Pagkasara ng pintuan ay hindi na napigilan ni Atasha na ilibot ang paningin sa lugar na kinalalagyan nila ng anak.
"Ang ganda," mangha pa niyang bulalas. Lalo na at totoo namang napakaganda ng condo ni William.
Very manly at masasabi mong isang bachelor na walang balak mag-asawa ang may-ari ng lugar na iyon. Pinaghalong itim at gray lang ang kulay ng mga gamit at pintura ng kabuoan ng condo. Dahil kahit ang kusina ay nasisilip niya ang kulay at ganoon din.
Mula sa loob ay natanaw niya sa nakabukas na itim na kurtina na salamin ang ginamit na wall kaya nakikita niya ang malawak na labas ng condominium na kinalalagyan nila.
Mula sa loob ay nakikita niya ang isa ring salamin na pintuan at veranda. Mula sa gilid na may upuan at lamesa ay may bakal na harang ang veranda. Kaya kahit maglasing ka at umakyat sa pinakapasamano noon ay hindi ka mahuhulog palabas, kundi sa paloob lang.
Dalawang linggo na ang nakakalipas mula ng isagawa ang paraan para dalahin niya sa sinapupunan ang anak ni William. Sa loob ng dalawang linggong iyon ay naging hands-on sa pag-aalaga sa kanya ang binata. Lalo na ng sa unang linggo pa lang niya sa ospital ay nakumpirma kaagad na nagdadalangtao na siya.
"Congratulations Mr. Del Vechio. Successful ang sperm insemination na isinagawa kay Ms. Bonifacio. She's already pregnant. Kailangan lang ng ibayong pag-iingat. Higit sa lahat bed rest sa first trimester ng pagbubuntis ni Ms. Bonifacio," ani Dra. Marquez na ikinaliwanag ng mukha ni William.
"Totoo dok? Oh! God. Thank you Atasha," walang pagsidlan ng sayang saad pa ni William.
Nagulat na lang si Atasha ng bigla na lang hawakan ni William ang kanyang kamay at dinampian siya nito ng magaang halik sa noo.
Nagkatinginan lang sila ni Dra. Marquez. Isang matamis na ngiti naman ang ibinigay sa kanya ng doktora na wari mo ay normal lang ang naging reaksyon na iyon ni William. Kahit ang totoo ay walang normal doon. Wala silang relasyon ng binata maliban sa katotohanang mag boss at empleyado lang sila sa paraang iyon.
"Okay Mr. Del Vechio ito ang mga kailangan gawin at iwasan ng isang nagdadalangtao." Habang ipinapaliwanag ng doktor sa binata ang mga pag-iingat na dapat nitong gawin sa pag-aalaga sa kanya ay nakikinig lang si Atasha at hindi na lang nagtanong.
Nakatitig lang si Atasha kay William. Hindi man lang niya makita ang kasungitang ipinaparamdam at ipinapakita nito sa kanya sa mga oras na iyon. Para talaga itong ibang tao pag anak na nito ang usapan.
Lihim na napahawak si Atasha sa kanyang sinapupunan. Kahit wala pa namang pagbabago sa kanyang katawan o sa nararamdaman ay ipinaparamdam niya sa anak ang init na dapat nitong maramdaman. Alam naman niyang pagnaisilang na niya ang anak. Hindi na rin naman niya ito makikita pang muli. Wala na siyang karapatan sa bata. Bagay na ngayon pa lang, parang gusto na niyang pagsisihan ang desisyong ginawa.
Mula ng araw na iyon ay mas naging maalaga sa kanya si William. Kahit naiinis ito sa kanya dahil sa sa katarayan niya na hindi naman siya ganoon. At kaya lang naman siya nakakapagsalita ay dahil sa kasungitan nito ay hindi pa rin niya mapigilan ang sariling damdamin.
Alam naman niyang sa lahat ng pag-aaruga at pag-aalaga na ipinaparamdam at ipinapakita ni William sa kanya ay para lang sa anak nitong siya ang nagdadala. At hindi para sa kanya.
Tanggap na niyang walang katugon sa binata ang kanyang pagsintang nararamdaman. Kaya naman kahit nagsisimula pa lang ang pagkahulog niya kay William ay agad na niyang iniaahon mula sa pagkahulog ang kanyang sarili ng hindi na siya tuluyang malubog.
Napahugot si Atasha ng hangin. At muli inilibot niya ang paningin sa kabuoan ng condo ni William.
"Mommy?" tawag ni Juaquim sa kanya. Kaya naman nagbaba siya ng tingin sa anak na hawak pa rin niya kamay sa mga oras na iyon.
"Hmm, may nais ka ba anak?" Pinantayan na rin ni Atasha ang anak. Tumingkad siya sa harapan ni Juaquim.
"Dito po muna talaga tayo titira? Napakaganda naman po dito. Sorry po mommy kung minsan naiisip kong masarap sigurong tumira sa maganda at malaking bahay. Pero sa isip ko lang naman po iyon. Pero ngayon po ay matutupad na." May galak na nababasa si Atasha sa mga mata ng anak. Kitang-kita at nararamdaman niya ang saya ni Juaquim sa mga oras na iyon.
Alam naman niyang maliit lang talaga ang bahay ni Nanay Rosing. Ngunit kahit maliit iyon ay malinis at maayos naman. Iyon nga lang ay halata na rin ang katagalan ng bahay na niluma na rin naman ng panahon. Ngunit nagpapasalamat pa rin siya. Kung hindi dahil sa matanda at sa bahay na iyon. Hindi niya alam kung ngayon ba ay maayos pa ang kalagayan nila ni Juaquim o kung talagang ngayon ay may mag-ina pang Juaquim at Atasha pa ba sa mundo.
"Oo anak. Ngunit hindi tayo magtatagal dito. Bali ilang buwan lang. Narito lang tayo dahil magtatrabaho si mommy bilang katulong ni Tito William. Tapos pagkalipas ng ilang buwan, kailangan na muna nating maghiwalay. Dahil habang nag-aayos ng gamit si Tito William doon ka muna kay Lola Rosing at uuwi lang ako pagnakaalis na ulit siya. Alam mo naman iyon anak di ba?" malungkot na saad ni Atasha. Akala niya ay malulungkot din ang anak, ngunit sa halip ay niyakap siya ni Juaquim at pinupog pa siya ng halik.
"Talaga po mommy? Ilang buwan po akong pwedeng tumira sa bahay ni Tito William? Yehey! Sapat na po iyon sa akin. Ibabaon ko po iyong magandang alaala, at experience na minsan po ay nakatira ako sa malaking bahay," masayang saad ni Juaquim.
Halos pigilan naman ni Atasha ang mga luha niya. Noong bata pa siya kahit hindi siya pinagtutuunang halaga ng mga magulang ay para naman siyang prinsesa. Dahil nasa kanya na ang lahat ng kariwasaan sa buhay. Malaking bahay, magandang kwarto, at malambot na kama. May sariling yaya at mamahaling damit. Higit sa lahat ay madaming masasarap na pagkain sa hapag. Ngunit maliban sa kasaganaang tinatamasa ay uhaw siya sa aruga ng mga magulang. Kaya masaya siyang minsan nakakasama niya ang kuya niya na siyang tumatayong magulang sa kanya pag kailangan niya iyon. Lalo na ang pagiging kapatid nito.
Ngunit si Juaquim naiibigay niya ang atensyon ng isang ina. Ginagampanan na rin niya ang pagiging ama sa anak. Lahat ng pagmamahal ay naiibigay niya kay Juaquim. Ngunit wala naman siyang yaman na maiipagmalaki.
Napabuntong-hininga na lang si Atasha at pinilit ngitian ang anak. "Masaya ka ba anak sa simpleng experience na ito? Makakatira tayo dito sa malawak na condo. Pero hindi pwedeng lumabas ng pintuan na iyan ng mag-isa." Turo pa ni Atasha sa pinaka main door. "Dahil hindi natin kilala ang ibang nakatira sa bawat bahay dito. Baka mawala ka. Kaya hindi pwedeng lumabas o magpapasok pag may kumatok at ikaw lang ang narito sa salas at may ginagawa ako. Maliwanag?"
"Opo mommy. Tatandaan ko po ang lahat ng bilin po ninyo. At salamat po at kasama ko po kayo habang nagtatrabaho ka. Isa pa po mommy pag-uuwi na po ako kay lola ikukwento ko po sa kanya itong bahay ni Tito William na nasa itaas ng malaking building."
Napatango na lang si Atasha sa kasiyahang nakikita sa anak. Kung kaya lang niyang bigyan ng magandang buhay ang anak. Ginawa na niya, naibigay na niya. Ngunit hindi ganoong kadali ang lahat.
Muli siyang tumayo at inakay na si Juaquim patungo sa upuang nasa may salas.
"Dito muna tayo anak. Hindi pa tayo maaaring magtungo sa kung aling silid ang pwede nating pagpahingahan. Hindi nasabi ni Tito William bago siya umalis."
"Okay lang po mommy."
Pagkabukas kasi kanina ni William ng pintuan ng condo nito at pagkapasok nilang mag-ina ay may tumawag dito, na sa tingin niya ay tungkol sa trabaho kaya naman naiwan silang mag-ina sa loob ng condo. Ni hindi pa niya alam kung aling silid ang gagamitin nila. Kaya naman doon muna sila nanatili sa may salas.
Ilang minuto na silang nakaupo ng muling magsalita si Juaquim. "Mommy baka po pwede tayong uminon ng tubig. Nauuhaw na po ako."
"Ikaw talaga. Oo naman anak pwede. Tara na sa kusina. Magluto na rin ako para makakain ka na rin. Nasabi naman po ng Tito William na pwedeng magluto si mommy dahil may pagkain po dito sa bahay niya."
"Yehey! Thank you mommy. Masaya din po akong madaming pagkain dito si Tito William." Tukoy pa ni Juaquim sa mga pagkaing nakalagay sa pantry sa may kusina.
"Tama ka anak. Sige na maupo na lang muna at magluluto si mommy ng pwede nating kainin."
"Okay po."
Hapon na ng makabalik ng condo si William. Masyado siyang nagtagal sa meeting sa kompanya na nakalimutan na niya. Kung hindi lang dahil sa tawag ng kanyang sekretarya ay walang-wala talaga iyon sa isipan niya.
Malawak ang kanyang ngiti pagbukas ng pintuan. Inaasahan niyang nakaupo sa may carpeted floor si Juaquim habang naglalaro ng laruang binili niya para dito. Habang si Atasha ay nakaupo sa sofa at nakabantay sa anak.
Ngunit napawi ang kanyang ngiti ng makitang nakahiga sa sofa si Juaquim. Habang nakaupo sa sahig si Atasha at nakasubsob ang ulo sa sofa, na sa tingin niya ay nakatulog din.
"Sh*t!" mura niya sa sarili ng makalimutan niyang basta na lang nga pala niya pinapasok ang mag-ina sa loob ng condo at basta na lang iniwan ng magpaalam siya dahil sa meeting na nakalimutan talaga niya.
"Atasha," tawag niya sa dalaga habang marahang tinatapik sa balikat.
Mumukat-mukat naman ang mga mata ni Atasha habang pilit na iminumulat ang mga iyon. "W-William!" gulat pa niyang saad.
"Relax. I'm sorry," hingi pa nito ng paumanhin. "Nakalimutan kong ituro sa iyo amg silid ninyong mag-ina. Halika aalalayan kitang makatayo."
Wala namang pagtutol si Atasha. Lalo na at talagang nangawit siya sa pagkakasubsob at pagkakasalampak sa sahig.
"Bakit dyan ka natulog? Dapat ay kahit aling kwarto ay pumasok kayong mag-ina at doon nagpahinga. Wala namang masama kung sa isa sa mga kwarto dito kayo matulog ah. Hindi ko naman ipinagbabawal. Isa pa ay hindi nakalock ang mga iyan," may inis na saad ni William.
Naiinis siya sa sarili at unang araw pa lang ni Atasha sa bahay niya ay napabayaan na niya kaagad ito. Paano pa niya ito aalagaan para sa maayos na paglaki ng kanyang anak sa sinapupunan nito.
"Huwag kang oa. Ayos lang ako at hindi mapapahamak ang anak mo. Isa pa wala namang nangyaring masama di ba."
"Paano kung dahil sa pwesto mo ay mapahamak ang anak ko? Anong gagawin mo Atasha?"
"Napakadami mong hanash. Huwag mo akong masungit-sungitan ha. Naiirita ako. Pwede mo namang ituro sa akin kung saang silid kami pwede ni Juaquim ng hindi nagtatatalak. Daig mo pang may regla sa lagay na iyan! Ke lalaking tao ay daig pang inahing manok na hindi mapaitlog!" Inis na saad ni Atasha na akmang bubuhatin ang natutulog na anak.
"Anong gagawin mo?"
"Bulag ka ba? Di bubuhatin si Juaquim? Ano sa palagay mo ang gagawin ko sa anak ko? Pagugulungin ko hanggang sa makarating kami sa kwartong laan mo sa aming dalawa?" may pagkasarkastikong saad ni Atasha na ikinairap pa nito kay William.
"Oh! Dragona akala ko ay hindi ka na mag-aaladragon. Aba'y mukhang enjoy ka pa."
"Alam mo sungit. Kung hindi ka nagsusungit di magkakasundo tayo. Huwag mo akong inisin at baka layasan kita!"
Bigla naman ay parang naalarma si William. Saglit ito natahimik at biglang animo ay bulang nawala ang inis na nararamdaman.
"Relax Atasha. Ako na ang bubuhat kay Juaquim. Hindi ka pwedeng magbuhat ng mabigat. Mabigat na ang anak mo. Kaya pakiusap lang pag wala ako dito. Huwag na huwag mong bubuhatin si Juaquim. Baka malagay sa kapahamakam ang anak ko."
Napatango na lang si Atasha bilang sagot. Ewan ba niya. Parang bigla na lang siyang natameme ng makita niyang buhat na ni William si Juaquim. Napasunod na lang siya sa kwartong binuksan nito at inihiga sa kamang naroroon ang natutulog na anak.
"Like it?" Tukoy ni William sa silid na kinaroroon nila. Napakamot pa ito ng batok na halata mo namang nahihiya.
Hindi malaman ni Atasha kung ano ang nararamdaman sa mga sandaling iyon. Ngunit hindi na niya mapigilan ang pagtawa sa nakikita niya.
Mula sa kulay abuhin at itim na dingding at sa mga gamit ding ganoon din ang kulay ay kakaiba naman kulay ng kobre kama, kumot, punda ng unan at kurtina. Namumutok sa baby pink ang kobre kama, punda ng unan at ang nakatiklop na kumot. Habang ang kurtina ay nagsusumigaw sa pagkadilaw.
"What's wrong with you lady!" Halos pumutok sa pula ang pisngi ni William dahil sa reaksyon ni Atasha. Hiyang-hiya na nga siya dahil wala naman siyang alam sa mga kulay na gusto ng isang babae. Maliban sa pink at dilaw. Tapos tatawanan lang siya ni Atasha.
Ginawa niya ang lahat para magustuhan nito ang silid para sa mag-ina. Dahil walang babaeng pwedeng manatili doon mula ng mabili niya ang condo na iyon limang taon na ang nakakalipas ay wala ni isang pambabaeng kulay sa bahay na iyon. Ngayon lang, tapos pagtatawanan pa siya ng dragonang nasa kanyang harapan.
"I'm sorry. I love it," ani Atasha na pinipigilan pa ring matawa.
"Kung ayaw mo sabihin mo. Hindi iyong pagtatawanan mo ako!" ani William na akmang aalisin ang kobre kama kahit nakahiga pa si Juaquim ng pigilan ito ni Atasha.
"Nagulat lang ako. Kahit hindi compliment ang kulay ay pwede na," aniya sa mahinahong tinig kaya siguro kahit papaano ay nawala ang tensyon ng pagkapahiya kay William.
"Totoo?"
"Yeah, don't worry. I like it"
"Kahit ang kumot na nabili ko ay pink din na may drawing na malaking pusa na may kamay at paa? Unbelievable," bulalas pa ni William.
Gusto sana ulit matawa ni Atasha ng marinig ang itsura ng kumot na nakatilop pa. Alam na niya ang drawing noon. Ang sikat na si Hello Kitty. Napailing na lang siya. Halatang wala talaga itong alam sa mga ganoong bagay.
"Oo walang problema kung tungkol lang dyan. Maliban sa isa."
"Maliban sa ano?" Napailing na lang si Atasha. Pakiramdam niya ay magsisimula na namang magsungit ang kaharap.
"Maliban sa nagugutom na naman ako. Kumain kami kanina ni Juaquim. Bago mo kami naabutang natutulog kanina. Nagluto na ako, nakialam sa kusina mo. Pero after naming kumain, gusto ko sana ng singkamas. Kaya lang wala ka noon."
"Singkamas sa ganitong oras?" Medyo napalakas ang boses ni William kaya bigla na lang parang gustong maiyak ni Atasha.
Nagulat naman si William sa naging reaksyon ni Atasha sa sinabi niya. Bigla niyang naalala ang sinabi ni Dra. Marquez na napaka sensitive ng buntis. Gusto tuloy niyang sapakin ang sarili. Kanina pa siyang nag-aalala sa ipinagbubuntis ni Atasha ngunit kanina pa rin naman niya itong ginagalit.
"Oh! God! I'm sorry Atasha. Maghahanap ako."
"Totoo?"
"Oo nga."
"Thank you William!" ani Atasha at hindi na niya napigilan ang sariling yakapin ang binata.
Natigilan naman si William sa ginawang iyon ni Atasha. Ngunit sa halip na alisin ang pagkakayakap nito. Niyakap din niya si Atasha at mas hinigpitan pa iyon.
"Thank you Atasha."
"Para saan?" mahina niyang tugon.
"Para sa pagdadalangtao sa anak ko." Tumango na lang si Atasha bilang sagot.
Alam na naman niya. Nagtanong pa siya. Ngunit hindi niya maiitanggi ang pakiramdam na nasa bisig siya ng binata. Kung maaari lang na doon na siya. Doon na siya titira.
"Magpahinga ka na lang muna. Magluluto na rin ako ng dinner natin. At ang singkamas na nais mo. Magpapahanap ako. Pagkatapos nating kumain mamaya, makakain mo na iyon."
"Salamat."
Inalalayan ni William si Atasha hanggang sa maihiga niya ang dalaga sa tabi ni Juaquim. "Take a nap Atasha," ani William kasabay ng paghalik niya sa noo ng dalaga bago tuluyang lumabas sa silid na laan para sa mag-ina.
Nasundan na lang ni Atasha ng tingin ang pagsarado ng pintuan.
"What was that?" naitanong na lang niya sa sarili. Kahit alam niyang walang kahulugan ang lahat.