RFYH 1

1361 Words
“MAMA, HINDI KO PO SIYA GUSTO. Mukhang sasapakin niya lang ako, eh.” Iyan ang mariing sambit ko kay mama noong mayroong pumunta sa bahay namin na isang lalaki na sa unang tingin ko pa lang ay alam ko na kaagad na hindi ko magugustuhan. Alam ko na sa murang edad ko ngayon ay napaka-harsh ko na kaagad magsalita pero itong tipo ng lalaki kasi na nasa harapan ko ngayon ay parang sasapakin ako ano mang oras. Sa totoo lang kasi ay mukha siyang siga sa kanto na napadpad lang dito sa bahay namin. Mas tumaas pa ang kilay ko habang nakakrus ang kamay ko sa dibdib ko nang makita ko ang kabuuang suot nito. Puting sando, itim na shorts, at may suot-suot pa siyang white cap sa ulo niya na pabaliktad niya inilagay. Siga ba ‘tong isang ‘to? Siguro ay lalaking basagulero itong batang ito. No wonder. Ay, kung makapagsalita ako ay parang hindi ako bata, ah. Seven years old pa nga lang ako at sa tingin ko ay kaparehas ko lang siya ng edad. Paano ko nasabi? Wala lang. Feeling ko lang. “Tingnan mo mama, oh!” wika ko pa kay mama bago ko tinuro ang lalaki na nakatingin lang sa akin ngayon na para bang nagtataka siya dahil sa mga pinaggagagawa ko ngayon at kung bakit ko siya hinuhusgahan kahit na ngayon ko pa lang naman siya nakita. “Pakiramdam ko ay kakainin niya na ako nang buhay dahil sa tingin niya, eh!” Bigwasan ko kaya siya? Kung anu-ano ang sinasabi niya sa mama ko, eh. “Wala naman po akong ginagawa, mama!” wika niya pa bago niya ako sinulyapan. “Nananahimik po ako rito, oh.” Bakit nakikitawag ng mama ang isang ‘to? Aba, mama ko siya, eh! Tapos ay mama rin ang tawag niya sa mama ko? Pinanlakihan ko siya ng mata dahil parang pinamumukha niya pa akong masama sa sinabi niya, at itong isang ‘to naman, imbes na matakot siya sa akin ay ngumisi lang siya na para bang inaasar niya talaga ako lalo, pero noong lumingon si mama sa kan’ya ay kaagad na nawala ang pagngisi niya at pinalitan niya ito ng pagpapaawa niya. Sinasabi ko na nga ba! Mapagpanggap siya! “Mama, tingnan mo, oh! Inaaway niya ako!” pagsusumbong pa niya kay mama bago siya lumapit dito at… talagang kumapit pa siya sa braso ni mama, ah! Napairap tuloy ako kahit na nakatingin sa akin si mama ngayon. Nanlaki tuloy ang mga mata niya dahil sa ginawa ko. Bihira lang naman kasi ako magpakita ng kamalditahan ko, eh, pero dahil sa isang ito ay hindi ko maitago ang kasamaan ng ugali ko. Gutom pa naman ako kaya mas lalo akong nawawala sa mood! Sana man lang ay pinakain muna ako ni mama bago niya ipinakilala sa akin ang… ang balahurang ‘to! “Tama na ‘yan, Nana. Hindi kita tinuruang maging gan’yan,” pagsita sa akin ni mama sa isang mahinahong tono. kaya naman hindi ko na napigilan ang sarili ko at napairap na lang akong muli sa lalaking ‘to. “Tama na pag-aaway n’yong dalawa, ah. Ni hindi pa nga kayo nag-uusap ay nag-aaway na kayo. Paano kayo magiging magkaibigan niyan?” Umiling pa si mama pagkatapos niyang sabihin ‘yon. “Ayaw ko naman po siya maging kaibigan.” “Ayaw niya po akong kaibiganin.” Sabay naming sinambit iyan ng batang lalaki kaya naman ay tinaasan ko lang siya ng kilay, habang siya naman ay lalo pa akong ginagalit sa pamamagitan ng pagsasalita niya. “Mama, oh. Ayaw niya talaga akong maging kaibigan,” dagdag niya pang saad bago niya ako tinuro. “Nanggaling na sa mismong bibig niya.” Sa ngayon ay gusto kong ngatngatin ang daliri niyang nakaturo sa akin. “Bakit naman kita gugustuhing maging kaibigan, ha?” pagtataray ko sa kan’ya. “Mama, alam ko po na aasar-asarin mo na naman kaming dalawa na cute kami katulad doon sa iba kong mga kaklase. Hindi ko po siya magiging crush kahit na asarin n’yo pa po ako. Hindi talaga,” dagdag ko pang wika sa kan’ya habang nakakunot ang noo ko at nakakrus ang dalawang kamay ko sa dibdib ko. Sigurado roon sa sinabi ko. Hindi ako magkaka-crush sa kan’ya dahil una sa lahat ay hindi ko tipo ang mga kagaya niya. Kung magkakaroon man ako ng crush sa ngayon ay si Lee Min Ho lang muna iyon dahil ang cute niya at palagi niyang pinoprotekhan ang mga babaeng nakakatambal niya sa mga palabas. Ang mga gusto ko kasi ay responsable at mabait. Para silang superhero. “Ano ka ba, anak. Siyempre ay joke ko lang naman ‘yon kapag inaasar kita,” wika nito sa akin. Kinagat niya ang pang-ibabang labi niya para pigilan ang pagtawa niya na ikinakunot naman ng noo ko. Lumapit si Mama sa akin at hinalikan ako sa pisngi “Bata pa ang baby girl ko kaya naman ay hindi pa kita papayagan mag-boyfriend, okay? Sige, sa susunod ay hindi na kita aasari, okay? Joke lang naman ‘yon, eh,” dagdag niya pang wika kaya naman ay yumuko na lang ako habang pinipigilan ko ang sarili kong ngumiti. Alam talaga ni mama kung paano pagagandahin ang mood ko. “Okay po.” Tumango ako bago ako tumingin sa kan’ya. Nakaupo na kasi si mama ngayon sa harapan ko para maging magkapantay ang mukha namin. “Eh, bakit po siya nandito?” dagdag ko pang tanong. “Nandito siya para bantayan ka, anak.” “Po?” nagtatakang tanong ko habang nakataas ang isang kilay. Naging mannerism ko na ito kaya naman minsan ay napagkakamalan nilang maldita ako. “Pero kaya ko naman po ang sarili ko, mama. Isa pa ay nandiyan naman po sila aling Nena.” Ilang taon na akong mag-isa. Noong limang taong gulang ako ay natuto na kaagad ako na asikasuhin ang sarili ko dahil kailangan. Isa pa ay madalas din naman akong bantayan nila tita Nena, ang kapitbahay namin na mabait din sa akin. Kapag nale-late sila mama at papa ng uwi dahil sa kan’ya-kan’ya nilang trabaho ay pinapatuloy na muna nila ako sa kanila at pinapakain. “Umalis na sila kanina, anak. Hindi na nakapagpaalam ang ate Nena mo dahil nasa school ka pa kanina,” aniya bago itinuro ‘yong lalaki na nakatingin lang sa akin ngayon. Bakit kaya gustong-gusto niyang tinitingnan ako? Nakakairita siya. “At siya naman ang bago nating kapitbahay. Best friend ko ang mama niya mula noong elementarya pa lang kami kaya naman ay malaki ang tiwala ko rito kay Clyde.” “Buti ka pa po, mama. Malaki ang tiwala n'yo sa akin. ’Yong anak n’yo po kasi hindi, eh,” saad niya pa kaya sininghalan ko siya bigla na ikinagulat niya. Napahakbang tuloy siya paatras, natakot yata sa akin. Mas lalo tuloy akong nakaramdam ng tuwa. Ang duwag naman ng isang ‘to! "Hindi talaga." Nilakasan ko pa ang boses ko para marinig niya 'yong sinabi ko. "Ay siya, tama na nga 'yan at aalis na muna ako,” pagsingit ni mama sa usapan namin. “Clyde, bantayan mo muna itong si Nana, ha? Mainit lang talaga ang ulo niyan sa ngayon dahil hindi pa siya naghahapunan, pero kapag nakakain na 'yan ay magiging okay din 'yan," wika pa ni mama sa kan'ya kaya naman ay napasimangot ako. "Mama!" sita ko sa kan'ya. Kasi naman, eh! Hindi naman totoo 'yon, eh! Napahalukipkip na lang tuloy ako. "Joke lang, itong anak ko naman, sobrang sungit." Hinalikan niya ako sa noo bago siya nagpaalam. "Sige na, ha. Aalis na ako. Ang mga assignments mo, Nana. Huwag mong kakalimutan." "Opo, mama. Ingat po kayo," nakangiti kong wika sa kan'ya habang kumakaway-kaway ako. "Ingat po, mama! Aalagaan ko po ang tigre n'yong anak!" bulalas naman nitong Clyde raw ang pangalan kaya naman ay tiningnan ko siya nang masama. "Ano'ng sabi mo?" Kaagad na tumalim ang tingin ko noong nilingon ko siya. "Wala." Tumingin din siya sa akin pagkatapos no'n kaya naman ay nakaramdam ako ng... hala, ano ito? Bakit pakiramdam ko ay nag-iinit ang pisngi ko? "Ang sabi ko, ang cute mo."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD