NAGKAKASIYAHAN sila sa ibaba nang dumungaw ako mula sa ikalawang palapag ng club. Kahit si Tads ay parang tangang sumasayaw kahit pinagtatawanan na ito ni Jervice. Tila walang pakialam ito sa mga nakatingin sa kanya, sadyang nakainom na siguro ang babaeng 'yon. Bumalik ako sa upuan. Gano'n pa rin ang awra ni Yuji, nakasibangot pa rin siya na animoy may malalim na iniisip. Hawak pa rin nito ang baso niyang may alak. Napabuntong-hininga na lang ako dahil uuwi na namang lasing si Yuji. Sabi ko nga, ayoko sa mga lalaking mahilig uminom ng alak. Ilang minuto ang lumipas ay nakabalik na sina Tads at Jervice. Bakas sa mukha nila ang pagod. "Napagod ako," humahangos na sambit ni Tads at kinuha 'yong baso sa mesa. Hinawakan ko iyon upang pigilan siya. "A-Alak 'yan. Sanay ka bang uminom?"