Chapter 5

1773 Words
DAHAN-DAHANG nag-angat ng tingin si Kyden nang marinig ang pagtunog ng bell hudyat na tapos na ang klase. Nagsimulang magkagulo ang kanyang mga kaklase at iilan sa mga ito ay nag-unahan na sa pagtakbo palabas ng silid. Hindi na lamang niya pinansin ang mga ito saka muling nangapanglumbaba sa ibabaw ng kanyang mesa. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nagagamot ang kanyang antok. “Ah!” sambit niya nang biglang maramdaman ang malakas na sipa sa kaliwa niyang paa. Nag-angat siya ng tingin at agad na bumungad sa kanya ang maangas na mukha ng isang lalaki. Nakatayo ito sa kanyang harapan at matamang nakatitig sa kanya. Nakatayo naman sa likuran nito ang dalawa pang lalaki at isang babae na mukhang mga alalay nito. “Sumunod ka,” utos nito at agad siyang tinalikuran. Tumaas lamang ang gilid ng kanyang labi bago muling bumalik sa pagkakapanglumbaba. Hindi siya tanga para maging sunod-sunuran dito. Isa pa, hindi niya ito kilala kaya wala itong karapatan para utos-utusan siya. “Bingi ka ba?” Napatayo si Kyden nang biglang hablutin ng lalaki ang kuwelyo ng kanyang uniporme. Napasinghap ang kanilang mga kaklase ngunit wala roon ang kanyang pansin, kundi sa kamay nitong nakahawak sa kanyang damit. Hindi nagsalita si Kyden, bagkus ay hinawakan niya nang mahigpit ang kamay nito saka malakas na itinabig. Tumalikod siya at tahimik na bumalik sa kanyang puwesto. Nang akmang uupo ay bigla nitong hinablot ang kanyang braso saka itinulak palayo. Dahil sa nangyari ay bumangga si Kyden sa sarili niyang upuan. Isang malalim na buntonghininga ang kanyang pinakawalan bago dahan-dahang tumayo. Naibulsa niya ang kanyang mga kamay saka ito nilingon. “Ang yabang mo, ah. Kababago mo pa lang dito pero ang haba na ng sungay mo. Ano ba ang ipinagmamalaki mo, ah!” Lumipad ang kamao nito papunta sa kanyang mukha. Nabigo itong tamaan siya dahil agad din siyang nakailag. Muntikan na tuloy itong sumubsob sa sahig. Lalong namula sa galit ang pisngi nito. Dinampot nito ang pinakamalapit na upuan saka siya akmang hahampasin. Hindi lamang natuloy dahil sa biglang pagharang ng isang babae. Pareho silang nagulat sa ginawa nito at sabay na nagbaba ng tingin. “Arya.” Napansin niya ang biglang pag-amo ng mukha ng lalaki nang sandaling sambitin nito ang pangalan ng dalaga. Hindi nagtagal ay dahan-dahan na rin nitong ibinaba ang hawak na upuan. “Ano’ng ginagawa mo, Arya? Umalis ka r’yan, baka masaktan ka.” Tumaas ang kilay ni Kyden nang mahimigan ang labis-labis na pag-aalala sa mukha ng lalaki. Malakas ang pakiramdam niyang may nararamdaman ito para sa dalaga. Dahil dito ay mas lalong uminit ang kanyang ulo. Hinablot niya ang braso ni Arya saka puwersahang iniharap sa kanya. “Sa susunod, huwag kang basta-basta pumagitna kapag may nag-aaway. Doon ka!” inis niyang sambit saka ito itinulak palayo. Muli niyang tinapunan ng tingin ang lalaki. Handa na sana siyang sugurin ito nang muling pumagitna si Arya. Inis na pinagbalingan niya ito ng tingin. “Puwede ba! Tumigil na kayong dalawa!” sigaw nito. “Markus, ano na naman ba ang problema mo, ha? Bakit bigla-bigla ka na lang nanunugod? Kita mo nang nanahimik ang tao, pinapakialaman mo.” Lihim na napangiti si Kyden. Hindi niya akalaing ipagtatanggol siya ni Arya laban sa Markus na ito. “Ano’ng problema ko? Naiinis ako, Arya! Alam mo kung ano ang nararamdaman ko para sa iyo pero bakit. . . ano’ng ginawa mo sa kuwarto ng lalaking ’yan at naiwan mo roon ang kuwintas mo! Huwag mong sabihing may relasyon kayong dalawa!” Nabaling ang tingin ni Kyden sa dalaga. Hinintay niya ang isasagot nito, ngunit hindi ito nagsalita Dahan-dahan itong naglakad papunta kay Markus saka ito matagal na tinitigan. “Wala akong dapat na ipaliwanag sa ’yo, Markus. Isa pa, matagal ko nang sinabi sa iyo. Hinding-hindi kita magugustuhan, anuman ang gawin mo,” sagot nito bago nilagpasan ang lalaki. Diretso itong lumabas ng silid na mabilis na sinundan ng isa pang babae. Muling nagkatinginan sina Kyden at Markus. Dahan-dahan siyang naglakad palapit dito. “Kung gusto mo pang tumagal ang pananatili mo rito, huwag na huwag ka na ulit lumapit pa kay Arya. Akin siya,” sambit nito. “Malinaw ang narinig ko. Hinding-hindi ka niya magugustuhan, kaya huwag mo akong utusan, Markus,” may diin niyang sagot saka ito nilagpasan. Hindi niya napigilan ang mapabuga ng malalim na paghinga nang makalabas siya ng silid. Bigla siyang nagutom sa mga nangyari kaya pupunta na muna siya sa Cafeteria. Hindi pa gano’n karami ang mga estudyanteng nasa Cafeteria nang makarating siya. Agad siyang pumila at nag-order ng makakain. Umikot ang kanyang paningin at naghanap ng bakanteng upuan. Bahagyang tumagilid ang kanyang ulo nang matanaw si Arya na kumakain sa hindi kalayuan. Ngumiti siya saka naglakad papunta sa direksyon nito. Diretso siyang naupo sa tabi ng dalaga na bahagya pa nitong ikinagulat. “Ano’ng ginagawa mo?” tanong nito. “Kumakain,” tipid niyang sagot at agad na sumubo. “Bakit dito ka naupo? Marami pa namang bakanteng upuan, ah,” reklamo nito. Naibaba niya ang hawak na kubyertos saka ito tinapunan ng tingin. “Ikaw lang ang kilala ko rito. Bakit ba?” Sumimangot ito at nagawa pa siyang irapan. Ngumiti na lamang siya saka ito tinitigan. Pinanood niya itong kumain. Nabaling lamang ang tingin ni Kyden sa harapan nang marinig ang pagtikhim ng kasama nitong babae. Ngayon lamang niya napansin na nakatitig din pala ito sa kanya habang nakatitig siya kay Arya. “Kyden, tama? Ako nga pala si Liza Manalo,” pakilala nito at naglahad ng kamay. “Singer ka ba?” tanong niya at tinanggap ang kamay nito. “Paano mo nalaman?” gulat nitong tanong. Nagkibit-balikat siya. Gusto lang naman niya sana itong biruin. Hindi naman niya alam na tama pala ang naisambit niya. “Nga pala, curious lang ako. Paano nga pala kayo nagkakilala ni Arya? Paanong naiwan ang kuwintas niya sa kuwarto mo? Don’t tell me, ikaw ang bagong kasama ni Kuya Lucas sa apartment?” “Gano’n na nga,” sagot niya na ikinagulat nito. Bahagya siyang napausog sa pagkakaupo nang inilapit ni Liza ang mukha nito sa kanya saka siya tinitigan nang maigi. “Talaga? Sa apartment ka nakatira?” Umiling ito. “Pero ang guwapo mo masyado at halatang alagang-alaga pa ang kutis. Mukha kang mayaman,” puna nito. “Liza, tumahimik ka nga,” suway ni Arya sa kaibigan. “Bakit ba? Sinasabi ko lang naman kung ano ang nakikita ko. Tingnan mo, hindi sila nalalayong dalawa ni Darryl. Eh, anak ng dating may-ari ng Academy ’yan.” Ngumuso ito sa gawi ng lalaking nakaupo sa gilid nila at mag-isang kumakain. Ito mismo ang lalaking nakakita sa ginawa niyang pagtalon kanina mula sa second floor at ang katabi niya sa klase. Hindi niya akalain na pag-aari pala noon ng pamilya nito ang Southland Academy na ngayon ay sa kanila na. “Ang daldal mo talaga. Kumain ka na nga lang,” saway muli ni Arya sa kaibigan. “Excuse me.” Sabay na nabaling ang tingin nilang tatlo sa lumapit na babae. Ito mismo ang Student Assistant na naghatid sa kanya kanina kay Miss Medina nang pumunta siya sa Office of the Registrar. May hawak itong tray ng pagkain at mukhang manananghalian na rin. “Ipinapasabi nga pala ni Miss Medina na pumunta ka raw agad sa Library kasi hinahanap ka na ng Librarian. Madami raw kasi kayong aayusing mga libro ngayong araw,” sabi nito. “Pupunta agad ako roon pagkatapos kong kumain. Salamat,” sagot ni Arya na ikinagulat niya. Akala niya ay siya ang kinakausap ng babae. “Pati na rin ikaw, Arya. Isama mo na si Kyden tutal pareho kayong naka-assign sa Library. May mga nag-away na naman daw kasi kanina kaya andaming mga libro ang kailangang ayusin. Sige, mauna na ako.” “Ang galing! Magkasama pala kayong dalawa sa Library? Wow! Akala ko talaga mayaman ka, Kyden. Iba kasi ang porma at awra mo, pang-mayaman. Pero mabuti na lang at hindi. Kasi alam mo, allergy sa mga anak-mayaman itong si Arya. Kung nagkataon, baka hindi ka nakaupo ngayon diyan sa tabi niya.” Nagulat si Kyden sa narinig at pinagbalingan ng tingin ang dalaga. Sumimangot lamang ito at muling itinuon ang pansin sa pagkain. “Ang yabang-yabang mo, tapos isa ka lang pa lang Student Assistant?” Muli silang napalingon nang marinig ang malakas na tawanan. Galing iyon sa grupo ni Markus na nakaupo sa likuran nila. Tumayo ito, gano’n din ang mga kasama nito at lumapit sa mesa nila. Nabaling sa gawi nila ang tingin ng mga estudyanteng nasa Cafeteria nang mga sandaling iyon. Lahat ay hinihintay ang mga susunod na mangyayari. May mga iilan pa siyang nakita na kumukuha ng video. “Markus, tahimik kaming kumakain dito kaya bumalik ka na sa mesa mo kung ayaw mong tumawag ako ng Teacher,” pagbabanta ni Arya. Hindi nito pinansin ang dalaga at naupo sa kanyang tabi. “Ano kaya ang gagawin ko sa ’yo? Hm?” Hinawakan nito ang kuwelyo ng kanyang uniporme at bahagyang inayos. Sinalubong niya ang tingin nito saka ngumisi. Gaya ng ginawa nito ay hinawakan rin niya ang kuwelyo ng uniporme nito at pinagpag na wari ba’y marumi ito. “Huwag ka ng mag-isip pa, Markus. Wala ka rin namang magagawa sa akin,” sagot niya. Natawa ito sa narinig. “Sulitin mo na ang pananatili mo rito sa Southland dahil hindi magtatagal ay kusa ka na ring aalis dito. ’Pag nangyari iyon, mababawi ko na rin ang dapat ay sa akin.” Nabaling ang tingin nito kay Arya. “Alam mo, akala ko talaga magiging boring ang paglipat ko sa eskuwelahang ito. Mabuti na lang at nakilala agad kita. Salamat,” nakangiti niyang sabi at tinapik ang balikat nito. Kumunot ang noo nito at mukhang naguluhan sa sinabi niya. Bago pa ito makapagsalita ay tinabig na niya ang kamay nito. Nilingon niya si Arya. Hinawakan niya ang kamay nito at agad na hinila patayo. “Pasensiya na kung hindi ko mailalaan sa iyo ang buong oras ko. Isa kasi akong Student Assistant na kailangang magtrabaho,” makahulugan niyang sabi sabay ngisi. “Ang sabihin mo, gusto mo lang tumakas,” sabat ng isa sa mga kasama nito. “Duwag!” bulalas ng isa pa. Ngumiti si Kyden saka ito nilapitan. Dinukot niya ang nakaipit na cellphone sa bulsa ng polo nito at itinipa ang kanyang numero. “Tawagan n’yo agad ako kapag kailangan n’yo nang pampalipas-oras. Medyo bored din kasi ako minsan,” aniya bago ibinalik ang cellphone nito. Pinagbalingan niya ng tingin si Markus sa huling pagkakataon bago hinila si Arya palabas ng Cafeteria.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD