Six Years Ago
Labis ang kaba ko habang papasok kami ni Aling Nena sa isang malawak na hacienda. Tila ako isang batang paslit na nakakapit sa damit niya. Pakiramdam ko kasi ay pumasok kami sa isang mundong nababasa ko lamang noon sa mga fairytale books sa library ng pinasukan kong eskwelahan.
Pinagmasdan ko ang buong paligid. Malay ko ba kung bigla na lang sumulpot si Cinderella o Snow White sa magandang hardin na aming nadaanan. Natuon ang buong pansin ko sa gitna ng malawak na hacienda. Nakatayo ang isang malapalasyong bahay rito. Nanlalaki ang mga mata ko at kulang na lang ay mapanganga ako sa ganda ng mansyon.
"Rhomien, hayaan mo lamang na ako ang makipag-usap sa Señor at Señora," nilin ni Aling Nena nang malapit na kami sa bahay.
"Opo," buong pagpapakumbaba kong sagot sa kanya.
Utang ko ang buhay ko ngayon sa matandang babae. Kundi dahil sa kanya, baka palaboy na ako ngayon pagkatapos mamatay sa aksidente ang mga magulang ko. Wala naman kaming mga kamag-anak sa lugar namin kaya walang pwedeng umampon sa akin. Sa hirap ng buhay dito sa amin, kadalasan kahit malalapit mong kamag-anak ay itatakwil ka lalo na at daragdag ka pa sa hapag-kainan nila. Mas maige pang humingi ng tulong sa ibang tao kasi minsan mas sila pa ang nakakaintindi sa'yo. Suwerte na lang at nangangailangan ng kasambahay ang pamilyang pinagsisilbihan ni Aling Nena bilang tagapagluto nila kaya pwede niya akong ipasok. Wala namang problema sa akin dahil sanay ako sa gawaing bahay. Tapos rin ako ng hayskul kaya kaya ko naman sigurong sumagot ng ingles kung 'yun man ang lengguwaheng gagamitin ng mga magiging amo ko.
Pumasok kami sa loob ng mansyon at dumiretso sa engrandeng sala. Naalis ang takot ko nang makita ko ang mga naggagandahang muwebles na naka-display doon. Hindi ko maiwasang mangarap na sana ay magkaroon din ako ng marangyang bahay katulad nito. Naputol ang pagmumuni-muni ko nang makita kong pababa mula sa napakataas na hagdan ang Señor at Señora. Kapwa nagpapakita ng yaman at kapangyarihan ang kanilang itsura. Punung-puno ng kaarogantehan ang kanilang mga mata.
Agad kaming yumuko upang magbigay galang nang makarating sila sa aming harapan.
"Magandang umaga po, Señor, Señora," sabay naming bati sa dalawa.
"Siya na siguro 'yung tinutukoy mong kasambahay, Nena," malamig na wika ng doña kasabay ng pagtingin sa akin. Tila ako mikrobyo sa isang microscope kung pag-aralan niya.
"Opo, Señora. Siya po si Rhomien," buong pagpapakumbabang pagpapakilala ni Aling Nena sa akin. Kimi akong ngumiti sa doña.
"Mukhang napakabata pa niya para magsilbi sa pamilya. Marunong ka ba sa lahat ng gawaing bahay?"
"Magdidisisiete na po siya, Señora. At tinitiyak ko pong masipag ang batang ito," pagsalo sa akin ni Aling Nena.
"Puwes, sige pagkakatiwalaan ko ang mga salita mo, Nena. Pero oras na pumalpak ang batang ito ay pareho kayong mawawalan ng trabaho. Intendies?" Nakataas ang mga kilay nito sa aming dalawa ni Aling Nena.
"Opo, Señora," buong galang naming sagot.
"Bueno, ito ang isa pang tatandaan mo." Nakatuon ngayon ang pansin niya sa akin. "Narito ka para pagsilbihan ang pamilya ko at hindi para gumawa ng anumang maibigan mo lalo na ang lumandi sa mga binata ko. Aminado akong may itsura ka naman kahit papano kaya ayokong gagamitin mo iyan para maakit ang mga anak ko sa'yo," mataray nitong bilin sa akin.
"Opo, Señora," nakayuko kong sagot. Nanay ko po. Nakakatakot siya.
"At isa pa, ang pinakaayoko sa aming mga tagasilbi ay 'yung tatamad-tamad at higit sa lahat, ayoko ng sinungaling at mahaba ang mga kamay. Intendies?!"
"Opo." Nakayuko pa rin ako dahil natatakot akong salubungin ang matatalas niyang mga mata.
"Bueno, ihatid mo na siya sa kanyangng magiging silid. Kailangan na tumulong na siya sa paglilinis. Dararating na bukas ang mga señorito ninyo."
"Salamat po, Señora." Pagkasabing-pagkasabi ni Aling Nena niyon ay agad niya na akong hinila palabas ng mansyon.
"Grabe, Aling Nena. Akala ko maiihi na ako sa sobrang nerbiyos kanina," natatawa kong bulong sa kanya.
"Hay nako, Rhomien, mabait pa ang Señora sa lagay na iyon. Hindi mo gugustuhing makita siyang galit kaya kung ako sa'yo, galingan at sipagan mo para matuwa siya sa'yo. At kapag mainit ang ulo, umiwas ka na lang dahil may kabigatan ang kamay ng Señora."
"Po?! Ibig n'yo pong sabihin, nananakit siya ng katulong?" Nagsitayuan ang mga balahibo ko sa sinabi niyang iyon.
"Kaya nga iwasan mong magkamali lalo na sa harapan niya. Huwag mo akong ipapahiya. Oh, andito na tayo. Dito ka sa kuwarto ko para magkasama pa rin tayo." Itinuro niya ang bandang taas ng double deck. Doon niya ako patutulugin.
At iyon na ang simula ng paninilbihan ko sa pamilyang de Blanch.