Chapter 19

2086 Words
Pagkalabas nina Atasha at Juaquim ng condominium building na iyon ay may tumigil kaagad na taxi sa kanilang harapan. Kaya naman hindi na sila nahirapan pang sumakay. Tahimik lang silang mag-ina habang binabagtas ang daan pauwi sa bahay ni Nanay Rosing. Hindi na nagawang itext ni Atasha ang matanda. Kaya umaasa siyang sana ay gising pa ito. Halos nasa isang oras din ang naging byahe nila dahil sa trapik. At laking tuwa ni Atasha na bukas pa ang tindahan. Pagkababa ni Juaquim ng taxi ay mabilis itong nagtungo sa may tindahan. Natawa na lang si Atasha sa anak ng sa halip na kumatok sa may pinto ay tumawag pa ito ng pabili po. Nailing na lang siya "Sandali lang." Boses iyon ni Nanay Rosing na mula sa loob ng bahay. Matapos namang masuklian si Atasha ay lumapit na rin ito sa tabi ng anak. "Anong bibilhin ninyo," tanong ng matanda na hindi pa napapansin kung sino ang tumawag sa labas ng tindahan. "Maraming-marami pong yakap lola," ani Juaquim na ikinagulat ng matanda. "Juaquim, apo," anito at mabilis na umalis sa may tindahan at tinungo ang pintuan Pagkabukas ng pintuan ay sinalubong kaagad ni Atasha ng yakap ang matanda. "Anak," wika pa ni Nanay Rosing. Mas hinigpitan naman ni Atasha ang pagkakayakap dito, na ipinagtaka ng matanda. Naramdaman ni Atasha ang gulat ni Nanay Rosing dahil sa yakap niya. Ngunit hindi niya kayang itago na parang gumaan ang pakiramdam niya sa yakap ng matanda. Pakiramdam niya ay napagaan ng yakap na iyon kahit papaano ang kalooban niya. "May problema ba Atasha?" "Naku inay wala. Namiss ko lang po kayo. Namiss namin kayo ni Juaquim." "Totoo ba iyan anak?" "Oo naman po. Wala po akong problema." "Mabuti kong ganoon." Ilang saglit pa at bumitaw na rin sa pagkakayakap si Atasha. Niyakap din naman ni Juaquim ang matanda. "Namiss kita lola ng sobra." "Ako din apo. Tara na sa loob. Bakit naman wala kayong pasabi na mag-ina na uuwi kayo ngayon. Gabing-gabi na. Kumain na ba kayo?" tanong ng matanda. Akay-akay naman ni Juaquim si Nanay Rosing. "Hindi pa po lola. Si mommy po kasi ay ipinagluto lang po si Tito William tapos napaso pa si mommy. Tapos po nag-uwi na po kami dito," inosenteng saad ni Juaquim na ipinagtaka naman ni Nanay Rosing. "May problema ba anak? Iyong totoo Atasha," may diing saad ni Nanay Rosing. "Wala po inay. Ayos lang po." "Magsabi ka ng totoo. Kilala kita Atasha." "Siguro nga nay may mga bagay na ang hirap pong sabihin at ipaliwanag. May mga desisyon po tayong napakahirap intindihin. Ngunit may malalalim tayong dahilan kaya ginagawa natin ang desisyong iyon. Siguro po masasabi ko din po sa inyo sa tamang panahon ang lahat. Pero sa ngayon ay dito muna si Juaquim. Aalis din po ako." "Iiwan mo ako mommy?" "Anak may trabaho ako remember. Isa pa namimiss ka din ni Nanay Rosing kaya dito ka muna. Isa pa uuwi din ako dito." "Okay po mommy." "Ay s'ya kumain na ba kayong mag-ina. Nagluto ako ng ulam. Adobo. Kumain ka muna Atasha. Para kung aalis ka muli ay nakakain ka na naman. Kaysa magbabyahe ka na namang walang laman amg sikmura." "May sauce po inay?" parang nabuhayan ng loob si Atasha. "Oo naman anak," sagot ni Nanay Rosing. kaya naman napalunok si Atasha. Ngunit ang tuwang naramdaman ni Atasha sa pagkarinig sa luto ni Nanay Rosing ay biglang nawala. Nanlumo siyang bigla ng maalala ang malalaking manggang hilaw sa lamesa sa condo ni William. Gusto sana niyang isawsaw ang mangga sa sauce ng adobo. Kaso naiga ang niluluto niya. Ngayon naman may sauce ang adobo ni Nanay Rosing. Wala namang hilaw na mangga. "Sige po inay masarap po iyan," sagot na lang niya. Inaya naman ni Nanay Rosing si Juaquim para makapaghayin na. Nakatingin lang si Atasha sa kawalan habang iniisip ang cravings niya sa mga oras na iyon. Kahit sa burger na gusto niya ay parang naglalaway siya. Pumasok pa sa alaala niya ang isang kahong empanada sa lamesa, kasama ng burger at mangga. Kahit matagal na niyang kinalimutan ang empanada na iyon ay bigla naman siyang nagcrave ng makita niya iyon sa lamesa. Kaya mas lalo siyang naiinis kay William. Iyong hindi niya na hinahanap, hinahanap na naman niya ngayon. Gusto tuloy niyang maiyak dahil gusto niyang kainin ang lahat ng nakita niya sa lamesa na dala ni William. Kaya lang ay labis talaga ang pagtatampo niya dito ng sigawan siya nito. Dahil doon mas pinili na lang muna niyang umalis sa condo nito kasama ang anak. "Atasha, anak kain na," tawag iyon ni Nanay Rosing. Napahugot siya ng hangin at kinalma ang sarili bago nagtungo sa kusina. Nakaupo na si Juaquim at sinasandukan ng pagkain ni Nanay Rosing. Bigla namang napasinghap si Atasha ng makita ang iba pang nakahayin sa lamesa. Hindi niya alam ngunit parang sinadya ng pagkakataon. Naupo na rin si Atasha kaharap ng anak. Si Nanay Rosing ang katabi ni Juaquim. "Kain na Atasha. Nga pala, tikman mo iyang hilaw na mangga. Nabili ko kanina sa palengke. Ikaw naman ang mahilig dyan kaya naman ipinagbalat na kita." "Salamat po inay." Gusto na talaga niyang maiyak, ngunit pinigilan niya ang sarili. Kahit naman noong hindi pa siya nagdadalangtao ay mahilig na siya sa manggang hilaw lalo na kung tag-ani nito. Pero ngayon gabi na gustong-gusto niya ay ipinagpapasalamat niyang matitikman ang gusto niya kanina pa. Wala mang burger at empanda na nakita niya sa lamesa. Atleast may sauce ng adobo at mangga. Kumuha na rin ng pagkain si Atasha. Habang patuloy ang pagkain at kwentuhan nila ay hindi man lang napasin ng matanda ang ginagawang pagsawsaw ni Atasha ng mangga sa sauce ng adobo. Sa halip na karneng baboy ang ulam niya, sauce ng adobo at mangga. Ang mahalaga lang kay Atasha sa mga oras na iyon ay iyong sinasabi nga na craving satisfied. Hindi din niya namalayan na napadami talaga siya ng kain. "Ang sarap nay," puri ni Atasha na ikinatawa naman ng matanda. "Natutuwa akong nagustuhan mo anak ang pagkain. Ikaw ba apo?" Baling naman nito kay Juaquim. "Syempre, wala pong tatalo sa luto po ninyo ni mommy. Kaya po siguro mabilis akong lumaki." Natawa na lang sila sa sinabing iyon ni Juaquim. Si Nanay Rosing na ang nagpresinta sa pagdadayag. Habang si Atasha ay isinarado na ang tindahan mula sa labas. "Anak matulog ka na lang muna sa tabi ni Nanay Rosing ha." "Aalis ka pa talaga mommy? Gabi na po. Malaki na si Tito William. Kaya na po noong mag-isa." Natawa naman si Atasha sa sinabing iyon ng anak. Wala naman talaga siyang balak bumalik sa condo ni William. Ayaw lang talaga niyang mahalata ni Nanay Rosing ang mood swing niya. Kaya naman pinipilit niyang maging masaya sa harapan nito. Ngunit sa kaibuturan ng puso niya, pag hindi niya naiiyak ang nararamdaman niya, pakiramdam niya ay maiipon ang sama ng kanyang loob. At baka mas lalong makasama sa batang nasa sinapupunan niya. "Babalik din naman ako anak. Ikaw talaga hindi mo ba gustong katabi sa pagtulog si Nanay Rosing." "Gusto naman po mommy. Sige na nga po. Pero ingat po ikaw ha." "Yes sir!" sagot ni Atasha na ikinatawa ng anak. Matapos sa ginagawa ay pumasok na rin sa silid si Nanay Rosing. Dahil matutulog na rin ito, ganoon din si Juaquim ay nagpaalam na rin si Atasha. Samantala, makalipas ang isang oras at kalahati ay lumabas na rin si William sa kanyang silid. Ilang beses pa siyang nag-ipon ng lakas ng loob bago tuluyang kumatok sa pintuan ng kwarto ng mag-ina. "Atasha can we talk?" ani William na wala man lang siyang naririnig na sagot mula sa dalaga. Naghintay pa siya ng ilang saglit at tinawag naman ang pangalan ni Juaquim. Napabuntong-hininga pa siya sa kaalamang baka nakatulog na ang dalawa. Tumuloy siya sa kusina para sana silipin kung kumain ang mga ito. Ngunit ang pagkakasalansan ng pagkaing inayos niya kanina ay ganoon pa rin. Kaya naman muli niyang binalikan ang silid ni Atasha at muling kumatok. "Atasha open the door! Kung galit ka sa akin ay naiintindihan ko. Pero hindi tamang pati si Juaquim ay hinahayaan mong magutom!" Gusto man niyang sabihing hindi rin ito pwedeng magpakagutom dahil sa sanggol sa sinapupunan nito ay hindi naman niya masabi. Matalino si Juaquim. Alam niyang konteng pagkakamali lang ng salita ay mauunawaan kaagad iyon ng bata. "Atasha! Kung hindi mo kusang bubuksan ang pintuan ay ako na ang magbubukas!" Banta ni William, ngunit mukhang hindi natitinag ang dalaga. Kaya naman walang pagdadalawang-isip at binuksan na niya ang silid nito. Doon tumambad sa kanya ang nakabibinging katahimikan. Wala sa loob ng silid ang mag-ina. Walang Juaquim, wala si Atasha. Kahit sa banyo ay wala ang dalawa. "Sh*t!" Ilang beses pang napamura si William ng sa lahat ng sulok ng condo niya ay wala sina Juaquim at Atasha. Ang ipinagpapasalamat na lang niya ay lahat ng gamit na dala ng mag-ina ay nasa silid pa rin ng mga ito. Kaya nasisigurado niyang nagtatampo lang sa kanya si Atasha kaya umalis ito. At hindi talaga siya nilayasan. Ngunit kahit ganoon ay hindi maipaliwanag ni William ang kabang kanyang nararamdaman. Sa isiping sa gitna ng gabi ay basta na lang umalis ang mag-ina. Hindi niya mapapatawad ang sarili pag may masamang nangyari kay Juaquim. Lalo na kay Atasha at sa anak niyang nasa sinapupunan nito. Isa lang ang nasa isipan ni William kung nasaan ang mag-ina. Kaya naman mabilis niyang kinuha ang susi ng kotse niya para mapuntahan ang mga ito. Sa bahay ni Nanay Rosing. Kung mapapalipad nga lang ni William ang kanyang sasakyan ay nagawa na niya. Ngunit usad pagong ang byahe dahil sa trapik. "Kung kailan nagmamadali saka naman aabutan nito!" naiinis niyang saad ngunit pilit pa rin niyang pinapakalma ang sarili. Habang usad pagong ang mga sasakyan ay ilang beses na tinawagan ni William si Atasha. Ngunit operator lang ang sumasagot. Hindi na siya mapakali sa kanyang nararamdaman. Sisihin man niya ang sarili ay wala din namang mangyayari kaya naman pinilit na lang niyang magpakahinahon. Halos mag-aalas onse na ng gabi nang makarating si William sa bahay nina Atasha. Hindi niya alam kung paano kakatok ng hindi gaanong makakaabala. Ngunit sino ang hindi makakaabala sa natutulog ng ganoong oras? Tapos ay walang nakakaalam na pupunta siya doon tapos ay kakatok pa. Nilaksan na lang niya ang loob bago itinaas ang kanang kamay. "Bahala na," aniya at sinimulang kumatok. Hindi man kalakasan, ngunit hindi naman mahina. "Atasha, Nanay Rosing," tawag pa niya sa pangalan ng mga ito. Naalimpungatan naman ang matanda ng makarinig ng mahihinang pagkatok. Wala naman siyang balak intindihin kung ano iyon, ngunit narinig niya ang pagtawag ng kung sino man sa kanya. Kaya naman napabangon na rin siya. Nilagyan lang niya ng unan ang tabi ni Juaquim. Para hindi ito mahulog sa kama kung sakaling gumalaw ito. "Sino yan?" tanong ni Nanay Rosing sa taong nasa labas ng bahay. Mahina nga ang pagkatok nito, ngunit wala namang tigil. Maliban sa minsanang paghinto. Nabuhayan naman si William ng loob ng marinig niya ang boses ng matanda. Kaya naman mabilis siyang nagpakilala. Ilang saglit lang din at binuksan na nito ang pintuan. "Anong ginagawa mo dito hijo? Akala ko ba ay bumalik si Atasha sa bahay mo. Kumain lang ang mag-ina. Iniwan muna dito ni Atasha si Juaquim. Pero bumalik na ulit ang anak ko sa bahay mo." "Ho?" Parang nabingi si William sa narinig mula sa matanda. Hindi talaga niya mapapatawad ang sarili pag may masamang nangyari sa anak niya at kay Atasha. Kasalanan niya ang lahat. "Baka nagkasalisi kayo ng anak ko." "Sige po nay. Dito na lang po muna si Juaquim. Sabi ko po ay susunduin ko si Atasha, ay naipit po ako sa trapik kaya ngayon lang ako nakarating," pagsisinungaling na lang ni William. Ayaw niyang mag-alala ang matanda. Alam niyang pag nalaman din ni Juaquim na nawawala ang mommy nito ay mag-aalala din ito. "Ganoon ba? Ay paano aalis ka na ba ulit hijo?" "Opo nay, hindi po makakabukas ng bahay si Atasha pag dating po niyang walang tao sa bahay," wika na lang niya para hindi na siya gaanong magpaliwanag. "Matulog na po ulit kayo nay. Salamat po," paalam na lang niya at muling hinayon ang kanyang sasakyan. Ilang beses pa niyang tinawagan ang numero ni Atasha ngunit busy tone lang ang naririnig niya. Habang pagabi nang pagabi ay mas lalong palala nang palala ang kanyang pag-aalala sa dalaga. "Nasaan ka ba Atasha?" usal niya. At muling tinawagan ang numero ng cellphone ni Atasha.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD