Chapter 6: The Problem Child

1351 Words
Nakuryoso ako sa batang si Massimo Russo. Wala akong pasok sa Poblador Elementary School kaya habang nasa university ako at uma-attend ng major subjects ko ay ni-research ko siya, ang pamilya niya, at ang businesses na hawak nila sa siyudad na 'to— kinabibilangan 'yon ng malls at industrial estate na maraming pabrika. Mayaman nga sila. "Bakit hindi mo pa kasi aminin sa'kin na natatakot kang binangga mo ang isang Russo?" Ginulat ako ni Rubianne sa library. Bigla na lang siyang sumulpot sa likuran ko. Pigil ang emosyon sa mukha ko nang mapahawak ako sa dibdib ko. "Ilang beses ko bang sasabihin sa'yo na 'wag kang nanggugulat? Pa'no kung may sakit ako sa puso edi inatake na ko sa'yo?" "Aatakihin ka sa puso kakaisip mo sa Massimo na 'yan hindi dahil sa panggugulat ko." Tatawa-tawa siyang pumwesto sa isang computer katabi ko. "Bilang future teacher tama lang naman na kilalanin ko maigi ang mga estudyante ko, 'di ba?" "Estudyante ko siya, Sam. Hindi sa'yo. Kung may dapat na nag-pa-panic dito dapat ako 'yun." In-on niya 'yung computer niya at nag-log in siya sa Fazebook. Pinandilatan ko siya ng mata dahil bawal 'yon pero nag 'ssh' lang siya at hinarangan ang screen para hindi siya mahuli ng librarian. Napabuntong hininga ako. "Concern lang ako sa bata kaya inaalam ko ang family background niya. Gusto kong malaman kung bakit gano'n ang ugali niya." "May magbabago ba kapag inaral mo ang pamilya niya? Wala naman. Kahit sinong magulang pa 'yan kapag naapi ang anak nila susugod 'yan sa eskwelahan at mang-aaway ng guro. Basic knowledge." Napalunok ako. "L-Lalo mo kong tinatakot." "Aha! See? Natatakot ka!" "Ssh!" Pinatahimik siya ng matandang dalaga na librarian. Alanganin siyang ngumiti rito at humingi ng paumanhin. "Anyways, tingnan mo." Sapilitan niyang pinalingon ang ulo ko sa screen ng computer niya. "Alin?" Tinuro niya 'yung mayaman at chinitang ginang sa isang trending video sa Fazebook. "Pamilyar," saad ko. Medyo blurred kasi ang mukha. "Iyang ginang lang naman na 'yan ang ina ni Massimo. Tingnan mo kung gaano niya katapang na hinarap ang media at ang mga raliyista last week no'ng nagwelga sila sa labas ng kumpanya niya. Kaya mo naman siguro siya harapin pagbalik mo sa Poblador, 'di ba?" panunudyo niya. Umiling ako, tumayo at kinuha na ang mga gamit ko. "Panahon na siguro para mag-drop na ako. Kakalimutan ko na lang ang pagiging teacher." "Samantha!" humagalpak siya ng tawa. "Saan ka pupunta?" "Sa Registrar nga mag-da-drop na." "Hindi nga? Hahahaha." Hindi ko na siya sinagot. Nang makitang palabas na talaga ako ng library ay kinabahan na siya at sumeryoso. Dali-dali niyang ni-log out ang social media account niya at dinampot ang backpack niya para humabol sa'kin. "Samantha! Kung magbibiro ka ngumiti ka naman para alam ko, oh! Ang blangko lagi ng mukha mo hindi ko tuloy alam kung nagbibiro ka lang! Mag-da-drop ka ba talaga?!" Lihim akong natawa sa kanya. SA BUSY SCHEDULE ko sa university, sa club, at sa Poblador Elementary School, sa pinakahuli talaga ako excited. Iba 'yung feeling kapag papasok ako sa eskwelahan at flag ceremony tapos babatiin ako ng mga guard, janitors, at estudyante ng 'magandang umaga, ma'am!' Ang sarap sa pakiramdam. Naobserbahan kong kaya nananatili sa bokasyong ito ang mga guro kahit mababa ang pasahod ay dahil sa small acts of appreciation na natatanggap nila. Gusto ko rin 'yun. Hindi lang talaga ito tungkol sa bonus o pera. Importante rin sa'min na na-a-appreciate kami lalo na ng mga bata. Malayo ang classroom nina Rubianne at Mr. Soriano kaya hindi kami nagkita. Kinakabahan nga ako habang nagkaklase buong umaga dahil baka bigla akong ipatawag sa Principal's Office. Kapag sinugod ako ng corporate, chinitang ina ni Massimo ay siguradong papangit ang academic record ko. Pagkatapos ng morning classes ay pinag-recess na ng teaching supervisor kong si Ma'am Espinosa ang mga bata. Magiliw akong hinila ng mga ito nang sabayan ko sila papunta sa canteen; ang kukulit nga nag-aagawan pa sa kamay, braso, at damit ko para lang makakapit sa'kin. "Oh, dahan-dahan baka may madapa sa inyo." nakangiti kong paalala sa kanila pagpasok namin sa loob. Mamimili na sana ako ng ulam nang mahagip pa ng paningin ko si Massimo kasama ang mga kaibigan niyang mukhang siga at pinangingilagan. Palabas ang lima ng canteen, may karay-karay na batang payatot kaya kinutuban ako ng hindi maganda. "Mga bata, bumalik agad kayo sa classroom niyo pagkatapos bumili ng pagkain, ha? Aalis muna si Ate Samantha." bilin ko sa mga estudyante ko bago sila iwan. Sabay-sabay naman silang sumagot ng 'opo!' kaya tumuloy na ko. Atubili kong sinundan 'yung direksyon na pinuntahan nina Massimo. Alam ko 'yung itsura niya kanina— mukha iyon ng hindi gagawa ng maganda. Tama ang hinala ko nang matagpuan ko sila sa may taniman, inaagawan ng bag 'yung batang payat na nakaluhod sa kamatisan at nagmamakaawa na 'wag nilang simutin ang baon niya. Huli na para pagsabihan ko sila. Nag-angat na ng kamao si Massimo kaya bago pa tumama ang suntok niya sa target niya ay maliksi ko na siyang sinalag, binaliktad sa ere, at walang pagtitimping ibinagsak sa lupa. Nang matauhan ako ay nagulat ako sa nangyari— na-Judo ko ang batang Russo! Blackbelter pa naman ako siguradong nasaktan ko siya! "M-Massimo, okay ka lang ba?!" Natataranta ko siyang inalalayang makabangon. "D-Don't touch me!" Tinabig niya ang kamay ko. Papaiyak na siya pero dahil ma-pride siya ay pinipigilan niyang ngumawa. 'Yung mga kaibigan niya ay takot na nagsipaglayo sa'kin. "I-I'm sorry hindi ko sinasadya, Massimo. Ipinagtanggol ko lang ang binu-bully niyo." depensa ko, tinulungan ang batang payat na puro lupa na ang puting uniform. "No! You're a gorilla! A bad gorilla! I hate you! I really hate you!" nagmamaktol na siya. Hindi uubra sa'kin ang ganito. "Kung hindi ko siya niligtas naisip mo ba ang mangyayari sa'yo, Massimo? Masasaktan mo siya at patatalsikin ka na naman dito sa school. Gusto mo ba uling lumipat ng school at mawalan ng mga kaibigan?" strikta kong pagpapaintindi sa kanya. Hindi siya nakaimik. "I-Isumbong mo siya sa mommy mo, Massimo! 'Wag kang papayag na hindi sinaktan ka niya!" Ginatungan pa siya ng mga kapwa niya siga. "N-No! I will tell my kuya about her once he gets home!" bumigay siya sa suhestiyon ng mga ito. "Malalagot ka sa kuya ko!" bulyaw niya sa'kin. "Hmm, sige papuntahin mo ang kuya mo para makapagsumbong din kami nitong kasama ko sa Guidance Office." Niyakap ko ang batang payatot. "Gusto niyo ba 'yon? Sige, kita na lang tayong lahat sa Guidance. Isama niyo ang mga magulang niyo. Kailan niyo ba gusto?" Natakot silang lahat pagkarinig sa 'mga magulang'. "H-Hindi na po, Ma'am! S-Sorry na po!" Humingi rin agad ng tawad ang mga bully maliban kay Massimo na nanatiling matigas. "Kapag naulit pa 'to hindi ako magdadalawang isip na sabihin sa Guidance Counselor ang ginawa niyo rito sa taniman. Nagkakaintindihan ba tayo? Mag-sorry kayo sa kanya." tukoy ko sa batang binully nila. "O-Opo." Bumaling sila sa kanya. "Sorry, ah. Gusto lang naman namin bumili ng sorbetes kaya namin nagawa 'yon. Ang init kasi ng panahon tapos wala kaming pera." "Oo nga. Hindi ka naman namin gusto i-bully si Massimo lang talaga ang nagyaya kaya sumama na kami." mukhang sinsero naman sila sa pagsisisi. "Hindi kayo dapat nam-bu-bully ng kahit sino." puna ko sa pagkakamali nila. "Kung may gusto kayong kainin dapat galing sa sarili niyong bulsa ang pera... o kaya sa'kin. Ano bang sorbetes ang gusto niyo? Libre ko na." Nagliwanag ang mukha nilang lahat. "Talaga po?!" "Oo, basta ba mababait kayong bata lagi." Luminga ako para hanapin si Massimo pero nawala na siya. Mukhang matigas pa sa nahanginang pandesal ang puso ng batang 'yon. Matagal-tagal pa bago ko siya mapapaamo. "Ma'am! Si Massimo, oh! Tumatakas!" Tinuro siya ng mga kaibigan niya. Nahuli ko siyang humahakbang na sa bakod. "I will never obey a gorilla like you! Siguradong pupunta na si kuya bukas kaya humanda ka!" pagbabanta niya sa'kin bago tumakbo paalis. Bigla akong napaisip. Sino ba 'tong kuya na tinutukoy niya? Sa lahat ng websites na nakita ko wala naman siyang kapatid. Nagsosolo siyang anak at tagapagmana ng Lee-Russo Empire. Hindi kaya...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD