BAKIT GANOON? Bakit sobrang lakas ng t***k ng puso ko? Hindi ko maintindihan. May sakit kaya ako sa puso at mamamatay na ako kaya ganito? Hala, ayaw ko pang mamatay! Marami pa akong pangarap para sa pamilya namin!
Dahil sa iniisip ko ay hindi ko na napigilan ang pagtulo ng luha ko kaya naman ay napatigil ako sa paglalakad. Masyado pa akong bata para mamatay nang dahil sa malakas na t***k ng puso ko. Nangangatal din nang bahagya ang labi ko dahil natatakot ako na baka lumabas sa katawan ko ang puso ko dahil sa lakas ng t***k nito.
Kapag nawalan ako ng puso ay tiyak na mamamatay ako, dahil ang sabi sa akin ng teacher ko ay ang puso raw namin ang source buhay namin.
Hindi ako maaaring mawalan ng puso! Hindi!
"Bakit ka tumigil? Anong mayroon?" tanong niya sa akin bago siya nagtungo sa harapan ko. "Umiiyak ka ba?" tanong niya pa sa akin kaya naman kaagad akong napaatras. Mas tumitindi ang t***k ng puso ko dahil sa paglapit niya sa akin.
Tama nga ang hinala ko. Mayroon siyang kakaibang kapangyarihan! Salbahe talaga siya!
"Hindi! Hindi ako umiiyak!" bulalas ko sa kan'ya bago ako humakbang paatras pero kamuntikan na akong sumubsob sa sahig, kung hindi lang niya ako nahawakan sa braso ko.
"Bakit nga?" Mukha siyang matured dahil sa paraan ng pagkakatanong niya sa akin. Punong-puno ng pag-aalala ang mga mata niyang nakatitig sa akin ngayon at hindi ko alam kung bakit, eh ngayon lang naman niya ako nakilala.
Hindi ba siya sanay makakita ng umiiyak na babae? Base sa ikinikilos niya ngayon, siguro ay hindi nga. Parang hindi siya mapakali, eh.
Nang matitigan ko ang mukha niya, doon ko lang na-realize na mukhang mas matanda pala siya sa akin. Akala ko lang ay ka-edad ko siya dahil sa ‘di hamak na mas makulit siya kaysa sa akin, pero hindi pala.
Isa pa, ngayong nakita ko na nang malapitan ang mukha niya ay nagbago ang pagtingin ko sa kan’ya. Mukha naman siyang mabait, pero hindi pa rin ako sigurado dahil sa panahon ngayon ay ang hirap nang magtiwala sa tao. Ganito pala ang pakiramdam ng may nag-aalala sa iyo?
Ganito siguro ang pakiramdam ng mayroong kaibigan?
"Ang... bilis ng t***k ng puso ko, mamamatay na yata ako," mahina kong bulong sa kan'ya habang hawak-hawak niya ako sa magkabilang braso ko. Napayuko tuloy ako nang makita ko ang pagkakatitig niya sa akin ngayon. "Hindi ako puwedeng mamatay kasi marami pa akong pangarap para kay mama at papa,” dagdag ko pang saad bago ako tuluyang humagulgol ng iyak na para bang inagawan ako ng isang dosenang candy.
Hindi ko siya gusto pero may nagsasabi sa akin na magiging mabait siyang kaibigan, kaya naman kahit na nag-aalangan ako ay niyakap ko siya, at kasabay no’n ay ang lalong pagbilis ng t***k ng puso ko na para bang desperada na itong makalabas mula sa katawan ko.
Mas lalo tuloy akong natakot kaya naman ay mas lalong napahigpit ang yakap ko sa kan’ya.
Matangkad siya kaysa sa akin kaya naman noong niyakap ko siya ay nasa dibdib niya lang ang ulo ko. Nararamdaman niya kaya ang mabilis na t***k ng puso ko? Baka ay natatakot na siya ngayon sa akin dahil doon. Nararamdaman ko kasi ang pagpa-panic niya ngayon at ang mahinang pagtawa niya. Ang weird lang talaga niya.
Hindi ko alam kung bakit niya ako tinatawanan. Naiinis na naman tuloy ako sa kan’ya. Gusto ko sanang bumitiw sa pagkakayakap pero natatakot pa rin ako.
“Sshh…” Pero ganoon pa man ay hinaplos niya nang bahagya ang likod ko na para bang pinapatahan niya ako sa pag-iyak. “Huwag kang matakot sa pagtibok ng puso mo. Alam mo kung bakit?”
Kumalas siya sa pagkakayakap sa akin bago niya hinawakan ang magkabilang pisngi ko na basang-basa na ng luha ngayon. Sinubukan kong takpan ang mukha ko gamit ang magkabilang kamay ko, pero umiling lang siya sa akin habang kagat-kagat niya ang pang-ibabang labi niya, tila ay natutuwa sa reaksiyon ko ngayon.
“B-Bakit?” nauutal ko pang tanong sa kan’ya.
“Dahil ‘yan ang senyales na buhay ka. Na humihinga ka. Na may kakayahan kang magmahal. Bakit? Kasi tumitibok iyan.” Hinawakan niya ang kamay ko at inilapat iyon sa dibdib niya kung nasaan ang puso niya. “Pakiramdaman mo ang akin. Malakas din ang t***k ng puso ko ngayon, pero hindi ako natatakot. Ito ang senyales na nagmamahal ako… na nagmamahal tayo.”
“Nagmamahal?” pag-uulit ko sa sinabi niya. “Mahal ko rin naman si mama at papa, pero hindi naman tumitibok nang ganito ang puso ko para sa kanila. Ibig bang sabihin nito ay mahal kita?” dagdag ko pang tanong sa kan’ya dahil hindi ko talaga alam ang nangyayari sa akin.
Imbes na sagutin niya ako ay tinawanan niya lang ako bago niya ginulo ang buhok ko.
“Malalaman mo rin iyan balang araw. Sa ngayon ay kumain na muna tayo.” Kumuha siya ng panyo sa bulsa niya at ipinunas niya iyon sa pisngi ko. “Huwag ka nang umiyak kasi lalo ka lang pumapangit.”
“Inaasar mo ba ako?!” singhal ko naman sa kan’ya na tinawanan lang niya. Binigyan niya ako ng panyo dahil hindi ko napansin na tumutulo na pala ang uhog ko.
“Hindi ka ba nandidiri?” nagtatakang tanong ko naman sa kan’ya bago ko kinuha ang panyo na ibinibigay niya. Hindi na ako nagdalawang isip at siningahan ko na iyon.
“Bakit naman ako mandidiri?” Napatingin ito sa akin kaya naman ay kaagad akong tumalikod. Ano ba ‘yon, kitang sumisinga ako, eh. “Normal lang naman ang magkasipon.”
Napatango ako. Sa bagay, may point naman siya roon.
“At seryoso ito, Nana. Kung darating man ang kamatayan para kuhain ka, hinding-hindi kita ibibigay sa kan’ya. Kaya huwag kang matakot, dahil simula ngayon ay palagi na akong nandito para sa iyo,” aniya sa isang seryosong tono.
Muli ay lumakas na naman ang t***k ng puso ko. Mukhang hindi na talaga kakalma ito.
“NOODLES LANG ANG LULUTUIN KO NGAYON KASI NANDITO KA. Hindi ka naman special para ipagluto kita ng masarap na ulam kaya naman magtiis ka riyan," malditang wika ko sa kan'ya habang naghahanap ako ng noodles sa lalagyan namin.
Ang alam ko ay mayroon pang noodles dito sa lalagyan, eh. Hindi kaya ay kinain na 'yon ni papa kaninang madaling araw bago siya pumasok sa trabaho? 'Di bale, puwede naman akong bumili ng bago. May bente pesos namang ibinigay si mama sa akin. Makakabili pa ako ng isa.
“Weh?” nagdududang tanong nito sa akin habang nakakrus ang dalawang kamay sa dibdib at nakapatong ang dalawang paa roon sa lamesa namin sa sala na para bang sa kan’ya ‘tong bahay namin. “Ang sabihin mo, ‘yan lang ang alam mong lutuin.”
Napatahimik ako dahil tama siya roon. Bukod sa mura lang ito at madaling lutuin, ito lang talaga ang luto na kaya ko kasi ipapakulo lang. Kapag itlog kasi, tumatalsik sa akin, eh.
“Eh ano naman kung ito lang ang kaya ko- Ano'ng ginagawa mo?!"
“Ako na ang magluluto ng ulam natin-” Napatigil siya nang makita na walang laman ang storage box namin kung saan kami naglalagay ng instant noodles at mga sardinas. “Walang laman?”
Hindi ko alam kung bakit pero bigla ko siyang tinulak papalayo sa storage box namin at kaagad kong tinakpan 'yon. Bigla akong nakaramdam ng hiya. Huhusgahan na ba niya kami dahil wala kaming ulam? Iiwan niya na ba ako mag-isa rito?
“Ano ba ‘yan! Bakit kasi bigla-bigla ka na lang nagbubukas mga gamit na hindi naman sa iyo? Umalis ka na nga!” bulalas ko sa kan'ya.
Nagpapasalamat ako sa sarili ko dahil hindi ako nautal. Naging matapang ulit ang boses ko at pakiramdam ko ay tumaas ulit ang pader na ginawa ko para sa sarili ko.
Napatingin siya sa akin na para bang naaawa siya kaya naman ay mas lalo akong nainis. Bakit siya naaawa sa akin? Ayoko ng kinakaawaan ako dahil mas lalo ko lang nararamdaman na mahirap lang kami. Bakit ba sila gan’yan?!
“Ikaw, bakit mo ako tinitingnan nang gan’yan? Gusto mo ba na tusukin ko ang mga mata mo?!” wika ko sa kan'ya bago ko ipinakita sa kan'ya ang hawak-hawak kong maliit na sandok.
"Ang sungit mo, ano?" Kahit na naiinis na ako ngayon sa kan'ya ay hindi niya ako pinapatulan. Ngumiti lang siya sa akin bago niya ipinagpatuloy ang sasabihin niya. “Sabi mo kanina ay hindi ako special, pero bakit sa akin mo lang ipinapakita ang gan’yang side mo? Ang cute lang.”
"Ha?" nagtataka ko namang tanong sa kan'ya. Ano ang ibig niyang sabihin na sa kan'ya ko lang ipinapakita ang ganitong side ko?
"Wala." Umiling siya habang nakangiti. "Ang sabi ko, ang cute mo."
Kanina niya pa ‘yan sinasabi. CD player ba siya?
“Cute… cute mo mukha mo.” Naramdaman ko na naman ang pamumula ng pisngi ko dahil palagi niyang sinasabi na cute ako.
Alam ko na pang-aasar lang niya 'yon sa akin pero ngayon lang kasi ako nasabihan ng ganoon. Hindi ako sanay. Wala naman kasi akong nakakausap sa school.
“Sandali lang," wika niya sa akin bago niya inayos ang sumbrero niya. "Aalis lang ako saglit. Babalik din ako kaagad.”
“Kahit huwag na," sagot ko naman sa kan'ya pabalik sabay irap pa sa kan'ya.
"Sigurado ka riyan?" tanong niya naman bago niya itinuro ang kamay ko na nakahawak pala nang mahigpit sa laylayan ng sando niya.
Kaagad ko namang binitawan ang damit niya dahil doon. Hindi ko napansin, eh!
"O-Oo nga! Alis na! Alis!" Ipinagkrus ko ang magkabilang kamay ko sa dibdib ko bago ako tumitig sa sahig.
"Hindi kita iiwan, kung 'yon ang iniisip mo." Napatingin ako sa kan'ya nang sabihin niya 'yon. May kakaiba akong naramdaman nang makita ko ang sincere niyang ngiti sa akin, at hindi ko alam kung ano iyon. "May kukuhain lang ako at babalik din ako kaagad. Pangako 'yon."