CHAPTER 5
RIZZA’S POINT OF VIEW
Masakit man sa akin ngunit si Vic na nauna ang pinili ko kahit gustung-gusto ko sana na si Paul ang aking first dance. Natatakot ako kay Father Dimas na nakatunghay sa amin. Ayaw ko ring pagmumulan din iyon ng tsismis ng mga tao sa aming barangay. Si Dencio na anak ng kapitan ay kumuha ng kasayaw na iba pero si Paul, hindi na. Lumabas siya at umupo doon sa likod ng aking inuupuan. Pinanood niya ako. Makahulugan ang kanyang tingin na para bang masama ang loob niya sa aking ginawang iyon. Halata na nagtatampo siya sa aking ginawang pagpili kay Vic. Hindi ko na lang siya pinansin. Ngunit sa totoo lang, nanghihinayang ako sa isang pagkakataon. Sino naman ang ayaw makasayaw si Paul na napakagwapo niya nang gabing iyon? Lahat nga ng babae, umaasa na isayaw siya ng pinakagwapong binata sa aming barangay ngunit hindi niya iyon ginawa. Hindi na siya sa sumayaw nang gabing iyon at tahimik lang siyang nakaupo sa likod ko. Sa ginagawa niyang iyon, para tuloy akong binabantayan niya. Kinakabog ang dibdib ko. Sobrang gwapo niya sa suot niyang itim na polo shirt na binagayan niya ng kupasing pantalong maong. Simpleng damit ngunit nangibabaw ang kanyang kaputian. Ang kanyang kabuwapuhan. Para siyang isang Adonis. Pwede siyang itapat sa mga batang matinee idol. Oh God!
"Uyy! Rizza!" papansin niya nang maaga akong pinaupo nang nagsayaw sa akin na si Vic. Nakakahalata na yata na di ako tinitigilan ni Vic.
Hindi ko siya nilingon kasi naiinis ako na hindi na siya sumayaw uli. Hindi na niya sinubukan pang isayaw kasi ako. Kunyari na lang ay hindi ko narinig dahil sa lakas ng tugtog.
“Rizza, ano ba!” kinalabit niya ang tagiliran ko.
"Ano!" sagot ko pero hindi ko siya nilingon. Baka makahalata rin ng mga tao sa paligid. Mabuti ako pa lang ang nakaupo at malakas ang sound ngunit naririnig ko siya.
"Alis tayo rito.”
“Alis tayo? Bakit? Saan tayo pupunta?”
“Basta. Wala naman na si Dimas eh, nakauwi na. Ipagpaalam na kita kay Kapitan ha?”
“Bakit ka ba pabigla-bigla?”
“Wala. Gusto lang kasi talaga kitang masolo eh. Baka kasi makabugbog ako."
“Sino naman ang bubugbugin mo?”
“Iyong lagi kang isinasayaw at yung nakatingin pa rin hanggang ngayon sa’yo.”
“Ah, si Vic.”
“Oo. Ano tara na?”
“Ipagpaalam mo ako kay Kapitan.”
“Oo kasi hindi na ako makapagpigil pa. Baka kasi dito pa lang, mahalikan na kita.” Kinilig ako sa sinabi niyang iyon.
"Ano? Hindi kita marinig. Anlakas kasi ng music." Ngunit ang totoo niyan ay kinilig ako sa sinabi niyang huli.
Panira lang kahit kahit kailan itong si Mimi. Bigla niyang kinuha ang kamay ko at hinila pagkaupong-pagkaupo niya pa lang saka niya nilingon si Paul.
"Halika muna, samahan mo akong umihi, dali na!"
“Hindi ako naiihi eh.”
“Ikaw hindi, ako, naiihi ako. Ano ba? Porke nandiyan lang si Paul eh, hindi ka makatayo.”
“Ano bang pinagsasabi mo? Mamaya may makarinig sa’yo kung ano pa ang iisipin nila sa amin.”
“Sus, huwag ako! Sige na. Samahan mo ako kung ayaw mong isigaw ko na kayo ni Paul, gaga.”
Wala akong magawa kundi samahan na lang siya.
Habang hinihintay ko si Mimi na matapos umihi ay lumapit si Paul sa akin. Madilim ang bahaging iyon kaya wala sa amin ang nakakapansin.
"Hindi ka ba sasayaw?" tanong ko. Hindi ko siya nililingon sa tabi ko.
"Nawalan na ako ng gana. Sabi ko sa sarili ko kanina, kung hindi lang din naman ikaw ang first dance ko, huwag na lang," sagot niya. Naramdaman ko ang kamay niyang humawak sa kamay kong inilagay ko sa likod. Hinila ko iyon kasi natatakot ako na baka may makahalata pero malakas niyang pinisil.
"Ang arte naman. Alam mo namang lahat ng mga mata nasa sa akin. Andon pa kanina si Father. Ayaw kong mapagtsismisan ng mga tsismosa dito sa atin. Saka baka makahalata si Father. Natatakot pa rin ako sa kanya.”
“Natatakot ka sa kanya kaya okey lang na masaktan mo ako? Nahihiya kang ikaw ang tampulan ng tsismis kaya okey lang na ako na dapat first dance mo, binale-wala mo.”
“Kahit pa hindi ikaw ang una, espesyal pa rin naman kung magsasayaw tayo ah. Babalik ako sa upuan ko mamaya, tapos isayaw mo ako.”
"Huwag na. Ayaw ko."
"Eh, yun ang talagang sagot. Hindi yung magrason ka sa akin na pumili ako ng iba. Bakit di na lang natin i-enjoy ang gabi. Di ba aalis ka rin naman? Iiwan mo rin naman ako?"
"Ikaw na lang. Kung nag-eenjoy ka," sagot niya. Halatang naiinis na talaga. “Kaya nga tayo aalis eh para masolo natin ang isa’t isa. Kung ayaw mong sumama dahil mukhang nag-eenjoy ka naman diyan sa mukhang kuhol na si Vic, eh di ikaw na lang!”
"Ako na lang ang alin? Ang nasa puso mo?" Nilingon ko siya.
Hihitit sana siya sa hawak niyang sigarilyo ngunit hindi na niya nagawa, napa-ubo siya sa sinabi ko.
Nagtawanan kami.
Tinignan ko si Vic na kanina pa nakatanaw sa akin sa malayuan. Nakatingin din sa amin. Lalo tuloy lumabas ang nguso niya. Natawa tuloy ako sa mukhang kuhol.
“Gusto niya yatang lumapit oh? Tignan mo yung nguso, atras abante.”
“Ano ka ba? Ang sama na ng ugali mo.”
“Eh di ba nga? Hindi ba nahihiya? Mukhang artista ang gusto niya?”
“Hindi naman ‘yan makaporma kasi natatakot sa’yo.”
“Kanina pa kasi ‘yan eh! Atat lagi na isayaw ka. Nakikipag-unahan na akala mo maubusan ng adobo. Kanina nga nakita ko gusto ka yatang sundan dito pero inunahan ko kaya hayan, nguso lanng niya ang umaabante. Natakot na sigurong puntahan ka dahil binakuran na kita.”
“Hay naku, mapanlait ka talaga.”
“Natawa ka nga eh!”
"Sige na. Last na ‘to mamaya. Sayaw muna kami ni Vic ha," paalam ko.
"Hindi ba sinabi ko naman sa’yo? Alis na tayo rito? Ipagpaalam na kita kay Kap.”
“Paano si Vic. Sinabi ko kasi kanina siya na lang ang last dance ko mamaya basta tigilan niya akong isayaw.”
“Anong pakialam ko sa Vic na ‘yan? Kayo ba niyan? Bakit kailangang unahin mo siya sa akin? Hindi ka ba niyan nandidiri? Kapag magkahalikan kayo, hindi ka makahinga kasi sakop ng bibig niya ang buo mong mukha?"
Natawa ako pero pinipigilan ko. "Nagseselos ka ba sa kanta?" tanong ko. Nang-aasar lang.
"Bakit ako magseselos diyan? Mukhang kuhol? Maliban na lang kung mahilig ka sa kuhol? Gusto mo ba siya?"
"Puwede naman maging kami, kung ayaw sa akin ng gusto ko. Baka nga magpaligaw na lang ako sa kanya."
Hindi siya sumagot. Hindi ko na din hinintay ang sagot niya kasi lumabas na si Mimi sa banyo.
“Uy! Kuya Paul. Andito ka pala. Isayaw mo naman ako.” kinapalan ni Mimi ang mukha. Halatang biro sana lang iyon na may katotohanan.
“Bakit kita isasayaw? Maganda ka ba?” pambabara ni Paul kay Mimi. Halatang nasupalpalan si Mimi.
Dinilatan ko si Paul. Hindi ko gusto ang mga biro niya.
Agad akong hinila ng napahiyang si Mimi pabalik sa sayawan.
“Ang bastos porke gwapo!” nagngingitngit na sinabi ni Mimi sa akin.
“Hayaan mo na. Masama ang timpla. Ikaw naman kasi para kang pamigay kung mag-alok.”
“Joke ko lang naman ‘yon. Malay ko bang sasagutin ako ng gano’n.”
Pagkaupo namin ni Mimi ay bigla na naman may tugtog kaya agad na namang lumapit si Vic sa akin. Parang nag-aabang. Pinagbigyan ko na lang si Vic. Paminsan-minsan ay nililingon ko si Paul. Patapos na ang music nang tumayo siya at umalis. Kinabahan ako. nakita ko kasing hindi siya natutuwa na naiiwan sa upuan niya o ang nakikita kami ni Vic na laging nagsasayaw. Hindi ko tuloy naiintindihan ang mga kuwento o tanong ni Vic kaya puro tango lang ang sinasagot ko. Nakatuon ang isipan ko kay Paul. Saan kaya nagpunta na 'yun.
Bumalik ako sa upuan ko. Hindi na ako mapakali. Sampung minuto ngunit wala pa siya. nakadalawang sayaw na ako. Pagtayo ko para hanapin siya ay saka naman ang pagdating niya.
"Sa'n ka ba galing? Akala ko iniwan mo na ako. Wala akong kasama umuwi mamaya eh."
"Umihi lang. Bakit ba? Nag-eenjoy ka naman kay kuhol, hindi ba?"
"Wala lang. Akala ko kasi iniwan mo na ako."
"Sus, kunyari ka pa."
"Isinayaw lang niya ako kasi hindi mo naman ako isinasayaw. Sumayaw ka kasi." Nilingon ko siya.
"Tara na." yakag niya sa akin.
"Saan? Sasayaw?" tanong ko.
“Hindi.”
“Kung hindi sasayaw? Saan tayo pupunta?”
"Basta. Hindi ako nag-eenjoy dito. Kung sasama ka sa akin, hindi mo pagsisihan."
"Saan nga e."
"Basta! Ang hirap mo namang yakagin eh! Kung ayaw mo pang umalis, sige ako na lang. Bahala ka riyan!"
"Oo na. Aalis na tayo," sagot ko.
"Sasama rin naman pala e, kaya tara na, mas mag-eenjoy tayo ro'n. Naipaalam na kita kay Kapitan."
“Okey na ba raw umalis? Baka magsunuran yung ibang dalaga, walang maiiwan.”
“Pati ba naman yun, problemahin mo pa. Okey na nga. Dinahilan kong pinauuwi na tayo ni Father. Sige na. Mauna na ako. Sunod ka na lang sa daan. Hintayin kita ro’n ha?”
Umalis na siya. Nagsimula ang tugtog.
Inaya na naman ako ni Vic na sumayaw. Tumanggi na ako. Sinabi kong uuwi na ako.
Tumayo ako. Nakita ako ni Mimi na noon ay kasayaw na ni Vic. Kumaway na lang ako sa kanila.
Malayo pa lang ako sa gate ng barangay nang nakita ko na siya. Isa siya sa mga nakatambay malapit sa gate sakay ang kanyang motor na binili ni Father sa kanya.
Sumampa ako sa likod niya.
Hindi ko siya hinawakan pero agad ako nagtanong.
"Saan ba kasi tayo?"
"Maalala mo yung falls na natuklasan natin noong dose ka pa lang at naghahanap tayo ng panggatong? Doon na lang tayo pupunta?"
"Ano ka ba? Ang layo kaya no’n? Baka makagat tayong ahas. Masukal kaya papunta ro’n.”
“Maglalakad ba tayo? May motor na tayo oh?”
“Seryoso ka talaga?”
“Mukha ba akong nagbibiro?”
“Pero sa ganitong oras? Hindi ba nakakatakot ro'n.”
“Bilog ang buwan. Sobrang liwanag nga oh! Promise hindi nakatatakot doon. Saka huling adventure na ito. Aalis na kami. Iiwan na kita. Gusto kong may alaala kasama ka.”
“Ang weird naman. Akala ko ba mas masaya. Mas nakakatakot yung iniisip mo eh"
"Sige na, pagbigyan mo na ang trip ko. Binabantayan ng buong tsismosa sa barangay natin ang kilos ko, ang kilos natin. Ayaw ko nang dagdagan ‘yon na madawit ka pa. Hindi tayo dapat makita ng iba kaya doon na lang yung safe na magkasama tayo."
“May magagawa ba ako e, papunta na tayo ro’n.”
“Yakapin mo ako.”
“Ano?”
“Sabi ko yakapin mo ako nang di ka mahulog at para hindi ka rin matakot.”
“Paano kapag makita tayo? Isusumbong pa nila kay Father.”
“Hayaan mo sila. Natural lang naman na hahawak ka sa akin kasi naka-motor tayo.”
Niyakap ko siya habang tinatalunton namin ang madilim na daan.
Sobrang sarap ng yakap na 'yun. Sumasabay sa liwanag ng buwan at ang pagkislap ng mga bituin.
Sa malaking puno namin iniwan ang motor. Natatakot ako kasi may mga sinasabi silang nagpapakitang babae roon. May paring pugot ang ulo. May tiyanak at kung anu-ano pang mga kuwento na naririnig ko mula sa aking mga kaklase. Kaya naman napahawak ako sa kamay niya.
Binuksan niya ang motorcycle box. Kinuha niya ang backpack niya roon at iba pang nakalagay sa plastic. Halata talagang pinaghandaan niya.
"Tara na." Paanas niyang tawag sa akin. Hinawakan niya ang palad ko at binuksan niya ang hawak niyang flashlight. “Bakit ka nanlalamig?”
“Natatakot ako. Ano ba? Hindi mo ba naririnig yung mga kwento na may multo riyan?”
Natawa siya. “Naniniwala ka sa multo?”
“Bakit hindi? Ikaw ba hindi ka natatakot?”
“Bakit ako matatakot eh kasama kita.”
Siya ang unang naglakad. Kabisadong-kabisado niya ang kaniyang tinatalunton na daan. Nang marating namin ang falls ay binuksan niya ang dala niyang bag. Inilabas niya ang laman no'n. Mga chichirya na may kasamang mga inumin at beer. May malalaking kandila rin na halatang kinuha niya sa simbahan. Sinindahan niya ang limang kandila na siyang nagsasabog ng liwanag sa paligid. Nang mailatag niya ang parang kumot ay doon na kami umupo.
Hindi ko alam kung anong mangyayari o anong gagawin namin doon. Ngunit naghihintay lang ako kung ano ang mga plano niya. Para akong na-hypnotized na sumusunod lang sa gusto niyang gawin o ipagawa. Hindi ko kasi napaghandaan ang lahat ng mga ginagawa niyang ito. Nagugulat pa rin ako. Kay Paul ko na ba mararanasan ang lahat ng first ko sa buhay bukod doon sa aking first dance kanina?