Chapter 7

2036 Words
Madaling araw pa lang ay nagulat na lang si Atasha ng pumasok ang tatlong nurse habang may tulak-tulak na wheelchair ang isa sa kwartong inuukupa ni Juaquim. Kahit sabihing madilim pang talaga at alas kwatro y media pa lang ay gising naman sila ni Nanay Rosing. Lalo na at hindi naman sila iyong gaanong nakakatulog. Nakakaidlip ay oo pero hindi iyong tulog talaga. Nagkatinginan pa sila ng matanda dahil hindi nila inaasahan ang pagdating ng mga ito. Hanggang sa magpahayag ang isa. "Ms. Bonifacio inutos po ng boss po ninyo na ngayon na daw po ilipat ang inyong anak ng ospital." Napakunot noo si Atasha. "Sobra namang aga. Natutulog pa ang anak ko. Isa pa ay hindi ko pa naaayos ang bill ni Juaquim. Hindi ko alam kung kulang o sobra pa ang naging down dito sa ospital. Wala naman akong health care insurance kaya nga hindi kaagad nagamot ang anak ko." Nagkatitigan ang tatlong nurse hanggang sa malingunan nila ang isa pang nurse na paparating. Humihingal pa ito dahil sa ginawang pagtakbo. "Ano ng nangyari?" tanong nito ng inginuso ng isa ang hawak nitong papel. "Ay oo nga pala. This is a release paper of your son Ms. Bonifacio. Hindi po ba nasabi sa inyo ng doktor ng inyong anak na kailangang salinan ng dugo ang bata?" "Wait anong ibig ninyong sabihin? Akala ko ba ay ayos na ang anak ko at akala ko magagamot dito ang anak ko? Alam kong ililipat siya request ng boss ko. Ngunit hindi ganyan ang dahilan." Nagkatinginan muli ang apat. "Hindi po nasabi sa inyo ng doktor dahil wala pong available na dugo dito sa ospital kung nagkataon po ay mapapahamak ang inyong anak. Nagsuka na po ng dugo ang bata. Ibig sabihin malala po ang sakit na dengue niya. Humihignaw lang po ang lagnat ng bata dahil sa gamot. Ngunit patuloy ang pagbaba ng platelets ng bata. And don't worry Ms. Bonifacio. Okay na po ang lahat. Nasa labas na po ang ambulansya namaglilipat sa anak ninyo sa ibang ospital." "Sandali lang paano ninyo nalaman ng hindi ko nalalaman?" "Sinabi po ng doktor ng anak ninyo na maayos na ang lagay ng bata. Ngunit hindi po mapakali ang boss po ninyo na siyang nag-utos para mailipat ng ospital ang anak ninyo. Kaya po inutusan po niya ang doktor sa kabilang ospital para alamin ang lagay ng anak ninyo. At iyon nga po ang nagyari. Kaya po ng matanggap niya ang lahat ng impormasyon ay narito na kami sa harapan po ninyo ngayon." "Ano ang mangyayari sa doktor na sumuri sa anak ko?" "Hindi ko po alam. Ngunit kung mamalasin ay maaari siyang hindi na makapagtrabaho pa bilang doktor. Dahil sa katunayan malakas lang siya sa management. Isa pa pong mali, hindi po siya lisensyadong doktor." Kulang ang sabihing nagulat talaga si Atasha sa nalaman. Kahit si Nanay Rosing ay hindi napigilan ang mapasinghap. "Anak," tawag ni Nanay Rosing kay Atasha. "Nay, hindi ko alam kung anong sasabihin ko. Akala ko ay ayos na ang lahat. Kung hindi ko pa nagdemand ang boss ko na ilipat si Juaquim ng ospital ay maaaring mawala ang anak ko sa akin ng walang kalaban-laban." Naiyak si Atasha sa isiping akala niya ay naaalagaan ang kanyang anak sa ospital na iyon kahit ilang beses na pinulaan ni William. Iyon pala ay nagkamali talaga siya. Dahil kung hindi pa sa pagiging demanding nito ay maaari ngang napahamak talaga ang kanyang anak. "Ako man ay walang masabi Atasha. Maliban sa napakabait ng Panginoon. Gusto kong maniwala sa tinatawag na blessing in disguise anak. Dahil nalaman natin ng maaga. Isa pa ay napakabait ng iyong amo. Dahil kinukuha ka pa lang na bagong katulong ay talagang maalaga na sa inyong mag-ina. Napakabuting tao niya." Totoo naman ang sinabi ni Nanay Rosing kaya lang gusto niyang ngumiwi sa sinabi nitong maalaga at mabuting tao ang boss niya. Gusto sana niyang isatinig na siguro nga ay mabuting tao at maalaga, ngunit hindi sa paraang alam ng matanda. Kundi dahil sa matres niyang babayaran nito para sa anak na inaasam nito. "Oo nga po inay," naisatinig na lang ni Atasha. Ayaw din naman niyang humaba pa ang kanilang pag-uusap tungkol sa boss niya. Lalo na at wala dapat makaalam sa bagay na iyon. Maliban sa pinagkakatiwalaang mga tao ni William. Matapos maayos ng mga nurse ang mga gamit ni Juaquim ay binuhat na ni Atasha ang anak. Muntik na itong magising ngunit sa ilang tapik ay nakatulog ulit ito. Dala ng dalawang nurse ang gamit nila. Habang nakaalalay kay Nanay Rosing ang isa, at ang isa ay tulak-tulak ang wheelchair na kinauupuan nilang mag-ina. Sa labas ay naroon na nga ang ambulansya na siyang maglilipat sa anak sa ospital na napili ni William. Pagkasakay nila ng ambulansya ay nakaramdam bigla ng pagod si Atasha. Mula pa sa mga nagdaang araw at kahapon ng umaga ang pagod niya. Ngunit kahit ang kaunting pahinga ay ipinagkait pa niya sa sarili niya. Habang umaandar ang sasakyan ay nakatulog si Atasha. Mabuti na lang at nasa tabi niya si Nanay Rosing. Sa halip na bumagsak ay nasalo siya nito. Labis ang pag-aalala ng matanda ng mapansin ang sitwasyon nila ng isang nurse. Kaya naman nilapitan kaagad sila ng nurse na kasama nila doon sa loob ng ambulansya. "Nay huwag po kayong mag-alala. Nakatulog lang po si Ms. Bonifacio," wika ng isang nurse na ikinahinga ng maluwag ng matanda. Siya namang paggising ni Juaquim at hinahanap ang ina. Ang nurse ang umalalay sa natutulog na si Atasha at si Nanay Rosing ang kumausap sa bata. Naintindihan naman kaagad ni Juaquim ang sinabi ng lola niya na ililipat siya ng ospital para magamot ng maayos at sa sitwasyon ng ina na nakatulog ito. Pagkatigil ng ambulansya ay mabilis silang dinaluhan ng mga doktor at nurse. Nagulat pa ang iba ng mapansing walang malay si Atasha. "Anong nangyari?" nagtatakang tanong ng doktor na siyang susuri kay Juaquim. "Base po sa pulso niya ay over fatigue. Wala po siyang sapat na pahinga kaya nakatulog siya. Isa pa ay tinurukan ko din po siya ng pampatulog." Nagulat naman si Nanay Rosing sa sinabi ng nurse. Wala kasi itong sinabi na tuturukan nito ng pampatulog si Atasha. Ngunit kung sa kagalingan naman iyon ni Atasha ay wala naman siyang maitututol pa. Bubuhatin sana ng isang lalaking nurse si Atasha ng biglang may magsalita. "Ako na ang bahala sa kanya. Siguraduhin ninyong magiging maayos ang lagay ng bata," wika ng isang tinig na ikinatigil ng lahat. Kahit si Nanay Rosing ay nagulat sa nagsalita. Hindi niya kilala ang lalaking nasa harapan ng babaeng nurse na umaalalay kay Atasha. Ngunit gumilid ang lalaking nurse na siya sanang bubuhat sa dalaga at ipinaubaya sa lalaking nagsalita. "Sino ka hijo? At saan mo dadalahin ang anak ko?" Nahinto sa pagtalikod si William. Nawala sa isip niya ang matandang ina-inahan ni Atasha. "Pasensya na po kung hindi po ako kaagad nakapagpakilala. Ako po ang naglipat sa ospital ng apo ninyo. Ako din ang kausap ng anak ninyo. William po pala. Kung mamarapatin po ninyo ay samahan ninyo ang inyong apo sa mga laboratory test na gagawin sa kanya. Mas safe dito sa ospital na ito ang inyong apo. Bilang paunang bayad bilang katulong ng inyong anak ay ako na ang bahala sa gastos dito sa ospital. Mamaya dadalahin ang bata sa pribadong silid. Doon ko muna dadalahin itong natutulog ninyong dalaga," mahabang paliwanag ni William. Napansin ni William ang pagpunas ng matanda sa pisngi nito. Hindi niya alam ngunit masyado siyang natutuwa sa luhang iyon ng matanda. Naalala niya ang sinabi ng dalaga na isa itong ampon. At ang pag-aalala at pagmamahal ng matanda sa dalaga at sa anak nito ay patunay na napakabuting tao ng matanda. "Salamat hijo." "Wala pong ano man. Mamaya po maaari din kayong magpahinga. Kaya lang habang tulog ang ina kayo na po muna ang bahala sa bata." Hindi man lang nasulyapan ni William ang anak ni Atasha. Matapos sabihin ang mga katagang iyon ay tumalikod na rin ito at naglakad patungo sa entrada ng ospital. Naging mabilis naman ang pagkilos ng mga doktor at nurse para ibaba si Juaquim. Kahit naman sabihing may pagkakamali ang pinanggalingang ospital ay nabigyan naman ng gamot ang bata. Ngunit kung sa loob ng ilang oras pa na hindi masasalinan ng dugo si Juaquim ay maaari ng ikapahamak nito. Alas sais na ng umaga ng dalahin si Juaquim ng mga nurse sa pribadong silid na sinasabi ni William. Gising pa rin ang bata ng makita ang ina nitong natutulog pa rin. Epekto na rin ng pampatulog na itinurok dito ng nurse. Naroon din si William at prenteng nakaupo sa pang-isahang upuang naroroon. Napatayo si William ng makitang ipasok ang anak ni Atasha at ilipat sa kamang hihigaan nito. Matapos ayusin ang dextrose na nakalagay sa isang kamay ng bata at ang isinasaling dugo dito ay nagpaalam na ang mga nurse sa kanya. "Sabi ng Lola Rosing ikaw daw po ang boss ng mommy ko?" tanong ni Juaquim ng lumapit si William sa pwesto niya. Natigilan naman si William. Hindi niya alam kung bakit bigla siyang natuwa sa batang kaharap. Hindi mahahalata na may sakit ito. O sadyang malakas lang ang loob ng bata at baliwala ang sakit na dinaramdam kahit totoong mayroon naman. "Ako po pala si Juaquim. Salamat po sa pagtulong sa amin. Alam ko pong palagi na lang problemado ang mommy ko. Ngunit dahil sa tulong ninyo alam kong mababawasan iyon. Isa pa po pala, kailan po magigising ang mommy ko?" Hindi maiwasan ni William ang mangiti sa sinabi na iyon ng bata. Sa tingin niya ay matalinong bata si Juaquim. Napakaswerte ng ina na magkaroon ng isang anak na katulad nito. Ngunit napakamalas ng amang nagpabaya sa mag-ina nito. Mula kay Juaquim ay napatingin siya sa matanda. Nakikita niya ang pagngiti nito sa napapansing sigla ng apo. Hindi pa nagtatagal sa ospital na iyon ag bata ngunit kakikitaan na kaagad ng paggaling. Hindi talaga siya nagkamali ng napiling ospital. "I'm William. At sa paggising ng mommy mo. Mamaya pa siguro. Hayaan mo siyang makapagpahinga ng konte. Kailangan niya ng lakas para maalagaan ka." Isang ngiti ang isinagot ni Juaquim na parang nagpatigil sa pagtibok ng puso ni William. Hindi niya malaman kung bakit ganoon ang epekto ng ngiting iyon ng bata. Ngunit sa pakiramdam niya ay dahil sa kagustuhan talaga niyang magkaroon din ng kahit isang anak na lalaki; at ang nais niyang magbigay sa kanya ay ang ina nito. "Salamat ulit hijo. Isa pa ay salamat din sa pagtanggap sa trabaho sa anak ko." "Wala pong ano man. Nagugutom po ba kayo? Ibibili ko po muna kayo ng pagkain." "Hindi na muna hijo. Salamat na lang, paggising na lang siguro ni Atasha. Mas nais kong magpahinga sa mga oras na ito." Napatingin sila kay Juaquim na nakatulog na pala. "Iidilip din muna ako," dagdag pa ng matanda. "Sige po. Doon po kayo sa kabilang gilid ng kama ni Juaquim." Bigla namang tumaas ang magkabilang gilid ng labi ni William ng sambitin ang pangalan ni Juaquim. Totoo nga yata na ganoon ang pakiramdam ng sabik at nagnanais na magkaroon ng isang anak. "Ipinalagay ko po doon ang isang maliit na higaan para po makapagpahinga kayo. Hindi naman po mahuhulog si Juaquim at may harang ang kama niya." Hinawakan pa ni William ang harang na sinasabi niya at itinuro sa matanda ang higaang sinasabi niya. "Salamat hijo. Hindi ko alam kung nakapagpakilala na ako sa iyo. Nawala na rin naman sa isipan ko. Ngunit maaari mo akong tawaging Nanay Rosing." "Sige po Nanay Rosing. Magpahinga na po kayo. Lalabas po muna ako. Si Atasha naman po ay alam kong komportable sa kinahihigaan niya." Napasulyap pang muli si William sa pwesto ni Atasha na nakahiga sa malaking sofa. "Salamat ulit. Hindi ko alam kung paano pa kami makakabawi sa iyo." "Huwag po kayong mag-alala. Wala pa man po ay nakabawi na kayo," makahulugang saad ni William. Napatango na lang ang matanda at muling nagpasalamat. Ibinilin na lang ni William na mamaya ay may magtutungo ulit doong nurse at doktor para suriin si Juaquim. At huwag mag-alala kung makatulog man sila dahil maayos ang serbisyo sa ospital na iyon at hindi iyong pabara-bara.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD