Chapter 3

1865 Words
MAHIGIT dalawang oras din na naglibot-libot si Kyden sa buong lugar. Ilang mga apartment na ang kanyang napuntahan subalit halos lahat ay hindi pumasa sa kanyang panlasa. Maliban sa masyadong maliit ay hindi rin niya gusto ang ugali ng mga nakatira doon. Pakiramdam niya ay mapapasabak siya sa gulo anumang oras. Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan niya kasabay ng pagsilip sa kanyang relo. Pasado alas siete na rin ang gabi at pagod na pagod na siya. Wala na siyang pakialam pa kung anuman ang magiging itsura ng susunod na apartment na mapupuntahan niya pero kukunin na niya ito kahit ngayong gabi lang. Bukas na lamang niya ipagpapatuloy ang paghahanap kung sakaling hindi niya magustuhan ang lugar. Gustong-gusto lang talaga niyang maligo, kumain at matulog. “Tamang-tama ang dating mo. Kaaalis lang ng isa sa mga boarder ko. Mayro’n kang makakasama sa apartment pero mabait naman si Lucas. Paminsan-minsan lang naman siya umuuwi rito kasi abala rin siya sa pagtatrabaho.” Kaya nang makahanap ng bakanteng apartment ay kinausap niya agad ang Landlady na titingnan niya ang lugar. Habang iniinspeksyon ang buong paligid ay hindi napigilan ni Kyden ang mapangiti. Hindi na masama. Maliban sa may kalakihan ang lugar ay malinis din itong tingin, malayong-malayo sa ibang apartment na napuntahan niya kanina. “Mababa lang ang singgil ko sa upa, kasama na roon ang tubig at kuryente kaya kunin mo na. Sabi mo kalilipat mo lang sa Southland Academy, ‘di ba? Sakto, malapit lang ang Academy rito. Kahit maglakad ka lang araw-araw ay walang problema.” Nagpatuloy sa paglalakad ang Landlady hanggang sa makarating sila sa tapat ng isang silid. Kumatok ito ng tatlong beses bago pinihit ang saradura ng pinto. “Ate Mel.” Agad na natanaw ni Kyden ang lalaking nakahiga sa maliit na sofa. Wala itong suot na damit pang-itaas pero mukhang disente namang tingnan. Tumayo ito mula sa pagkakahiga at agad na lumapit sa kanilang dalawa ng Landlady. “Lucas, ito si Kyden. Titingnan niya itong apartment at kapag magustuhan niya ay magsasama kayong dalawa rito,” sabi ng Landlady saka siya niyayang pumasok. “Sige lang po,” nakangiting sabi ni Lucas. Umikot ang paningin ni Kyden sa kabuuan ng silid. Mayro’n itong maliit na sala at hindi rin kalakihan ang TV. Sa gilid ay naroroon ang kusina pati na ang maliit na mesa at apat na plastik na upuan. Halos kasing laki lamang ng kanyang banyo sa mansiyon ang buong apartment pero puwede ng pagtiyagaan. “Puwede ko po bang makita ang bakanteng kuwarto?” aniya. Tumango ang Landlady at agad siyang iginaya papasok sa silid na nasa kanan. “Tingnan mo. Medyo maliit lang ang kuwarto pero malinis naman. Mayro’n ka ring sariling closet at study table para sa pag-aaral mo. Ano? Kukunin mo na ba?” Sa halip na sumagot ay naglibot-libot si Kyden sa buong silid. Mula sa ibabaw ng mesa ay naagaw ang kanyang pansin ng isang silver necklace na nakapatong dito. Dinampot niya ito at pinagmasdan. Hindi siya puwedeng magkamali, pambabae ang kuwintas na hawak niya. “Babae po ba ang dating nakatira dito?” tanong niya sa Landlady. ‘Ayos, ah. Babae pala ang kasama ni Lucas dito sa apartment.’ “Lalaki ang dating nakatira dito, kaso no’ng umalis ang dating boarder, isang linggo na rin ang nakalipas ay pansamantala munang ginamit ng kapatid ni Lucas itong silid. Nagbakasyon kasi ‘yong kasama niya kaya dito na muna siya natulog ng ilang gabi. Pero ‘wag kang mag-alala, no’ng isang araw pa bumalik ‘yong kasama ng kapatid ni Lucas kaya bakante na talaga itong silid. Baka nakalimutan lang niya ‘yang necklace. ‘Di bali, palagi rin naman ‘yong pumupunta rito. Baka nga mamaya, magkita na kayong dalawa,” mahabang paliwanag ng Landlady. Tumango si Kyden at muling inilapag ang kuwintas sa ibabaw ng mesa. Saglit pa niyang ininspeksyon ang buong silid bago humarap sa Landlady. “Puwede na. Sige, kukunin ko na po,” aniya na ikinangiti ng kausap. Sunod nilang pinag-usapan ang presyo ng upa at nagbigay na agad si Kyden ng down payment. Hindi na niya pinatagal pa ang usapan dahil kanina pa talaga kumakalam ang kanyang sikmura. Inilapag lang ni Kyden sa sahig ang mga dalang bagahe bago lumabas ng silid. Agad na dumako ang kanyang paningin kay Lucas na abala sa paghahanda ng mesa. Nang lumingon ito sa kanyang gawi ay agad itong ngumiti saka siya nilapitan. “Sumabay ka na sa akin maghapunan. Alam kong pagod ka sa biyahe at gutom na gutom na rin. ‘Wag ka ng mahiya pa. Marami naman ang mga niluto ko,” pagyayaya nito. Suminghot si Kyden. Mukhang masarap nga ang mga niluto nito. “Sige, gutom na gutom na nga ako,” sagot niya at nagmadali nang pumanhik sa mesa. Sumunod na rin si Lucas na naupo sa kanyang harapan. “Ako nga pala si Lucas Trinidad. Ikaw? Ano’ng pangalan mo?” tanong nito at naglahad ng kamay. Agad itong tinanggap ni Kyden. “Kyden Elliot Jimenez,” pakilala niya at nagpatuloy sa pagsubo. Sa sobrang gutom niya ay hindi na siya nakapaghugas pa ng kamay. “Kumain ka ng marami, mukhang buong maghapon kang hindi kumain.” “Nagtitipid kasi ako.” “Walang problema sa pagtitipid pero hindi mo rin puwedeng pabayaan ang sarili mo. ‘Wag kang mag-alala, simula ngayon ay dadagdagan ko na ang pamimili ng groceries para sa ‘yo. Ilang taon ka na ba?” “Twenty-one.” “Medyo bata ka pa pala. Taga-saan ka ba? Paano ka napadpad dito sa Southland?” “Galing Maynila talaga ako. Inilipat lang ako ng parents ko rito sa Southland para makaiwas sa gulo.” “Gano’n ba? Ako, twenty-five na. Nagtatrabaho ako sa Panaderya malapit lang dito. Mag-isa kong binubuhay ang kapatid ko matapos mamatay ang mga magulang namin tatlong taon na ang nakalipas.” Huminto sa pagsubo si Kyden at pinagbalingan ng tingin si Lucas. Ngumiti ito pero hindi no’n naikubli ang lungkot na lumandas sa mukha nito. “Pasensiya na kung madaldal ako. Namiss ko lang siguro ang may ibang kausap. Sige na, tapusin mo na ang pagkain mo para makapag pahinga ka na rin.” Hindi na ulit nagsalita pa si Lucas hanggang sa matapos silang kumain. Si Kyden na ang nagpresentang maghugas ng pinggan bilang kabayaran na rin sa pagpapakain nito sa kanya. Nakakahiya kapag wala man lang siyang ginawa. Marami naman siyang alam sa mga gawaing bahay dahil halos dalawang taon din siyang nanirahan sa Condo nang mag-isa. Binilisan na ni Kyden ang ginagawa at agad na pumasok ng banyo para maligo. Nagbabad siya sa ilalim ng tubig. Walang tub pero mayro’n namang shower. Naglinis lang siya ng katawan at pumanhik din agad sa kanyang silid. Kahit pagod na pagod na ay nagawa pa rin niyang ayusin ang kanyang mga damit at maayos na ipinasok sa loob ng kabinet. Malinis at organisado sa mga gamit si Kyden. Ayaw na ayaw niya ang makalat dahil pakiramdam niya ay mas lalong gumugulo ang utak niya. Pagkatapos mag-ayos ay pinatay na niya ang ilaw at agad na nahiga. Ilang beses siyang humikab bago ipinikit ang kanyang mga mata. NAALIMPUNGATAN ni Kyden nang maramdaman ang dahan-dahang pagbukas ng pinto ng kanyang silid. Ayaw na sana niyang imulat ang kanyang mga mata dahil sa sobrang antok pero nang maaninag ang anino na biglang sumampa sa ibabaw ng kama ay agad siyang napabalikwas ng bangon. “F*ck!” mura niya at mabilis na hinuli ang kamay ng taong tumabi sa kanya. Ipinangko niya ito sa ibabaw ng kama at agad na dinaganan. “Kuya! Kuya!” Isang malakas na tili ang narinig ni Kyden. Mabilis itong nagpumiglas mula sa pagkakahawak niya pero hindi nito kinaya ang kanyang lakas. Biglang sumagi sa kanyang isipan ang sinasabing kapatid ni Lucas. Pero ayon sa Landlady ay hindi na nito ginagamit ang silid kaya bakit ito naririto ngayon? “Arya?!” Nabitawan ni Kyden ang babae nang marinig ang boses ni Lucas na pumasok sa loob ng silid. Bago pa man nito mabuksan ang ilaw ay tumalon na siya pababa ng kama at agad na lumayo. “Kuya!” Tuluyang lumiwanag ang buong silid. Bumungad sa kanila ang magulong itsura ng kapatid ni Lucas. Dahan-dahan itong bumangon na agad na nilapitan ng kapatid. Inayos ni Lucas ang magulong buhok ng babae. “Pumasok ka ba rito sa kuwarto ni Kyden? Arya, hindi ka na puwedeng matulog dito sa kuwarto kasi si Kyden na bagong nakatira dito,” paliwanag ni Lucas sa kapatid. Naglakbay ang paningin ni Kyden sa kabuuan ng babae. Nakasuot ito ng kulay dilaw na sleeveless blouse kaya lantad ang maputi at maliit nitong braso. Maikli rin ang suot nitong shorts kaya hindi niya napigilan ang mapahugot ng malalim na paghinga. ‘Sana hinayaan ko na lang siyang tumabi sa akin,’ pilyong bulong ng kanyang isipan. “Pumasok kasi si Liza sa trabaho pero hindi pa rin siya bumabalik hanggang ngayon. Alam mo namang natatakot akong mag-isa sa apartment, ‘di ba? Kaya naisipan kong pumunta na lang dito. Hindi ko naman alam na may bago ka na palang kasama rito.” Nag-angat ng tingin ang babae saka siya pinagmasdan. Pareho silang natigilan nang matitigan ang isa’t isa. Alam niyang humanga ito sa kanyang kakasigan. Hindi na siya magugulat pa gayong alam niyang habulin siya ng mga babae simula noon pa man. Sa lakas ng kanyang karisma, isama pa ang kanyang angking kaguwapuhan, walang kahit na sinong babae ang nagkakamaling tanggihan siya. Nanatiling nakatingin ang babae sa kanya kaya nagkaroon siya ng pagkakataon na pagmasdan ang kabuuan ng mukha nito. Lihim na napangiti si Kyden. Maganda ito at may maamong mukha. Maiksi ang maalon nitong buhok na umabot hanggang balikat. Mayro’n din itong bangs na bahagyang tinatakpan ang medyo singkit nitong mga mata. Maliit ang hugis ng ilong nito at manipis ang kulay rosas na labi. “Kyden, pasensiya na sa abala. Pagsasabihan ko na lang ulit itong kapatid ko. Arya, mag-sorry ka. Mali ang ginawa mong pagpasok sa kuwarto ni Kyden nang basta-basta.” “Sorry,” mahinang usal nito bago umiwas ng tingin. Hindi nakaligtas sa kanyang paningin ang pamumula ng pisngi nito. Batid niyang nahihiya ito sa mga nangyari. “Okay lang, Kuya Lucas,” aniya at muling sinilip ang mukha ni Arya. “Salamat. Siya, doon ka na matulog sa kuwarto ko. Sa sofa na lang muna ako matutulog ngayong gabi.” Tumango si Arya at mabilis na tumakbo palabas ng silid. Naiwan silang dalawa ni Lucas. Muli itong humingi ng paumanhin bago sinundan ang kapatid. “Sandali, Kuya Lucas. Puwede ba akong magtanong?” Tumigil ito sa paglalakad saka siya nilingon. “Ano po ba ang tunay na pangalan ng kapatid n’yo? Arya lang po ba o may karugtong pa?” tanong niya. “Ariandra, pero mas gusto niyang tinatawag na Arya.” Tumango si Kyden. Nagpasalamat siya at sinamahan ito hanggang sa pinto. Nakangiting bumalik siya sa kanyang higaan. Nahagip ng kanyang paningin ang kuwintas na nakapatong sa ibabaw ng mesa. Inangat niya ito at muling pinagmasdan. “Arya,” mahinang sambit niya bago itinuon ang pansin sa puting kisame. Mukhang hindi na siya makakatulog pa ngayong gabi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD