CHAPTER 22
Dumistansiya ako palayo sa kanila. Paniguradong mahihirapan ako kapag ma-corner nila ako.
Kailangan kong makahanap ng posisyon na may laban ako. Kapag kasi limitado ang ikutan ko sa kanila na ang laban. Kulang ako ng lakas kung ihahambing sa lakas na meron sila.
Inayos ko ang aking porma. Pormang kapag susugod sila, paniguradong makakatikim sila sa akin.
“Sige! Sumugod kayo! Tignan natin ang tapang ninyo! Babaliin mo ang buto ko? Bata lang ako sa paningin mo hindi ba? Bakit may mga kasama ka? Baka ninyong pagtulungan ako?” Mabilis ang kilos ng aking mga mata na tumingin sa kanilang apat. Pinag-aaralan ko ang kanilang bawat kilos. Apat sila, panglima yung humawak kay Rizza. Kung hindi ko paplanuhin, sa kanila ang laban.
“Hayaan ninyo kami! Laban muna namin ito! Doon kayo!” bilin ni Paul.
Lumuwag ang aking paghinga. Mas may laban ako ngayon kaysa sa kanila na apat agad silang magtulung-tulong na labanan ako. Ngayong binilinan ni Paul ang kanyang mga kasama, mukhang laban lang namin talagang dalawa ito.
Nilingon ko si Rizza na nagpupumiglas at pilit pa rin niyang kinakausap at pinapatigil si Paul. Nakita ko ang takot sa mukha niya para sa akin pati ang kanyang mga babaeng kaibigan. Ninenerbiyos sila para sa akin. May ilang mga usisero na lalaking kaibigan ni Rizza ngunit alam kong hindi naman sila tutulong. Para kasing takot din sila kay Paul at sa mga barkada nitong mukhang papatay ng tao.
“Manood lang kayo brad ha! Tignan ninyo kung paano ko baliin ang buto ng gagong nagtatapang-tapangang batang ito!” Umayos siya ng tayo. Porma pa lang, mukhang hindi sa akin papasa. Nakasilip ako ng pag-asa. Ngunit hindi ako dapat pakampante. Hindi ko alam kung gaano siya kalakas. Hindi ko pa nakikita kung paano siya sumuntok.
“Ano? Kaya mo ba? Pwede ka pang umatras. Pwede mong isuko na lang sa akin si Rizza. Ngayong hindi pa kita nababaldado, may pagkakataon ka pa bata para umatras.”
“Ako? Aatras sa’yo? Ulol! Saka ngayon pa na alam ko na kung anong klase kang tao? Sa tingin mo, basta-basta mo na lang sa akin makukuha si Rizza? Baliin mo muna ang buto ko para ikaw na mismo ang kakausap sa kanya na iwanan ang kagaya kong lampa, iyon ay kung matatalo mo ako!” sagot kong umaayos ng tayo. Pinag-aaralan ko ang lahat ng kanyang ikinikilos pati ang mga kasama niyang umatras na at lumayo. Mahirap na. Baka kasi bigla lang silang aarangkada kapag makita nilang talunan na ang kanilang lider. Planado ang aking bawat paghakbang. Handa ko nang gawin ang gusto kong gawin sa kanya. Kagabi pa ako nagngingitngit. Kagabi ko pa siya gustong saktan. Nagpigil lang ako. Pero ngayon, tignan natin kung sino ang mababalian ng buto. Ngayon na ang pagkakataong hinihintay ko para ipamukha sa kanya na mali siya ng binabangga. Na mali siya ng pagtingin sa akin.
“Huwag ka na lang lumaban bata. Masasaktan ka lang. Ibigay mo na lang ng kusa si Rizza nang hindi na tayo nahihirapan at napapagod pa.” Tumawa siya.
“Andami mong sinasabi. Hindi ko siya kinukuha sa’yo. Karapatang niyang mamili. Buhay niya iyan at wala sinuman sa atin ang nagmamay-ari sa kanya. Hindi ko alam kung sino ang bata sa ating dalawa. Ako kinse anyos, ikaw ilang taon ka na ba? Bente uno? Pero para kang elementary mag-isip bro. Siguro kulang ng basa at aral ang utak mo. Inuulit ko, walang nag-aangkin kay Rizza. Walang pwedeng umangkin sa kanya kasi may sarili siyang damdamin at isip.”
“Paul, tama na ‘yan! Huwag mong daanin sa ganito. Bata ang kalaban mo. Ano naman ang panama niya sa’yo?” pakiusap ni Rizza.
Hindi ko alam kung maiinsulto ba ako sa pangmamaliit niya sa aking kakayahan o matutuwa na pinagmalalasakitan niya ako.
“Dinig mo ‘yon? Nakikiusap ang shota ko na shinota mo! Bata ka pa raw pero tang-ina, pinatulan ka niya. Ikaw pa ang pinauna niya. Tapos ngayon, gano’n na lang ‘yon? Tingin ninyo mga pare? Pababayan ko lang ba itong batang ito na hindi man lang makakatikim?”
Nagtawanan sila. “Patikman mo, boss. Dapat alam niyan kung saan lang siya. baliin mo ang buto niya. Yung dapat hindi na siya makakalakad pa. Hindi na siya makakaulit pang agawin ang sa’yo at alam niya kung saan lang siya lulugar.”
Umiling ako. Wala akong inaagaw. Hindi ko ugaling mang-agaw sa kahit anong bagay. Kahit pa babae.
“Ano? Simulan na natin? Tama nang pasaringan at usap. Ipakita mo sa akin kung paano mo babaliin ang buto ko!” hamon ko kay Paul.
“Sige. Mukhang ikaw pa ang atat ah!” Kinindatan niya ako at si Rizza. Parang hindi niya talaga ako sineseryoso. Habang iniinis niya ako ng ganoon, lalong kumukulo ang dugo ko sa kanya.
Lumapit siya sa akin.
“Ano? Sige nga? Pakitahan mo nga ako? Patikman mo nga ako para alam ko kung anong kaya mo?” sinampal-sampal pa niya ako. Hindi malakas pero nakakainsulto dahil nakangisi siya.
Lalong nagwawala na ang galit ko sa kanya kaya…
“Okey… ‘Eto na!” Mabilis kong hinawi ang kanyang kamay na isinasampal-sampal sa akin. Sabay ng malakas kong suntok sa kanyang mukha.
Nagulat siya sa lakas no’n. Napaatras. Agad niyang inapuhap ang kanyang dumudugong ilong at basag na labi.
“Arayyyy! Putang-ina! Binasag mo ang ilong ko! Pinadugo mo ang labi ko! Tang-inaaa!!!” sigaw niya. Kasunod iyon ng aking paglundag at malakas kong pagsipa sa kanyang mukha. Dumausdos ang katawan niya hanggang sa kung saan nakatayo ang kanyang mga tropa. Nagulat si Rizza. Tumahimik. Alam kong hindi niya iyon inakala. Hindi niya napaghandaan.
Ang mga kaibigan man ni Paul ay natameme. Sila man ay nagulat sa lakas kong sumuntok at sumipa.
Inalalayan nilang tumayo si Paul.
“Tang-ina!” itinulak niya ang kanyang mga tropa. “Butiwan nga ninyo ako! Nakauna lang pero hindi ‘yan mananalo sa akin. Hindi niya ako kaya! Tumabi kayo!” sigaw niya.
Nakangisi akong naghintay kung anong kaya niyang gawin. Hindi pa siya nakakasuntok. Hindi pa siya nakabitaw ng kahit ano sa akin.
Nang lalapit si Paul ay halatang galit na galit na. Nawala na yung nang-aasar niyang mukha. Tumakbo siya para sugurin ako. Nakahanda na ang kanyang kamao para bugbugin sana ako pero mabilis ko siyang sinalubong at binigyan ng umaatikabong sipa sa tagiliran at pagkababa ko pa lamang muli akong lumundag at sipa sa mukha naman niya ang aking pinakawalan. Sa lakas ng aking pwersa ay pati yung kanyang binagsakan ay napa-upo.
“Mukhang marunong ng martial arts boss. Ano? Hindi mo pa ba kailangan ang tulong namin?” tanong ng matangkad at malaking katawan na kasamahan niya.
Yung dalawa, halatang medyo nagdadalawang isip nang labanan ako.
“Sige, pagtulungan nating sugurin ang gagong ‘yan!”
Inilabas ni Paul ang kanyang patalim. Hindi ko iyon alam na may nakahanda siyang patalim. Pero bahala na, apat laban sa isa? Subukan ko. Kailangan kong kayanin dahil wala naman ibang tutulong sa akin dahil hawak pa rin ng tropa ni Paul si Rizza. Nag-aabang ako ng kanilang ikikilos. Kailangan kong maunahan sila. Nang itinulak ng isa ang kanyang kasama na halatang takot ay agad kong binigyan ng round kick. Bumagsak. Nahirapan tumayo. Hindi na talaga ito tumayo pa. Parang agad itong nahilo.
Pagkakataon ko na para maisunod ang kahit isa sa dalawa pang kasama ni Paul habang hindi pa lumalapit si Paul para saksakin ako. Ngunit mukhang wala sa plano nila ang isa isa lang. Sabay ang dalawang sumugot sa kain. Nasa kaliwa ko yung matangkad na malaki ang katawan at nasa kanan ang isa pang mukhang napilitan lang labanan ako dahil sa takot kay Paul. Halatang sabay nga sila sa pagsugod sa akin. Nag-uusap ang kanilang mga mata. Nang sipain nila ako ay mabilis akong umiwas. Ang sipa ng matangkad at malaki ang katawan ay tumama sa kasamahan nilang payat at takot. Sapol ito sa mukha. Bumagsak agad. Kinuha ni Paul ang pagkakataong iyon para sana itarak niya sa dibdib ko ang hawak niyang panaksak pero mabilis akong yumuko at umiwas. Sa bilis ng ginawa kong iyon ay hindi na nakontrol pa ni Paul ang kamay sa malakas na pagsaksak. Sa dibdib ng kasamahan niyang matangkad naitarak ang hawak niyang panaksak. May dugong lumabas sa bibig ng lalaki.
“Tang-ina, Boss! Anong ginawa mo? Bakit ako ang sinaksak mo?” nanginginig at nanghihinang sinabi ng tropa ni Paul.
Biglang nataranta si Paul. Lalong lumakas ang sigawan ng mga babae. Nanghihingi ng tulong sa mga kapitbahay. Hindi alam na alam ni Paul kung ano ang kanyang gagawin. Naguguluhan. Halatang takot. Kung bubunutin niya ang hawak niyang patalim na nakasaksak sa dibdib ng tropa niya paniguradong lalong lalabas ang dugo. Kinuha ko ang pagkakataong iyon para masipa si Paul. Hindi na niya nagawang mabunot pa ang kanyang patalim sa kanyang kasamahan. Dahan-dahang naupo ang nasaksak. Nanginginig. Nasa mukha niya ang matinding takot.
Nilapitan siya nina Rizza. Nagtakbuhan ang mga ibang lalaki para manghingi ng tulong.
Tumigil na ako. Hindi na ako lalaban pero bigla na lang akong sinakal ni Paul.
“Dahil sa’yo, nakapatay pa yata ako! Dahil sa’yo kaya nangyari ito, gago!”
Sa higpit ng pagkakasakal niya sa akin, hindi ako makahinga. Kailangan kong ilaban ang buhay ko. Kung hindi ko matanggal ang pagkakasakal niya sa akin, kasama kong mamamatay ang kanyang tropa. Namumula na ako. Lumalabas na halos ang aking dila. Hanggang sa inipon ko ang lahat ng aking lakas saka ko siniko siya nang siniko.
Nabitiwan niya ako.
Umatras ako habang umuubo. Pilit kong pinupuno ng hangin ang aking baga.
Nang mabilis siyang sumugod sa akin ay pilit kong tumindig. Hindi niya ako dapat mahawakan dahil mas malakas siya sa akin. Mas malaki ang kanyang katawan.
Nang isang dipa ang layo niya at nang ramdam kong naka-recover na ako.
“Hayop ka! uunahin mo pang gumanti kaysa sa iligtas sa kamatayan ang tropa mo!” sigaw ko. Tumalon ako kasabay ng pagbigay ko sa kanya ng matindi at pamatay kong roundhouse kick. Sa lakas no’n ay parang nabali ko yata ang kanyang leeg. Para siyang hinog na prutas na bumagsak. Hindi lang ako nakuntento, sinakyan ko siya at pinagsusunto ko sa kanyang mukha.
“Rhonnn! Tama na! Mapatay mo siya! Tama na!” sigaw ni Rizza.
Nahimasmasan ako.
Basag na ang mukha ni Rhon.
Lantang gulay na nakatingin sa akin.
Puno ng galit ang kanyang mga mata ngunit alam niyang wala siyang magagawa.
Hanggang sa dumating ang mga barangay kasama si Tito na nagulat sa kanyang nadatnan.
“Anong ginagawa mo, anak? Anong kaguluhan itong ginawa mo?” mangiyak-ngiyak at may halong galit na tanong niya sa akin.