Napaatras kaming lahat sa takot nang maliliksi silang tumalunton pababa sa tanyag na tower. Para silang mga eksperto sa parkour. Pagdating sa ibaba ay bumagsak sila sa mga nakaparadang kotse, walang pakialam na nayupi at nasira na 'yung bubong sa bigat ng bagsak nila.
Sunod-sunod na putok ng baril pa ang pinakawalan nila dahilan para manghilakbot na ang mga tao at kumaripas ng takbo sa iba't-ibang direksyon. Natataranta na rin ako habang nililipat sa harapan ko ang backpack ko. Mahigpit ko 'yong niyakap para masiguro na secured ang pera na naroon.
"Tumabi kayo!" nagkakasakitan na ang mga sibilyan.
"'Wag kayo magtulakan!"
May dumaang bus sa loading station. Doon sila nagtakbuhan at nagkandarapa sa pag-uunahang makasakay para tumakas. Malapit na rin sana ako sa bus kung hindi lang ako nakarinig ng pagdaing mula sa isang matanda dahilan para matigilan pa ako. Paglingon ko sa likod ay nahagip ng paningin ko ang nadapang lolo na nilagpasan lang ng nagmamartsang mga mafioso.
Kapag pinuntahan ko siya ay sasalubungin ko sila.//
Napakagat ako sa labi. Gusto ko siyang tulungan pero hindi ako makagalaw sa sobrang takot. Naiwan na lang ako ng bus sa sobrang kupad ko kumilos.
D'yos ko po. Gusto ko lang naman bisitahin ng payapa ang Itay ko pero naipit pa ako sa gulong 'to!
"Galaw, Samantha. Galaw!" pagpilit ko sa sarili. Tutal naiwan na rin naman ako ng bus and I'm good as dead, pikit mata na lang akong humagibis pasalubong sa mafia para puntahan 'yung lolo.
Patuloy lang ako sa pagtakbo, nilalagpasan silang lahat hanggang sa makarating ako sa matanda. Pagmulat ko ay naestatwa ako sa kinatatayuan ko— lahat ng baril ay nakatutok na sa'kin.
Dahan-dahan akong kumilos para itayo si Lolo. "A-Ayos lang po kayo? Kaya niyo ba tumayo?"
"H-Hindi mo na dapat ako binalikan, Ineng. Mahaba pa sana ang buhay mo. Ako nama'y mamamatay na talaga't matanda na ako." lalo akong natakot sa sinabi niya.
"'Wag po kayong magsalita ng ganyan."
Kinamusta ko na lang uli ang lagay niya pero biglang may marahas na humila at kumuha sa backpack ko.
"A-Akin na 'yan!" kaagad ko 'yong dinakma pero hindi ako nagtagumpay na mabawi 'yon mula sa lalaking kumuha no'n sa'kin.
Mapagsuspetsa niyang binuksan ang bag ko at sinilip ang laman no'n. Alam kong nakita niya na 'yung pera dahil sinenyasan niya ang kasama niya na kunin 'yong bag ko.
"Pinagtrabahuhan ko ang perang 'yan! Please, ibalik niyo 'yan sa'kin kailangan 'yan ng Itay ko!" matapang kong pakiusap. "Mukha naman kayong mayayaman, mamahalin ang mga damit niyo at sapatos! Bakit niyo 'to ginagawa?! Ibalik niyo na sa'kin 'ya— gah!" napasinghap ako nang dakmain niya ako sa leeg.
"Shut your f*cking mouth masyado kang maingay." Tinapon niya ako sa mga kasamahan niya. Pagkasalo nila sa'kin ay tinakpan agad nila ng panyo ang bibig at ilong ko. Hindi ako makahinga. May nalanghap ako sa panyo na nagpabigat sa talukap ng mga mata ko at unti-unti no'ng tinatanggal ang kamalayan ko.
"Hawakan niyo 'yan mabuti. Dadalhin natin 'yan kay Capo." usapan nila.
"Hindi, tiyansa na natin 'to para umangat ng ranggo." kontra sa kanya ng lalaking nag-to-tobacco kanina. Akala ko siya na ang lider, hindi pa pala.
"Hnn!" napaungol ako sa pagpiglas nang hipuan niya ako. Manyak. Dinilaan niya pa ang daliring pinanghipo niya sa'kin.
"Ireregalo natin siya sa mafia boss," aniya.
"Siguradong matutuwa siya. Makinis ang isang 'to."
Hindi ko na alam pa ang mga sumunod na nangyari dahil tuluyan na akong nawalan ng malay. Pagkagising ko ay natagpuan ko na lang ang sarili na nasa isang kuwarto, nakagapos na parang letrang X sa kama.
ILANG MINUTO NA akong nakatitig sa ceiling, nakikinig sa mga usapan sa labas at nakikiramdam kung may mafioso na paparating. Namamanhid na ang mga kamay kong nakatali sa ulunan ko pero wala akong magawa, hindi ako puwedeng mag-ingay. Dapat isipin nila na hanggang ngayon ay tulog pa rin ako para makakuha ako ng tiyempo para tumakas.
Tama ako sa pag-iisip na hindi cheap lang na gangster ang Familia Biviano. Dito pa lang sa kuwartong pinaglagyan nila sa'kin na carpeted, fully furnished, at may chandelier ay alam ko nang bigatin silang mafia.
Usap-usapan sa labas na may hinahanda silang piging kaya wala silang aktibidad ngayong gabi. Bad news and good news para sa'kin. Bad news dahil buong mob o gang ang nakabantay sa'kin. Good news dahil abala sila at pwede akong pumuslit.
Nilugay ko ang mahaba kong buhok at kinuha ang hairpin do'n. Gamit 'yon ay pinakawalan ko ang sarili ko mula sa pagkakaposas ng mga kamay at paa ko. Masakit sa kasukasuan pero ininda ko na lang. Wala na akong naririnig na ingay sa labas kaya inumpisahan ko na ang pagtakas.
Nakayapak akong lumabas ng silid. Mabilis ngunit maingat ang bawat yabag ko para walang makapansin. Tumatambol ang puso ko sa bawat pasilyong nililikuan ko dahil baka may makasalubong ako. Nakaliligaw 'tong hideout o mansyon o kung ano pa man ang tawag sa lugar na 'to dahil para akong hamster na niligaw sa pasikot-sikot na labyrinth na walang labasan.
Hinihingal na ako nang mapadaan sa isang kusina. Pagkakita ko sa nag-aapoy na pugon ay may ideyang pumasok sa isip ko.
Sinamantala kong walang tao ro'n, nangialam ako at itinodo ko ang pagpapainit sa pugon. Sinigurado kong kulay uling na 'yung mga tinapay sa loob bago ko buksan 'yong pugon at pakawalan ang nagngangalit na usok do'n pabulusok sa labas. Nauubo na ako sa makapal na alabok bago pa mag-ring 'yong fire alarm.
Ilang saglit pa ay naulinigan ko na ang naaapurang mga yabag ng paparating na mafiosi o mafiosos. Kaagad akong humangos papunta sa kabilang direksyon para umeskapo. Nakailang liko, at atras at abante ako nang sa wakas ay matanawan ko na ang liwanag sa dulo ng pasilyo. Nawalan na ng pag-iingat ang takbo ko sa sobrang pananabik na makatakas.
Pagdating ko sa dulo ay laking gulat ko nang mapagtantong entablado ang deadend at nakatayo na ako sa gitna no'n ngayon. May pulang kurtina sa likod ko at sa harap ko ay ang mga kalalakihang naka-black suit na umiinom ng brandy habang naka dekuwatro. It's a masquerade party. Nakamaskara sila pero yung mata lang ang natatakpan.
"Ah!" nasilaw ako sa biglang pagtutok sa'kin ng mga spotlight.