chapter 2

1776 Words
Walang pasok kinabukasan at maagang umalis si Mama kasama si Papa kaya libre ako buong araw. Kung kailan sila nagkakaedad ay tsaka pa binabakuran ni Mama iyong tatay ko. Kung noon ay hindi ugali ni Mama na laging nakabuntot kay Papa ay iba na ngayon. Kung nasaan si Papa ay naroon na ito upang siguruhing hindi lalapitan ni Papa ang anak nito sa labas. Talo pa ni Papa ang mayroong bodyguard. Hinahayaan na lang ni Papa si Mama upang wala nang gulo. Hindi pa naman nagpapatalo si Mama sa kahit na anong argumento. Si Papa na ang nag-adjust tutal ay ito rin naman talaga ang may nagawang kasalanan. Dahil bored ay naisipan ko ngayong araw na dumayo sa lugar malapit sa narinig kong pinagtatrabahoan ni Ellie. Sa dalas nang paglilitaniya ni Mama kay Papa ay nagagatungan iyong curiosity ko in short pagiging tsismosa! Gusto kong silipin lang saglit iyong kapatid ko sa labas at nang makumpirma kung talaga bang magkamukha kami. Sa dinami-rami naman kasi ng tao sa mundo ay mukha ko pa talaga iyong may duplicate! Malapit lang ang sinasabing gusaling pinagtatrabahoan ng half-sister ko sa rati kong paaralan no'ng high school ako kaya gamay ko ang mga establishment sa paligid. Noon nga ay padaan-daan pa ako sa mismong harapan ng kompanyang pinapasukan ng hindi ko pa nakikilalang kapatid. Maaga akong naghanda at nagpaalam kay Nana Saling na may gagawing group activity sa bahay ng kaklase ko. Gasgas na ang ganitong mga palusot pero bentang-benta pa rin! Nag-chat na rin ako kay Mama tungkol dito at mabilis naman itong pumayag. Masyado yatang ukopado ang isip nito na ni hindi man lang ito nag-usisa pa bago pumayag tulad nang dati nitong ginagawa. Mas maigi na rin iyon dahil hindi na ako mapipilitang dagdagan ang kasinungalingan ko. Mula sa bahay namin ay dumiretso agad ako sa pakay na lugar. Pinasya kong tumambay sa katapat na kainan ng kompanyang pinagtatrabahoan ni Ellie. Sinadya kong naupo sa pwesto kung saan ay makikita ko kung sinu- sino ang mga empleyadong maglalabas-masok sa gusali ng kompanya nila. Mukha tuloy akong undercover na inaabangan iyong target ko. Hindi ko alam kung paanong makikilala si Ellie dahil 'di ko naman alam ang hitsura nito. Pinanghahawakan ko na lang talaga ang narinig ko mula kay Mama na kahawig ko ito. Totoo naman siguro iyong lukso ng dugo kaya sana ay magamit ko iyon sa pagkakataong ito. Hindi ko alam kung papaano iyon pero siguro ay mararamdaman ko iyon 'pag nasa harapan ko na mismo si Ellie. Alas otso pa akong nakaupo sa loob ng kainan kaya nang lumipas ang dalawang oras ay ilang baso na ng kape iyong naubos ko. Sa totoo lang ay ayaw na ayaw ni Mama na umiinom ako ng kape pero tuwing hindi ito nakatingin ay sinasamantala ko ang pagkakataon. Kahit noon pa man ay palihim na akong umiinom ng kape sa kabila nang pagbabawal niya. Hindi ko kasi kayang magdamagang mag-aral para sa exam na inaasahan niyang magta-top ako kung hindi ako iinom ng kape. Lamang pa nga iyong kape na nanalaytay sa ugat ko kaysa dugo ko na konting-konti na lang kakapuyat kaya good luck mamaya sa lukso ng dugo! Kahit anong pilit kong maging masunuring anak ay hindi talaga ako gano'n. Ang hirap din kasi mangatwiran kay Mama dahil siya lang ang palaging tama at iyon siguro ang dahilan kung bakit lagi silang nagtatalo ni Papa at kalimitan kaming hindi magkaintindihan. Pero kahit gano'n ay laban pa rin ako sa kunwari ay masunuring anak. Nabalik ako sa reyalidad nang may umagaw sa pansin kong papalabas mula sa kompanyang kanina ko pa lihim na binabantayan. Hindi ko alam kung ang nainom ko bang kape ang dahilan nang biglang pagkabog nang malakas ng puso ko o kung ang babaeng natatanaw kong nakikipagtawanan sa mga kasamahan papunta sa direksiyong ng kinaroroonan kong kainan. Bigla akong kinabahan at parang gusto kong hilinging mag-iba sila ng pupuntahan. Gusto ko tuloy magsisi kung bakit pinili kong pumwesto sa kasalukuyang kinaroroonan, hindi pa pala ako handang manatili sa iisang lugar kasama ang babaeng hindi ko mahiwa-hiwalayan ng tingin. Habang nakatuon ang tingin ko sa kanyang mukha ay mas lalo kong nakikita si Daddy. The same eyes, nose, and shape of lips. Hindi man niya nakuha ang kaputian ni Daddy pero kopyang-kopya niya ang hitsura nito at kaya siguro nasabi ni Mama na hawig kami ay dahil pareho kaming malusog ang pangangatawan. Sa biglang tingin ay mapagkamalang ako siya. Maputi man ako pero kung titingnang maigi ay mahahalata ang pagkakahawig namin. "Sana all na lang, Ellie, sa jowa mong yummy!" Mabilis akong nag-iwas ng tingin nang marinig ang boses ng isa sa mga kasamahan ni Ellie. Masyado akong tutok sa hitsura niya at hindi ko namalayang nakapasok na sila sa kainang kinaroroonan ko at dahil malalakas ang boses nila ng mga kasamahan niya habang nag-uusap ay malinaw ko silang naririnig sa kabila nang malakas na kabog ng puso ko. Hindi yata dugo iyong lulukso sa'kin kundi ay ang puso ko! Para itong tatalon mula sa dibdib ko at mauuna bang mag-walk out kaysa akin palabas ng kainan. "Napudpod din ang tuhod ko kakadasal para mapansin niya 'no," pabirong tugon ni Ellie sa kaibigang kausap nito na umani ng tawanan sa iba nilang mga kasamahan. Noon ay sa pangalan ko pa lang iyo kilala ngayon ay may mukha na ito at boses! Bigla tuloy naging totoong-totoo na talaga siya! Hindi ko na maaaring balewalain ang presensya niya sa buhay namin ng pamilya ko. Nagkunwari akong umiinom sa hawak kong tasa ng kape nang mapadaan ang grupo nila sa likuran ko. Ramdam ko ang panginginig ng sarili kong mga kamay habang pinakikinggan ang boses ng kapatid ko. Napaghalataan tuloy na pasmado ang kamay ko dahil pawis ba pawis din ito. Para akong kakapusin ng hininga habang tumatagal. Maya-maya ay parang nawala sa sarili na bigla akong tumayo at pumihit upang umalis na lang sana pero iglap lang ay kaharap ko na ang iniiwasan kong tao at aksidente kong naitapon sa suot nitong damit ang lamang kape ng hawak kong tasa. Maang akong napatingin sa hawak kong tasa na walang laman pabalik sa damit ng kaharap ko. Ganitong mga pagkajataon sa buhay ng tao na gusto mo na lang humiling ng take two! "Oh my gosh!" mahina pero sindak kong bulalas habang nakatingin sa mantsa ng kape sa tapat ng dibdib niya. Napaka-late reaction pero mas okay na iyon kaysa tuluyan na akong naging bato rito sa kinatatayuan ko. Hindi man akk naging rebulto ay gusto ko namang lumubog dahil sa halo-halong mga nararamdaman. Hihilingin ko sanang magpalamon sa tinatapakan kong sahig pero sa laki kong ito ay imposibleng hindi ito mabulunan kaya huwag na lang. "Hala, 'neng. Ba't hindi ka nag-iingat?" Parang hangin na lang sa pandinig ko ang sinabing iyon ng isa sa mga kasama ni Ellie dahil nagkasalubong na ang mga mata namin ng half-sister ko. Halos hindi na ako humihinga habang hinihintay ang magiging reaksiyon niya sa nagawa ko. Paano kung bigla niya akong sambunutan dahil sa inis? Oo at magkasing-chubby lang kami pero dahil nanginginig ako ay tiyak kayang-kaya niya akong ilampaso at— "Okay ka lang ba?" kunot-noo niyang untag sa'kin. Napakurap-kurap ako habang pilit na iniintindi ang tanong niya. Narinig ko siya pero ayaw rumehistro sa utak ko ng sinabi niya. Nanginginig ako sa nerbyos. Kape pa more! Iyong kape ang nagwagi at hindi ang lukso ng dugo! "Okay ka lang, Ellie?" may pag-alalang tanong naman ng kasama niya sa kanya. Sa halip na sumagot ay tinanguan lang niya ito at nginitian upang ipakitang walang dapat na ipag-alala bago muling bumaling sa'kin. Para akong ipinako sa kinatatayuan at hindi ko kayang ihakbang ang mga paa paalis. Napaparalisa yata ang buo kong katawan at nanatili lang akong nakatanga sa mismong harapan ng babaeng walang kaaalam-alam tungkol sa pagiging magkapatid namin. Mabigat na ako no'ng una pa pero ngayon ay dumoble tara kaya hindi ako makagalaw! "Okay ka lang ba, 'neng?" tanong niya ulit sa'kin. Malinaw ko na siyang naririnig at naiintindihan ngayon pero walang boses na lumalabas sa bibig ko kahit na tinangka kong ibuka ang mga ito upang tumugon sa tanong niya. "Namumutla ka at nanginginig," patuloy niyang komento. Parang malambot na kamay iyong boses niya na humaplos sa puso ko at ramdam ko ang panunubig ng saliri kong mga mata. Kahit hindi niya alam na magkapatid kami ay ramdam ko ang sinsero niyang pag-alala para sa'kin at nakakaiyak pala ang gano'n! Hindi siya nagalit dahil natapunan ko siya ng kape sa halip ay mas inaalala niya pa ang kalagayan ko. Ang bait pala ng kapatid ko! "Naku, Ellie, takot na takot yata sa'yo iyang bata," singit ng isang kaibigan niya. Sa laki ng katawan ko ay tinawag pa akong bata pero siguro ay dahil mas lamang ng kàlahating kilo sa'kin si Ellie. "Wala akong ginawa ha!" mabilis na depensa ni Ellie. Iglap lang ay naramdaman ko ang pagkuha niya ng tasa sa nanginginig kong kamay. Ngayon ko lang napansing kipkip ko pa rin ito. "Hindi naman kita sasaktan dahil lang aksidente mo akong natapunan ng kape," mahinahong kausap niya sa'kin. "May pamalit naman akong damit kaya walang problema at isa pa malamig na iyong kapeng naitapon mo." "S-sorry," nagawa kong bigkasin. Halos bumikig ang mga salitang iyon sa lalamunan ko. May gusto pa akong sabihin pero hindi ko alam kung ano. Habang pinagmamasdan ang buo niyang mukha ay parang kaharap ko ang morena version ni Papa. Sa takot kong ipagkanulo ang sarili sa harapan niya ay napahakbang ako paatras at bago pa may makahuma sa aming dalawa ay natagpuan ko na lang ang sariling nagtatakbo palayo sa lugar na iyon. Hindi ko kayang magtagal sa presensya ng kapatid ko na hindi makaramdam nang matinding emosyon. Nagiging emosyonal ako at baka bigla na lang akong ngumawa roon. Chubby ako hindi crybaby! Dinala ako ng nanginginig kong mga binti sa isang parke at doon ay tuluyan kong pinalaya ang mga luhang kanina ko pa pinilipigilan. Hindi ko alam kung vakit naiiyak ako! Gusto kong maalarma sa estado ng pag-iisip ko nang bigla ay kusang sumilay sa mga labi ko ang isang totoong ngiti. Tuluyan na nga yata akong nawala sa katinuan! Hindi ko maipapaliwanag ang pakiramdam sa unang pagkikita namin ng kapatid ko kahit ako lang ang nakakaalam sa koneksiyon naming iyon. Ang mas lalong hindi ko maipaliwanag ay kung papaano ako nakatakbo nang mabilis at ganito kalayo habang tumatalbog-talbog ang adult fats ko! Pambihira, nagiging sporty ako bigla nakita ko lang si Ellie! Ngayon ko lang nalamang pwede pala ako sa marathon! Hindi man lang ako hiningal dahil sa pagtakbo, mas nakakahingal pa nga iyong nerbyos ko kanina habang kaharap siya!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD