Episode 3

1771 Words
"Kumusta ka, Attorney Vallderama?" Seryoso ang mukha nito nang balingan niya, personal itong abogado ng kanyang lolo Romualdo. Ano kaya ang sadya nito? Sa loob sila ng opisina n'ya ngayon na located lamang sa Taguig, sa mismong loob ng bahay niya ito. Siya na ang nagha-handle ng negosyo ng kanyang ama dahil nagretiro na ito nang matagpuan siya. Sa labas ng bansa ang pamilya niya ngayon kasama si Vianna, ang nag-iisang kapatid niya. Balak sana n'yang tawagan ang abogado para kausapin pero ito na mismo ang pumunta sa bahay n'ya kaya pabor ito sa kanya. Malayo ang Bukidnon na pinanggalingan nito, siguradong importante ang ipinunta nito sa Manila. "Kemp, I'm just reminding you, ang ipapamana ng lolo mo ay mapupunta sa charities. Mahina na siya kaya personal na 'kong pumunta rito." Inikot ng abogado ang paningin sa loob ng opisina niya bago ito napangiti. "Kahit wala ang pera ng lolo mo, mabubuhay ka pa rin dahil hawak mo na ang negosyo ng iyong ama." "You're funny, Attorney Vallderama! Apo ako ni Lolo kaya kami ang may karapatan sa pera n'ya." Napailing siya bigla sa pinagsasabi nitong kaharap niya. Charity? Magbibigay sila pero hindi ang buong yaman ng lolo n'ya. Napangisi s'ya nang mapakla nang salubungin ang tingin ng abogado, may katandaan na ito at matagal na rin itong naninilbihan sa pamilya nila kahit hindi pa siya pinapanganak. "May usapan kami ni Lolo na oras mag-asawa ako, sa 'kin n'ya ita-transfer ang kalahati ng pag-aari n'ya. Natigilan ang abogado. "Alam ko, Kemp, pero wala ka pang asawa. My testament na pinagawa ang lolo mo para maibigay sa mga charity ang lahat." "No!!" napasigaw s'ya bigla. Agad nabahiran ng inis ang guwapo niyang mukha. Kailangang madaliin n'ya ang pagpapakasal kung gano'n. Divorce na siya sa unang kasal n'ya sa Hongkong. Inayos n'ya ito nang makabalik siya sa tunay niyang pamilya. Magtutuos pa sila ng dati n'yang asawa--ang babaeng 'yon, napailing siya nang maalala ang ex-wife. Sumulak ang dugo niya nang maalala ang babae... Bumukas naman bigla ang pinto. Pumasok ang bagong kasambahay niya, si Kisay, kaka-hire pa lamang niya rito. May bitbit itong tray, may inumin at meryendang nakalagay sa hawak nito. Nakangising tiningnan n'ya ang bagong kasambahay. Bestida naman ang suot nito na abot pa rin hanggang sakong ang haba. Hindi n'ya ma-explain ang suot ng babae. May raffles at mahaba ang manggas na suot nito, mixed yellow and brown ito na tinernuhan nito ng kulay green na belt. Nagmukhang pinaglumaan sa baul ang suot ng babae. Napatingin naman sa dalaga ang abogado nang ilapag nito ang dala sa harap nila bago ito kiming ngumiti sa matanda. "By the way, attorney, I want you to meet my future wife. Does it ring any bell? Kimpoy and Kisay, bagay na bagay, right?" Napaharap naman bigla si Kisay sa amo na nakangisi sa kanya. Nagulat ito sa sinabi ng lalaki pero mas nagulat ang dalaga nang bigla itong hapitin ng lalaki sa mismong harap ng matanda. Nakita pa niya ang pagtaas ng kilay ng matandang bisita nang gawin ito ng amo niya. "S-Sir Kemp..." Magpo-protest-a pa sana ang dalaga pero 'di na niya nagawa. Sa isang iglap, magkalapat na ang labi nila ng amo. Nanlaki ang mata niya. Ang unang halik n'ya! Bigla n'yang tinulak ang lalaki sa sobrang kabiglaan. Bumuka ang bibig niya pero walang namutawing salita sa bibig n'ya pero dilat na dilat ang mata n'ya na nakatitig lamang sa among nakangisi. Agad niyang binitawan ang kasambahay na halos nakatulala lang nang mabilis niya itong dampian ng halik sa labi. Seryoso ang mukha niya nang tingnan muli ang bisita, makikta niya rito na hindi ito kumbinsido. Nagmamadali namang umalis ang katulong nang makabawi. Halos matisod pa ang babae sa pagmamadali nito at yukong-yuko ito nang lisanin ang opisina niya. Napangisi siya nang sundan ito ng tingin. Hindi pa s'ya tapos sa dalaga dahil nagsisimula pa lang siya. Nangunot ang noo ng matandang lalaki sa pagkakatingin sa kanya. "Well, you look good together. You know him," tukoy ng lalaki sa lolo ni Kemp. "Hindi mo maloloko ang matanda, goodluck then." Napailing siya sinabi ng bisita dahil maling-mali ito ng akala. Siya na ang bahala. Kailangang maikasal na siya sa babae bago ito iharap sa pamilya niya. "Kemp, do I need to inform your grandfather about this?" Napatingin siya sa abogado. "Attorney, leave it to me. Kasal na kami kapag hinarap ko siya sa pamilya ko." Tumango-tango ang abogado pero hindi ito pabor sa sinasabi niya. "Well, goodluck." Nagkibit pa ito ng balikat bago sinimulang kainin ang inihandang meryenda sa harap nito. Isang mapaklang ngiti ang binigay n'ya sa lalaki. Kailangan niyang magmadali sa mga plano niya dahil sa kondisyon ng lolo niya. "Dadalhin sa susunod na buwan sa ibang bansa ang lolo mo, kasama niya ang papa mo. Do'n s'ya magpapagamot pero inaayos pa ang travel documents n'ya. Gusto n'yang ayusin agad ang lahat in case na may mangyaring ma-" "Please, Attorney Vallderama. Makikipagkita ako kay Lolo Romualdo, ok? Soon.." "No problem. Just make sure you can do it in time.." Ngumisi siya but deep inside, gusto rin niyang gumaling ang matanda. Nanghihinayang lang siyang mapunta sa charities ang lahat na naipundar ng lolo niya. Nag-iisa lang na anak ang ama niya. Wala itong pakialam sa pera ng lolo niya pero siya? Malaki ang pakialam niya rito. Ayaw niyang maghirap. Hindi na siya babalik sa dating buhay niya na halos hindi na niya masikmurang balikan pa. Muli niyang naalala ang nakaraan, ang nakaraan na nagpabago sa kanya. Dalawang taon na ang lumipas pero sariwa pa ang lahat sa kanya. His simple life turned hell when he married the woman. He was a victim who couldn't forgive those who abused him in the past. Muling nanariwa sa kanya ang kahapon, ang kahapon kung saan biktima s'ya ng pang-aabuso. People hated him because he's a certified clumsy jologs. "Hala bira! Sayaw pa!" malakas na sigaw n'ya na nakataas pa ang dalawang kamay at winawagayway ito sa hangin. Sinasabayan niya ang beat ng disco music kaya sobra siyang napapaindak. Hindi niya mapigil ang sarili at gusto niyang magwala. Natutulak na s'ya ng ibang nagsasayaw sa plaza. Kanya-kanyang moves sila. Hindi niya kilala ang mga taong nandito pero nakikipagsabayan siya sa maharot na pagsasayaw ng mga ito. Halos magwala siya. Ang lahat na tinatago niyang skills sa pagsasayaw ay in-apply niya na. Fiesta ngayon sa San Isidro at karatig-bayan lamang ito ng barangay nila. Wala siyang kilala rito pero wala siyang pakialam dahil wala siyang liban basta may pa-disco ang kada baranggay. "Ano ba!" sigaw ng isang lalaki sa likod ni Kimpoy. Tinulak ng lalaki sa likod ang binata dahil nasasagi ito sa maharot nitong pagsasayaw. "Oops!" nakangising nilingon niya sa likod ang lalaki. "Sorry!" Matalim ang titig nito sa kanya pero isang ngisi lang ang binigay niya rito bago muling nagwala sa dance floor. Kembot dito--giling doon--wala siyang pinalampas na ipakita ang tinatago niyang skills. Natapos ang isang tugtog, napalitan naman ito ng panibagong music. Lalo s'yang napaindak nang magsimula na ang disco music. Bawat lyrics ay hinahampas niyang muli ang balakang, pababa--pataas--gumigiling siya na animo'y wala ng bukas. Sinasabayan niya ang kanta ng isang sikat na singer. Idol na idol niya ito dahil napakagaling ding sumayaw ng singer. Halos pawisan s'ya nang tumigil sa pagsasayaw. May in-announce ang emcee kaya itinigil pansamantala ang tugtog. Magbibigay daw ng maikling mensahe ang kapitan ng San Isidro. Bored na bored s'ya habang nakikinig sa talumpati ni Kapitan. Halos trenta minutos din ang naging talumpati nito bago binitawan ang mikropono. "Sayawan na!" malakas na anunsiyo ng emcee. "Enjoy sa ating fiesta, mga kabarangay!" Isang malamyos na tugtog ang pumalit sa disco music kaya na-excite s'ya dahil bet n'ya rin ito. Nilibot niya ang paningin. Maraming kadalagahan ang nakaupo sa sementong upuan at ang iba naman ay nakatayo lamang. Grupo-grupo ang mga babae na kanyang nakikita. Dahan-dahan s'yang naglakad palapit sa kumpulan ng mga ito. "Miss, puwede ba kitang maisayaw?" magiliw na tanong niya sa isang babae nang makalapit dito. Matamis ang ngiti niya sa babae nang ilahad niya ang kamay dito pero tiningnan lamang siya nito mula ulo hanggang paa. "Jologs!" Inismiran siya ng babae pagkatapos sabihin ito bago muling nakipag-usap sa mga kasamahang babae. Hindi na s'ya nito pinansin pero ayos lang. Napahagikhik naman ang ilang kababaihan nang marinig ang sinabi ng babae. Laglag ang balikat na naglakad ulit siya. Napangiti naman siya nang makitang may ilang kababaihan na nakatingin sa kanya sa kabilang side ng plaza. Nakaupo ang mga ito sa kabilang upuan at nagbubulungan. Mabilis s'yang naglakad papunta sa mga ito. "Miss, puwede ko bang maisayaw ang isa sa inyo?" magiliw na tanong n'ya nang makalapit sa umpukan ng mga ito. Pinasadahan lamang siya ng tingin ng mga babae at wala siyang narinig na tugon sa mga ito. Napakamot s'ya sa ulo. Bakit kaya ayaw siyang pagbigyan ng mga dalaga? Tiningnan n'ya ang kasuotan. Long sleeve na kulay dark violet ito, puno ng bulaklak na pula ang design ng damit niya. Pamana pa ito ng lolo niya ayon sa lola niya nang ibigay ito ng abuwela sa kanya. Hindi na niya naabutang buhay ang lolo niya. Ang pantalong suot niya ay gawa sa malambot na tela, bulaklakin ang design nito at sikat ito noong 80's. Tinatawag ang pantalon na retro patterned pants. Pinartneran niya naman ito ng rubber shoes na kulay orange kaya pormang-porma siya ngayong gabi. Wala namang masama sa suot niya. Bakit kung tingnan siya ng mga kadalagahan, sinusuri lagi ang kasuotan niya? Winalang-bahala na lamang n'ya ito bago lumapit sa umpukan ng mga may edad na babae. "Puwede ko bang maisayaw ang isa sa inyo, mga binibini?" Isang matanda ang lumapit sa kanya, puti na ang buhok nito. Inilahad nito ang kamay sa kanya kaya nasisiyahan siyang agad hinawakan ang kamay nito. Giniya niya sa gitna ng plaza ang matanda. May mga magkakapareha nang nagsasayaw sa gitna. Isang sweet music ang sinasabayan nila. "Ano'ng pangalan mo, iho?" Nakapatong na ang kamay ng matanda sa balikat niya at siya, nakahawak naman sa baywang nito. Marahan silang nagsasayaw sa saliw ng isang love song. "Kimpoy ho!" malapad ang ngiti n'ya. "Gustong-gusto ko 'yang suot mo," saad ng matanda bago nito pinasadahan ang suot ng kaharap. "Uso 'yan, nang kapanahunan ko pa." Isang tapik pa sa balikat ng lalaki ang ginawa nito na ikinangiti ng binata. Nagalak s'ya sobra nang marinig ito sa matanda dahil natuwa ito sa get-up niya. Hindi na halos nila namalayan na tapos na ang sinasayaw nila kaya sabay pa silang napatawa. Giniya n'ya ito pabalik sa dating puwesto nang matapos ang sweet music. Yumukod pa siya rito bago ito tuluyang binitawan...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD