Tumagal pa ng ilang araw sa ospital si Juaquim. Ngunit kahit sabihing naospital ang anak ay mas nakaramdam ng maayos na pahinga si Atasha. Lalo na at hindi naman siya umaalis ng ospital para sa ibang bagay. Hinayaan din siyang magpahinga ni William sa ospital kasama ang anak. Alam naman niya ang dahilan.
Hindi rin niya problema ang bayad sa ospital at sinagot na nga iyon ng butihin niyang boss. Kahit naroon pa rin ang minsan ay pagsasagutan nila ng lihim ay malaki pa rin talaga ang pasasalamat niya dito. Kahit ang pagkain nila ay hindi nito pinaproblema sa kanya. Ang katwiran nito ay dahil ayaw nitong mastress siya. Bagay na hindi alam ni Atasha kung ipagpapasalamat ba niya. Pero sabagay, kung hindi dahil kay William. Siguradong mababaliw na siya sa pag-iisip. At ang anak niya, hindi niya alam kung ano na ang nangyari.
"Ayos na kayo?"
Napalingon si Atasha sa may pintuan ng biglang may nagsalita. Hindi niya inaasahan ang presensya ng lalaki sa araw na iyon.
"Anong ginagawa mo dito?"
"Tito William," masayang bati ni Juaquim na ikinakunot noo ni Atasha sa anak.
"Tito? Tito William?" naguguluhang tanong ni Atasha.
Napansin na lang niya ang paglapit ni William sa kanyang anak na parang hindi siya nito napansin.
"Kumusta ka na?"
"Maayos na po. Lalabas na po ako ngayon. Salamat po ulit."
"Walang problema, ikaw pa ba."
"Thank you po."
"Kailan pa kayo naging close?" nagtatakang tanong ni Atasha habang salitan ng tingin sa anak at kay William.
"Masama po ba mommy. Masaya lang po ako na makilala ko si Tito William."
"Hindi ganoon anak. Ayaw ko lang na---." Hindi na natuloy ni Atasha ang sasabihin. Ayaw niyang bigyan ng kung anong pag-asa ang anak. Ang relasyon nila ni William ay bilang boss at empleyado lang. Kung talaga iyon din ang tawag sa talaga sa pagitan nila. Kaya hindi dapat mapalapit ng ganoon ang anak sa binata. Sa tingin niya ay naghahanap si Juaquim ng kalinga ng isang ama. Ngunit paano naman niya maiibigay iyon.
Kitang-kita ni Atasha ang pagbuntong-hininga ni Juaquim. "Anak."
"Huwag ka pong mag-alala mommy. Alam ko po ang limitasyon ko. Masaya lang po ako ngayon. Ngunit naiintindihan ko po."
Si William naman ang walang maunawaan sa pinag-uusapan ng mag-ina. Magtatanong pa sana siya ng magsalita si Atasha.
"Mabuti kung ganoon anak. Pasensya ka na." Tango lang ang isinagot ni Juaquim sa ina. Kumaway pa ito kay William. Bago muling ibinalik ang atensyon sa laruang hawak nito.
Siya namang paglabas ni Nanay Rosing sa banyo. Binati din nito ang binata at ito na ang nagtuloy sa pag-aayos ng gamit na kanina ay si Atasha ang gumagawa.
"Bakit ka nga pala narito?" muling tanong ni Atasha kaya napalingon sa kanya ang binata.
"Ako na ang maghahatid sa inyo pauwi."
"Kaya na namin."
"May pag-uusapan din tayo."
"Ah."
Hindi na tumutol si Atasha sa sinabi sa kanya ni Willam. Matapos silang maihatid nito sa bahay ay inanyayahan lang siya nito sa labas ng bahay at doon ay tahimik na nag-usap. Doon hinayaan muna siyang mag-stay ng binata para makasama ni Juaquim ng ilang araw. Bago ituloy ang nais nitong gawin.
"Salamat ha. Ang bait mo naman ngayon."
Napaismid naman si William. "Ayaw mo?"
"Hindi naman. Akala ko kasi talaga noong una paninindigan mo ang pagiging masungit mo."
"Nagsisimula ka na naman. Dragona ka na naman?" naiiling na saad ni William.
"Hindi ah. Napupuna ko lang naman."
"Kung wala kang pinupuna di walang problema."
"Napuna ko lang naman di ba!"
"Magpahinga ka na nga lang at magrelax. Tatawag na lang ako sa isang araw," ani William at tumayo na sa kinauupuan nito.
"Bye boss sungit."
"Dragona!" Singhal pa ni William bago mabilis na sumakay sa sasakyan nito. Nailing na lang si Atasha. Hanggang ngayon, masungit pa rin ang boss niya.
"Umalis na si Tito William?"
"Oo anak."
Nasundan na lang ng tingin ni Atasha ang anak ng muli itong bumalik sa loob ng bahay.
Ilang araw na rin mula ng makalabas si Juaquim sa ospital. Nagpapadala naman ng mensahe si William. Kaya naman alam din nito na maayos ang kanyang kalagayan at kalusugan para sa gagawin ng doktor sa kanyang katawan.
"Anak kailan ka pupunta sa boss mo. Hindi ba masyadong nakakahiya na. Lalo na at siya ang gumastos ng lahat."
"Hindi po iyon nay. Alam naman po ng boss ko ang nangyari sa anak ko. At siya pa nga po ang naghatid sa atin pauwi dito sa bahay. Kaya alam kong nauunawaan niya ako. Hinayaan din naman po niya akong mag stay dito sa bahay ng ilang araw. Pero bukas pupuntahan ko na po siya."
Hindi lang masabi ni Atasha ang tunay na dahilan kung bakit hindi pa siya ipinapatawag ni William. Na ang katotohanan ay para makapagpahinga siya ng maayos. Para sa mas maayos at maging successful kaagad ang gagawin sa kanya sa unang subok.
"Sa tingin mo kaya anak kung kahit ako ay maging katulong niya. Malakas pa ako anak at kaya kong gawin ang mga gawaing bahay. Kahit ang paglalaba, paglilinis ng bahay at pagluluto ay kaya ko pa. Hindi naman ako iyong sobrang tanda na hindi na kayang kumilos."
Halos manlaki naman ang mga mata ni Atasha sa narinig na sinabi ni Nanay Rosing. Ngunit agad din naman niyang nabawi ang pagkagulat. Nasa may salas sila sa mga oras na iyon. Habang nakaupo sila sa may sofa. Naglalaro naman si Juaquim ng laruang ibinigay ni William dito.
"Nay huwag po ninyo akong alalahanin. Sa ngayon po ay baka po ilang araw akong hindi makabalik hanggang sa isa o dalawang linggo. Lalo na po at maglilinis at maglilipat po ang boss ko ng bahay. Sa hotel lang po siya tumutuloy. Ngayon po ay may nahanap na siyang condo," pagsisiungaling niya.
"Wala bang pamilya ang boss mo at bakit sa condo pa ito nakatira?"
Nahigit ni Atasha ang paghinga. "Nay naman. Hindi ko alam at hindi ko naman po natanong. Isa pa ay gawa-gawa ko lang po ang hotel at sa katunayan ay nasa ospital po ako ng ilang araw. Habang isinasagawa ang sperm insemination para po ako ay mabuntis. Iyon po ang katotohanan." Nais sanang sabihin ni Atasha, pero sa isipan lang iyon. Napahugot siya ng hangin.
"Hindi ko po alam inay. Ang alam ko lang ay mayaman siya at hindi po ganoong ka detalyado ang pagkatao niya. Wala po akong gaanong alam. Pero mabait po siyang tao. Isa pa pong nagpatunay noon ay si Mama Ricky." Sa halip ay iyon ang isinagot niya sa ina.
"Oi speaking of my beautiful name. Hi Nanay Rosing, Hello Bebe A and to the handsome baby boy."
Lumapit naman si Juaquim kay Mama Ricky para magmano, bago muling bumalik sa paglalaro.
Isa si Mama Ricky sa nakakaalam sa papasuking iyon ni Atasha. Ngunit sinisigurado nitong mabait talaga ang boss niya. Kung tutuusin ay anim na tao lang ang nakakaalam sa gagawing nilang iyon. Siya at si William mismo. Si Mama Ricky ang kakilala nito, iyong kakilala ng kakilala ni Mama Ricky at ang doktor ni William. Sila lang anim ang alam niyang nakakaalam.
"Anong ginagawa mo dito Ricky? Pero masaya akong napadalaw ka," natutuwang wika ni Nanay Rosing.
"Ay wala nay, balita ko ay nakahanap na ng trabaho si Bebe A. I'm happy for her lang talaga inay. You know naman po na hindi na kayo iba sa akin. So ayon po, kung katulong pala si Bebe A at pwedeng isama si baby boy mag-isa ka lang dito inay. Kaya basta my time ako dadalawin kita. Pero much better kung dadalawin mo din ako sa salon pagnaiinip ka dito," ani Mama Ricky at nagwink pa kay Atasha.
Malaki ang pasalamat ni Atasha ng ipaiwanag niya kay Mama Ricky ang magiging set-up nila ng boss niya ay agad itong nag-suggest na ito na lang muna ang titingin kay Nanay Rosing.
"Napakabuti mo talaga Ricky. Naku maraming salamat."
"Iyan ang gusto ko nay. Nga pala kailan ka magsisimula Bebe A?"
"Sa ngayon papunta na ako sa lilipatan ng boss ko. Baka mawala ako ng ilang araw. Ngunit babalik pa naman ako dito para kunin na ang mga damit ko at isasama ko muna si Juaquim kahit ilang buwan. Bago ulit umalis ang boss ko."
"Ganoon ba? Sige na dito muna ako at makaranas naman ng pahinga sa aking salon."
Natawa naman si Nanay Rosing sa sinabing iyon ni Mama Ricky. Tumayo din ang matanda para kumuha ng meryenda. At sa pagkakataong iyon, nagkausap ng masinsinhan sina Mama Ricky at Atasha para sa detalye ng gagawin niya.
"Basta huwag kang mag-alala. Hindi ko man kilala iyang William Del Vechio na iyan, sabi naman ng kakilala ko ay mabait namang talaga. Kaya palagay ang loob kong ikaw na ang maging surrogate ng anak nito. Sayang din ang datung Bebe A kasi."
"Naiintindihan ko naman Mama Ricky. Kahit parang ang dating magbebenta ako ng anak, ay alam ko namang magiging maayos ang buhay niya sa piling ng kanyang ama. At ang aking si Juaquim. Alam kong mabibigyan ko ng magandang buhay."
"Oo naman Bebe A. Huwag mong isipin ang nasabi mo noon na masama kang ina dahil sa gagawin mo. Dahil napakabuti mong ina. Dahil kahit mahirap at masakit sa kalooban ang gagawin mo. Gagawin mo pa rin para sa anak mo. Kaya huwag kang mag-isip ng negativity. Narito lang ako for you, kay Juaquim at kay Nanay Rosing."
"Salamat Mama Ricky."
"Wala iyon ano ka ba. Pero maiba ako hindi ko nga kasi kilala itong Willam na ito. Kumusta? Gwapo ba?"
Napalunok si Atasha. Dahil kahit sobrang arogante ng lalaking iyon at palagi pa nga silang hindi nagkakasundo ay wala namang tulak kabigin sa itsura. Sa gwapo, hindi niya alam kung paano ipapaliwanag ang kagwapuhan nitong nagpapabilis ng pintig ng kanyang puso.
"Bebe A, may hindi ka sinasabi."
"Mama Ricky, wala ah."
"Anong wala? Bakit ka namumula?"
"Sshh. Mama Ricky naman. Opo ma, gwapo nga. Pero sobrang arogante naman. Aba ay hindi man lang magpatalo pagnag-uusap kami. May katwiran palaging kanya. Kung hindi ko lang talaga kailangan ng pera para sa anak ko. Ay hindi ko tatanggapin ang alok niya."
"Naku Bebe A. Iba na iyan."
'Mama Ricky!"
"Wala akong sinabi," anito.
Nailing na lang si Atasha ng mapansin ng mapanuksong ngiti ni Mama Ricky. Ngunit wala naman talaga siyang maiipintas sa itsura at tindigan ni William. Sa ugali lang talaga. Rate one to ten. Baka naman five, dahil hindi sila nito pinabayaang magutom habang nasa ospital si Juaquim.
Mula sa kusina ay naglakad ng palapit sa kanila si Nanay Rosing. Bitbit ang tray na naglalaman ng meryenda nila.
"Meryenda muna."
"Salamat inay," ani Mama Ricky habang dumadampot ng mainit pang maruya.
Si Atasha naman ay binigyan ang anak.
"Thank you mommy."
"I love you anak."