Malakas na sigaw ni Mama ang agad kong narinig nang makapasok ako ng bahay namin galing sa eskwela.
Si Mama talaga ang babaeng sopistikadang kumilos pero kapag galit ay parang may built-in speaker sa bunganga.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nadatnan ko silang nagtatalo ni Papa simula no'ng matuklasan naming may anak si Papa sa ibang babae.
Halos sampung taong nagsasama ang mga magulang ko bago sila biniyayaan ng anak at hindi matanggap ni Mama na sa loob ng mga taong halos magka-depression siya sa pag-iisip kung papaano mabibigyan ng anak si Papa ay may nabuntis pala itong ibang babae.
Iyong Papa ko ang magandang halimbawa ng 'silent but deadly'. Isipin mo, tatahi-tahimik lang tapos mukha pang 'under de saya' iyon pala ay matinik pa sa sea urchins!
Mayroon akong nakatatandang kapatid sa labas na dahilan nang walang katapusang pagdedeklara ni Mama ng World War III. Natuklasan ni Mama iyong tungkol sa kaoatid ko sa labas ay no'ng minsang pinagdudahan niyang may ibang babae si Papa kaya sinundan niya ito.
Gano'n talaga siguro ang mga misis, talo pa iyong detective 'pag tumiktik! Iyon nga lang, sa halip na mahuli na may ibang babaeng nilalandi si Papa ay higit pa roon ang natuklasan ni Mama.
Unang tingin pa lang niya sa katagpong babae ni Papa ay alam na agad niyang anak ito mg matinik kong ama dahil sa malaking pagkakahawig ng mga ito.
Kamukha ko si Papa pero ayon sa naririnig ko mula sa pagtatalo nila ni Mama ay mas kahawig ito ng kapatid ko sa labas.
Kung ako ay photocopy na black and white, iyon anak sa labas ni Pala ay colored duplicate.
Nang sumbatan ni Mama si Papa ay agad naman nitong inamin iyon. Okay lang cheater basta honest yata ang motto nitong magaling kong ama.
Muntik nang sugurin ni Mama iyong kapatid ko sa labas pero napigil lang nang ipagtapat ni Papa na hindi nito alam na mag-ama sila. Kilala lang nito si Papa bilang isa sa mga kleyinte ng pinagtatrabahoan nitong kompanya.
Hindi lang pala kami ang pinaglihiman nitong tatay ko kundi pati iyong half-sister ko.
"How dare you, Greg! Iyon palang kunwari ay donasyon mo sa orphanage ay para pala iyon sa anak mo sa labas!" galit na galit na sigaw ni Mama.
Kahit gaano katinik itong Papa ko ay walang lusot talaga rito sa Mama ko.
Kahit nasa itaas sila ay rinig na rinig ko mula rito sa sala ang mga nababasag na bagay na sigurado akong si Mama ang may gawa.
Basag now papalitan later na naman ang mangyayari.
Kapag galit kasi
si Mama ay nagbabasag ito ng mga gamit tapos 'pag humupa na iyong galit niya ay bibili ng bago. Maganda ring technique ang ginagawa niya para sa pasimpleng pagpapalit ng mga luma namimg gamit pero sana ay iyong mga luma ang pagbabasagin niya at hindi iyong mga bagong bili niya pa lang.
Dasal ko rin na sana ay hindi nito masugatan ang sarili at si Papa katulad nang dati. Okay lang maubos iyong mga gamit namin sa bahay basta hindi lang sila magkasakitan.
Mas okay rin saba na merong taga-tally ng mga navacasag ni Mama para mapresyohan agad at nang bahagya naman siyang kabahan sa mga pinagbabasag niya.
Kapag mahal iyong akmang babasagin niya ay makapag-isip pa siyang mag-change item, doon sa mas mura!
"Melah—"
"Stop!" putol ni Mama sa akma sanang pangangatwiran ni Papa. "Ayoko nang marinig ang mga paliwanag mo! Sinasabi ko sa'yo, Greg! Oras na ipasok mo sa buhay natin iyong anak mo ay mas magkakagulo tayo!" histerikal na pagpapatuloy ni Mama.
Habang tumatagal ay pabigat nang pabigat ang dramang nangyayari dito sa loob ng bahay namin.
"Melah, walang ibang pamilya iyong bata," mahinahong saad ni Papa.
Nakakahanga rin itong si Papa dahil hindi ko mawari kung paano ito nakatagal sa ugali ni Mama. Siguro ay mahal talaga ni Papa si Mama. Pero hindi ko maisip kung paano niya ito nagawang lokohin kung totoo nga ang pagmamahal niya para dito. Siguro din ay nakokonsensya si Papa sa nagawa niya kay Mama kaya nakahanda niyang tiisin ang ugaling meron ito.
"Wala akong pakialam!" pabulyaw na sagot Mama sa huling sinabi ni Papa. "At hindi na bata iyon! Twenty-five years old na iyon, Greg! Tinago mo sa'min ng anak mo ang bunga ng kataksilan mo sa loob ng dalawampu't limang taon!"
Marahas akong napabuga ng hangin nang narinig ang malakas na pag-iyak ni Mama. Sa tuwina ay nauuwi sa pag-iyak ang galit nito.
Noong simula ay naaawa talaga ako kay Mama 'pag nag-iiyak na siya pero habang tumatagal ay pakiramdam ko ginagamit niya lang dahilan ito upang lalong konsensyahin si Papa.
"Sisirain mo ang pamilya natin para lang mabigyan ng pamilya ang anak mo sa labas?" patuloy na sumbat ni Mama habang umiiyak.
Pwede namang hindi masira ang pamilya namin kung gugustuhin.
"Melah, mahal ko kayo ni Yolliza," saad ni Papa.
Lalong lumakas ang hagulhol ni Mama. Kahit na palaging mahigpit sa'kin si Mama ay may kirot pa rin sa puso ko tuwing naririnig ang puno nang hinanakit niyang pag-iyak.
Pero huwag namang araw-arawin dahil hindi iyon vitamins!
Hindi ko man lubos na naiintindihan ang nararamdaman niya ngayon ay pilit kong ipinaramdam sa kanya na nandito lang ako at kakampi niya. Para na nga akong kaluluwang hindi matahimik dahil sa dalas kong magparamdam.
Sa totoo lang ay may nakakapa akong saya sa puso nang malamang may kapatid ako pero pilit ko iyong isinasantabi dahil sa nakikitang paghihirap ng kalooban ni Mama.
Nag-iisa lang akong anak nila ni Papa kaya sabik akong magkaroon ng kapatid noon pa man pero dahil mahirap magbuntis si Mama at himala na nga ang pagkabuo ko ay nagiging pangarap ko na lang dati ang isiping iyon.
Kahit naman minsan ay mukha lang akong abubot sa tabi-tabi ay may delikadesa naman akong taglay. Ayaw ko namang ipamukha sa nanay ko na masaya ako habang naghihirap ang kalooban niya.
Parang gusto ko na tuloy pagsisisihan na minsan ay pinagdasal kong magkaroon ng kapatid dahil mukhang dininig ang kahilingan kong iyon ngayon pero kapalit naman ang palagiang pagtatalo ng mga magulang ko.
Malay ko bang priority pala sa itaas iyong dasal ko. Pero iyon nga parang mali yata ang interpretation ng langit dito. Dapat siguro ay kinumpleto ko, dapat ay kapatid sa ama at ina ang hiniling ko para mas detalyado. Pero una rin namang nabuo iyong hindi ko nakikilalang kapatid kaya huli na rin iyong mga naipagdasal ko.
Ang gulo na tuloy ng bahay namin, mas okay pa noon dahil utak ko lang iyong maligalig,!
Nang bumaling ako sa pintuan papuntang kusina ay nagkasalubong ang mga mata namin ni Nana Saling. Siya ang isa sa pinakamatagal na naming katulong dito sa bahay na para ko na ring nanay.
Mas malapit pa nga ang loob ko sa kanya kaysa sarili kong ina. Si Nana Saling ang sumbungan ko tuwing may mga problema ako dahil natatakot akong magsabi kay Mama.
Mapag-unawa ang ngiting ibinigay sa'kin ni Nana Saling para siguro pagaanin ang loob ko.
Habang naririnig ang pag-iyak ni Mama sa taas at pang-aalo ni Papa rito ay lumapit ako kay Nana Saling at yumakap dito.
Hindi naman talaga ako madramang tao pero simula no'ng palaging nagtatalo ang mga magulang ko ay naging parang teleserye na ang buhay ng pamilya ko.
"Pagpasensiyahan mo na si Mama mo. Masyado lang siyang nasasaktan sa natuklasan." Masuyong tinapik ni Nana Saling ang likod ko habang gumanti ng yakap sa'kin ang isa niyang braso. "Hayaan mo at 'di magtatagal ay matatanggap niya rin lahat."
Napabuntong-hininga na lang ako dahil hindi ko alam kung mayroon bang tungkol sa kapatid ko sa labas na hindi nagdudulot ng sama ng loob kay Mama. Lahat yata ng tungkol dito ay ginagawang isyu ng ina ko kaya malabong matatanggap niya ito.
"Tingin ko, Nana, ay hindi na yata mawawala ang galit ni Mama," napabuntong-hininga kong wika sabay kalas mula rito.
Bagsak ang balikat na sumulyap ako sa itaas ng bahay namin kung saan ay naririnig pa rin ang patuloy na paghikbi ni Mama.
Mukhang tapos na itong manira at mambato ng mga gamit. Kapag ganito na ay papahupa na ang pagtatalo nila pero konting mali lang ulit ni Papa ay mabilis na madudugtungan ng another season ang away nila.
Paikot-ikot na lang talaga si Mama at lahat ng iyon ay dahil sa kapatid ko sa labas.
"Huwag kang mag-isip nang ganyan. Mahal na mahal ng Mama mo ang Papa mo kaya siguradong magkakaayos din sila," pampapalubag-loob sa'kin ni Nana.
Ang harsh pala magmahal ni Mama kung gano'n! Kulang na lang ay isali sa pagbabasag niya iyong bungo ni Papa pero baka nga ganito siya kagalit sa nagawa ni Papa dahil mahal niya ito.
Hindi niya kinaya iyong linya sa isang kanta na 'you betrayed me'!
"Nawala yata pagmamahal niya rito simula no'ng matuklasan niya ang tungkol doon kay...ano..."
"Kay Ellie," pabulong na dugtong ni Nana Saling sa nakalimutan kong pangalan ng diumano ay anak ni Papa sa ibang babae.
Napakamot sa ulo akong napatingin ulit kay Nana Saling.
"Huwag ni'yo pong ipaparinig iyan kay Mama dahil tiyak panibagong giyera na naman," mapakla kong paalala rito.
Iyon ang pangalang hindi dapat babanggitin sa pamamahay na ito lalo na sa harapan ni Mama dahil tiyak malaking gulo ang mangyayari.
"Ayaw niyang marinig sa iba pero palagi niyang bukambibig tuwing inaaway ang Papa mo," komento ni Nana Saling.
"Kilala mo naman si Mama... siya lagi ang tama," nakangiwi kong tugon.
Kahit sarili kong ina ang pinag-uusapan namin ay nakakalungkot na wala akong maalalang magandang ugali nito.
Noon pa man ay masyadong perfectionist si Mama. Bilang nag-iisa niyang anak ay kailangan kong sundin lahat ng gusto niya.
Kailangan ay kumilos ako naaayon sa inaakala niyang tama. Dapat ako ang nangunguna sa klase namin at kailangan magaling ako sa lahat ng bagay.
Nakakasakal din maging anak niya at medyo nakahinga lang ako mula sa dikta niya simula no'ng matuklasan niya ang tungkol kay Ellie.
Mas matanda sa'kin si Ellie ng pitong taon pero ayaw ko naman itong tawaging ate dahil hindi ko pa talaga ito nakita sa personal at bilang respeto na rin kay Mama na galit na galit sa existence nito.
Minsan naisip ko na kaya ganito kagalit si Mama ay dahil na rin hindi niya matanggap na may ibang anak si Papa habang ako na anak niya ay lumaking hindi naaayon sa kaperpektuhan na kanyang inasam-asam.
Paano ba ako magiging perpektong anak gayong nag-debut na iyong mga baby fats ko kaya hindi na sila babies! Magaling lang naman ako sa isang bagay... ang magmukhang masunuring anak na na kimi kung kumilos sa harapan niya pero talo pa ang nakawala sa kwadra 'pag hindi na siya nakatingin.
Ito yata iyong namana ko kay Papa... Iyong pagiging tahimik sa umpisa pero 'pag maka-shot na ay tiyak punuan na!