Hindi kaya may imaginary friend si Massimo? Sa likod ng salbaheng imahe na pinakikita niya, hindi kaya deep inside malungkot lang talaga siya at nangangailangan ng kalinga?
"Palagi niyang sinasabi na isusumbong niya ako sa kuya niya, kuya, hindi ama o ina kahit pa instinct ng isang paslit na sumandal sa magulang niya bago sa iba." kuwento ko kina Betty at Hershey.
Nag-re-retouch kami ng make-up sa dressing room ng club. Katatapos lang ng happy hour kaya para na kaming lantang mga bulaklak na ilang lalaki na ang nakalamog at nakahawak.
"Baka may issue sa magulang?" hinuha ni Betty.
"O baka may mommy issue." dagdag ng beteranong si Hershey na inaayos ang push-up bra niya. "Teka, sino ba 'yang batang 'yan at hanggang dito sa trabaho iniisip mo? Ano bang trabaho mo sa labas nitong club, Samara?"
"Nag-tu-tutor lang ng bata." pagsisinungaling ko. "Nagtataka lang ako kung bakit napakasalbahe niya. Biruin mo, nam-bully pa ng ibang bata para sa pera samantalang mayaman naman siya."
"May mga bata talaga na defense mechanism nilang ipakita na agresibo sila para mapagtakpan kung ano mang kahinaan mayroon sila," kaswal na sagot ni Hershey habang nag-li-lipstick.
"Parang ang dami mong alam sa mga bata." pansin ko.
Naiiling siyang ngumisi. "Walo ang kapatid ko pa'nong hindi dadami ang alam ko sa mga bata, Samara."
"Walo?!" bulalas ni Betty. Napa-wow naman ako.
"'Wag ka, 'yung walong iyon ang motibasyon ko sa pagpapalaspag sa mga may asawa na, amoy lupa, at huklubang mga lalaki rito sa club kaya Samara—" Bumaling sa'kin si Hershey. "—'wag kang magsawang intindihin, kahit mahalin pa ang batang 'yan. Kailangan niya 'yan."
Tumango ako.
Nang makitang nagmukha na pala akong cake sa kanina pang pagtatapal ng foundation sa mukha ko ay iritable akong kumuha ng wipes at binura na lang lahat ng make-up sa mukha ko.
Napabuntong hininga ako. Samantha, na saan ang sinasabi mong 'kalimutan ang buhay sa labas kapag nandito ka sa loob ng club'?
"Tama na ang pag-iisip sa batang Russo maghanapbuhay ka muna." saway ko sa sarili.
Matapos ng mahabang gabi ng pagbibigay aliw bilang babaeng mababa ang lipad, alas-tres ako ng madaling araw nag-out. Early out pa nga ito kung tutuusin. Maaga kasi ang pasok ko mamaya sa Poblador Elementary School. Aayusin ko pa ang sample lesson plan ko at siyempre kailangan ko ring matulog.
Pagsapit ng alas otso ng umaga ay hirap na hirap pa akong lumabas ng bahay. Ang hapdi sa mga mata ng liwanag ng araw kapag puyat. Ang ingay rin ng nagtitinda ng pandesal nabubulahaw ang tulog ko pang diwa.
Pagdating sa paaralan ay napag-alaman ko kay Ma'am Espinosa na halos lahat pala ng klaseng tinuturuan ko ay may field trip. Maluwag ang schedule ko ngayon, sayang nagmadali pa ako. Pagod akong napaupo sa hilera ng study table. Malamig ang hangin dito dahil na-fi-filter ng matandang puno ng mangga ang init ng araw. Gusto ko munang umidlip.
Papikit na ako nang maaninag pa ng lumalabo kong paningin si Massimo. Mag-isa siyang nakaupo sa may seesaw hawak ang laruan niyang robot. Mukha siyang nagmukmok.
Nilapitan ko siya. Naalarma nga siya pagkakita sa'kin.
"Pwede ba ako mag-seesaw?" paalam ko. Napagdesisyunan kong maging malumanay muna sa kanya. Tumango lang siya kaya umupo ako sa seesaw katabi ng kanya. "Gundam ba 'yan?" pansin ko sa laruan niyang robot.
"You know Gundam?" bagama't suplado ay nanaba ang pisngi niya sa kuryosidad.
Pinakita ko sa kanya 'yung Gundam keychain sa wallet ko at tinabi 'yon sa robot toy na hawak niya.
"T-That's a mini RX-78-2!" bulalas niya, hindi na napigilan ang pagiging bata. Nagningning ang mga mata niya habang pinagmamasdan ang dalawang robot.
"Mayroon akong girl Gundam na may pakpak pero nasa bahay. Gusto mong makita? Dadalhin ko rito bukas."
Nakangiti siyang bumaling sa'kin, muntik nang um-oo pero unti-unti nagbago ang ekspresyon ng mukha niya, pinigilan niya ang sarili sa pagtanggap ng alok ko na para bang naalala niyang galit pala siya sa'kin. Padaskol niyang binalik 'yung robot keychain ko.
"I don't need your Gundam. Marami akong robots sa room ko." pagtanggi niya, nabuhayan ng galit. "'Wag ka na makipagbati sa'kin lagot ka sa kuya ko mamaya. Hindi niya raw kakalimutan 'yung ginawa mo sa'kin!"
Umupo ako sa harapan niya para magpantay kami. Nag-aalala ko siyang kinausap. "Massimo, hindi ba't wala ka namang kapatid? You're an only child. Sino ba 'tong kuya na tinutukoy mo? May imaginary friend ka ba o—"
"My kuya isn't imaginary! Minsan lang siya umuwi pero kuya ko siya! Totoo siya!" Tinulak niya ko at saka siya nagtatakbo paalis.
HINDI RAW IMAHINASYON ang kuya ni Massimo kaya nagpaabot ako ng alas-sais sa eskuwelahan para hintayin ito. Nakauwi na ang lahat ng guro at mga estudyante, kami na lang ng guards at janitors ang naiwan dito, namumuti na nga ang mata ko sa paghihintay pero ni anino ng sinasabi niyang kuya hindi naman nagpakita. Walang dumating.
Nagpasya na akong umuwi dahil dumidilim na. Nilakad ko ang daan papunta sa terminal, hindi pa ako nakakalayo masyado sa gate ng school nang biglang may tumigil na sports car sa harapan ko.
"Anong—"
May mga lalaking naka-coat and tie na lumabas do'n at laking gulat ko nang marahas nila akong hatakin papasok sa sasakyan. Hindi na ako nakasigaw dahil masyadong mabilis ang mga pangyayari at natakpan din nila agad ang bibig ko. Pagkapasok ko sa loob ay humarurot na kami paalis.
"S-Sino kayo?! S-Saan niyo ko dadalhi—" natigilan ako pagkakita sa pamilyar na binatang katabi ko sa backseat.
"Nagkita na naman tayo, Binibining Samantha." Naghubad siya ng sombrero, kapagkuwan ay ipinahinga ang naka-leather gloves na kamay sa pusturiyoso niyang baston.
'Yung Italyano niyang wangis...
"I-Ikaw 'yung Mafia Don!" sa wakas ay napagtanto ko na.
"Valerio." pagtatama niya. Diretso sa kalsada ang tingin niya na parang hindi ako karapat-dapat pag-aksayahan ng oras tingnan— ibang-iba no'ng gabing hindi maalis ang paningin niya sa'kin.
Namukhaan ko na rin 'yung mga kalalakihang nagpasok sa'kin dito sa kotse kanina. Sila 'yung hitmen niya.
Maingat akong nagtanong dahil naalala ko ang ginawa niyang pagpatay noon sa sarili niyang tauhan. "A-Anong kailangan mo sa'kin? P-Pa'no mo nalaman kung na saan ako?"
"I believe you're a practice teacher sa school na pinapasukan ng nakababata kong kapatid, Samantha."
"Nakababatang kapati—" namilog ang mga mata ko. "I-Ikaw ang kapatid ni Massimo?!"
"He's been telling me a lot about you. Sinaktan mo raw siya no'ng nakaraan." Naninimbang niya kong tiningnan sa sulok ng mga mata niya.