chapter 4

1398 Words
Nagiging mas malapit kami ni Ate Ellie sa sumunod na mga araw. Pagsapit ng Sabado ay inimbetahan niya akong sumama sa kanya roon sa kinalakihan niyang lugar. Agad akong pumayag dahil excited din naman akong makilala siya bang lubusan. Hanggang ngayon ay walang kaalam-alam sina Mama at Papa na ginugugol ko ang libre kong oras kasama si Ate Ellie. Parang may sekreto tuloy akong jowa nito! Pero mas okay pa nga siguro kung gano'n dahil tiyak na pagsasabihan lang ako ni Mama pero 'pag itong tungkol kay Ate Ellie ang malalaman nito ay tiyak malalagot kaming pareho ni Ate at nadadamay na naman si Papa. Sinulit ko lang ang bawat sandali na nakakasama ko si Ate Ellie para wala akong pagsisisihan pagdating ng oras ng paghuhukom mula kay Mama. Sulitin ko na tutal ginusto ko naman 'to! Ayokong magiging komplikado ang buhay ni Ate Ellie kaya wala talaga akong balak na magtapat sa kanya. Mas gusto ko rin iyong ganito kami... di bale nang ako na lang iyong palaging hindi mapakali at baka mahuli ni mother dear. Sapat ma sa aking ituring na parang kapatid ng totoo kong kapatid. Ang gulo ko pero mas malaking gulo 'pag mabuking ako kaya habang hindi pa ay enjoy life lang muna. Lingid sa kaalaman ni Ate Ellie na pinaramdam niya sa akin ang kakaibang saya sa pagkakaroon ng isang kapatid kahit hindi niya sinasadya. Bahagya rin akong bumabait dahil likas siyang mabait, nahahawaan niya ako. Aminado naman kasi ako na hindi man ako full blown bruha na katulad ni Mama ay medyo sutil din ako. Kunwari masunuring anak lang ako pero nasa ilalim ko iyong kulo! Hindi rin naman ako iyong type na magaslaw. Tiyak na tatalbog-talbog ang adult fats ko 'pag magiging magaslaw ako kaya pass! May hinala na ako kung saan lumaki si Ate Ellie kaya hinfi na ako nagulat nang isang bahay-ampunan niya ako dinala. Napagtagpi-tagpi ko ang mga sumbat ni Mama kay Papa tuwing nag-aaway ang mga ito habang inilibot ako ni Ate Ellie sa buong ampunan. Dito sa orphanage na ito regular na nagbibigay ng donasyon si Papa. Kahit hindi ito nagpakilala kay Ate Ellie ay hindi ito nagpabaya. Gusto kong magtanong kung nasaan ang nanay ni Ate Ellie pero ayon sa kwento niya ay hindi niya kilala ang mga magulang kaya tiyak na si Papa lang ang makakasagot sa katanungan ko. "Alam mo bang saksi ang buong lugar na ito sa unti-unti kong paglusog sa kabila nang mahirap na sitwasyon namin noon," kwento ni Ate Ellie habang nakasunod ako sa kanyang binaybay ang daan papunta sa maingay na boses ng mga kabataan. Tinutulungan ko siyang bitbitin ang ilang food packs na pasalubong niya sa mga ito. "Hindi po ba kayo nalulungkot noon?" hindi nakatiis kong tanong. Hindi naman kami sobrang yaman pero masasabi kong maalwan talaga ang pamumuhay namin kaya hindi ko ma-imagine ang sarili na tumira sa ganitong lugar kasama iyong ibang mga bata. "Sa rami ng mga ganap noon sa buhay ko ay walang lugar ang kalungkutan. Maliit pa noon itong ampunan at lagi kaming kapos kaya kailangan kong tumulong upang patuloy itong maitaguyod at hindi magkahiwa-hiwalay ang mga batang inaalagaan rito," nakangiti niyang kwento habang patuloy sa paglalakad. Sa tono niya ay parang ang saya niya sa kabila nang maagang responsibilidad na kanyang inako. "Hindi ni'yo po ba hinanap ang mga magulang ninyo?" muli kong tanong. Saglit siyang tumigil ay bumaling sa'kin. Wala akong nakikitanganang hinanakit sa mga mata niya habang sinalubong ang mha tingin ko. "Namulat akong iyong mga madre ang mga nag-alaga sa'kin. Noon nga hindi ko alam kung ano iyong nanay at tatay kung walang batang iniwan sa ampuban na panay ang iyak habang hinahanap ang mga magulang niya," magaan niyang pagkukwento. "Paano ngayon? Ayaw mo bang makilala sila?" mahina kong tanong. "Gusto," mabilis niyang sagot. "Pero hindi ba kailangan dahil ayoko namang magulo ang mga buhay nila. Siguro may nabigat na dahilan kung bakit nila ako iniwan noon at okay naman ako ngayon kaya hahayaan ko na lang na ang pagkakataon ang pagtatagpo sa landas namin sa tamang panahon." Nakatalikod na si Ate Ellie at nagpatuloy sa paglalakad pero nanatili ako sa kinatatayuan habang patuloy na umalingawngaw sa isipan ko ang mga sinabi niya. May parte ng pagkatao ang gustong ipagtapat sa kanya ang pagiging nagkapatid namin pero pinipigilan ako ng takot na baka magbago ang pagtingin niya sa'kin at baka masira ko ang nakikita kong masaya niyang buhay. Iisipin ko pa lang na magkaharap sila ni Mama ay parang gusto ko nang itago si Ate Ellie mula rito. Lumaki akong naging sunud-sunuran kay Mama at kahit sarili nito akong anak ay hindi ako nakaligtas sa masasabi kong may kapintasan nitong pag-uugali. Tanggap ko naman na hindi perpekto si Mama bilang isang ina at kalimitan ay sumusubra na siya sa pagdidikta sa'kin kaya may mga pagkakataon talagang gusto kong kumawala sa kanya. Kaya nga siguro hindi ko maipakita ang tunay na ako sa harapan ni Mama ay dahil pinipilit ko pa ring maging masunurin niyang anak kahit hindi naman talaga ako gano'n. Ayaw ko lang harap-harapang sumuway sa mga gusto niya. Si Papa rin naman ay kinalakihan ko na ang pagiging sunud-sunuran kay Mama kaya nga nakakagulat na may nagawa na pala ito ng kasalanan. Nitong nakaraan ko na nga lang nakikitang nakipagsagutan si Papa kay Mama. Mukhang ikinagulat din ni Mama ang pagbabagong ito ni Papa kaya siguro idinaan na lang niti sa pag-iyak ang galit tuwing nagsasagutan sila. Masakit mang aminin pero talagang manipulative ang sarili kong ina. Gusto niyang naayon ang lahat sa gusto niyang mangyari kaya isang malaking sampal sa ugali niyang iyon itong natuklasan niyang pagtataksil ni Papa na naitago ng huli sa napakahabang panahon. Hindi ko naman kinukunsinti ang nagawang mali ni Papa pero tanggap ko naman ang pagkakaroon niya ng anak sa ibang babae. Mabait ang Papa ko at hindi dahilan ang minsan nitong pagkakamali upang mabawasan ang paggalang at pagmamahal ko para dito. Habang inaanalisa ko ang ugaling mayroon ang sarili kong ina ay minsan namamangha ako kung papaano siya natagalan ni Papa. Naisip ko rin na isa siguro iyon sa naging dahilan kung bakit nagawang bumaling sa iba ng ama ko. "Yolliza, ano pang ginagawa mo riyan? Halika na." Napakurap-kurap ako at mabilis na nahamig ang sarili nang marinig ang pagtawag ni Ate Ellie. Isinantabi ko muna ang mga gumugulo sa isip at lumapit na sa kanya. Sinadya niyang huminto sa paglalakad upang hintayin akong makalapit. Habang papalapit ako sa kanya ay papalakas nang papwlakas naman ang kabog ng puso ko. Para akong sasabog na ewan habang naglalaro sa isip ko kung ano kaya ang buhay mayroon kami kung lumaki kaming magkasama? Paano kaya kung hindi gano'n si Mama at matanggap niya si Ate Ellie bilang bahagi ng pamilya namin? Matatanggap kaya ako ni Ate Ellie bilang kapatid niya? Nang tuluyan akong makalapit sa kanya ay hindi ko maiwasang titigan ang mukha niyang nagpapalala sa'kin sa mukha ng sarili kong ama. "S-sorry, Ate," wala sa sarili kong bulalas. Ang gusto ko talagang ihingi ng kapatawaran ay ang patuloy kong paglilihim sa kanya at ang paglaki niya na walang kinikilalang mga magulang. Bilang kapatid niya na lumaki na may buong pamilya kasama ang ama namin ay pakiramdam ko isa rin ako sa mga dahilan kung bakit hindi niya ito nakilala. Ang presensya namin ni Mama sa buhay ni Papa ang pumipigil sa huli upang magpakaama kay Ate Ellie. Minsan naisip ko na kaya siguro pilit kong pinapakita kay Mama na masunurin akong anak ay dahil ayokong bigla niya akong iwanan kapag mapagtantong hindi ako ang perpektong anak na inaasahan niya. Siguro nagsimula ang akong nagkaganito no'ng bata pa ako at lagi akong tinatakot ni Mama na iiwan niya kapag nagiging pasaway at makulit ako. Napapitlag ako mula sa malalim na iniisip nang isang inosenting ngiti ang ibinigay sa'kin ni Ate Ellie. Inilipat niya sa kabilang kamay lahat ng kanyang mga dala upang magamit ang malayang kamay sa paggulo ng buhok ko. "Alam mo, ang bait mong bata. Ang ganda ng pagpapalaki sa'yo ng mga magulang mo. Siguro mabait din sila tulad mo," nangingislap sa kasiyahan ang mga mata niyang pahayag. May naramdaman akong pinong kirot sa loob ng puso ko. Kung alam niya lang na ang tinutukoy niyang mabait ang sarili rin niyang ama. Imposible kasing gamitin iyong paglalarawan sa Mama ko. Hindi rin ako kasing bait nang inaakala niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD