CHAPTER 24
Agad kong pinuntahan si Rizza sa kanyang kuwarto ngunit hindi ko siya roon naabutan. Hindi iyon naka-lock. Mabilis kong ti nignan ang mga gamit niya. Naroon pa rin naman ang mga iyon. Agad akong lumabas. Mabilis kong hinahap sa loob ng kumbento ngunit wala. Lumabas ako. Hinanap ko siya sa paligid ng simbahan.
Nakita ako ni Tito na aligaga.
“Bakit? Hinahanap mo si Rizza?”
“Opo.”
“Nagpaalam sa akin. Umalis siya. Kailangan niyang puntahan daw muna si Paul.”
“Bakit pa?” nakaramdam ako ng pagkainis.
“Anong bakit pa? Ikaw ang nakasakit, kaibigan niya ang sinaktan mo. Anong nangyayari sa’yo?”
Hindi ko sinagot si Tito. Sa kabila ng ginawa ni Paul. Sa kabila ng pagpapakita nito ng hindi maganda kanina, nagawa pa rin niyang dalawin? Hindi man lang niya muna ako kinausap. Ni hindi siya sa akin nagpaalam. Ano na lang ba ako sa kanya?
“Tito, kapag ba hindi ako nagpari, hindi na rin ninyo ako tanggap? Hindi na rin ba ninyo ako mahal?”
“Hindi sa hindi tanggap. Hindi ko lang gusto yung epekto sa’yo ng maaga mong pag-ibig. Hindi ko lang gusto na sa kabila ng paghubog namin sa’yo, ganitong bata ang kinalabasan mo.”
"Hindi na ako bata, Tito. Hindi na ako basta-basta na lang susunod sa sasabihin ninyo. May sarili na akong pag-iisip. Alam ko na ang mali sa tama.”
“Talaga? Sa edad mong kinse?”
“Marami nga riyan, kuwarenta na, wala pa ring pinagkatandaan.”
“Pinariringgan mo ba ako?”
“Hindi ho Tito. Iniisip ko lang kayo na mga pari, kung gusto ninyong maging kagaya ninyo talaga ako, di ba, dapat ang mga tinutulungan natin ay iyong mga talagang nangangailangan? Di ba, kapag tumulong tayo ayaw nating mapasama ang tinutulungan natin. Kaya nga tayo tumutulong para mailayo siyang gumawa ng kasalanan, tama ho ba?”
"Hindi ko alam kung saan na naman pupunta itong usapan natin. Matalino ka talagang bata. Pero hindi kailanman kayang tapatan ng talino lang ang experience. Maaring lahat ng sinasabi mo sa akin ngayon, kayang likhain ng matalino mong utak ngunit saka na lang tayo mag-usap kung marami ka nang karanasan na huhubog sa pagkatao mo, Rhon."
“Alam ninyong mapapasama si Rizza kay Paul, pinayagan pa rin ninyong dalawin siya? Para lang ninyong pinapabayaan yung mahal ko na madisgrasiya. Na mapasama.”
“Bakit ba ako ang lagi mong sinisisi. Nagpalaam siya ng maayos, sino ako para pigilan siya. Hindi ko siya kamag-anak. Hindi ko siya anak. Wala ako sa posisyon na sabihing huwag.”
"Pasensiya na Tito. Marami lang akong hindi na maintindihan. Bakit si Rizza, kailangan niyang magtrabaho at gumawa ng hindi niya nasisikmura para lamang makapag-aral. Bakit may mga bagay na ginagawa siya na kahit labag sa kaniyang kalooban ay pinipilit niyang gawin para lamang magtagumpay siya sa buhay? Hindi ba siya puwedeng mag-aral lang din kagaya ko? Hindi ba dapat kayo ang naglalayo sa kaniya sa kasalanan? Kayo ang naglalayo sa kanya sa kapahamakan kasi nang dumating tayo sa dito sa kumbento, tayo na ang pamilya niya. kayo na ang guardian niya. Kayo ang pumipirma sa card niya. Tapos alam ninyo na hindi mabuting tao si Paul, na hindi makabubuti sa kanya ang kriminal na iyon, pero pinayagan ninyo pa ring umalis?"
“Pumasok ka nga sa kuwarto mo! Baka hindi ako makapagtimpi! Pasok!” singhal ni Tito sa akin.
Umalis na ako. Ginawa ko iyon para kay Rizza. Gusto kong maisip ni Tito na tulungan si Rizza at huwag niyang idamay dahil dahil sa gusto niyang kontrolin ako. Kung hindi niya matulungan si Rizza, ako ang mag-iisip ng paraan. Ngunit masama ang loob ko sa ginawa ni Rizza na umalis na hindi man lang muna niya ako kinakausap. Alam niyang hindi ko magugustuhan na puntahan niya si Paul. Baka umasa si Paul. Baka akala ni Paul, sa kanya pa rin si Rizza. Na siya ang pinipili nito kaya nandoon siya. Binibigyan niya si Paul ng pag-asa eh! Oo magkaibigan sila pero hindi na safe si Paul. Hindi ba makita iyon ni Rizza? Nakakainis!
Ilang oras pa ang nagdaan lalong sumidhi ang inis ko kay Rizza. Hindi kasi ako mapakali hangga’t hindi siya umuuwi. Kinakabahan ako. Natatakot para sa kanya. Hanggang sa gabing-gabi na wala pa rin. Inaantok na ako hanggang sa tuluyan akong nakatulog.
May mahinang katok sa aking pintuan.
"Sino 'yan?" tanong ko.
"Puwede ba tayong mag-usap?"
Bumibigay ang mga mata ko. Tinignan ko ang orasan, alas onse na. Wala ako sa mood makipag-usap.
“Rhon, please. Buksan mo ‘to. Mag-usap naman tayo please?"
“Anong tawag mo sa ginagawa natin?" lumapit ako sa may pintuan ngunit hindi ko iyon pinagbuksan. Alam kong nasa tapat din siya ng pintuan. Medyo may sama ng loob ako sa kanyang pag-alis.
"Alam ko masama ang loob mo na pinuntahan ko si Paul. Okey na siya. Magaling na. Buhay rin yung nasaksak niya. Galit ka ba sa akin na pinuntahan ko siya at hindi ako nagpaalam sa’yo?"
Bumunot ako nang malalim na hininga. Pinakiramdaman ko ang sarili ko. Handa na ba akong kausapin siya?
“Buksan mo naman ‘to oh! Mag-usap tayo, Rhon.”
"Ayaw ko."
Sandaling katahimikan. Siguro nag-iisip siya ng sasabihin. Naghihintay din lang ako.
"Gusto mo ihatiran kita diyan ng pagkain? Kahit hindi ka na lalabas basta alam kong hindi ka gutom, makakampante na ako. Hindi ka pa kasi kumakain mula kaninang tanghali eh. Please?"
Hindi ako sumagot.
"Sige, sandali lang at kukuha ako ng pagkain mo ha? Matulog ka na lang kapag nakakain ka na, okey?"
Narinig ko ang yabag palayo. Nakaramdam ako sa kaniya ng awa ngunit hindi pa nito lubusang napapawi ang inis ko sa kaniya. Gusto kong habaan pa. Kahit bukas, kausapin ko na siya tungkol sa amin. Kung ano ang dapat naming gawin ngayong alam na ni Tito na hindi na ako magpapari pa. Marami na rin missed call sina Mommy at Daddy ngunit hindi ko lahat sinasagot. Wala ako sa mood makipag-usap sa kahit sino.
Ilang sandali pa at nakarinig ako ng mahinang katok.
"Baka puwedeng buksan mo, iaabot ko lang ang pagkain mo."
"Ayaw ko nga. Kulit naman e!" sagot ko.
"Bhie, namimiss na kita. Gusto ko lang sana makita ka. Kahit hindi na kita mayakap at mahalikan, gusto ko lang makitang okey ka."
"Bakit naman hindi ako magiging okey?" balik tanong ko sa kaniya.
"Kasi galit ka sa akin?"
"Galit ako sa'yo pero hindi ibig sabihin no'n na hindi na ako okey."
"Mapapatawad mo ba ako bhie?" pagsusumamo niya.
"Hindi pa sa ngayon. Ayaw kitang makita!"
"Sige, kung ayaw mo akong makita, iwan ko dito sa pintuan mo ang pagkain mo. Kunin mo na lang kapag nakaalis na ako. Salamat ha?"
Narinig ko ang mga yabag niya palayo. Nakaramdam na din naman ako ng gutom kanina pa. Ilang saglit pa ang hinintay ko bago ko binuksan ko ang pintuan.
Biglang may humawak sa braso ko. Si Rizza. Hindi pa siya umaalis doon. Maaring umalis ngunit maingat siyang bumalik para hindi ko marinig ang yabag niya.
Hawak ko na noon ang tray ng pagkain. Hinawakan niya ang braso ko.
"Bhie, papasukin mo naman ako. Mag-usap tayo. Kailangan nating magka-ayos ngayong gabi."
"Bitiwan mo ako! Kung hindi mo ako bibitiwan, ilalaglag ko itong tray!" galit kong banta sa kaniya.
Narinig ko ang kaniyang buntong-hininga. Tinanggal niya ang kamay niya sa braso ko. Nakita ko sa kaniyang mga mata ang namumuong luha. Hindi na siya nagsalita. Pumasok ako at mabilis kong sinara ang pintuan.
Paggising ko kinabukasan ay tahimik ang bahay. Tanghali na din naman kasi. Puyat ako noong nakaraang gabi at bumawi lang ako kaya tinanghali na ako ng gising. Pagbangon ko ay pumunta ako agad sa kusina ngunit wala si Rizza do'n. Tumingin ako sa garden ngunit hindi ko siya nakita. Sumilip ako sa simbahan at sa paligid nito ngunit hindi ko siya natagpuan. Nasaan kaya 'yun? Paulit-ulit kong tanong sa aking sarili ngunit namuo ang takot at pangamba ang aking dibdib. Lahat na ng bahagi ng simbahan at kumbento ay pinuntahan ko. Naikot ko na nga ang buong paligid ngunit hindi ko siya mahanap. Mabilis akong tumakbo papunta sa kanyang kuwarto. Bukas iyon. Binuksan ko ang kanyang damitan, wala na.
Para akong nauupos na kandila. Parang bigla na lang akong nanghina. Naluha ako. Hindi ko alam ang aking gagawin. Tumakbo ako. Mabilis na mabilis. Baka kasi nasa hintayin pa ng jeep papuntang Tuguegarao. Baka hindi pa siya nakakasakay. Pero pagdating ko doon, wala na. Hindi ko na siya naabutan pa. Saan ko ngayon siya hahanapin? Paano ko siya ngayon makakausap?
Nilapitan ko si Tito na nagpapahangin sa silong ng mangga.
“Tito, nasaan si Rizza?”
Huminga nang malalim si Tito. Isinara niya ang binabasa niyang bibliya.
“Tito, ano ba? Nasaan si Rizza?”
"Umupo ka rito. Huminga ka nang malalim. Iluha mo ‘yan kung gusto mo. Para ka nang baliw. Para ka nang wala sa katinuan, anak.”
Umupo ako sa laging inuupuan noon ni Rizza na yari sa pinutol na sanga ng kahoy.
"Tito,” garalgal ang aking boses. “Iniwan na ba ako ni Rizza? Umalis na ba siya?" tanong ko.
"Umalis na siya. Ang sarap kasi ng tulog mo kaya hindi ka na niya ginising pa dahil kagabi raw, ayaw mo naman siyang harapin. Ayaw mo raw naman siyang patawarin. Pero may iniwan yata siyang sulat sa harap ng kuwarto mo. Hanapin mo kung sa'n niya ro’n nilagay."
Hindi ako nakasagot. Agad akong tumayo at umalis. Hindi na ako nagpasalamat pa kay Tito. Muli pinabayaan lang niyang umalis si Rizza. Parang biglang nanghina ako at naramdaman ko ang bahagyang pamamawis ng noo at panlalamig ng mga kamay ko.
"Umalis na siya. umalis na naman siya. Umalis siyang hindi nagpaalam. Umalis siyang basta na lang niya ako iniwan.” Pabulong-bulong kong sinabi sa aking sarili habang naglalakad at umiiyak papunta sa aking kuwarto.. Hayan na naman ang mabilis na pagbagsak ng aking mga luha. Napakasakit ng pakiramdam ko. Umiiyak ako. Iyak ng iniwan, iyak ng taong sawi.
Nakita ko ang sulat niya doon sa tabi ng sapatos ko sa gilid ng pintuan ng kuwarto ko. May kahabaan iyon at malaman. May pangako, tagos sa isip at puso. Ngunit tuloy lang ang pagluha ko hanggang naging iyak at nang di mapigilan ay nauwi sa matinding hagulgol.