AVEL
“Iba ka talaga, Avel! Hanga na talaga kami sayo. Aba, mantakin mong wala man lang revision ang pinasa mong draft? Samantala kami, draft pa lang, pero hindi na mabilang sa daliri namin kung ilang beses pinaulit ni Mr. Bagatsing ang proposal namin! Ang unfair! Tapos ngayon bibigyan ka pa ulit ng bagong project? Balita ko magiging big break mo raw ito," Sambit ng katrabaho kong si Theo.
"He deserves it, Theo! Si Avel ang pinakamagaling sa team natin. Sobrang talented ng taong ito," konsola naman dito ni Regie.
Napangisi na lang ako. "Binigay ko na ang best ko, gusto ko kasing mag unwind naman kahit papaano. Grabe, sobrang hell week ngayon,"
Totoo naman ang sinabi ko. Hell week talaga ang linggong ito. Hindi na kami magkaundagaga sa mga inuutos sa amin ng adviser namin. Isa akong researcher sa malaking University dito sa Manila. At kadalasan ang mga nire-research namin ay tungkol sa nature. Gusto ko ang ginagawa ko at masaya ako. Bata pa lang kasi ako, mahilig na ako sa adventure at makuryusidad akong tao. Pangarap ko rin na maging isang sikat na scientist.
Sabi nga ng mga lolo't lola ko, noong panahon nila, walang scientist sa Pilipinas dahil kulang ang kaalaman at teknolohiya. Ngunit sa pagdaan ng panahon ay naging modernong moderno na ang Pilipinas kaya naman mayroon na ring mga scientist na kilala sa bansa.
Ang gusto kong pag-aralan ay ang tungkol sa Earth. Para kasi sa akin, napakarami pa ring misteryo ang Earth na hindi pa natutuklasan ng tao. Katulad na lamang ng dagat, kahit ngayong taong 2075 ay hindi pa rin nasasaliksik ng tao ang pinakailalim at misteryoso ng karagatan.
Paano pa ang mismong mundo?
Na-ho-hook ako sa ganitong topics. Para sa akin, hindi sapat ang libro at ang internet dahil napakaraming bagay pa rin ang hindi alam ng isang mortal sa mundong ginagalawan nito.
"Mabuti ka pa nga, makakapagpahinga na, eh. Paano pa kami?"
"Hmm. Bakit hindi muna kayo mag chill? Alam niyo, walang papasok sa utak niyo kung puro problema at stress ang laman n'yan. Samahan niyo muna ako mag-bar, baka bukas may pumasok na mga ideas sainyo,"
"No thanks, Avel! Ikaw lang ang may karapatan mag happy-happy. Ikaw pa lang ang nakapagpasa eh,"
"Come on, saglit lang. Hindi naman tayo magpapakalasing," Wala na ngang nagawa ang mga ito kundi sumama sa akin.
Ilang oras pa'y nandito na kami sa bar. Dumating na rin ang mga inorder naming drinks.
"Whew! Hindi ko na matandaan kung kailan ang huli kong inom!" Sabi ng isa kong katrabaho.
"Wala na nga akong lovelife eh. Ganito nga yata talaga ang profession natin. Laging papel, libro at laptop ang kaharap," himutok naman ni Theo.
Minsan, naiisip ko na rin sumuko sa trabahong ito. Pero dahil matindi talaga ang ambisyon ko na maging isang scientist pagdating ng araw, ginagawa ko ang best ko. Hindi naman kasi basta-basta na magiging scientist ka lang.
Napakarami nitong prosesong pagdadaan para maqualify ka talaga na maging isang scientist. Maraming nagsasabi sa akin na malaki ang potensyal ko, na matalino ako at malayo ang mararating ko. Isa 'yon sa mga dahilan bakit pilit ko pa ring inaabot ang pangarap ko.
Ang mga kamag-anak ko kasi, walang tiwala sa pangarap ko. Para sa kanila, impossible ang gusto ko. Akala ko, ang mga kamag-anak ko ang unang-una na susuporta sa akin, pero hindi. Ibang tao pa pala.
Nakakatawa na lang.
"Ikaw, Avel, ito ba talaga ang gusto mo?" Tanong sa akin ng isa ko pang katrabaho.
Nilagok ko ang alak sa shot glass at tumango. "Yes. Walang sinuman ang makakapagpabago ng pangarap ko. Bata pa lang ako, ito na ang gusto ko,"
Sa edad kong 26 anyos, na may doctorate degree, noon hanggang ngayon ay walang nagbago sa pangarap ko.
Nagkakuwentuhan pa kami ng kaunti bago namin napagpasyahang umuwi na. Anong oras na rin kasi.
Pagdating ko sa condo unit ko ay bumungad sa akin ang haven ko. Safe haven kung tawagin ko ang unit ko dahil dito nagiging malaya ako. Sariling batas at desisyon ko ang nasusunod dito. At dito ko natatagpuan ang kapayapaan na hinahanap ko tuwing gagawin ko ang trabaho ko.
Supportive naman sa akin ang magulang ko na masayang namumuhay ngayon sa probinsya namin. Umuuwi naman ako roon tuwing pasko, bagong taon at mahahalagang okasyon. Ngunit alam din ng magulang ko na may sarili na akong buhay dito sa Manila. Minsan, sila naman ang dumadalaw dito sa akin.
Nag-iisang anak lang ako kaya naman kinasabikan ko rin noon na magkaroon ng kapatid. Maliit lang ang pamilya namin at hindi ko pa kasundo ang ilan. Hindi kasi marunong maging masaya ang mga ito sa success ng iba.
Natandaan ko pa noong nakaraang taon na dumalaw ako doon, kaya raw ako naninirahan sa Manila dahil may nabuntis daw ako na hindi pinanagutan sa probinsya namin. Iyon ang usap-usapan doon. Napailing na lang ako sa mga ito at hindi na nag-abala na itama pa ang mga akala ng mga ito sa akin.
"Ang sarap talaga sa feeling nang nakapagunwind ka!" Bulalas ko. Tiyak, magiging mahimbing ang tulog ko nito. And I badly needed it. Halos tatlong oras lang lagi ang mga tulog ko dahil masyadong demanding ang adviser namin.
Agad kong sinalpak ang katawan ko sa malambot na mattress. Ilang sandali pa'y nilamon na rin ako ng antok.
Mausok. Maingay. Magulo. Wala akong nakikitang iba kundi puro dugo. Mga bangkay. Maraming umiiyak at humihingi ng tulong.
Nanginginig na iginala ko ang paningin ko. Nakita ko ang magulang ko na wala ng buhay na nakahandusay sa lupa. "Mama... papa...!"
Ngunit kahit anong nguyngoy ko sa mga ito ay malamig na ang mga katawan nito. Nabalot ng luha ang mga mata ko.
Katapusan na ba ng mundo?
Ito na ba ang parusa ng Diyos dahil makasalanan ang sanlibutan?
Hindi. Kailanman ay hindi magpapalaganap ng sakit ang Diyos.
Tumingin ako sa paligid para malaman kung saan nanggagaling ang kakaibang kapangyarihan na 'yon.
Nasa ganoon akong senaryo nang biglang may kakaibang nilalang na biglang lumitaw sa harapan ko.
Nanginig ako labis na takot. Hindi ito ordinaryong tao! Iba ang kulay ng balat nito. Kahit ang kulay ng mata ay kakaiba.
"S-Sino ka?"
"Avel Basilio. Kinagagalak kong makilala ka. Isang karangalan ang makita ka ngayon,"
Napalunok ako. Kilala ako nito? "S-Sino ka ba? Bakit... Bakit mo ito ginagawa?"
"Simple lang. Dahil isang kalokohan lang ang buhay. Ang buhay natin ay puno ng pait, sakit at pighati. Pinapadali ko lang ang buhay niyong lahat. Pasasalamatan niyo rin akong tinapos ko na ang mga paghihirap niyo,"
Nagtagis ang mga bagang ko. Hindi! Marami pa akong pangarap. Hindi ko hahayaan na hindi ko man lang matutupad ang isa sa mga 'yon.
"Wala rin namang silbi ang magiging buhay mo kapag pinatay mo ang sanlibutan, walang taong nabubuhay para sa sarili lamang!" Matapang kong sigaw sa mukha nito.
Napahalakhak ito. "Huwag kang mag-alala. Hindi naman ako tao. Kaya kong mabuhay at ng aking grupo para sa sarili lang namin,"
Napatulala ako nang makita ang mga kauri nito na nasa likod nito. Ito ang mga totoong depinisyon ng mga kakaibang nilalang sa mga pelikula.
"Pinapabilib mo talaga ako, Avel. No wonder, ikaw nga ang huling lalaking 'yon,"
"H-Huling lalaki?" Napatda ako.
"Marami na ang nagtangka na pigilan kami sa misyon namin. Pero batid kong sa propesiya, ikaw ang huling lalaki na magliligtas sa sanlibutan at tatalo sa amin. Kaya naman hindi ako makakapayag. Mamatay ka na, ngayon din!" Malakas na sigaw nito at may namuong kuryente sa kamay nito.
Napapikit nalang ako nang mariin nang itapat nito 'yon sa akin.
"Aahhh!" Malakas na sigaw ko at napabangon ako sa kama ng wala sa oras.
Tinignan ko ang wall clock. Alas dos na ng madaling araw. Pawis na pawis ang buo kong katawan. Nanginginig ako sa labis na takot.
"s**t! Parang totoong totoo ang panaginip kong 'yon!"
Nakakapagtaka na ngayon lang ako nanaginip ng kakaiba. Hindi naman ako mahilig manood ng supernaturals pero bakit nanaginip ako ng ganoon?
Isa pa, pakiramdam ko parang totoong totoo. Grabe ang emosyon na hinatid sa akin ng panaginip na ito.
Bumangon na ako ng kama at pumuntang kusina upang magtimpla ng kape.
Hindi ko naiwasan hindi matawa. "Pero ang ganda ng panaginip ko ah, ako ang tagapagligtas ng mundo. Ako raw ang huling lalaki, walastik!"
Ininom ko na lang ang kape at nanood na lang ng palabas sa TV hanggang sa muli akong tangayin ng antok.
~
A/N: Free pa habang inuupdate pa. Kaya add niyo na po sa library :)