Episode 5

1836 Words
Sabado. Limang bigkis na kangkong, sampung piraso na talong, okra at sili ang kanyang naani. May mga kamatis din siyang nakuha. Nakakuha rin siya ng kamoteng dahon at kamote ng malunggay. Ibabagsak niya ito sa kakilala na may puwesto sa talipapa. Hanggang alas-kuwatro ng hapon ang bentahan sa talipapa nila at ito rin ang araw ng punta nila sa fiesta ng San Felipe. Masyado pang maaga dahil ala-sais pa lang pero excited na siya sobra. Isang bell buttom flare jeans ang suot niya, isa itong kupasing maong na malapad ang baba ng laylayan. Tinernuhan niya ito ng isang green long sleeve na may halong silver na mga dots, silk ito kaya madulas kapag hinawakan. Tinupi pa niya ang laylayan nito hanggang siko. Agad niyang dinaanan ng kamay ang lampas balikat na buhok, nilagyan niya ito ng gel para hindi magulo kapag masyadong mahangin. May suot rin siyang kulay pink na bucket hat pero kupas na ang kulay nito. May sentimental value ito sa kanya dahil pag-aari ito ng kanyang namayapang lola. Maganda itong panlaban sa init sa umaga at proteksyon din sa tumbong niya sa gabi ang bucket hat. Dala ang bisekleta at ilang aning gulay, bumaba siya galing bukid papuntang talipapa. Tuwing tumatama sa sinag ng araw ang suot na long sleeve, kumikinang ito bigla. Nagmukha siyang isang mamahaling brilyante sa gitna ng kabukiran kaya siyang-siya sa get-up niya ngayon. "Aba, Kimpoy! Saan ang punta mo, ha?" si Aling Ason ang nagtanong sa binata nang sumulpot ang lalaki sa harap nito. "Pormang-porma ka ngayon, ah!" Ngiting-ngiti ang matandang babae habang hinahagod nito ng tingin ang kaharap. "Kakaunti lang ang naani mo ngayon, ah," sabay tingin ng matanda sa basket na dala ni Kimpoy. Iniisa-isa pa nitong nilabas ang mga gulay. "Mamimiyesta lang, Aling Ason. Baka sa susunod na buwan, makarami na." "150 ok na ba? Kaunti lang itong dala mo eh, lugi na nga ako nito. Dinagdagan ko na lang 'yan dahil may fiesta, 'di ba, pero sa susunod na magbabagsak ka ng gulay, damihan mo naman, Kimpoy." Ngiting-ngiti siya nang kuhain ang inabot na pera ng matanda. Kahit panay reklamo ito, lagi itong nagpapasobra ng bayad kapag alam nitong may lakad siya. Sikat na siya rito na numero unong tagadayo sa mga kapiyestahan ng mga barangay. "Salamat ho, Aling Ason. Hayaan niyo ho, dadalhan kita ng paborito mo, gaya ng dati," nakangisi siyang kumaway dito nang makalayo. Mga kakanin lang naman ang paborito nitong matanda, madalas niya itong dalhan kapag nakakulembat siya ng pagkain sa fiesta. Agad niyang nakita si Felix sa kabilang kalsada, naka-green na t-shirt at may sumbrero rin itong kulay blue. Gaya ng dati, sa isang kakilala lamang niya iiwan ang bisekleta. "Aba, pare! Pareho tayo ngayon, ah! Kambal sa bukid, haha," pinasadahan ni Felix ang suot ng kaibigan. "Pero mas kaiba ka kasi mukhang yeyemenin 'yang sa 'yo." Natawa na lamang siya. Oo nga, pareho sila ng get-up ngayon ni Felix. Ang kaibahan lang, suot niya ang orange niyang rubber shoes habang naka-tsinelas naman ang kaibigan niya. Magkaiba rin ang sumbrero nila dahil pink ang suot niya at blue naman ang kay Felix. Isang oras ang ibabyahe nila papunta sa San Felipe, part pa ito ng probinsya nila pero nasa South area na ito. Lulan na sila ng jeep, pawang magagandang tanawin ang nadadaanan nila. Kita ang dagat sa 'di kalayuan--may mga beaches na magaganda sa lugar nila kaya dinadayo ito ng mga turista minsan. May nagtatayugan ding puno ng niyog sa daan, isa rin ito sa kabuhayan ng mga tao rito--ang pagkokopra. Tanghali na nang dumating sila ni Felix sa bahay ng tiyahin nito. Gawa sa half-semento at half-hollow blocks ang bahay. Kailangan pa nilang sumakay ng tricycle papasok dahil nasa looban pa ang bahay ng tiyahin ni Felix. "Kumain na kayo."  Inanyayahan na sila ng tiyahin ni Felix pagkatapos siyang ipakilala rito. Tiningnan pa siya ng babae mula ulo hanggang paa. Nginitian niya ito nang ubod tamis na agad sinagot nito ng isang tango lamang. "Pare, ok lang ba ang tiyahin mo?" bulong niya sa kaibigan, mukhang ayaw ng babae sa kanya. "Ganyan lang talaga 'yan, pare. Matandang dalaga na kasi," napangisi pa si Felix nang sulyapan ang tiyahin. "Kapatid 'yan ni Nanay kaya don't worry." Napatango-tango na lang siya bago dumulog sa lamesa. May kanin at langkang may sabaw, malagkit na kakanin, inihaw na isda at adobong baboy na handa sa mesa. Natakam siya at nauna nang sumalok ng kanin. Simple lang ang handa pero masarap ito.  "Pare," agad niyang binalingan si Felix. "Dalhan mo nitong kakanin si Aling Ason." "Oo ba, ako'ng bahala." Napagpasyahan nilang maglibot-libot ng kaibigan sa lugar para pababain ang kinain. Makikitulog din sila rito para makapag-disco pa mamayang gabi. Isa ito sa mga bagay tuwing kapiyestahan na hindi nila pinapalampas, ang sayawan sa plaza. Nangapit-bahay din sila ng kaibigang si Felix bandang hapon. Pinameryenda naman sila ng may-ari ng bahay na pinasukan nila. Suman naman at coke ang binigay sa kanila ng matandang babae na kapitbahay lamang din ng tiyahin ni Felix. Ganito kapag piyesta sa probinsya, kahit hindi kakilala, puwedeng makikain ang bisita sa bahay na papasukin dahil tradisyon ito sa kada probinsya tuwing ka-piyestahan. "Sino po ba ang pwede naming sabayan mamaya, papunta ng plaza?" tanong ni Felix sa matanda. "Si Jun-Jun na, may motor 'yon," tugon ng matandang babae. "Pupunta rin 'yon sa plaza mamaya. Sabihan ko na lang siya mamaya na sunduin kayo sa bahay ni Felipa," dugtong nito na agad naglagay ng coke sa baso para sa mga binata. Si Felipa ang tiyahin ni Felix na nasa kuwarenta na ang edad. Nasa sitenta naman ang edad ng babae ayon na rin sa kuwento nito at anak nito ang tinutukoy nitong si Jun-jun. "Aba'y, salamat po kung gano'n," masayang saad ni Felix bago tinapik ang kaibigan. "Ano, pare, maraming chicks do'n sa plaza mamaya." Napangiti siya pero dagli rin itong nawala dahil alam niya na ilag ang mga kadalagahan sa kanya. Ilang beses na ba niyang nasubukan pero lagi siyang bigo. Ayaw ng mga babae sa kanya. Jologs lang lagi ang naririnig niya na bukambibig ng mga ito.  Magtatakip-silim na nang pumunta naman si Jun-jun sa bahay ng tiyahin ni Felix. Nagpakilala ito at mabilis na nakapalagayang loob ng mga binata. "Pareng Kimpoy, hanep ang porma natin, ah," pansin ni Jun-Jun sa bagong kaibigan. "Oo, pare! Ayos ba?" nasisiyahang pakli niya na agad sinipat ang suot, nakalugay lamang ang hanggang balikat niyang buhok. Suot pa rin niya ang damit kanina. "Sikat to, pare...parang ako lang. Center of attraction lagi."  Naghalakhakan ang mga kaibigan niya. Hindi na niya pinagkaabalahang magpalit pa ng suot kaya tuwing tatamaan ng ilaw ang suot niya, kumikinang ito dahil sa silver na dots. Sinuot na rin niya ang pink na bucket hat. Matigas na rin ang buhok niya dahil sa gel na nilagay niya kanina. "Baka marami kang dilag na mapapaibig n'yan," nakangising sagot agad ni Jun-jun. "Naiiba ka, pare, ha." "Mga takot nga ang babae sa kanya," humalakhak na si Felix nang sabihin ito. "Pero, Pareng Kimpoy, sayawan naman ang ipinunta natin hindi mga dalaga, 'di ba?"  Oo! Alam niyang baduy siya pero kiber ba niya? Basta happy siya kapag nagsasayaw... Agad siyang inakbayan ni Jun-Jun, hawak nito ang baba habang nakatingala sa kisame. "Ano kaya kung---Kemp na lang itawag namin sa'yo, pare. Mas bagay 'yon!" suhestiyon ni Jun-Jun na agad ngumiti nang balingan si Kimpoy. "Hindi ba, Felix, sounds unique..." "Aba! Maganda nga!" singit niya. Parang musika sa pandinig niya ang pangalang iyon. Kimpoy? Ang bantot! Kemp? Ang lupit! "Gusto ko 'yan, pare." Nagniningning ang mata niya nang balingan si Jun-Jun, ang lupit din nitong brain ng kaibigan niya. Ang dunong sobra! At simula ng gabing iyon...siya na si Kemp, ang dating Kimpoy. "KEMP" as--- "K"-kaakit-akit na lalaki. "E"-eleganteng dancer. "M"-mahilig sa kainan tuwing kapiyestahan "P"-pormang kakaiba na swak sa panlasa niya. Kahit sa pangalan man lang, makabawi siya. Nagkayayaan pa silang uminum ng tuba, isa ito sa pampalakas loob nila mamaya bago rumesbak sa sayawan--ang pinaka-highlight ng kanilang pamimiyesta.  Napagpasyahan nilang pumunta ng plaza pagkatapos ng inuman. Wala silang nadaanan na plaza pagkasakay ng tricycle kanina dahil looban na ang bahay ng tiyahin ni Felix. Kinse minutos pa ang layo ng plaza kapag magmo-motor sila ayon kay Jun-Jun. Nasa bayan daw ito banda. Part lamang ang liblib na lugar na ito na hindi masyadong dinadayo ng mga tao dahil malayo na. Oras naman ang aabutin nito kapag nilakad na dahil sa rami ng ilog na madadaanan. Sinasagasa nila ang kadiliman habang sakay ng motor, si Jun-Jun ang nasa unahan at nagda-drive. Si Felix naman, nakapwesto ito sa gitna ng dalawang kaibigan. May nadaanan pa silang ilog pero wala itong tubig. Short-cut daw ito ayon kay Jun-jun. Hindi ito nadadaanan ng motor kapag tag-ulan na dahil sa malakas ang agos ng tubig ayon na rin kay Jun-Jun na nag-astang tourist guide nila. Nakarating sila sa kalsada at ang unang napansin niya, sunod-sunod na ang mga kabahayan dito. Maliwanag ang kapaligiran at maririnig sa lugar ang mga ingay ng nagka-karaoke. May mga kalalakihang tumatambay sa labas at nag-iinuman. May mga banderitas ding nakasabit sa mga poste. Buhay na buhay ang lugar na ito. Ipinuwesto ni Jun-Jun ang motor sa isang parking area pagkarating ng plaza. May mga tanod ding nagbabantay dito. Sa unahan ng plaza, makikita naman ang perya na puno ng tao. Halos hindi na mahulugan ng karayom ang lugar dahil dagsaan na ang mga tao na nagkakagulo pa. May nagtatakbuhan, may nagsisigawan--puno ng kaingayan ang lugar na ito--literal na nagaganap dahil sa kapiyestahan. Isa itong selebrasyon para sa patron ng kada barangay na nagaganap taon-taon. Masaya. Magulo. Maraming maliliit na tindahang nakapuwesto sa gilid ng kalsada, iba-iba rin ang tinitinda ng mga ito.  Excited silang nagsipagbaba, deretso sila sa perya. May mga kabataang nagsisigawan habang sakay ng rides, ang iba naman ay naglalaro. Maraming pwedeng pagpilian na mga palaro ang perya. Napakaingay ng lugar pero enjoy na enjoy siya sa paligid. Pinagtitinginan din siya ng mga tao. Winalang-bahala niya ito, baka masyadong naguwapuhan lang sa kanya ang mga ito. Mestizo kasi siya ayon sa mga kaibigan, animo'y lahing-Kastila ika nga ayon sa lola niya. Matangkad din siya kumpara kina Jun-Jun at Felix. Lagpas balikat ang buhok niya at nakalugay lang ito ngayon. Feeling niya, may pagka-rock star siya ngayong gabi kaya center of attraction na naman siya. Bisperas ngayon ng ka-piyestahan at sa Linggo naman ang totoong piyesta. Kapag ganitong bisperas, hindi na magkamayaw ang mga tao sa paghahanda. Dalawa o tatlong araw ang selebrasyon ng mga kapiyestahan sa mga barangay. Malakas din ang tugtog sa plaza. Napapaindak na siya habang naglalakad at sinasabayan din niya ito ng pagpitik-pitik ng kamay sa hangin. Sasaglit muna sila sa perya saka sila babalik sa plaza para sa sayawan. Parehong-pareho sila ni Felix na mahilig sumayaw. Kasama na roon ang pagpapa-cute sa mga kadalagahan in case lang na palarin pero wala siyang pakialam kahit ayawan siya ng mga kadalagahan. Bumebenta naman siya sa mga may edad na babae kapag sweet music na ang usapan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD