Chapter 1 Ang Pamilya

1398 Words
“Hindi!” sigaw ni Lyra sabay balikwas sa pagkakahiga. Humahangos siya at malamig na pinagpapawisan na para bang tumakbo siya ng pagkatulin-tulin dahil hinahabol siya ng isang mabangis na leon. Hindi, hindi lang mabangis kundi tuso rin. Naramdaman niyang may yumakap sa kaniya. Tila may hatid na mahika ang yapos nito dahil unti-unting naging normal ang mabilis at mababaw niyang paghinga, pati ang dumadagundong niyang puso ay kumalma. “Panaginip lang ‘yon, mahal,” sabi ng kaniyang asawa na si Marco sa medyo paos na boses dahil kagigising lang din nito. Naalimpungatan ito nang marinig ang pagsigaw ng kaniyang asawa. Ang mainit nitong hininga na tumatama sa mukha niya habang ito’y nagsasalita ang siyang nagpawi sa malamig niyang pawis. “Nandito ako, mahal. Walang may masamang mangyayari sa ‘yo,” pag-aalo nito sa kaniya habang dahan-dahan silang humihiga sa kama. Yinakap ni Lyra nang mahigpit ang kaniyang asawa habang ang mga braso nito ay nakapalupot sa kaniya na para bang nagsisilbing panangga para protektahan siya sa sinumang magtatangkang saktan siya. Tama ang kaniyang asawa, isa lamang ‘yong panaginip, isang masamang panaginip. Wala siyang dapat ipangamba dahil ligtas siya sa piling ng kaniyang asawa. Naramdaman nyang hinagkan siya ni Marco sa buhok niya kaya kuntento siyang napabuntong-hininga at pinikit ang mga mata. Nakatulog siya sa mga masusuyong haplos ni Marco sa likod niya. Pagkagising ni Lyra, tirik na ang araw at wala na rin sa tabi niya si Marco. Bumangon siya at lumabas sa maliit nilang kwarto nang hindi man lang nagsuklay o tiningnan ang sarili sa salamin. Dumiretso siya sa kusina kung saan naabutan niya ang asawa na naghahanda na ng almusal. Nakaligo na ito pero nakasuot pa lang ito ng sando at kulay brown na pantalon. Kinuha niya ang hawak nitong mga pinggan. “Ako na ‘yan baka mahuli ka pa,” sabi ni Lyra. Siya na ang nagpatuloy sa paglagay ng mga pinggan sa lamesa. Ngumiti si Marco at ginawaran siya ng halik sa pisngi, “Morning, mahal,” sabi niya at umupo na lang agad. Alam niyang hindi maganda ang gising ng misis niya kaya sinunod niya na agad ito. Hindi na siya sinagot ni Lyra at patuloy na pinaghain ang asawa niya. Sinigang na kanin, pritong itlog, at tinapa ang kanilang almusal. Mukhang asawa niya pa ang nagluto. Nilapag niya sa mesa ang kape nitong pinagtimpla niya. “Dapat ginising mo na lang ako. Ako dapat ang nagluluto,” sabi niya. Hinigop ni Marco ang kape niya. “Alam kong medyo napuyat ka kagabi,” paliwanag niya. “At sobrang himbing ng tulog mo kaya ‘di na kita ginising, mahal,” dagdag pa niya at nagsimulang kumain na. Sa tuwing nanaginip siya nang masama, ang laging sinasabi ni Marco ay napuyat siya. Sa loob ng limang taon nilang pagsasama bilang mag-asawa, kahit kailan hindi siya inuusisa ni Marco tungkol sa mga napapanaginipan niya. Kahit na pakiramdam niya na alam ni Marco na nagsisinungaling siya sa tuwing sinasabi niya na hindi niya matandaan ang panaginip niya. Pa’no ba niya sasabihin sa kaniya ang mga panaginip niya kung tungkol ‘yon sa marahas at madilim niyang nakaraan? “Kumain ka na, mahal. Alam mo naman na mas ginaganahan ako kung sinasabayan mo ako,” sabi ni Marco. Noong binata pa siya, kapeng barako at pandesal lang ang almusal niya, paminsan nga kahit wala na, pero simula ng nag-asawa siya, talagang kanin at ulam na luto ng asawa niya ang almusal niya. Maliban lang ngayon kasi napuyat nga ito kagabi. Natatandaan pa niya noon na kung hind hilaw o sobrang luto, paminsan sobrang maalat o walang lasa ang niluluto ng asawa niya, pero kinakain niya pa rin ‘yon kahit na inaawat pa siya nito. Siyempre, nag-effort ang asawa niya kaya dapat lang na ma-apreciate niya ‘yon. At sa katagalan, sumarap na rin ang luto ng asawa niya kasi siya mismo ang nagtuturo sa kaniya. Tumaba na nga siya at lumubo na pati ang tiyan niya na dati ay flat at may abs pa. Bago pa masubo ni Lyra ‘yong sinangag, naalala niya bigla ang mga kasama nila sa bahay. “Tapos na silang kumain, mahal,” sagot agad ni Marco. “Nasa palengke na si Nanay, si Tatay naman baka nandiyan lang sa labas, hinihimas ang manok niya, si Totoy at Tin-tin, pumasok na sa eskwelahan.” Nagtitinda ng isda ang ina ni Marco samantalang mangingisda ang ama naman nito. Ang dalawa nitong maliliit na kapatid ay parehong nag-aaral pa, si Totoy ay grade 2 samantalang si Tin-tin ay kinder pa lamang. Noong nanliligaw pa lang si Marco sa kaniya, botong-boto na ang mga magulang nito sa kaniya kahit ang alam nila’y ulila lamang siya, hindi nakapagptapos kahit high school man lang, at simpleng tindera ng isang karinderya. Kung ituring siya ng mga magulang ni Marco ay parang anak na rin siya nila. Ni minsan hindi sila nanghihimasok sa pagsasama nila ni Marco. Kahit na nga may tampuhan silang mag-asawa ay hinahayaan nila silang ayusin ang anumang problema nila. At giliw na giliw naman si Lyra sa mga kapatid ni Marco. Paminsan nga, pakiramdam niya’y parang mga anak niya ‘yong dalawang makukulit na mga bata. Sa kanila natagpuan ni Lyra ang magkaroon ng isang pamilya. At sobra siyang nagpapasalamat kay Marco sapagkat kung hindi dahil sa kaniya, kung hindi siya dumating sa buhay niya, hindi niya malalaman ang tunay na kahulugan ng isang pamilya. Pagkatapos nilang kumain, tinulungan ni Lyra ang asawa na isuot ang uniporme nitong pangpulis at binutones ito. Hinaplos niya nang isang beses ang apelyedong Tibayan na nakalagay sa uniporme nito. “Medyo lumalaki na yata ito, mahal,” tukso niya kay Marcos nang bumaba na ang kamay niya sa maumbok nitong tiyan. “Ang sarap kasi magluto ng asawa ko,” sagot ni Marco sa malambing na boses habang ang isang kamay niya ay hinahaplos ang makinis at kulay kayumanggi na pisngi nito. Ngumiti siya at tumingkayad para maabot ang mga labi nito at pinalatakan ng halik. “Magaling ang nagturo sa akin eh,” sabi ni Lyra. “Ang bilis naman no’n, puwede isa pa, mahal,” pilyong request ni Marco. “Mahuhuli ka na niyan. Sige na, lumakad ka na,” taboy niya kay Marco. Kilala niya ang asawa, hindi lang simpleng halik ang binabalak nito. Makailang beses na itong napapagalitan ng hepe niya dahil sa napapadalas itong nahuhuli sa pagpasok. ‘Yong simpleng halikan kasi nila ay nauuwi sa pagsisiping. Hindi naman niya magawang tanggihan ang asawa dahil tila parang posporo siya na sa kaunting haplos at halik ni Marco ay mabilis na sinisilaban ang katawan niya hanggang sa unti-unti na siyang matutupok. “Isang halik lang, sige na naman, mahal,” pagsusuyo ni Marco pero mababanaag sa mga mata nito ang kapilyuhan. Wala man sinasabi si Lyra pero nababasa ni Marco sa mga mata nito na pumapayag na ito kaya kusa na siyang yumuko at madiin na hinalikan ang kaniyang asawa. Pakiramdam niya’y parang siyang apoy na nagbabaga at patuloy na lumalagablab sa tuwing hinahalikan niya ang asawa. Simula ng unang halik nila hanggang sa ngayon, nanatiling gano’n ang epekto ng asawa sa kaniya. Bago pa man mauwi sa kung saan ang kanilang halikan, si Lyra na ang tumapos nito na nagpa-ungol sa asawa nito tanda ng kaniyang protesta. “Pinagsabihan ka pa lang ng hepe mo kahapon,” pagpapa-alala niya kay Marco. Napasimangot na lamang si Marco sabay tingin sa gitna ng pantalon niya na bumukol. Bumuntong hininga na lang siya at binitawan na rin ang asawa dahil ayaw rin naman niyang masabon ng hepe niya. Sinukbit niya sa baywang ang baril niya at saka mabilis na ginawaran ng halik ang asawa bago umalis. Hindi mapalis ang ngiti sa mga labi ni Lyra habang pinagmamasdan ang asawa na lumabas ng bahay nila. Pero hindi na niya napigilan na tumawa nang makita niya ang asawa na pilit inaayos ang pantalon nito. “Ingat, mahal,” pahabol niyang habilin. Napalingon si Marco at kinawayan na lamang siya. Kahit alam niyang hindi delikado ang pagiging pulis ni Marco dahil nakatira sila sa isang liblib na isla at napakababa ng crime rate rito, hindi pa rin niya maiwasan ang mag-alala sa asawa niya. Pero sabi nga ng asawa niya, wala siyang dapat ipag-alala. Tama, ligtas siya rito. Nasa pinakadulo na siya ng Pilipinas, malayong-malayo sa napakagulong nakaraan niya. Imposibleng mahahanap siya rito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD