Chapter 4

2064 Words
NAIBULSA ni Kyden ang parehong mga kamay nang matanaw ang mataas na bakal na gate ng Southland Academy. Kasalukuyan siyang nakatigil sa kabilang kanto at pinagmamasdan ang buong Akademiya. Aminado siyang hindi ito gaya ng mga eskuwelahang dati na niyang napasukan. Hindi ito kalakihan at hindi rin ganoon ka-modernisado. Ngayon pa lamang ay nahuhulaan na niyang magiging boring ang pananatili niya sa lugar na ito. “Bahala na.” Isang malalim na buntonghininga ang kanyang pinakawalan bago ipinagpatuloy ang paglalakad. Siguro ay pagtitiyagaan na lamang niya ang lugar na ito hanggang sa maisipan ng kanyang ama na pauwiin siya sa Maynila. “Six months lang, Kyden. Magtiis ka sa loob ng six months,” usal niya. Nang tuluyang makapasok sa loob ng Akademiya ay muli siyang napahinto sa paglalakad. Sunod niyang iginala ang kanyang paningin. “Ang inosente ng mukha ng mga babae rito,” dismayadong bulong niya. Umismid na lamang siya saka muling napabuga ng malalim na paghinga. Naisip niyang tumungo na lamang sa Office of the Registrar nang sa ganoon ay makuha na rin niya ang kanyang school ID at class schedule. “Ahaha! Ikaw talagang bata ka! Masyado kang bolero!” Muling naagaw ang kanyang pansin nang marinig ang isang malakas na tawa. Galing iyon sa isang naka-formal attire na matandang lalaki na nakatayo ilang metro ang layo mula sa puwesto niya. May bitbit itong malaking paperbag habang masayang nakikipag-usap sa tatlong lalaking estudyante. Hindi niya nakita ang hitsura ng mga estudyante dahil nakatalikod ang mga ito sa kanyang gawi pero malinaw naman niyang nasilayan ang mukha ng matanda. Mataba ang pangangatawan nito, pandak at may nakakatawang hitsura. “Wala na bang maganda sa eskuwelahang ito?” napapailing niyang usal saka ipinagpatuloy ang paglalakad. Hindi niya alam kung nasaan ang Office of the Registrar kaya hindi rin niya alam kung saan siya tutungo. “Oh my God! Ang guwapo niya.” “Oo, nga. Mukha siyang taga-Maynila. Saang section kaya siya? Sana maging magkaklase kaming dalawa.” Sumilay ang pilyong ngiti sa mga labi ni Kyden nang marinig ang mga bulong-bulungan tungkol sa kanya. Gaya ng dati ay nakuha na naman niya ang atensyon ng mga kababaihan. “Excuse me. Puwede ba akong magtanong? Alam n’yo ba kung nasaan dito ang Office of the Registrar?” tanong niya sa dalawang babae na nakatayo sa gilid ng hallway. Sinadya niyang babaan ang kanyang boses upang magtunog sexy. Mukha namang epektibo dahil parehong napatili ang dalawa. “Ihahatid ka na namin doon,” alok ng mga ito na hindi na niya tinanggihan pa. Ayaw na rin naman niyang tumagal pa ang paghahanap sa opisina. Kanina pa siya inaantok kaya kailangan na niyang makarating agad sa kanyang silid para makaidlip. Kung hindi lang kasi sana naging ukopado ng imahe ni Arya ang kanyang isip kagabi, sana ay nakatulog siya nang maayos. “Dito rin kaya siya nag-aaral?” bulong niya. Ngumiti si Kyden saka isinawalang-bahala na muna ang bagay na iyon. Kung nasa Southland Academy nga si Arya ay sisiguraduhin niyang muling magku-krus ang kanilang mga landas. Hindi naman iyon mahirap gawin gayong maliit lang ang Akademiyang ito. “Sumunod ka.” Nabaling ang kanyang tingin sa dalawang babae. Umakyat ang mga ito sa ikalawang palapag na agad niyang sinundan. Nang tumigil sa harapan ng Registrar ay agad siyang nagpasalamat. Hiningi ng dalawa ang kanyang numero, ngunit nagdahilan siyang naiwan ang kanyang cellphone at hindi niya kabisado ang number niya. Mukha namang naniwala ang mga ito at agad siyang iniwan. Nang mapag-isa ay agad na kumatok sa pinto ng opisina si Kyden. Wala siyang nakuhang sagot kaya nagpasya na lamang siyang pihitin ang pinto saka ito binuksan. “Good morning. Ano’ng kailangan mo?” Isang babaeng estudyante ang sumalubong sa kanya. Agad niyang nahulaan na isa itong Student Assistant dahil sa mga hawak nitong hand-outs na mukhang katatapos lang nitong ipa-photocopy. “New student ako. Saan ako puwedeng pumunta para kunin ang class schedule ko?” tanong niya. “Ah, kay Miss Medina. Halika,” utos nito na agad niyang sinunod. Hinatid siya nito sa harapan ng cubicle kung saan nakaupo ang isang babaeng guro. Abala ito sa mga inaasikasong papeles, ngunit agad ding natigilan nang maramdaman ang presensiya niya. “Yes?” “Good morning, Miss. Ako po si Kyden Elliot Jimenez. Nandito po ako para kunin ang class schedule ko,” sagot niya. “Yeah, I’m already expecting you. Welcome to Southland Academy, Mr. Jimenez,” bati nito sa kanya. “Salamat po.” “I heard, mahilig ka raw sa gulo? Naku! Please be good, Mr. Jimenez. Marami na kaming mga pasaway na estudyante rito. I’m hoping na hindi ka magiging katulad nila.” “Susubukan ko po.” Nahihiyang napakamot siya sa kanyang batok. “Huwag mong basta subukan lang. Do it,” wika nito saka binuksan ang drawer sa gilid. Saglit itong naghalungkat bago inabot sa kanya ang sarili niyang ID, pati na ang kanyang class schedule. Tiningnan niya ito. Nasa Class 4B siya. “Salamat po.” Nagpaalam din agad si Kyden. Nang akmang aalis ay bigla na lamang siyang pinigilan ng guro. “Since nandito ka na rin naman, Mr. Jimenez ay ibibigay ko na sa iyo ang designated area mo.” Kumunot ang noo niya sa narinig. “I’m sorry pero ano pong designated area?” nagtataka niyang tanong. “Hindi ba sinabi ng mga magulang mo sa ‘yo? Inapply ka nila para maging Student Assistant dito sa Southland.” “Student Assistant! Ano’ng— Teka, baka nagkakamali lang po kayo. Hindi po ako puwedeng maging Student Assistant sa sarili naming eskuwelahan!” bulalas niya. Kumunot ang noo ng guro, marahil ay naguguluhan sa mga sinabi niya. “Hindi n’yo po ba ako kilala? Ako po ang anak ni Kyser Brent Jimenez, ang may-ari ng eskuwelahang ito,” dagdag pa niya. “Sa Library ka naka-assign, Mr. Jimenez. Pagkatapos ng klase mo mamaya ay pumunta ka agad doon. Ang Librarian na ang bahalang magpaliwanag ng mga kailangan mong gawin.” “Pero—” “Pumasok ka na. Hindi mo ba alam na late ka na para sa first subject mo?” Hindi na nagawa pang makasagot ni Kyden nang tumayo na ito at dinampot ang mga nakapatong na papeles sa harapan. Ngumiti ito sa huling pagkakataon bago siya tinapik sa balikat. Nilagpasan siya nito at tahimik na lumabas ng opisina. Halos sabunutan ni Kyden ang sarili sa mga nalaman. Ayos na sana sa kanya ang pumasok sa Southland Academy kahit na sampong libo lamang ang kanyang pera. Ngunit ang magtrabaho bilang Student Assistant, sa tingin niya ay kalabisan na iyon. Hindi niya alam kung ano ang pumasok sa utak ng kanyang ama at pinapahirapan siya nito nang labis. Nang wala ng nagawa pa ay lumabas na lamang ng opisina si Kyden. Tumungo siya sa pinakamalapit na railing at ilang beses na huminga nang malalim. Pilit niyang pinakalma ang sarili ngunit hindi iyon naging madali para sa kanya. “Lintik!” Sa sobrang inis niya ay dinukot niya ang kanyang cellphone at agad na tinawagan ang ama. Kailangan nitong ipaliwanag ang lahat. “Dad, bakit n’yo naman po ako ipinasok bilang Student Assistant dito sa Southland? Pumayag na po ako sa gusto n’yo na dito ako mag-aaral pero pati po ba naman iyon? Dad naman!” bungad niya nang sagutin nito ang tawag. “You’re being disobedient again. Gusto mo bang dagdagan ko pa?” “What?! Ah!” Nasapo niya ang kanyang noo sa sobrang inis. Hindi ito ang inaasahan niyang mangyayari. Mas malala pa ito sa mga naisip niyang magiging buhay niya oras na makatungtong siya sa lugar na ito. “I’m doing this for your own sake. Sundin mo na lang ang mga pinapagawa ko.” “But why?!” “Because I said so!” “Dad!” “Ano ba naman ’yan? Akin na, ako na ang kakausap sa anak natin. Baby?” “Mom.” Biglang nawalan ng lakas si Kyden nang marinig ang boses ng ina. Parang gusto niya itong yakapin nang mahigpit nang sa gano’n ay gumaan ang kanyang pakiramdam. “Hey, baby. Okay ka lang ba?” Umiling siya kahit ang totoo ay hindi naman siya nito nakikita. “Baby, intindihin mo na lang ang Daddy mo, okay? He’s doing everything para sa kapakanan mo.” “Pero Mom, ipinasok niya akong Student Assistant dito sa Southland!” pagsusumbong niya. “Wala namang masama sa pagiging Student Assistant, ah. Marami rin namang mga estudyante r’yan ang nagtatrabaho para tustusan ang pag-aaral nila.” “Pero hindi nila ako katulad, Mom. Bakit ko naman kailangang magtrabaho kung tayo ang may-ari ng school na ito? Ayoko. I’m sorry, Mom pero hinding-hindi ako magtatrabaho rito,” matigas niyang sabi. Halos itapon ni Kyden ang kanyang cellphone nang matapos ang pag-uusap nilang dalawa ng ina. Madilim ang mukhang sumilip siya sa ibaba. Narinig na niyang tumunog ang bell. Batid niyang nagsisimula na ang klase kaya wala na ring mga estudyante ang nagliligalig. Gusto na niyang bumaba ngunit matatagalan lamang siya kapag gumamit pa siya ng hagdan. Naisipan niyang tumalon na lamang mula sa second floor. Wala namang makakakita sa kanya dahil on-going na ang klase o kung may makakakita man sa kanya, ano naman ang magagawa ng mga ito? Ang pamilya niya ang may-ari ng Southland Academy kaya puwedeng-puwede niyang gawin ang kanyang nais. Muling umikot ang paningin ni Kyden. Nang masiguradong walang nakatingin sa kanya ay umakyat siya sa railing. Una niyang itinapon ang kanyang bag. Sa tamang tantiya at balanse ng katawan ay agad siyang tumalon. Suwabe siyang bumagsak sa lupa at agad na umayos ng tayo na parang walang nangyari. Lumingon siya sa gilid at agad na natigilan nang makita ang isang lalaki na nakatingin sa kanya. Mukhang nakita nito ang kanyang ginawa. Sinuyod niya ito ng tingin mula ulo hanggang paa. Maayos ang pananamit nito kaya agad niyang nahulaan na galing din ito sa mayamang pamilya. Hindi nagsalita ang lalaki at agad siyang tinalikuran. Napangiti na lamang si Kyden at dinampot ang kanyang bag. Mabuti na lang at hindi siya nito pinakialaman. Hinanap na ni Kyden ang building ang fourth year. Mabuti na lang at katabi lamang ito ng gusali na pinanggalingan niya. Mabagal siyang naglakad papasok na tila ba’y maaga pa para sa una niyang asignatura. Tutal huli na rin siya sa klase ay wala na ring dahilan para bilisan niya ang paglalakad. Saglit na napahinto si Kyden nang lagpasan siya ng lalaking nakita niya kanina. Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa makapasok ito sa ikatlong silid mula sa kinatatayuan niya. Hindi na lamang niya ito pinansin at ipinagpatuloy ang paglalakad. Saktong pagtapat niya sa silid na pinasukan nito ay nakita niya ang nakapaskil na “Class 4B” sa labas ng pinto. Mukhang ito na ang kanyang silid. “Ikaw ba ang bagong lipat? Pumasok ka.” Nabaling ang tingin ni Kyden sa guro nang marinig itong magsalita. Ngumiti siya saka ibinulsa ang parehong mga kamay. Pumasok siya sa loob at tumigil sa harapan nito. “Magpakilala ka,” utos nito. “Kumusta? Ako nga pala si Kyden Elliot Jimenez. Nice to me—” Natigilan siya nang mabaling ang tingin sa babaeng nakaupo sa gitna. Katulad niya ay halatang natigilan din ito nang makita siya. “Arya,” bulong niya at mas lalong lumapad ang pagkakangiti. “Nice to meet you all,” patuloy niya sa sinasabi kanina. Muli niyang pinagbalingan ng tingin ang dalaga bago nagsimulang maglakad. Mabuti na lang at nahanap niya agad ito. “Doon ka na maupo sa tabi ni Mr. De Silva,” sabi ng guro nang tumigil siya sa harapan ni Arya. Tuminghala ito saka siya gulat na tinitigan. Umikot ang paningin ni Kyden sa buong silid. Nakita niya ang bakanteng upuan sa tabi ng lalaking nakita niya kanina. Tumango siya sa utos ng guro bago muling humarap kay Arya. Dinukot niya ang kuwintas sa loob ng kanyang bulsa saka inilahad malapit sa mukha nito. “Naiwan mo sa kuwarto ko,” sabi niya. Nanlaki ang mga mata nito nang makita ang hawak niyang kuwintas. Nagsimula na rin ang mga bulong-bulungan kaya umikot ang paningin nito bago nahihiyang kinuha ang kuwintas mula sa kamay niya. Muli siyang napangiti bago ito nilagpasan. Naupo siya sa bakanteng upuan at tinitigan ang likod nito. Parang biglang napawi ang nararamdaman niyang inis kanina nang muling masilayan ang mukha ng dalaga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD