RFYH 2

1332 Words
“HALA, BAKIT NAMUMULA ANG MUKHA MO NA PARANG PATATAS? May sakit ka ba?” tanong niya sa akin bago niya hinawakan ang magkabilang pisngi ko gamit ang dalawang kamay niya. “Ang init mo! Baka naman kaya para kang tigre ngayon ay dahil may lagnat ka!” Pakiramdam ko tuloy ay hindi ako makahinga dahil ang lapit-lapit niya sa akin. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko, siguro ay may superpowers siya na kumukuha ng hangin kaya naman ay wala na akong malanghap na oxygen? Tama, baka ganoon nga! Kung ganoon ay isa siyang salbaheng tao dahil nangunguha siya ng hangin! “Wala akong sakit! Saka ano’ng patatas, hindi ba ay kamatis iyon?” nagtataka kong tanong sa kan’ya bago ko iwinaksi ang kamay niya sa pisngi ko, ngunit ‘yong kaliwang kamay lang niya ang tinanggal niya. Sa pagkakaalam ko ay hindi naman pula ang patatas. Dilaw ‘yon, hindi ba? Mali ba ako ng pagkakatanda? “Ay, oo nga, ‘no? Kamatis pala.” Napakamot pa siya sa ulo niya gamit ang kanang kamay niya habang ang kaliwang kamay naman niya ay nanatili pa rin na nakalapat sa pisngi ko. Sinisipat niya pa rin iyon at nakikita ko ang bawat pagkunot ng noo niya dahil siguro ay nararamdaman niya na mas umiinit ang mukha ko habang tumatagal. Hindi ko rin alam kung bakit, pero pakiramdam ko ay may dragon na pumasok sa katawan ko dahil sa sobrang lapit niya sa akin. “Nag-aalala ako sa iyo. Tawagan ko ba si mama ngayon para madala ka na namin sa ospital?” “Huwag!” kaagad ko namang bulalas sa kan’ya kaya napapitlag siya nang kaunti. “Abala si mama sa trabaho niya. Huwag natin siyang abalahin dahil ayos lang naman ako, saka t-teka, bitiwan mo nga ako!” naiinis kong sambit sa kan’ya bago ko tinanggal ‘yong kaliwang kamay niya na nakahawak sa kanang pisngi ko. Nakakainis! Hindi ko na alam kung bakit mas naiinis ako sa kan’ya ngayon. Feeling close kasi siya, eh! “P-Pumasok ka na muna roon sa loob. Pagagalitan ako ni mama kapag pinaalis kita bigla. Sumbungero ka pa naman,” dagdag ko pang sambit bago ako naglakad papasok sa loob ng bahay namin. “Mabuti at alam mo.” Kaagad akong lumingon sa kan’ya nang marinig ko ang pagbulong niya. Narinig ko naman kung ano ang binulong niya sa akin pero gusto ko lang i-confirm. Palayasin ko na lang kaya siya sa bahay namin ngayon at hayaan ko na lang na pagalitan ako ni mama? Pero, ayaw ko. Kung may tiwala si mama sa mama ng lalaking ito, ibig sabihin ay mapagkakatiwalaan talaga sila. Naniniwala ako sa mama ko at malaki ang tiwala ko sa kan’ya. Siguro ay titiisin ko na lang muna ang presensiya niya hanggang sa siya na mismo ang magsawa rito sa bahay namin at magkusa siyang umalis. Ganoon naman kasi ang ginagawa sa amin ng lahat. “May sinasabi ka?” tanong ko sa kan’ya habang nakapameywang at nakataas ang kanang kilay ko. “Wala,” nakangising sagot niya. “Ang sungit mo, ano? Parang baby tiger.” “Ano’ng sabi mo?!” Pakiramdam ko ay umuusok na ang ilong ko sa inis. “Ang sabi ko, para kang baby tiger.” At inulit pa talaga niya, ha! “Isa, dalawa, tatlo. Kapag hindi ka pa umalis, tatawag na ako ng pulis.” “Wow, rhyme!” natatawa pang tugon nito sa akin. Kaysa matakot siya sa akin ay mas lalo lang siyang napangiti na parang ewan, halatang hindi ako sineseryoso. Hindi ko maintindihan kung bakit parang nag-e-enjoy pa siya, eh ipinapakita ko na nga sa kan’ya nang harap-harapan na hindi ko siya gusto. Manhid ba siya o talagang wala lang siyang pakialam sa mundo? Sabi ni mama sa akin ay sobrang mature ko na raw mag-isip kumpara sa edad ko, at ang sabi naman ng mga kaklase ko ay masyado raw akong maldita kahit na bata pa lang ako kaya naman ay sigurado raw na wala akong magiging ibang kaibigan kapag lumaki na ako. Ang hindi nila alam ay hindi naman ako mature o kaya naman ay maldita. Sadyang tahimik lang ako at mas gusto kong mapag-isa kaysa makisalamuha sa ibang tao. Kapag nakikisalamuha kasi ako sa ibang tao ay nasasaktan lang ako. Nasasaktan lang ako na ginagawa ko ang lahat para gustuhin din nila akong kaibiganin katulad ng ibang bata sa school namin pero hindi pa rin pala sapat ang mga ginagawa ko. Palagi na lang may kulang. “Hindi sapat na ito lang ang ibinili mo para sa amin, Nana! Dapat ay dinamihan mo pa itong tsokolate!” “Ikaw ‘tong gustong makipagkaibigan sa amin tapos hindi mo man lang kami mabilihan ng maraming tsokolate?” “Tama nga ang sabi ni mama na dapat ay hindi ka namin kinakausap dahil mahirap lang daw kayo.” ‘Yong tsokolate na hindi nila tinanggap at itinapon nila sa harapan ko dahil mumurahin lang daw iyon, ‘yon lang din ang tsokolate na kaya kong ibigay sa kanila dahil ‘yon lang naman ang pera ko noong mga panahon na iyon. Ibinigay ni mama sa akin ang perang ‘yon para raw kahit papaano ay makabili ako ng meryenda sa school kapag nagugutom ako, pero dahil gusto ko sanang kaibiganin ang mga kaklase ko ay ginastos ko iyon para sa kanila. Pero hindi pala iyon sapat. Palagi na lang hindi sapat kaya naman ay hindi ko na lang ipinilit ang sarili ko sa kanila. Gusto ko kasi ng kaibigan. Naiinggit ako sa ibang mga bata dahil mayroon silang kasama kapag uuwi na sila sa kanila. Naiinggit ako kasi kapag matatapos ang klase ay maglalaro sila roon sa playground habang ako ay umuuwi na kaagad para makapaglinis na kaagad sa bahay, para naman mayroon na ring kakainin sina mama at papa pagkarating nila. Si papa ay nagtatrabaho bilang isang construction worker habang si mama naman ay nagtatrabaho bilang isang katulong sa isang bahay na malayo mula sa tinitirhan namin. Sabi ko nga sa kan’ya ay kahit isang beses sa isang linggo na lang niya ako bisitahin dahil marunong naman na ako sa gawaing bahay, pero ang sabi niya sa akin ay kailangan niya akong asikasuhin dahil bata pa raw ako. Sana ay lumaki na ako para ako naman ang mag-asikaso sa kanila, kaya lang ay masyado pang matagal ‘yon. Ilang taon pa ang lilipas. Sa edad kong ‘to ay napagtanto ko na kaagad na mahirap magkaroon ng kaibigan kapag mahirap ka lang. Kaya naman ay mas ginusto ko na lang na maging mag-isa, at itong lalaking ‘to, sigurado ako na kapag nakita niya kung gaano kami kahirap ay iiwan niya rin ako rito katulad nila. “Ano’ng iniisip mo?” tanong niya sa akin kaya naman ay nabalik ako sa reyalidad at napatingin ako sa kan’ya. “Ha? Ano nga ‘yon?” pagtatanong kong muli sa kan’ya. Iniiba ko ang topic. “May sinasabi ka ba?” “Wala nga. Ang sabi ko ay ang cute mo. Ilang beses ko pa ba uulitin?” tanong nito sa akin habang nakangiti. Ang… ang cute. Muli ay naramdaman ko na naman ang pamumula ng mukha ko na para bang umaakyat sa mukha ko ang lahat ng dugo ko sa katawan. Nakalimutan ko na tuloy ‘yong iniisip ko kanina. “T-Tigilan mo nga ‘yan!” Sinubukan ko namang gawing matapang ang boses ko pero hindi ko alam kung bakit palagi akong nauutal. Siguro ay ginagamitan na naman niya ako ng superpowers niya! “Sumunod ka na lang dito sa loob! Kung anu-ano pa ang sinasabi mo riyan!” sambit ko pa bago ako nagpatuloy sa paglalakad papunta sa kusina namin. “Ang cute talaga kahit mukhang tigre, hay,” rinig ko pang bulong niya bago siya sumunod dito sa loob. Hindi ko na lang siya pinansin dahil mas naririnig ko pa ang malakas na t***k ng puso ko ngayon kaysa sa bawat hakbang ng mga paa niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD