GAVRIIL’s POV
“AIREE—” Hindi ko na naman natapos ang pagtawag ko nang lumapat na naman sa labi ako ang labi ni Lola. lalong humigpit din ang yapos niya sa akin.
Bago ako tuluyang makawala sa sa yakap niya ay nakalabas na si Aireen. Dali-dali ko siyang hinabol, pero pagdating ko sa labas ay hindi ko na rin siya naabutan. Hindi ko nakitang kasama niya si Maria. Nasaan ang anak namin? Na kay Nolan? Wal
Napasabunot ako kapagkuwan. What if sabihin niya sa magulang niya ang nakita? Hindi ko naman alam na babalik siya.
“Where is your wife?” Napasapo ako sa ulo ko nang marinig ang boses ni Lola. Nilingon ko siya.
“I want you to leave now. I don’t want Aireen to find you here when she gets home.”
“So, you’re afraid now to your wife? What happened to my love Gavriil? Hmm…” Kasunod niyon ang paghaplos niya sa aking dibdib, pero pinigil ko iyon at tinanggal.
“Lola, please…”
“Alright.” Akmang hahalik siya sa akin nang umiwas siya. Ngumiti lang siya at bahagyang kinurot ang pisngi ko.
Nasa labas kami noon tapos hahalikan niya ako? What if may makakita?
Naghintay pa ako kay Aireen sa sala para kausapin siya. Pero inabot na ng madaling araw, walang Aireen na dumating.
Tumayo ako at pumunta sa kusina. Saglit akong natigilan nang mapagtantong walang pagkain. Wala nga pala si Aireen— hindi pa siya dumadating.
Umorder na lang ako ng pizza. Nakatulog din naman ako kaagad.
Malakas na alarm ng aking alarm clock ang gumising sa akin. Kinapa ko iyon na hindi pa nagmumulat at pinatay. After five minutes pa bago ako tuluyang tumayo.
Normal na sa akin ang mag-replay ng cctv sa silid ni Mariah sa buong magdamag. Pero napakunot ako ng noo nang mapagtantong walang ang mag-ina ko sa kabila. Wala rin akong makitang gamit ng anak sa mesa na naroon. Doon lagi nakalagay ang formula milk ni Maria, pero ang linis-linis. Wala akong makita ni isa. Bigla akong kinabahan. Napatayo ako sa kinauupuan at pumunta sa silid ni Maria.
Hawak ko na ang door knob noon. Napatingin ako sa kamay ko na nanginginig. Sana lang mali ang hinala ko.
Napapikit ako nang makita ang silid na walang kalaman-laman. Tanging higaan at side table lang ang naroon.
“A-Aireen…”
Lumapit ako sa closet, gaya ng silid, wala ring kalaman-laman.
Mukhang plinano ng asawa ang pag-alis nitong nakaraan. At baka bumalik lang kahapon dahil may naiwan.
Bumalik ako sa silid ko para tawagan si Aireen. Nagpadala na rin ako ng mensahe na makipagkita sa akin dahil kailangang pag-usapan namin ito. Dadaan kasi si Mommy dito mula sa Greece ngayong buwan, bago siya umuwi ng Pilipinas para sa yearly bakasyon nito. Mag-a-anniversary na rin kasi ang kapatid niya na siyang nagpalaki sa asawa ko.
Pumasok ako nang araw na iyon pero okupado ang isipan ko ng mag-ina ko. Hindi man lang nagre-reply si Aireen. Tinatawagan ko pero hindi siya sumasagot.
Akala ko makakausap ko si Aireen kinagabihan, pero hindi pa rin. Ang iniisip ko, baka umuwi na ng Pilipinas dahil sa nasaksihan sa pagitan namin ni Lola.
Noong unang araw na wala ang mag-ina ko sa bahay, nakaya ko pa. Pero nang mga sumunod na araw, nakakaramdam ako nang kakaibang lungkot. Minsan, nakakalimutan ko, natatawag ko si Aireen dahil wala pang pagkain. Nakakalimutan kong wala na nga pala siya rito. Kahit na ang pag-check ko lagi ng cctv para makita ang anak ko, nakakalimutan ko ring wala na nga pala roon si Mariah.
Hindi ako nagising nang maaga sa ikaapat na araw. Tanghali na akong nagising dahil late din akong nakatulog. Marami nang missed calls sa akin mula sa opisina.
Binitawan ko ang cellphone ko nang makita ang number ni Lola. Minsan number ni Melvin at ng boss ko ang lumalabas doon.
Pabagsak kong inilapag iyon sa center table. Nasa sala ako noon. Nakaupo lang ako doon habang hinihintay ang order ko. Walang laman ang ref ko kaya wala rin akong mailuto. Dati-rati, puno iyon ng mga pinamili ng asawa. Paggising ko rin luto na ang pagkain ko. Pero ngayon, wala nang gumagawa no’n sa akin.
“Where are you Aireen?” naisatinig ko. Naikuyom ko rin ang kamao ko.
Mukhang wala na rin si Nolan dito dahil hindi ko siya makita, kaya nakaraan ko pa naiisip kung magkasama silang dalawa. Walang tao rin sa opisina kaya hindi ko matanong.
Napapitlag ako nang marinig ang doorbell. Mukhang nandyan na ang aking order.
Hindi nga ako nagkamali, ang inorder ko ngang pizza at pasta iyon. Dalawa pa ang naroon.
Akmang aabutin ko ang isang bag nang mahagip nang tingin ko ang babaeng papasok sa ’di kalayuang unit.
“A-Aireen…” anas ko nang makilala siya. Hindi ako maaring magkamali, ang asawa ko iyon.
Agad na inihabilin ko sa nag-deliver ang inorder ko na ipatong sa center table. Pakamot-kamot na tumango ang dalawa. Para hindi na magreklamo, nilapagan ko ng malaking tip.
Dali-dali kong tinungo ang pintuan na pinasukan ng asawa. Nasapo ko ang ulo ko nang maalala ang sinabi noon ni Aireen— na gusto niyang lumipat ng unit dito lang din sa building na ito.
Inayos ko muna ang sarili ko bago pinindot ang doorbell.
AIREEN’s POV
PAGKABALIK na pagkabalik ko sa apartment ko ay nahiga ako sa tabi ni Maria. Niyakap ko siya nang mahigpit, kasunod na nga niyon ang hagulhol ko. Nagising pa si Maria pero patuloy lang ako sa pagyakap sa kanya nang mahigpit. Ngayon, parang pinipiga ang aking dibdib. Sinabayan pa iyon ng aking luha na walang humpay sa pag-agos.
Sa nararamdaman kong ito, masasabi kong may nararamdaman ako kay Gavriil. Hindi ako iiyak kung wala lang ito. Mahal ko na ba ang aking asawa? Bakit ko pa naramdaman ito?
Bago pa sana lumalim ang kakaibang nararamdaman ko kay Gavriil ay makauwi na kami ng Pilipinas. Ayokong magaya sa mga pinapanood ko.
Noon, wala akong pakialam kasi kako hindi ko naman nga mahal si Gavriil, kaya bahala siya kung may iba siyang babae, pero hindi ko pala kayang makita na ganoon. Na niloloko ako nang harapan. Masakit. At kung ano man ang nararamdaman kong ito, sana hindi siya pagmamahal, sana dahil lang sa naapakan lang ang p********e ko. Kahit na hindi rin maganda tingnan, mas gugustuhin kong wala akong nararamdaman para kay Gavriil.
Nakapagdesisyon ako ng mga oras na iyon. Binitawan ko si Maria at kinuha ang cellphone ko. Pero napatigil ako nang makita ang pangalan ni Gavriil na. Tumatawag siya. Maraming beses pa iyon kaya binitawan ko muna. Sa laptop ako nagbukas at may hinanap sa social media.
Pagka-send ko ng message, inihiga ko ang sarili ko sa kama. Bumaling pa ako kay Maria pagkuwa’y ngumiti nang mapakla. Hindi na ako pwedeng magtagal dito sa New York. Hindi papayag si Gavrill na umalis ako nang basta-basta hangga’t walang pag-uusap na mangyayari sa pagitan namin. Wala na akong pakialam. Peace of mind ang kailangan ko. Pero baka nga magiging masaya pa siya sa gagawin ko, na ako ang kusang umalis. ‘Yong hindi na kami magpapaalam. Mas okay iyon sa tingin ko.
Napatingin ako sa hawak kong phone nang marinig ang tunog. Agad kong binasa ang message at naupo.
Nakaraming tawag na pala si Gavriil, ni isa man hindi ko sinasagot. Nasabi ko na sa kanya na pwede niyang dalawin si Maria. Pwede siyang pumunta rito, kaya bakit tatawag pa siya? Anytime pwede niyang hiramin si Maria kung nami-miss niya.
Pero nang makita ang text ng kasambahay na kinontak ko kahapon ay naisipan kong buksan at basahin. Saktong nag-popup din ang mensahe mula sa social media ng caretaker ng aking resort. Ang resort na iyon, ‘yon ‘yong pinamana ni Mommy sa akin na public resort sa Batangas.
Balak kong mag-stay na lang muna doon bago magpasukan. Kami ni Maria. Ililihim ko muna sa aking magulang maging sa Tito Daddy ko na si Jeron na napaaga ang uwi ko. Ayokong malaman nila ang nangyaring ito sa akin— sa amin ni Gavriil.
Nang magkaroon ng time ang caretaker ng resort, tinawagan ko siya. Ako naman na ang amo niya, ako ang nagpapasahod sa kanya, hindi ang Tito Daddy ko kaya willing siyang ilihim ang lahat oras na makauwi kami.
Walang Gavriil na kumakatok o nagdo-doorbell sa pintuan ko ng mga sumunod na araw. Mukhang natuwa siyang nawala kami ni Maria. Kung ganoon, pwede na talaga kaming umalis ni Maria since wala siyang pakialam. Balak ko rin sanang imbitahan si Gavriil na magbakasyon kahit na two days kapag nakabili na ako ng ticket namin ni Maria. Wala pa siyang passport kaya kailangan ko pang ayusin. Bukas nga ang schedule naming mag-ina.
Kakalapag ko lang kay Maria sa higaan niya nang makarinig nang sunod-sunod na tunog ng doorbell. Ang buong akala ko si Nolan, dahil lagi nga niya kaming dinadalaw rito kapag dumadating siya, pero hindi ko akalaing si Gavriil ang makikita ko sa screen.
“A-Aireen…”
“G-Gav,” ani ko. Halata pa rin ang pagkagulat. Kasi naman dapat nasa opisina siya, pero mukhang bagong gising.
Imbes na sagutin ako, hinigit niya ang kamay ko at kinabig ako. Hindi ko iyon inaasahan pero hindi ko na lang pinansin.
“H-hey, may problema ba?” tanong ko sa kanya. Naramdaman ko rin ang mukha niya sa aking leeg. May inuusal siya pero hindi ko maintindihan. Pero mayamaya lang ay nakaramdam ako nang pagkailang kaya tinulak ko siya palayo sa akin.
“N-nasaan si Maria?” aniya sa akin.
Dahil medyo nagulat ako sa mga inakto niya, napatitig ako sa kanya. Nakailang ulit tuloy siya sa tanong niya
“Where is she?”
“Oh, I’m sorry.” Napapilig pa ako noon. “Nasa sala lang, sa may higaan niya.”
Dali-dali niya akong iniwan at pinuntahan siguro si Maria.
Hinatid ko nang tanaw si Gavriil na sobra ang pagmamadali.
Hindi ko maiwasang mag-isip. Bakit parang wala siyang alam na nandito kami? Para namang hindi ko siya tinext. Hello? Nakadalawang text din ako sa kanya na pwede siyang dumalaw rito anytime kung gusto niya. Balak ko ngang ibigay sa kanya ang isang key card kapag nagkataon. Baka kasi tulog ako kapag mag-doorbell siya.
Napatigil ako nang makita si Gavriil na nakaluhod sa higaan ni Maria. Ilang beses niyang hinalikan sa pisngi si Maria. Nakita ko rin ang pagpunas ng isang kamay niya sa kabilang pisngi niya.
Nauntog ba siya? Ngayon ko lang siyang nakitang ganyan sa anak. Kasi lagi siyang nakatingin lang sa cctv. Hindi man lang niya noon mahawakan si Maria. Nahahawakan lang niya noon kapag iniiwan ko sa kanya ang anak namin kapa may bibilhin.
“Bakit hindi mo sinabing dito lang pala kayo lumipat? Akala ko umuwi na kayo ng Pinas,” ani ni Gavriil sa akin nang kunin niya si Maria at dinala sa bisig.
“Nakadalawang text ako sa ‘yo, Gav. Hindi mo ba nababasa?”
“Wala akong natanggap ni isa man. Hindi mo nga rin sinasagot ang tawag ko. Why?” puno nang hinanakit na tanong niya sa akin.
Hindi ko masabing ayaw ko talagang sagutin ang tawag niya. Pero sa text, pwede ko sana siyang replyan, pero wala rin akong natatanggap. Ayoko lang talaga siyang kausapin dahil wala naman kaming pag-uusapan.