Matuling lumipas ang mga araw hanggang sa halos tatlong linggo ko nang patagong kinakatagpo si Ate Ellie.
Sa mga nagdaang araw ay lalo ko siyang nakilala at may mga life hacks akong natutunan sa kanya. Pawang kabutihan lang iyong mga tinuturo niya tulad no'ng pagkakawang-gawa kaya feeling ko ay nababawasan iyong mga kasalanan ko 'pag kasama ko siya.
Ipinakilala na rin niya ako sa kanyang mga kaibigan. Hindi na mabilang kung ilang beses akong inatake ng kaba tuwing may nakakapansin sa pagkakahawig namin.
Habang lalo kung nakikilala si Ate Ellie ay parang gusto kong maging katulad niya.
Simple lang, masaya at kontento na sa kung anong buhay na meron.
"Yolliza."
Napahinto ako sa akmang pagbaba ng hagdan nang narinig ang istriktong boses ni Mama.
Sabado ngayon at walang pasok pero inaasahan kong wala siya sa bahay dahil maagang umalis si Papa kanina.
Nakakapagtataka na hindi siya sumama rito na palagi naman niyang ginagawa nitong nakaraang mga araw.
"Saan ka pupunta?" usisa niya nang tuluyan siyang makalapit sa'kin.
Napahigpit ang kapit sa dalang backpack habang inihanda ang sariling magpaliwanag. Hindi kumukurap na sinalubong ko ang mga tingin niya para hindi ako magmukhang kahina-hinala.
Kahit naman sanay ba sanay na akong magpalusot ay medyo kinakabahan pa rin ako dahil may kinalaman kay Ate Ellie ang gagawin ko ngayong araw.
"Naging abala lang ako sa ibang mga bagay pero hindi ibig sabihin ay hindi ko napapansin ang napapadalas mong pag-alis ng bahay," seryoso niyang pagpapatuloy.
Pinigil kong magpakita ng anumang ekspresyon habang pilit pa ring sinasalubong ang mapanuri niyang tingin.
"Marami po kasi kaming ginagawang group activities dahil sa nalalapit na finals at mayroon po kaming tatapusin ngayong araw," kalmado kong paliwanag.
Sinisigurado kong hindi niya mahahalata ang matinding kabang nararamdaman ko sa loob.
Mataray na tumaas ang kilay ni Mama at pinigilan kong mapalunok dahil parang nanunuyo ang lalamunan ko sa kaba.
Hindi totoong may gagawin pa kaming group activity ngayong araw dahil huling pasahan na kahapon. Balak ko ngayong katagpuin si Ate Ellie dahil may gusto itong ipakilala sa akin pero kung ganitong nandito sa bahay si Mama ay duda akong papayagan niya.
"Sinong classmate ang kasama mo?"
"Si Jane po," mabilis kong tugon.
Kilala ni Mama si Jane dahil ito ang palaging kaagaw ko sa number one spot sa klase. Matalino man si Jane ay galing ito sa mahirap na pamilya at hindi gusto ni Mamang makipaglapit ako rito. Mabuti na lang talaga at hindi ko namana ang pagiging matapobre ng nanay ko!
Si Jane ang naisip kong idahilan dahil walang paraan si Mama upang i-confirm ang binanggit kong activity.
"Bakit iyon pa ang makakasama mo?" salubong ang kilay na tanong ni Mama.
Tulad ng inaasahan ko ay lantaran ang pinakita niyang disgusto kay Jane sa paraan nang pagkakalukot ng kanyang mukha.
"Iyong instructor po ang pumili ng magiging partner namin sa activity," pigil-hininga kong sagot .
Lihim kong pinagdarasal na sana ay tanggapin niya ang alibi ko.
Ilang minuto na akong late sa usapan namin ni Ate Ellie.
"Siguraduhin mo lang na iyong activity talaga ang dahilan nitong pag-alis-alis mo ng bahay at pakikipaglapit mo sa Jane na iyon," may pagbabantang wika ni Mommy. "Umuwi ka kaagad pagkatapos ng gawain ni'yo."
Para akong nabunutan ng tinik sa sunod kong narinig. Hindi ko pa rin ipinahalata ang totoo kong naramramdaman dahil nasa akin pa rin ang mapanuring tingin ni Mama.
Ayokong bigla siyang magduda. Kailangan ay kalmado lang ako kahit gusto ko nang mapasuntok sa hangin sabay sigaw ng 'yes'. Para akong driver na walang lisensya pero nakalusot sa checkpoint.
Matapos magpaalam kay Mama ay agad akong nag-taxi papunta sa tagpuan namin ni Ate Ellie.
May nararamdaman akong guilt dahil para ko na ring tinraydor ang sarili kong ina dahil sa ginawa kong ito pero mas nanaig sa'kin ang kagustuhang mas mapalapit sa kapatid ko kahit hanggang ngayon ay wala pa rin itong kaide-ideya sa totoo naming kaugnayan.
Pagkarating ko sa nasabing lugar ay dali-dali akong pinasok sa loob. Isa itong kainan na medyo malapit lang sa pinapasukan kong paaralan.
Sinadya ni Ate Ellie na rito kami ngayon magtagpo para raw mas convenient sa'kin.
Laging inuuna ni Ate Ellie ang kapakanan at kabutihan ko simula no'ng magkakilala kami. Mas komportable pa nga akong magsabi sa kanya ng mga hinaing ko sa school kaysa kay Mama.
Mas nauunawaan kasi ako ni Ate at bawat payo niya ay ramdam kong para talaga sa mas ikabubuti ko.
Masaya na ako sa ganitong set-up namin kaya hindi na niya kailangan pang malaman ang tungkol sa Papa namin dahil kung magkataon ay tiyak kasama rin niyang makilala si Mama.
Tama nang ako na lang iyong araw-araw na sinusubok nang pagiging bruha ni Mama.
"Yolliza, nandito kami!"
Agad akong napalingon sa pinanggaling direksyon ng pamilyar na boses ni Ate Ellue pagkapasok ko sa kainan.
Medyo konti kang iyong tao kaya hindi gaanong nakakaasiwang kumilos.
Kasamang nakaupo ni Ate ang isang lalaking nakatalikod sa direksiyon ko at habang papalapit ako bang papalapit ay may kakaiba akong naramdaman tuwing napapasulyap sa malapad nitong balikat.
Unang sumalubong sa'kin ang kaaya-ayang amoy ba nagmumula sa lalaki na bahagyang nagpa-distract sa atensiyon ko kay Ate Ellie.
Kung may love at first sight ay meron din yatang love at first smell!
Hindi ko napigilan ang sariling lihim na pumuin ang baga ng mabangong amoy na nalanghap ko.
"Yolliza, si Rusca pala... boyfriend ko," masayang pagpakikala ni Ate Ellie sa lalaking hindi ko pa masyadong nabistahan ang mukha dahil bahagya itong nakatagilid mula sa'kin.
Hindi pa ako naka-move on mula sa kaaya-ayang amoy ng lalaki kaya hindi ko binigyang pansin ang pagtawa ni Ate Ellie sa bandang huli na para bang may joke siya sa kanyang sinabi.
Tuluyan iyong nawaglit sa isip ko nang parang slow motion ang ginawang pagkilos no'ng pinapakilala niyang Rusca.
Napasunod ang tingin ko sa ginawa nitong pagtayo mula sa kinauupuan upang humarap sa akin.
Hindi ako maliit na babae dahil malusog ako at medyo matangkad, mas matangkad pa kay Ate Ellie pero nagmukha akong bata sa tabi ni Rusca.
Ang tangkad niya at ang parang ang tigas ng ma-muscle niyang katawan na pwede nang gawing cover sa magazine... o kaya ay cover na lang sa'kin!
Ganitong klase ng katawan ang dapat na pinapa-billboard para inspirasyon ng mga babaeng araw-araw ay nakikipagbuno sa ma-traffic na kalsada.
Ni minsan sa buhay ko ay hindi pa ako humanga sa katawan ng isang lalaki— katawan pa lang ulam na!
Pakiramdam ko ay nanuyo iyong lalamunan ko nang tuluyang tumambad sa'kin ang buo nitong mukha. Literal na umawang iyong bibig ko habang para akong kinakapos nang hininga dahil pakiramdam ko ay nalulunod ako sa mga titig ng asul nitong mga mata.
Wala pa akong nakikilala na pwedeng tumapat sa kagwapuhan nitong kaharap ko! Blue eyes and putik! Ang tangos ng ilong at bumagay talaga sa pangahan nitong mukha ba lalong dumagdag sa lalaking-lalaki nitong aura! Iyong mga labi... jusko! Mamula-mula na para bang ang lambot-lambot.
Hindi naman sa kinukwestiyon ko ang ganda ni Ate Ellie pero nangangati talaga akong magtanong kung saan niya nakuha itong gwapo niyang boyfriend.
"Hello, Yolliza... it's nice meeting you. Lagi kang kinikwemto sa'kin ni Ellie."
Naibalik ng swabe at baritonong boses ng kaharap ang ang naglalakbay kong diwa. Mas gumwapo pa ito dahil sa boses nito.
Mabilis kong hinamig ang sarili at lihim na pinangaralang umakto nang maayos sa harap ng boyfriend ni Ate Ellie. Bawal pagpantasyahan itong kaharap ko!
"Kumusta p-po?" medyo yumuko kong bati rito. Ibinaling ko kay Ate Ellie ang atensiyon upang maiwasan ang hatid na tukso ng gwapo niyang boyfriend.
Buong buhay ko ay ngayon lang ako nakakita ng isang lalaking may ganito kapungay na mga mata na parang nanunuot sa buo kong kalamnan.
Sa taba kong ito ay ramdam ko pa rin ang init ng titig niyang parang tumatagos sa katawan ko. Ganito ba talaga ito makatingin? Parang hinahalina akong magkasala!
Gusto kong sisihin ang mga mata nito dahil sa maling tumatakbo sa utak ko. Naging fan din naman ako no'ng mga sikat at gwapong mga matinee idol pero ni minsan ay hindi ganito katindi ang nararamdaman kong attraction sa mga iyon kahit na tumatakas pa ako sa bahay para manood ng concert ng mga ito!
Sa tindig pa lamang nitong kaharap ko ay halatang may lahi na. Hindi ko mahulaan iyong edad nito pero sure ako na mas matanda pa ito sa aming dalawa ni Ate Ellie.
Hindi ko alam kung dahil ba sa kaharap ko kaya ko na-realize na mas malakas ang dating ng isang lalaki kapag mas matanda ito kaysa sa akin. Kaloka, lumalandi na yata ako!
"Maupo ka na, Yolliza. May in-order na kami ni Kuya Rusca mo pero pwede mong dagdagan ng kahit anong magustuhan mo," magiliw na wika ni Ate Ellie.
Para akong binuhusan ng malamig na tubig tapos tumama pa sa ulo ko iyong buong yelo na tig-tres nang marinig ang 'Kuya Rusca' sa mismong bibig ni Ate Ellie!
Ang alam ko ay paggalang iyong pagtawag nang kuya pero bakit 'pag inuulit ko sa isip ko ay nag-iiba ang kahulugan nito lalo na at para ito kay Rusca?
Habang nakatitig sa maamong mukha ng kapatid ko ay pilit kong inaalis sa isip ang mga bagay na pumapasok doon tungkol sa kanyang boyfriend.
Rusca—este Kuya Rusca is for Ate Ellie, period no kuwit kaya hindi pwedeng may kumabit!
Sa isiping iyon ay agad kong ipinuwesto ang sarili sa upuang medyo malayo kay Kuya Rusca.
Kung malayo ngang maituturing ang upuang nasa harapan nito mismo at katabi ni Ate Ellie.
Tuwing humahangin ay umaabot pa rin sa'kin ang mabango nitong amoy. Bakit ba sobrang bango nito?
Hindi ako pwedeng magpadala sa kung anuman itong ginigising sa'kin na mga damdamin ni Kuya Rusca! Ang kailangan ko lang gawin ay huwag tumingin sa mukha nito nang higit pa sa three seconds. Mapaparami yata ang kain ko ngayon dahil tiyak ay nasa baba lang ang tingin ko at lahat ng mga nahahagip ko roon ay ang mga masasarap na pagkaing nahahain sa mesa.
Di bale nang magiging masiba sa pagkain basta hindi lang magkakasala!
Sana lang ay mas masarap pa itong pagkain nila rito kaysa sa kaharap ko!