CHAPTER 23
“Ikaw ba? Ikaw ba ang may kagagawan nito, Rhon? Ikaw ba ang sumaksak diyan?” mataas ang boses ni Tito. Histerikal. Nanginginig ang kanyang pang-ibabang labi. Namumula ang kanyang mukha. Napapaluha sa sobrang nerbiyos, takot at galit sa akin.
“Ano?” hinawakan niya ang balikat ko. “Sumagot ka! Ikaw ba ang salarin sa lahat ng ito?”
Umiling-iling ako. Hindi ko alam kung paano ko haharapin si Tito lalo pa’t naabutan niya akong sinusuntok-suntok sa mukha ang walang kalaban-laban nang si Paul. Ang labas, parang ako ang may kasalanan. Ako ang lumalabas na masama.
Tinanggal ko ang kamay ni Tito sa aking balikat. Kailangan ko ng hangin. Gusto kong huminga. Mabilis akong naglakad palayo. Huminto ako nang nasa medyo kalayuan na ako. Nilingon ko ang piangyarihan ng sagupaan.
Nakita kong mabilis na inuna muna nilang isinakay sa sasakyan ng barangay ang nasaksak Isinunod nilang isinakay si Paul na hindi maigalaw ang ulo.
Oh God! Ano itong nangyaring ito? Bakit nangyari ngayon lahat ito?
Paikot-ikot ako sa aking kinatatayuan. Natatakot. Kinakabahan.
Nang umalis na ang sasakyan ng barangay ay lumapit ang kapitan at si Tito sa akin. May mga kasama silang mga tanod. Sa tingin nila sa akin para na nila akong nahusgahan. Parang sinasabi nilang ako ang may kasalanan sa lahat. Ako nga ba? Pati ako hindi ko na alam. Pati ako, naguguluhan.
“Ano? Sumagot ka! Bago makarating ang mga pulis dito, sabihin mo sa akin, ikaw ba ang may kakagawan nong kanina?” sigaw ni Tito sa akin. Nasa likod niya ang aming kapitan. Nakikinig lang muna sa usapan. Nag-aabang sa aking pag-amin.
“Hindi ko alam.”
“Hindi mo alam? Paanong hindi mo alam eh ikaw ang naaktuhan na nananakit kay Paul?”
“Hindi lahat. Tito, hindi ko kasalanan lahat,” bulong ko kasabay ng pag-agos ng aking mga luha. Nanginginig. Ngayon ko lang naisip na mali ang ginawa ko. Nagpadala ako sa aking galit.
“Paanong hindi lahat! Nanaksak ka. Paano kung mamatay iyong may saksak at si Paul. Oo, hindi ka pa pwedeng makulong pero habangbuhay nang nakakabit sa’yo ‘yan. Dadalhin mo na ‘yan hanggang sa’yong pagtanda! Ano ka ba, Matthew! Anong nangyayari sa’yo? Anong pumasok sa ulo mo! Hindi na ikaw ‘yan, Matthew! Hindi na ikaw ang pamangkin ko!”
“Sige na. Pasensiya ka na, Father pero kailangan namin dalhin sa barangay ang pamangkin ninyo,” buong pagpapakumbaba na sinabi ng kapitan.
“Tito, bakit? Wala akong kasalanan.”
Huminga nang malalim si Tito. Humarap siya sa kapitan. Nagkamot siya sa kanyang noo. Halatang hindi niya alam ang kanyang sasabihin sa kapitan. Hindi sanay si Tito na makiusap lalo na kapag alam niyang mali ang kanyang ipakikiusap.
“Father, Kapitan, hindi ho siya ang sumaksak do’n sa lalaki.” Tumayo si Rizza sa pagitan namin. Itinaas niya ang kanyang mga kamay. Ipinakita niyang handa siyang ipaglaban ako.
“Ano bang nangyari?” tanong ng Kapitan. “Gusto kong malaman yung buong pangyayari.”
“Aksidente hong nasaksak ni Paul nang dapat saksakin niya si Rhon. Sinakal ni Paul si Rhon, halos mamatay siya kanina. Mabuti nasiko niya si Paul. Sinipa niya at dahil sa galit, pinagsusuntok niya ang mukha ni Paul. Iyon ho ang totoong nangyari. Huwag lang ho kayong magbase sa naabutan ninyo. Mali hong siya ang hulihin ninyo at paakuin sa hindi naman niya kasalana. Mali ho kayo ng iniisip, Kapitan. Father, kung may nakakakilala kay Rhon, kayo ho ‘yon. Alam ninyo na hindi magagawa ‘yon ni Rhon.”
“Heto ho, nakunan ko ho ng video ang lahat.” Si Mimi. Iniaabot niya ang cellphone niya kay Tito at sa Kapitan.
Pinanood nina Tito at Kapitan ang video habang hinawakan ni Rizza ang aking kamay. Pinipisil-pisil niya iyon. Pinapakalma ako.
Bumunot ng malalim na hininga si Tito nang mapanood ang video. Nakita man niyang wala akong kasalanan ngunit sa kagaya kong inihahanda nila para maging pari, isa itong kahihiyan. Isang patunay na baka nga hindi ako nababagay sa bokasyong iyon.
“Ano kapitan, ilalagay ba natin ang pamangkin ko sa kahihiyan? Nakita ninyo ang video, pinagtanggol lang niya ang kanyang sarili.”
“Sige, Father. Alang-ala sa pagkakaibigan natin at kilala ko naman ang pamangkin kong mabuting bata, aayusin na lang natin ito.”
“Salamat, Kapitan. Isang utang na loob na pagbabayaran ko sa inyo. Babawi ako.”
“Walang anuman, Father.”
Tinignan ako ni Tito. “Pumasok ka sa loob. Ako ang maghihintay sa mga pulis. Ako ang kakausap sa kanila.”
“Pero, Tito…”
“Pumasok ka!” singhal ni Tito sa akin. Mula pagkabata ko, ngayon lang ako nasigawan ni Tito.
Tahimik akong sumunod sa utos niya sa akin.
Habang naglalakad ako papuntang kumbento, nakita kong iba na ang tingin sa akin ng mga kasamahan kanina ni Paul at ang lahat ng kaibigan ni Rizza. Pati ang mga nakasaksi sa nangyari. Tinging parang may paghanga. Tingin may pinangingilagan. Pinatumba ko lang naman ang apat na mas panganay sa akin. Kung uulit-uliting panoorin ang video na nakunan ni Mimi, masasabing ipinagtanggol ko lang ang sarili ko. Ang pagkakasaksak ni Paul sa kaibigan niya ay aksidente ngunit hindi iyon dapat ipasagot sa akin. Kailangan kong iligtas ang aking sarili. Ngayon na alam na ng lahat kung anong klaseng binatilyo ako, ibig sabihin, hindi ako basta-bastang kalaban. Tumatak na ako sa kanilang isipan. Hindi ko na alam kung paano ko pa maibalik ang tingin nila sa akin na mabait na pamangkin ng pari at mabuting anak ng Diyos “
Umupo ako sa aking kama. Parang wala pa rin ako sa aking sarili. Alam ko namang wala akong kasalanan pero dapat umiwas ako. Dapat hindi ako nagpadala sa galit ko. Dapat hindi ko na lang nilabanan si Paul. Paano kung may mamamatay si Paul at ang kasama niya? Sabihin mang ipinagtanggol ko lang ang sarili ko pero dadalhin ko iyon sa aking konsensiya. May partisipasyon pa rin ako sa nangyari.
Huminga ako nang malalim. Napapaluha. Pinagsaklob ko ang aking mga kamay. Hindi ko alam kung may karapatan pa akong magdasal. Kung may karapatan pa akong humingi ng tawad.
Kung hindi sana ako nagmahal. Kung hindi ko sana in-entertain ang nararamdaman ko kay Rizza, kung hindi ko sana inuna ang libog sa katawan, wala sanang ganito. Baka bukas, uuwi na sana ako sa Manila at magbabakasyon. Makakasama ko na sana sina Mommy at Daddy nang walang iniisip. Makakasama ko ang aking mga magulang na wala sanang dinadalang problema. Ang sarap ng buhay ko noong hindi pa ako nagmamahal. Ang tahimik. Oo, medyo malungkot ngunit hindi magulo. Hindi ako nasasaktan kagaya ngayon. Sinapo ko ang aking ulo. Oh God! Ano itong pinasok ko? Ano itong kasalanang nagawa ko sa’yo?
Ilang sandali lang ay may mahinang katok sa pintuan.
“Sino ‘yan?” tanong ko. Hindi ako bumabangon. Nakadikit lang sa kisame ang aking mga mata.
“Ako. Si Tito. Lumabas ka nga muna.”
Huminga ako nang malalim. Kahit ayaw kong lumabas. Kahit kumokontra ang isip kong kausapin si Tito, kailangan kong gawin iyon dahil sa mata niya at mata ng lahat, may kasalanan pa rin talaga ako. Kailangan kong magpakalalaki at harapin ang lahat. Hindi ko kailangan takasan ang kahit anong aking pananagutan.
“Halika, punta tayo ng simbahan.”
Inakbayan niya ako. Hindi na ako kumontra. Hindi ako nagtanong kung bakit.
Binuksan niya ang saradong simbahan. Kami lang dalawa ang naroon.
Yumuko ako. Hindi ko alam kung papasok ba kami o hindi.
“Mula rito sa pintuan hanggang sa harap ng simbahan, maglakad kang nakaluhod. Humingi ka ng patawad sa Diyos. Gusto kong pakinggan mo ang konsensiya mo. Gusto kong kilalanin mo ng husto ang sarili mo kasi Matthew, hindi na ikaw ‘yan. Hindi na ikaw yung pinalaki ko at inalaagan. Hindi na ikaw yung anak ng Diyos na ipinahiram niya sa amin.”
Kapag tinawag ako ni Tito ng Matthew, alam kong galit siya.
“Gagawin mo o magmamatigas ka. Na pati ako na tito mo ay kaya mo na ring suwayin.”
Huminga ako nang malalim. Dahan-dahan akong lumuhod.
Naramdaman kong parang may pumasok. Hindi ko nilingon. Nahihiya akong lingunin kung sinuman ang pumasok na iyon sa loob ng simbahan.
“Magdasal ka ng Our Father at Hail Mary. Kausapin mo ang Diyos. Gusto kong makita mo mismo sa sarili mo kung anong mali. Kung bakit ka nawawala sa tamang landas.”
Hindi pa rin ako sumagot. Sinunod ko ang sinabi ni Tito. Pilit kong inisip ang sinasabi niya. Gusto kong isapuso ang lahat ng kanilang mga payo sa akin. Gusto kong isaksak sa utak ko na walang mali sa kagustuhan nilang pari. Nagsimula akong magdasal.
Hanggang sa nang nasa gitna na ako ay bigla ko siyang nilingon.
“Bakit?”
“Hindi ko na ho kaya.” Nanginginig ang boses ko.
“Hindi mo kaya ang maglakad ng nakaluhod hanggang sa harap? Hindi ba’t kahit noong bata ka, kapag may kasalanan ka, iyan ang ipinagagawa namin sa’yo? Iyan ay para maalala mo na ikaw ay hindi lang nagkasala sa amin kundi sa Diyos din? Nasa gitna ka na, tapusin mo nang mapatawad ka ng Diyos sa mga nagawa mong pagkakamali.”
Yumuko ako. Humugot nang malalim na hininga.
“Hindi ko kayang magpanggap, Tito. Tingin ko, hindi ko kayang maging ikaw.”
“Anong ibig mong sabihin?”
“Hindi ho ako nararapat maging pari. Hindi ang kagaya ko ang nararapat na magsilbi sa kanya.”
“At bakit?”
“Dahil kay Rizza? Dahil mahal ko si Rizza. Dahil gusto kong makasama si Rizza habang buhay at hindi pagpapari ang gusto kong gawin kundi ang bumuo ng pamilya.” Ramdam kong nang-iinit ang paligid ng aking mga mata. Kasabay ng pagtango ko ay ang paglaglag ng luha sa aking pisngi. Nilingon ko siya. Nakita ko si Rizza sa likod ni Tito. Nakaluhod. Nagdadasal. Ngunit natigilan sa narinig niyang sinabi ko.
Tinignan ni Tito si Rizza. Puno ng luha ang kanyang mga mata.
Yumuko si Rizza.
Para siyang nahihiya. Natatakot.
Binawi ni Tito ang tingin niya kay Rizza.
Tumingin siyang muli sa akin.
Natahimik.
Umupo siya. Parang nanghina.
“Umupo ka sa tabi ko,” malakas na sinabi iyon ni Tito.
Tumayo ako.
Nagtama ang paningin namin ni Rizza.
Nag-sign of the cross siyang lumuha.
Tahimik na yumuko. Tumalikod at umalis.
Gusto ko siyang habulin. May bumubulong sa akin na kailangan ko siyang kausapin.
“Matthew!” mas malakas iyon sa bulong na tawag sa akin ni Tito nang makita niyang hahakbang na ako para sundin si Rizza.
Tumingin ako kay Tito.
Muli niya akong sinenyasan na umupo.
Tumabi ako sa kanya.
Lumingon ako.
Nakalabas na si Rizza sa simbahan.
“Ano yung sinasabi mo? Si Rizza? Mahal mo si Rizza?”
Tumango ako.
“Sagot! Ayaw kong tumatango-tango ka lang sa akin. Mahal mo si Rizza?”
“Oho.”
“Kailan pa?”
“Ilang buwan na rin ho.”
“May relasyon kayo?”
“Nagmamahalan ho kami, Tito.”
Bumunot ng malalim na hininga si Tito.
“May nangyari na ba sa inyo? Tama ang hinala ko, hindi ba? May ginagawa na kayo na hindi niyo dapat ginagawa?”
Yumuko ako. Pumikit.
“Matthew! Kinakausap kita! Gusto kong maging tapat ka sa akin. Tama ba ako? Ginawa na ninyo ang hindi pa dapat gawin ng mga kagaya ninyong menor de edad at hindi pa kasal.”
“Ilang beses na pong ginawa namin iyon. Patawad po.”
“Oh my God!” Nag-sign of the cross si Tito. “Anong kalapastanganan ang ginawa ninyo sa tahanan ng Diyos? Hindi ako tanga. Alam kong may namamagitan sa inyo pero akala ko kaya ko pa kayong pigilan. Kaya ko pa kayong paglayuin hanggang sa maging okey kayo uli. Ano ba kayo? Nasa kumbento kayo pero nagawa ninyong dumihan ang tahanan ng mga nagsisilbi sa kanya? At ikaw? Ikaw na pamangkin ko pa ang dumumi nito?”
“Alam ko hong mali. Alam ko hong kamumuhian ninyo ako. Nagkamali ako Tito, nagkasala. Pero mahal ko si Rizza. Hindi ko napigilan ang sarili ko. Hindi ho libog…”
“Please, huwag kang magsalita o magbanggit ng mga makamundong salita lalo na sa tahanan ng Diyos.”
“Ginawa namin iyon Tito dahil mahal ko siya. Ginawa namin iyon para maipadama ang pagmamahalan namin.”
“Mag-asawa ba kayo?”
“Hindi ho.”
“May pahintulot ba ang simbahan sa ginawa ninyong pakikiapid?”
“Wala rin ho.”
“Paano kang nakalimot sa lahat ng mag salita ng Diyos, Matthew! Anong kademonyohan itong ginawa mo?”
“Masama bang magmahal?”
“Hindi ko sinasabing masama ang magmahal. Masama ang ginawa ninyong paraan ng pagpaparamdam ng inyong pagmamahal. Ginagamit ng Bibliya ang salitang “pakikiapid” para tukuyin ang mga seksuwal na gawain ng mga hindi mag-asawa. Iyon ang ginawa ninyo. Nakiapid! Inaasahan ng Diyos na ang kaniyang mga mananamba ay iiwas sa pakikiapid. Ang pakikiapid ay kabilang sa malulubhang kasalanang gaya ng pangangalunya, espiritismo, paglalasing, idolatriya, pagpatay, at pagnanakaw. Anong pagkakaiba ninyo ni Rizza sa mga ibang kriminal na nakakulong?”
“Tatanggapin ko ho ang bunga ng aking ginawa. Paninindigan ko ho ang pagmamahal ko kay Rizza.”
“Hangal ka na nga! Wala ka na sa wastong pag-iisip. Hindi ka na marunong makinig sa sinasabi ng simbahan. Binalot na ng kademonyohan ang iyong puso at isip.”
“Hindi ko kayang maging kagaya ninyo, Tito. Hindi ho ako kayo. Hindi lang ho ako ang may kasalanang ganito. Hindi ako nag-iisa na nagparamdam ng pagmamahal sa pamamagitan ng sekswal na paraan. Ngayon, alam ko namang kasalanan ang aming ginawa pero hayaan ho ninyong pagbabayaran ko na lang ho kapag ibalik ko na ang aking buhay o kahit po parusahan ako ng Diyos habang nabubuhay pa ngunit hindi ho ako nagsisisi na ipinadama ko kay Rizza ang tapat at wagas kong pagmamahal.”
“Oh Diyos ko! Ang bata mo pa anak para riyan.”
“Maaring bata ho ako, pero hindi ang nararamdaman ko.”
“Paano ka nakasisiguro na totoo na ‘yan.”
“Ramdam ko ho. Ako lang po ang nakakaalam sa nararamdaman ko.”
“Ang mahirap, naging sobra kang matalino.”
“Hindi, Tito. Bukas lang ang mga mata ko. Pinilit ninyong maging mature ako agad. Hindi niya ako pinayagang maging bata kaya kahit sa edad kong ganito, parang buhat buhat ko ang mundo. Ang hirap maging pamangkin ninyo. Ang hirap abutin ang inyong kagustuhan. Paano naman yung gusto ko.”
“Ang gusto mong mag-asawa ng maaga?”
“Ang gusto kong pumili sa buhay na sa tingin ko ay magiging masaya ako.”
“Oh God! Makararating ito sa Daddy mo.”
“Ako ho ang magsasabi.”
“Nasaan yung paggalang mo?”
“Iginagalang ko pa rin ho kayo, Tito. Kayo lang ho ang nagsisilbi sa Diyos na pinaniniwalaan kong totoo at walang bahid kasamaan hanggang sa nitong huling araw, hindi ko pa rin pala kayo kilala.”
“Patawarin mo ang pamangkin ko sa kanyang mga sinasabi.” Muling nag-sign of the cross si Tito. “Rhon, anak, nagbababala ang Bibliya na hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid. Pero ang mas mahalaga, kapag sinusunod natin ang mga batas ng Diyos tungkol sa moralidad sa sekso, pinatutunayan natin ang ating pag-ibig sa Diyos. Pinagpapala naman niya ang mga sumusunod sa kaniyang mga utos.”
“Alam ko ho lahat ‘yan, Tito. Halos memoryado ko na po ang nilalaman ng bibliya. Ngunit tito, tulad ng sabi ko, handa kong pagbayaran sa taas ang aking mga kasalanan.” Huminga ako nang malalim. “May gusto lang akong malaman sa inyo, kung inyong mamarapatin, Tito.”
“Ano ‘yon? Ano yung sinabi mo sa akin na hindi mo pa pala ako kilala?”
“Lumapit at humingi ng tulong si Rizza sa inyo para sa kanyang pag-aaral, tama?”
Tumango si Tito.
“Nakiusap siya na baka pwedeng pautangin ninyo siya. Na baka may kakilala kayong pwedeng tumulong sa kanya.”
Tumango uli si Tito. Naghihintay kung saan patungo ang aming pinag-uusapan.
“Alam ninyong nangangailangan siya. Kilala ninyo ang kanyang pagkatao. Nakasama na ninyo siya. Alam ninyo kung gaano siya katalino.”
“Alam ko,” sagot niya.
“Akala ko ba, handa kayong magbigay sa mga gipit at nangangailangan? Akala ko ho, handa kayong tumulong sa mga kabataang naghihirap?"
“Alam mong marami na akong tinutulungan, hindi ko na kaya pang magdagdag.”
“Pero alam natin na may paraan, Tito. Lagi kang may paraan para tumulong sa iba. Hindi ka tumatanggi. Hindi mo pinagsasarhan ng pinto ang mga kagaya ni Rizza. Kung hindi mo kaya, gumagawa ka lagi ng paraan na ilapit siya sa iba. Kung walang iba, handa ang mga magulang kong tumulong. Alam natin na kaya ng mga magulang kong tulungan siya basta kayo ang makiusap. Alam nating dalawa na marami pa kayong malalapitan na pwedeng tumulong sa kanya. Bakit hindi ninyo ginawa? Bakit siya ang bukod-tangi na hindi ninyo natulungan? Anong mali?”
“Dahil alam kong napapalapit na ang loob mo sa kanya. Dahil alam at ramdam ng mga magulang mo na siya ang sisira sa pangarap ng buong pamilya na magiging pari ka. Ramdam kong baka siya ang magiging dahilan ng pagkasira ng iyong pokus sa paglilingkod sa Kanya.”
“Gano’n lang ‘yon?” umiling-iling ako. Nasasaktan. “Makasarili kayo, Tito.”
“Ano? Paano mo nasasabi sa akin ‘yan ngayon?”
“Mkasarili kayo. Itinulak ninyo kaming lahat para magkasala.”
“Hindi kita maintindihan. Paano ako nadawit sa ginawa ninyo?”
“Kung sana hindi ninyo pinagkaitan si Rizza ng tulong. Kung hindi ninyo ako inisip muna. Kung bukas ang loob ninyo sa mga nangangailangan at inisip muna ninyo kung paanong makatulong sa kapwa bago ang aking pagpapari, hindi sana ibinenta ni Rizza ang katawan niya kay Paul.” Hindi ko na napigilan ag sarili kong mapauluha. “Hindi sana kami nagkagulo ni Paul. Hindi sana niya nasaksak ang kanyang kaibigan. Hindi sana kami nag-away. Hindi sana kami nagkasakitan. Hindi sana kami nasasaktan ngayon ni Rizza. Kung bukas lang sana ang isip at puso ninyo na hayaang tawagin ako ng Diyos sa bokasyon at unahing tulungan ang kagaya ni Rizza na nangangailangan, maayos sana ang lahat. Tito, may mali. May mali tayong lahat. Hindi ininyo dapat ipipilit sa akin dahil ang bokasyon ninyo, hindi lang dapat kayo ang nagdedesisyon. Hindi ninyo kailangang pagsarhan ng pinto ang ibang tao na kailangahn kayo para lang sa kagustuhan ninyong maging pari ako. Kaya Tito, hindi lang ako ang dapat maglalakad ng paluhod, kayo rin ay nagkulang, kayo rin ay hindi maasahan, kayo rin ay may kasalanan.”
Hindi ako masagot ni Tito. Buong buhay ko, wala akong ginawa kundi ang mag-aral ng mabuti. Kung hindi magbasa ng bibliya. Makinig sa mga sermon ng lahat ng magagaling na pari. Tumira kasama sila. Mamuhay ng walang bahid kasalanan. Pero nang tumagal, habang nagkakaisip ako, doon na ako nakasaksi ng mabait na pari at mga paring likas na makasalanan. Ngayon na alam ko ang tunay na kulay ng lahat ng mga pari, ngayon alam kong anong klaseng buhay mayroon sila, sino sila para pilitin ako sa bokasyong hindi bukal sa aking kalooban? Sino sila para magmalinis? Sino sila para humusga kung sinong makasalanan sa hindi?
Tumayo ako. Tinungo ko ang pintuan ng simbahan. Humarap muna ako sa rebulto ni Kristo na kapako sa krus. Pakiramdam ko, sa kasalukuyan, ako ang nakapako sa kawalang pag-asa. Sa kawalang ng direksiyon, sa mga kasalanang aking nagawa. Nag-sign of the cross ako. Lumuluhang nilisan ang simbahan.
Sigurado na ako sa aking desisyon.