Halos madapa si Atasha sa pagtakbo mula sa kama patungong banyo. Napakasama ng kanyang pakiramdam sa mga oras na iyon. Ilang araw na ring masama ang pakiramdam niya tuwing umaga. Nagsisimula na rin siyang nakakaranas ng pagduduwal pagkagising niya. Mula ng araw na iyon ay mahigit isang buwan na rin ang kanyang dinadala. Kaya nasisigurado niyang nagsisimula na ang kanyang paglilihi.
"Mommy," tawag sa kanya ni Juaquim. Hindi niya namalayang kasunod na pala niya ang anak sa mga oras na iyon.
Nanlulumo naman ang pakiramdam ni Atasha sa kaalamang nagising niya ang anak sa mahimbing nitong pagtulog dahil sa mabilis niyang pagbaba sa kama.
"A-ayos lang ako anak. M-matulog ka pa."
"Hindi na mommy. Okay lang po ako. Bakit po hindi na red ang lips mo? Masama po ba ang pakiramdam mo? Gusto mo po bang ikuha kita ng gamot?" Ilang beses na umiling si Atasha bilang sagot sa anak.
Muli ay nakaramdam na naman si Atasha ng pagduduwal. Kaya naman hindi na niya pinansin ang anak at muling humarap sa toilet at doon sumuka nang sumuka. Kahit wala naman siyang maisuka.
Parang matanda naman ang kanyang si Juaquim nang hinagod ng maliit nitong mga kamay ang likod niya. Matapos ang halos ilang minutong pagsusuka ay nakaramdam siya ng ginhawa. Ngunit hindi pa rin kayang tumayo ni Atasha. Kaya naman hinayaan muna niya ang sariling maupo sa sahig ng banyo ng ilan pang saglit.
Nang tuluyan ng mawala ang pagkahilo niya ay inaya na niya ang anak. "Salamat anak sa paghagod sa likuran ko. Ayos na ako kahit papaano. Sa kama na muna ako mauupo," ani Atasha at inakay na ang anak palabas ng banyo.
"Mommy ayos ka na po bang talaga? Sa totoo lang ilang umaga na kitang nakikita na masama palagi ang pakiramdam. Hindi lang po ako bumabangon. Dahil tinatabihan mo na ulit ako sa pagtulog pag nagigising na ako. Akala ko po ay normal lang iyon noon. Pero ngayon mas nagiging malala na. May malala ka po bang sakit? Umuwi na po kaya tayo kay Lola Rosing. Kahit po mahirap lang tayo at hindi gaanong masasarap ang pagkain. Hindi tulad dito sa bahay ni Tito William ay wala ka naman pong sakit. Pero nang dumating tayo dito, parang palagi ka na lang may sakit mommy. Umuwi na po tayo," naluluhang saad ni Juaquim. Kaya naman niyakap ni Atasha ang anak.
"Hindi ako maaaring umuwi kay nanay anak. Kawawa si Tito William. Walang magluluto ng pagkain niya, ganoon din sa maglilinis ng bahay at maglalaba ng damit niya ay wala."
"Pero paano ka po mommy. Palagi ka na lang may sakit," inosenteng saad ni Juaquim.
Hindi na napigilan ni Atasha ang maiyak sa sinabi ng anak. Kahit napaka-unfair sa kanya ng mundo. Kahit hindi siya mahal ng mga magulang at kahit hindi na niya nakausap ang kuya niya. Naroon ang kanyang anak na mahal na mahal siya.
Tama lang ang desisyon niyang piliing mag-isa at maghirap. Kapalit naman noon ay ang anak na labis-labis pa ang pagmamahal sa kanya na hindi niya naramdaman sa piling ng mga magulang. Dahil ang kanyang anak na ang nagpaparamdam ng pagmamahal na hindi niya naramdaman noon.
"Mommy," naiiyak na ring saad ni Juaquim.
"Anak huwag kang umiyak. Wala pong sakit si mommy. Iyong nararamdaman ko po ay normal lamang."
"Normal? Normal lang po ang nagsusuka?" Napangiti naman si Atasha sa kainosentehan ng anak.
"Hindi sa ganoon anak. Pagmalaki ka na ipapaliwanag ko rin iyon sa iyo. Kung maaalala mo pa ang panahong ito. Pero maniwala ka. Ayos lang si mommy. Isa pa maayos naman ako pag nakapagpahinga na ako. Bali ganito anak, naninibago siguro si mommy dahil sa air-conditioning," wika ni Atasha.
Hindi niya alam kung naiintindihan ng anak ang sinasabi niya. Pero matalino si Juaquim. Alam niyang kahit papaano ay mauunawaan nito ang sinasabi niya.
"Ganoon po ba mommy? Basta po palagi mo pong iingatan ang sarili mo. Kayo lang po ni Lola Rosing ang kasama ko. Mahal na mahal kita mommy at ayaw ko pong nasasaktan ka at nagkakasakit ka."
"Mahal na mahal din kita Juaquim. Maayos lang ang mommy anak. Pangako," ani Atasha at muling niyakap ang anak pahinga ng kama. "Idlip pa tayo ng saglit anak. Mamaya ng konte ako magluluto ng pagkain natin. Maagap pa naman."
"Okay po mommy. Hindi pa naman po ako nagugutom at inaantok pa po ulit ako," sagot ni Juaquim kasabay ng paghihikab.
Matapos ayusin ni Atasha ang pagkakakumot sa anak ay nakatulog ito kaagad. Siya man ay nakaramdam din kaagad ng antok.
Hindi pa naiilapat ni Atasha ang mga mata ng marinig niya ang marahang katok sa labas ng pinto. Ilang saglit pa at bumukas na rin iyon, kasunod ang pagpasok ni William at bihis na bihis na ito.
"Good morning, nagising ba kita?"
"Hindi naman, nagising kasi ako ng pagsusuka," sagot ni Atasha na ikinabahala ni William.
"Ayos ka lang ba? Gusto mo dalahin kita sa ospital?"
Kahit masama ang pakiramdam ni Atasha at nagawa niyang mapangiti sa ikinikilos ng lalaki.
"Parang oa. Relax, normal lang iyon sa babaeng buntis. Isa pa, mahigit isang buwan na rin ang sanggol sa sinaspupunan ko. Magsisimula na talagang sumama ang pakiramdam ko at magkaroon ng cravings."
"Pero sure ka bang okay ka lang talaga?" tanong muli ni William na ikinatango ni Atasha. "Hindi ka ba nahihirapan kay Juaquim? Pwede namang---."
"Hindi ako pumapayag. Akala ko ba, ayos lang sa iyo na kasama ko si Juaquim hanggang sa hindi pa nahahalata ang tiyan ko. Isa pa akala ko pwede kong makasama si Juaquim dito sa bahay mo ng hanggang pitong buwan. Hindi ko kayang malayo sa anak ko William. Pero dahil may usapan tayo tutupad ako hanggang sa ikapitong buwan lang dito si Juaquim. Wag mo namang ilayo kaagad sa akin ang anak ko. Kahit sabihin tatlong buwan lang iyon," naluluhang saad ni Atasha.
Hindi na rin niya napigilan ang pag-iyak. Kaya naman nag-unahan na rin ang kanyang mga luha.
"Ssh, relax Atasha. Baka naman makasama sa anak ko ang pag-iyak mo. Patapusin mo kaya akong magsalita bago ka magreklamo."
"Ano ba ang ibig mong sabihin kung hindi aalis dito si Juaquim? May iba pa ba?"
"Sabi ng makinig muna eh."
"Sorry."
"Ganyan, ala dragona na naman kaagad eh. Ibig ko sanang sabihin na, sa silid ko na lang muna kaya matulog si Juaquim pagnahihirapan kang matulog. Hindi ko naman pababayaan ang anak mo. Isa pa, hanggad ko pa rin na makapagpahinga ka ng maayos. Kailangan mo iyon para maalagaan mo ang anak ko."
Napabuntong-hininga na lang si Atasha. Kahit anong sabihin ni William. It's all about his son. Ang anak nitong dinadala niya.
"Sorry, akala ko kasi---."
"It's okay Atasha. Naiintindihan ko. Basta next time huwag muna puro pagtataray ang gawin ha. Makinig ka muna."
"Nagtatanong lang naman ako eh. Hindi naman ako nagtataray eh."
"Ayan mukhang nagsisimula ka na namang maging dragona. Pero sige na, hindi na kung hindi."
"Okay, sige pag hindi ako mapakali sa nararamdaman ko. Sasabihin ko sa iyo. Huwag mong pababayaan si Juaquim. Kahit pader lang ang pagitan ng tulugan natin. Hindi dapat mapapahamak ang anak ko."
"Oo naman, kung gusto mo at nahihirapan ka, kahit dito ako matulog sa sahig sa silid na ito. Maglatag na lang ako para may katabi si Juaquim. Kaya kong magtiis ng kahit na ano. Para lang sa anak kong dinadala mo."
"Ah. O-oo. Okay," ani Atasha na hindi malaman ang isasagot. Sa totoo lang naguguluhan siya sa sarili niyang nararamdaman. Mali talaga ang nararamdaman niya, gayong anak lang ni William ang mahalaga dito.
"Good."
"Nga pala bakit bihis ka na? Papasok ka na sa opisina? Bakit sobrang agap naman yata. Hindi pa kita naiipagluto ng breakfast mo," pag-iiba na lang ni Atasha ng usapan. Isa pa ay talagang dapat kanina pa niya iyong itatanong, pagkapasok pa lang nito ng silid na iyon.
Napangiti naman si William. "You sounds like a worried wife. Dahil hindi nakapagbreakfast ang mister niya. I like that."
"William!"
"Relax, sa ganoon ang mood mo ngayon eh. But seriously ipagpatuloy mo lang ang ganyang kalambing. Kahit moody ka, may kasweetan ka pa rin. Oops, baka mag-ala dragona ka na naman. Sa opisina na ako kakain. May breakfast meeting pala ako ngayong umaga. Kaya matulog lang kayo ni Juaquim. Pero pag nagising na kayo mamaya. Magluto ka at kumain na kayo. Pero pag hindi mo kayang magluto. Order ka na lang ng pagkain. Used this." Ipinakita naman ni William ang isang card kay Atasha at ipinatong sa bed side table na naroroon.
"Ano iyan?"
"Panggastos mo, pag may gusto kang kainin o bilhin."
"Kaltas sa sahod ko?"
"Hindi ah, nasa poder kita. Nasa poder ko kayong mag-ina. Kaya dapat lang na hindi ka magutom. Isa pa gamitin mo ito para makabili ng magugustuhan mo, kahit ano pa iyan. Huwag lang barko, yate o eroplano. Hindi kaya ng card na iyan. Bahay at lupa pwede," biro pa ni William. "But seriously, dahil dinadala mo ang anak ko. Kaya dapat lang alagaan kita at ibigay ko ang mga pangangailangan mo." Napatango na lang si Atasha.
Tama si William. She is a surrogate mother of his son. Nothing more, nothing less. Lahat ng pag-aalala at pag-aalaga na ipinapakita at ipinaparamdam sa kanya ni William ay dahil lang sa anak nito sa kanya. At hindi dahil kay Juaquim at hindi dahil sa kanya. Sa madaling salita, wala iyong kahulugan.
Kanina pa ngang ipinapamukha iyon ni William sa kanya. Nakakalimot naman siya kaagad. Lihim na lang siyang napabuntong-hininga.
"Ah sige salamat," naisagot na lang niya.
"Sige aalis na ako. Baka malate pa ako gawa ng trapik. Isa pa pala may gusto ka bang pasalubong? Baka may gustong kainin ang baby ko."
Natitigan naman ni Atasha si William ng mata sa mata. Parang tumalon ang puso niya sa tanong na iyon. Bakit pakiramdam niya ay para sa kanya ang tanong na iyon kahit hindi naman.
"Atasha."
"Ah ano, manggang hilaw. Tapos iyong burger ulit sana."
"Okay manggang hilaw at burger. Pasalamat ka buntis at ang burger na nais mo ay hindi iyong mabibili lang sa kung saan. Kasi kung hindi, bawal pa rin iyon sa iyo. Okay."
"Alam ko. Kaya nga gusto ko iyong kasi alam ko pwede iyon."
"Good. Sige na. Sleep, Atasha aalis na muna ako. Pag-uwi ko na lang ang pasalubong mo, hmm," ani William at hinintay pa niyang pumikit si Atasha.
Naramdaman na lang ni Atasha ang paghalik ni William sa kanyang noo at sa kanyang impis na tiyan, bago siya nito kinumutan. At tuluyan ng lumabas ng silid.
Muling nagmulat ng mga mata si Atasha ng lumapat ang pintuan ng silid. Gusto na lang ulit niyang umiyak. Hindi niya alam kung dala lang ba ng kanyang pagbubuntis ang kanyang nararamdaman. Pero sana ay ganoon na nga lang. Ayaw niyang masaktan na naman. Ayaw na niyang magmahal. Masaya na siya na mayroon siyang isang Juaquim.
"Pagsintang purorot lang iyan Atasha dahil buntis ka. Matulog ka na ulit at maagap pa," saway niya sa sarili at muling ipinikit ang mga mata.
Ngunit ilang saglit pa lang ay muli siyang nagmulat ng mga mata at tumingin sa kisame.
"Mali ang magmahal ng may sabit. Ngunit mali din magmahal ng ayaw magpasabit. Isabit ko siya eh," dagdag pa ni Atasha. "Tama, mali silang dalawa. Hay ang gulo mo. Matulog ka na. Dahil mamaya tanghali na," reklamo pa ni Atasha sa sarili.