat masisiraan lang sila ng ulo na makita ang mga mahal nila sa buhay na may account sa Nissassa na pinagpapatay ng mga hindi kilalang taong nakadamit ng itim.
Hindi nga sila users, pero hindi nila maintindihan kung bakit may mga taong nakadamit ng itim na nagdala sa kanila sa lugar na ito.
Masyadong makabago ang lugar. Lahat ng mga bagay na nakikita nila ay upgraded editions ng mga gadgets na ipinagbibili sa market. Mayroon din bago sa kanilang paningin. Mayamaya ay nakita na lang nila ang mga sarili sa tabi ng isang malawak na swimming pool.
Buti sana kung normal lang na swimming pool ito, ngunit hindi. Ang tubig na narito ay kulay pula. Kasing pula ng dugo. Nagulat sila ng nagsimulang itulak ng mga taong nakadamit ng itim ang mga kasamahan nila.
Inakala nila na balak silang lunurin ng mga taong ito. Pero nang wala na silang nagawa at nahulog na sa pulang tubig na ito, doon nila napagtanto na sa unang paglusong lang sila lulubog dahil unti-unting nababawasan ang pulang tubig na kung saan sila naroon. Hanggang sa lahat ay namangha ng tuluyang naging tuyo ang swimming pool habang sila ay naiwang balot ng dugo.
“Welcome, mga bagong Assassins! Kill and live long!” sabi ng isang babae na may naiibang kasuotan. Siya ang Domina, parte ng round table. Binigyan niya kami noon ng isang mainit na ngiti. Sa unang tingin ay puno ng buhay at pag asa, pero sa loob nito ay isang personalidad na maiikumpara sa demonyo.
Ayan ang pagdaanan ng mga normal na tao na sapilitang gagawing Assassins. Sa oras na madampi sa balat mo ang pulang tubig na iyon, wala kang magagawa kung hindi ang sumunod sa lahat ng kanilang ipag uutos. Tila mahika rin na papasok sa isipan mo ang mga bagay na dapat mong tandaan at gawin. Magkakaroon ka rin ng isang pambihirang abilidad na makipaglaban.
Tatanungin ka nila kung ano o sino ang isang bagay na pinakaimportante sa iyo. Kung ano man iyon ay hahayaan ka nilang gamitin ang sarili mong lakas bilang Assassin upang ito ay protektahan.
Kung tama man o mali ang aming ginagawa ay wala na kaming pakialam. Sapagkat wala namang ibang daan na ibinigay sa amin kung hindi isa lang. Dapat kaming mabuhay dahil may mga bagay rin kami na nais protektahan. Dahil sa kasalukyan, ang Nissassabase lang ang tangi naming tahanan na sapilitan.
Ito ang kapalaran ng mga normal na tao. Ang mga normal na tao ay nagiging Assassin habang patuloy na pumapatay ng isa sa amin ang mga users. Tanga sila sa pag-aakalang sumusulong sila habang may napapatay na isa sa amin. Sapagkat mauubos lang kami kapag naubos na ang mga normal na tao dito sa mundo.
Walang kaalam-alam ang mga users na nagpapatayan lang ang ang tatlong uri ng tao na natitira dito sa mundo, at kapag walang nagtangkang bumago sa kapalaran na ito, sa huli, napaka-konti lang ang matitirang buhay na tao dito sa mundo.
Marahil, sila ang mga taong…
Magaling magpanggap, makipaglaban, at manggamit ng iba.
===========================
“Dito nagtatapos ang ika-85 na meeting. Sana ay kumpleto na tayo sa susunod.” sabi ng isang boses habang paliit ng paliit ang apoy ng kanyang kandila.
“Alam mo namang isang beses pa lang nangyayari iyan.” dagdag ng isa. Napahinga lang ito ng malalim. Konting segundo ang lumipas at sabay-sabay na namatay ang mga asul na apoy ng kandila. Kasabay rin nito ang paglalaho ng mga taong bahagi ni kamatayan pabalik sa mga lugar na walang sinuman ang makakaisip, at makakaalam.