BILLIONAIRE 2

1300 Words
“Kamusta ang paghahanap mo ng trabaho ngayong araw, Viv? Sana naman ay nakahanap ka na. Ilang linggo ka nang naghahanap ng trabaho.” Inilapag ko ang gamit ko sa upuan saka naupo. Napabuntong-hininga na lang ako. ‘Yon agad ang tanong niya sa akin, imbis na alukin ako ng pagkain. Naghahapunan na si Mama at si Via ngayon nang makauwi ako. Samantalang si Papa, paniguradong nag-iinom na naman ‘yon sa labas. Kahit naghihirap na kami ay hindi pa rin niya tinitigilan ang pag-iinom niya. Wala na nga akong kapera-pera dahil nauubos sa pamasahe, pero siya ay patuloy lang sa pag-iinom. “Hindi ako natanggap sa trabaho,” walang gana na sagot ko. “Ano ba naman ‘yan. Sa dami ng nilalakad mo na trabaho, ni isa ay hindi ka man lang natanggap? Baka naman hindi ka talaga naghahanap ng trabaho at naglalakwatya ka lang. Porket hindi ka na nag-aaral ay ganiyan na ba ang gagawin mo?” pangaral sa akin ni Mama. Nagpantig ang mga tainga ko dahil sa narinig. Hindi ako makapaniwala na nasasabi pa niya ‘yon sa akin ngayon. “Ma, pagod na pagod ako sa paghahanap ng trabaho. Araw-araw akong naghahanap at nag-apply. Hindi ko na kasalanan na hindi nila ako matanggap dahil hindi ako tapos sa pag-aaral. Kung bakit ba naman kasi malapit na akong makapagtapos pero ako pa ang pinahinto mo sa pag-aaral,” inis na sagot ko. ‘Di ko na rin napigilan ang sarili ko na sagutin siya. Pagod na nga ako, tapos ganito pa ang aabutan ko sa bahay. Nakakawalang gana lang. “Sinasabi mo ba na dapat ay si Via ang tumigil sa pag-aaral? Anong klaseng ate ka, kung ganiyan? Dapat ay mas iniisip mo ang bunso mong kapatid kaysa sa sarili mo! Tsaka ano pang silbi ang pagpapatuloy mo sa pag-aaral? Ngayon nga na umabot ka naman ng second year college ay hindi ka natatanggap sa mga trabaho. Siguro dahil napansin nilang hindi ka naman talaga mahusay. Mabuti pa nga itong si Via at matalino. Nakapasok siya sa isang trabaho, kahit sinabihan ko na siyang huwag magtrabaho dahil nag-aaral.” Hindi ako makapaniwala na napatingin kay Via nang marinig ang sinabi ni Mama. “Nag-apply ako sa isang sister company ng Cashland Company. Tumatanggap kasi sila ng mga freshmen college na handang mag-tutor sa mga incoming college rin next year. Maayos ang grades ko at maayos din ang performance sa university. Kaya natanggap ako. Naayos ko na rin ang schedule ko kaya hindi magkaka-conflict. Pero sapat lang din ang sasahurin ko para sa mga kakailanganin kong mga kagamitan sa course ko,” paliwanag sa akin ni Via. I can’t help but to envy her. Mabuti pa siya ay madali lang na nakahanap ng trabaho. Hindi tulad ko na hirap na hirap na sa paghahanap, pero hindi pa rin ako natatanggap. “I also applied to Cashland Company. Hindi ako natanggap dahil hindi ako graduate ng college,” sambit ko naman. “Huwag mo na kasing subukan na mag-apply sa mga malalaking kumpaniya. Wala ka naman talagang pag-asa sa mga gano’n. Pasalamat na lang ako at kahit papaano ay makakatulong si Via sa akin. Ang ama mo naman ay wala ring kwenta. Tapos ikaw? Bente-dos anyos ka na pero wala ka pa ring nagiging ambag sa pamamahay na ito.” Napakahirap marinig ang pangungumpara niya sa aming dalawa ni Via. Hindi ko matanggap na hindi niya nakikita ang mga sakripisyo ko at mga ginagawang efforts para lamang magkaroon ng trabaho. “E ‘di d’yan ka sa magaling mong anak. Pasiyensa na kung ganito lang ako. Nagsakripisyo na ako na itigil ang pag-aaral ko para lang kay Via. Naghanap ako ng trabaho, araw-araw at walang tigil. Lahat ng mga hiring dito ay in-apply-an ko. Pero ganiyan pa ang mga sasabihin mo sa akin. Miski pag-alok sa akin ng pagkain pag-uwi ko ay hindi mo man lang nagawa. Responsibilidad mo sana bilang isang magulang ang magtrabaho at mapag-aral kaming mga anak mo. Kung sana ako na muna ang pinili mo na ipagpatuloy ang pag-aaral, matutulungan ko na rin sana kayo.” Nilalabas ko na ang lahat ng mga hinanakit ko. Hindi ko na rin kaya pa na marinig ang mga masasakit na salita na sinasabi niya. Hindi na rin naman ito ang unang beses na pinagkumpara niya kaming dalawa ni Via. Samantalang si Via naman ay tuwang-tuwa basta naibibigay sa kaniya ang lahat ng gusto niya. Simula pa noong bata kami ay hindi na kami magkasundo. Simula pa noong nabuhay siya sa mundo, siya na madalas ang inuuna. Ni hindi nga ‘yan nasaktan nina Mama at Papa noon. Samantalang ako ay laging nabubugbog, kahit kaunting pagkakamali lang. “Bastos ka talaga, Vivian! Hindi ko akalain na may isa akong demonyo na napalaki! Simula pa talaga noon ay alam ko nang wala akong maasahan sa ‘yo!” Bigla ay may pumasok sa loob ng bahay. Masama na agad ang tingin sa akin ng aking ama. Halatang lasing na siya sa dami siguro ng nainom. Kumalabog na ang dibdib ko dahil sa kaba. “Sino ang demonyo rito?!” bigla ay sigaw niya. “Iyang isa mong anak! Napakabastos kung sumagot sa akin! Naglalakwatya lang ang alam at hindi naman talaga naghahanap ng trabaho!” sigaw naman ni Mama. Hindi ko akalain na sa ganitong edad ko, ganito pa rin ang nararanasan ko sa mga magulang ko. Mabilis na lumapit sa akin si Papa at agad na hinila ang buhok ko. “Ah!” Sa sobrang sakit at higpit ng hawak niya sa buhok ko ay napasigaw ako. Hinawakan ko naman ang kaniyang kamay para mapigilan ‘yon. “Papa, nasasaktan po ako!” sigaw ko. Nagsimula na akong umiyak nang lumagitik ang sampal niya sa mukha ko. Hinila pa niya ako at natumba pa ako sa sahig. “Bastos ka pala, ha! Sino ka para bastusin ang mga magulang mo?! Mamokpok ka na lang sa crossing! Para naman may pakinabang ka rito!” sigaw pa ni Papa sa akin. Mas lumakas ang iyak ko. Nasasaktan ako physically at emotionally. Ang baba ng tingin sa akin ng mga magulang ko. Kahit na ginagawa ko ang lahat para lamang makatulong sa kanila. Pero ni ‘di man lang nila makita ang paghihirap ko. Hindi ko na rin naman kasalanan kung bakit ayaw akong tanggapin sa trabaho. Ilang beses pa akong sinampal ni Papa. Nalalasahan ko na ang dugo sa aking labi. Lumalaban ako pero mas malakas siya kaysa sa akin. Nakita ko pang pinapanood lang ako nina Via at Mama. Ni hindi man lang nila ako naisipan na tulungan. Nang mapagod na si Papa ay umakyat na siya sa taas. Sumama ang tingin ko sa dalawa na awang-awa ang tingin sa akin. Lumapit naman si Via. “Sa susunod kasi ay huwag kang bastos kung sumagot, Ate.” Diniinan pa niya ang pagkakasabi niya ng ate sa akin. Saka niya ako nilampasan. Iiling-iling naman akong tiningnan ng aking ina. Naikuyom ko ang kamao ko dahil sa galit. Saka ko nakita ang aking sarili sa salamin sa harap ko. Putok ang labi ko at puro dugo ang ngipin. Mamula-mula naman ang magkabilang pisngi ko dahil sa sampal na halos mangitim na. Gulo-gulo ang buhok ko dahil sa pagsabunot sa akin ng aking ama. Nanghihina rin ako katawan ko dahil sa pagod at nanunuyot ang aking lalamunan dahil sa pagsigaw at pag-iyak ko. Umakyat ako sa kwarto ko at mabilis na kinuha ang lahat ng mga kagamitan ko. Hindi na dapat pa akong manatili sa impyernong bahay na ‘to. Kung ganito lang din naman ang mararanasan ko, hindi na ako para manirahan pa rito. Sisiguraduhin ko na magsisisi silang ganito ang ginawa nila sa akin. Ipinapangako ko sa sarili ko na magiging tagumpay din ako sa buhay ko at aangat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD