Episode 4

2078 Words
Umaabot hanggang madaling araw ang pa-disco ng barangay. Halos alas-dos na ng madaling araw nang matapos ang sayawan. Binaybay niya ang daan kung saan niya iniwan ang bisekleta. Tinali niya ito gamit ang kadena at may lock din ito para hindi manakaw sa pagkakatali sa isang puno. Tapos na sa wakas ang pa-disco ng baranggay. Huling araw ito ng fiesta ng San Isidro. Natapos na naman ang gabi niya, isang masayang karanasan sa piyestahan ang muling na-enjoy niya. Matapos matanggal ito sa puno, sinakyan na niya ang bisekleta. Marahan lamang ang pagba-bike niya dahil sa rami ng taong naglalakad sa kalsada. Halos mga kabataan ito na pauwi na rin galing sa pagdi-disco. Maiingay din ang mga ito.  Hindi pa siya tuluyang nakaalis sa lugar nang may humarang sa kanya. "Hoy! Jologs, s-sa'n ka pu-pupunta?" Isang lasing na lalaki ang humarang kay Kimpoy, may hawak din itong bote ng beer sa isang kamay. Hindi n'ya maaninag ang buong mukha ng lalaki dahil may kadiliman na ang hinintuan niya. May iilang tao nang naglalakad at napapatingin sa kanila. Malayo ang street light sa gawi nila kaya may kadiliman na sa bandang area na ito. Nang makalapit ito, namukhaan niya ito. Ito ang lalaking nagreklamo kanina habang nagsasayaw siya dahil nasagi niya ito nang 'di sinasadya. "Pauwi na, pare," pasimpleng tugon niya bago inapakan ang pedal ng bisekleta para makaalis na.  Nilagay ng lalaki ang paa nito sa unahang gulong ng bisekleta niya nang tangkain niyang umiwas dito. Nakangisi itong nakatunghay sa mukha niya. Makikita rito ang pamumula ng mukha pati na ang mata nito, hindi maipagkakailang lasing ang lalaking 'to. May hawak itong bote ng beer sa isang kamay at panay ang tungga nito ng alak. Hindi na siya nakahuma nang bigla siyang hampasin ng bote ng beer sa ulo ng lalaki. Napaigik siya. Naramdaman niya ang hapdi sa ulo. Bigla niyang nabitawan ang bisekleta bago bumagsak sa kalsada. Nagpulasan ang ilang tao na nakakita sa kanila at nagsipagtakbuhan ang mga ito palayo. "Ang yabang-yabang mo kanina, ah!" galit na sigaw ng lalaki na dinuro pa si Kimpoy sa mukha. "Sira-ul*!" kasabay ang pagsipa nito sa nakahigang binata. May dalawa pang lalaki ang lumapit sa kanila kaya lalo siyang kinabahan, mukhang magkakilala ang mga ito. Pilit siyang pinatayo ng mga ito habang hawak siya sa magkabilaang braso. Isang suntok sa tiyan ang pinakawalan ng isa. Nang maramdaman ang suntok sa tiyan, napasigaw siya sa sakit. Dalawa. Sunod-sunod. HIndi niya mabilang kung ilang ulit ang ginawa ng mga itong pagsuntok sa kanya. Halos hindi siya makatayo nang deretso nang maramdaman niya ang pamamanhid ng tiyan. Hindi siya makahinga. Isang pagpito ang narinig nila kaya agad siyang binitawan ng mga lalaki.  "Takbo!" sigaw ng lalaking unang sumuntok sa kanya, nabahiran ng pagkataranta ang mukha nito. Nakita na lamang niya ang mga ito na nagpulasan at tumakbo nang magkakahiwalay sa iba-ibang direksyon. Napahawak siya sa tiyan dahil ramdam pa niya ang pamamanhid nito. Kung gaano kabilis ang mga ito nang sumulpot kanina, mas mabilis itong nagsilaho sa harap niya. Napaluhod siya sa lupa nang wala na ang mga ito. "Boy, ano'ng nangyari sa'yo?" Tanong ng isang tanod nang makalapit na agad inalalayan ang binata. Dalawang tanod ang magkatulong na itayo ang lalaki. "Napagdiskitahan ka na naman ng mga tambay dito," saad ng isa pa na agad nahawakan si Kimpoy nang mabuway pa ito sa pagkakatayo. Pinilit niyang tumayo kahit pa parang nawalan siya ng lakas dahil sa pagsuntok ng mga taong iyon. Nakaramdam siya ng pan*nakit ng katawan, ng panghihina. Isang tanod ang nagtayo ng bisekleta niya. "Mag-ingat ka, boy!" Habilin ng isang tanod nang makapuwesto siya sa bisekleta niya. "Kaya mo ba? Pumunta ka muna sa Barangay Hall para mai-report mo ito, kung namumukhaan mo pa ang mga iyon." Tumanggi agad siya dahil madaling araw na rin. "Salamat ho pero 'di ko kilala ang mga iyon, m-mukhang mga dayo r-rito," napangiwi pa siya nang mahawakan ang tiyan. "Sigurado ka, ha?" hindi kumbinsidong tiningnan pa ng isang tanod ang mukha niya. "May sugat ka, oh." Napangiti siya sa mga ito. "Maliit lang po 'yan, malayo sa bituka tsaka.." Tumikhim siya para tanggalin ang bara sa lalamunan. "Suntok lang po 'yon..." Kahit pa anong pigil ng mga ito sa kanya, mas siya ang nasunod bandang huli dahil ramdam na rin niya ang antok at pagod. Agad siyang nagpaalam sa mga ito. Tinalunton niya ang daan papunta sa bukid nila, hindi ito kalayuan sa lugar ng San Isidro. Halos wala ng ilaw ang mga kabahayan na kanyang nadadaanan. Tabi-tabi ang mga bahay dito. May mangilan-ngilan ding street light sa lugar na ito pero patay-sindi lang ito. Pagkalampas niya sa Baranggay Isidro, isang daan na halos wala ng kabahayan ang kanyang tinahak. Gamit niya ang flashlight para makita ang daanan, ito ang daan papunta sa bukid kung nasaan ang bahay n'ya. Paakyat pa ito dahil bundok na ang area niya. Sanay na siya sa pagbibisekleta kaya mabilis niyang pinasibad ito. Pawang mga puno ang kanyang naiilawan sa gilid ng daanan at may mga palayan din siyang nakikita. Tanging sinag ng buwan ang dumagdag na ilaw niya. Huminto siya nang makarating sa tulay at dahan-dahan lamang ang ginawa niyang pagpadyak. May kalumaan na ang tulay na ito at parang bibigay pa ito anumang sandali. Isa ito sa mga project ng barangay nila, papalitan ito ng mas matibay kaya babaklasin na ito anumang oras para masimulan na ang pagsesemento nito. Isang maliit na bahay kubo ang kanyang nabuglawan, ang kanyang munting tahanan. Nahahapo siyang bumaba pagkarating dito. Kanina habang nagba-bike siya, ramdam niya ang hapdi sa ulo at ang hanging tumatama sa kanya ang mas nagbigay ng hapdi rito. Mabilis niyang pinasok sa bahay ang bisekleta. Sinisiguro niyang hindi ito mananakaw dahil sa laki ng pakinabang niya rito kaya lagi niya itong pinapasok ng bahay. Isang bombilya lamang ang meron siya, agad niya itong binuksan nang makapasok sa loob. Sinipat niya ang ulo gamit ang maliit na salamin, may maliit na sugat at tuyong dugo siyang nakita. Hindi kalakihan ang sugat niya pero masakit pa rin ito. Buti na lang hindi siya napuruhan ng mga sira-ul*. Hindi niya kilala ang mga lalaking tumambang sa kanya dahil parang mga dayo ito sa lugar ng San Isidro. Muli siyang lumabas para pumitas ng dahon ng 'mayana'. Isa itong medicinal plant na ginagamit sa mga sugat para maghilom agad. Dinikdik niya ito bago pinigaan ng katas nito ang sugat sa ulo. Napangiwi siya nang maramdaman lalo ang hapdi.  Solo na siyang namumuhay dito sa bukid. Iniwanan ng kanyang lola ang lahat ng pagmamay-ari nito sa kanya nang ito'y mamatay. Tanging abuwela lamang ang kilala niyang pamilya kahit kamag-anak, wala siyang kilala. Hindi niya alam kung sino ang mga magulang niya at ayon sa kanyang lola, may nakilala raw itong babae sa bayan. Naging matalik na kaibigan daw ito ng kanyang lola. Iniwan daw siya ng babae sa lola niya pero nangako itong babalikan na lamang siya ng babae pero hindi ito nangyari. Tatlong taon daw siya noon nang iwanan siya ng babae. Nasa singkwenta na ang edad ng kanyang lola ng mga panahong iyon. Maagang nabiyuda ang kanyang lola nang mamatay ang esposo nito at hindi nabiyayaan ng anak ang mga ito. Natuwa na rin kahit papaano ang lola niya nang dumating siya at itinuring siya nitong tunay na pamilya. Halos tanghali na nang magising siya. Marahan siyang nag-inat. Isang papag na maliit lamang ang higaan niya, walang kutson, pero sanay na siya. May lumang wall clock din sa dingding ng kwarto niya. Biglang tumunog ang tiyan niya at nang tingnan niya ang orasan, alas dose na pala. Marahan siyang umupo sa papag at nang kapain niya ang ulo, hindi na gano'n kahapdi ang sugat n'ya. Effective talaga ang 'manaya' dahil natuyo agad ang sugat niya. Isang lababo na gawa sa kahoy, nasa labas lamang ito ng bahay niya. Isang drum din sa gilid ng lababo, iniimbakan niya ito ng tubig. Sa sapa niya kinukuha ang  tubig dahil wala siyang poso rito. Hindi niya kayang magpagawa dahil wala siyang regular na trabaho, isa lamang siyang magbubukid. Depende sa panahon at ani niya ang kikitain. Nasa baba lamang ang sapa at nasa bandang taas naman ang maliit niyang bahay-kubo. May ginawa siyang maliit at mababaw na hukay sa gilid ng sapa, dito niya kinukuha ang tubig dahil malinis ito. Kinagisnan na niya ito sa probinsya dahil halos lahat ng mga kapitbahay niya, sa sapa rin ang mga ito kumukuha ng tubig. Dito rin kalimitang tumatambay ang mga tao; maliligo o sa paglalaba kasama na ang pag-iigib ng tubig. Napakaganda ng panahon ngayon. Napapaligiran ang bahay niya ng mga gulay, isa ito sa mga pinagkakakitaan niya. Ito ang kabuhayan nila ng lola niya nang buhay pa ito. May binabagsakan din siya sa palengke kapag marami ang ani niya.  Napakasarap sa pang-amoy ang hangin nang sumagap siya nito. Napakapresko. Hindi kalakihan ang kubo niya, may isang kwarto lamang ito. Nasa loob din ang lutuan niya at nasa labas naman ang hugasan niya ng mga plato. Ginawaan niya ng extension ang labas ng bahay na gawa rin sa kawayan at dahon naman ng niyog ang bubong. Hindi siya mababasa ng ulan tuwing maghuhugas sa labas dahil dito. Mabilis siyang bumalik sa kubo. Purong kahoy o uling ang ginagamit niya sa pagluluto. Agad niyang sinalang ang sinaing matapos mainit ang tubig sa takure. Nagpatugtog siya gamit ang lumang radyo na de baterya pa, sa isang FM station niya ito nilagay kaya music agad ang bumungad sa pandinig niya. Disco music na naman? Yeah!  Sumayaw-sayaw siya, dancing ang passion niya. Gumaganda ang pakiramdam niya kapag ginagawa ito. Maganda ring exercise ang pagsasayaw kaya kada may pa-disco, nangunguna talaga siya. Wala siyang absent sa mga kapiyestahan ng iba't-ibang barangay. Kahit may kalayuan, talagang dinadayo niya ito. Muli siyang bumalik sa kusina. Nahalikan niya ang plastic ng tuyo, ito lang ang kaya niya dahil mas mura ito kaysa preskong mga isda o karne. Lagi siyang nag-i-istock nito sa may kalumaan na niyang basket, gawa rin ito sa kawayan. May daing, dilis at tinapa ring nakalagay dito. Tuwing Biyernes, Sabado at Linggo lamang ang tinda sa talipapa nila kaya kailangan talagang mag-stock siya nang ganito. Mas malapit pa rin ang talipapa nila dahil kailangan niyang mag-jeep at mamasahe kapag sa bayan pa siya mamimili.   May kangkong din siyang nakuha kahapon. Balak niya itong i-adobo style para ulam na rin. Natakam siya. Mag-iihaw din siya ng talong. Masarap itong isawsaw sa toyo na may kalamansi at siling pula. Paborito niya ito sobra. Natigil siya sa ginagawa nang marinig ang pangalan niya, may tumatawag sa kanya. Si Felix ang nasa labas, kapitbahay at matalik na kaibigan niya ito. Nasa labas ito ng bakod niyang kawayan, kaklase niya rin ang lalaki simula elementarya hanggang high school pero pagdating sa college, salat sila sa buhay kaya hanggang high school lang ang natapos nila pareho. "Pare, piyesta sa San Felipe," nakangiting balita ni Felix kay Kimpoy. "Punta tayo!" Lumiwanag ang mukha niya. "Oo ba, pare! Kailan ba ang fiesta, ha?" excited na tanong niya. Tuwing naririnig niya ang salitang "fiesta," nabubuhay ang dugo niya. "Sa Sabado, pare. May kamag-anak kami roon," tugon ni Felix na agad napangiti. "Inimbitahan niya ako, sama ka, ha." Kasa-kasama niya si Felix minsan sa mga fiesta-han lalo na sa disco-han. Hindi ito sumama sa kanya kagabi dahil nanganak ang kapatid nito. Nagbantay ito sa Lying In Clinic kung saan nanganak ang kapatid nito na nasa bayan pa.  Halos kaedaran niya lang ito pero mas maliit lang si Felix dahil mas matangkad siya sa kaibigan. Bente tres na sila pareho. Halos pareho lang din ang hanapbuhay nila, mga magbubukid sila-- pagsasaka at pagtatanim ang hanapbuhay nila rito. "Sige, pare! Game ako diyan," humalakhak siya dahil sa naramdamang excitement. "Wala tayong absent diyan." Natawa na lang din si Felix. "Kita tayo sa talipapa bukas." Agad siyang sumaludo kay Felix nang magpaalam ito. Hmm, ano kaya ang isusuot niya? Marami siyang bala, kung ang pagsasayaw ang isa sa passion niya, may kakambal ito--iyon ay ang pananamit niya. Nakahiligan na niyang magsuot ng mga kakaiba, 'yong hindi uso pero sikat noon. Naiiba siya pero masaya siya dahil nakukuha niya ang atensiyon ng mga tao. Jologs ka... Mr. Jologs na patpatin... Jologs na lampa... Napapailing siya sa mga pinagsasabi ng ibang tao pero wala siyang pakialam dahil siya ang tinaguriang "Hari ng Dance Floor." Kahit naman ayaw ng iba sa kanya, may mga magiliw pa rin sa kanya. Jologs na kung jologs basta magsasayaw siya!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD