Chapter Nine

3029 Words
“Ahh! Fake news lang pala! Tangina!” Naiinis na napapadyak ako sa sahig nang makita ko ang kinalabasan ng buhok ko kinabukasan. Simpleng pink ang nangyaring kulay ng buhok ko at hindi neon pink. Okay lang naman dahil bagay pa rin naman sa 'kin pero kainis pa rin. Naikulay ko na ang ganito dati, e. Gusto ko bago! Agad akong sumugod sa kwarto ni Boss Ashteroh pero wala siya ro'n. Agad ko namang pinuntahan sina Andeng sa sala. Naabutan ko silang naglilinis. “Friends, nasaan si boss?” tanong ko. “Wow! Ang ganda ng new hair color mo, Naths!” sabi ni Cam at humawak pa sa buhok ko. Napangiti naman ako at inikot-ikot ang buhok ko sa daliri ko. Siyempre naman, mga friends. Kahit palpak ang kulay, maganda pa rin ang kinalabasan sa hair ko. Ako na talaga! “Hehe, thank you next, bitch... Pero nasaan si boss? Nasa trabaho na ba siya agad?” tanong ko ulit. “Ahh, si Sir ba? Nandoon sa gym. Nag-e-exercise siya. Mukhang hindi yata siya papasok sa trabaho ngayon,” sabi ni Inday. “Gano'n ba? Sige, thank you, friends!” sabi ko na lang saka agad na nagtungo sa gym. Naabutan ko si boss na natakbo sa machine ginagawang takbuhan pang-exercise. Ano ngang tawag do'n? Tread milk? Basta 'yon! Nakasuot lang siya nang maluwag na sando at short habang pawisang natakbo sa running chuchu machine. Pasimple akong pumasok sa gym at umupo sa malapit na upuan. Parang gusto ko na lang panoorin si boss. Palagi ko siyang nakikitang nakahubad pero totoo talaga ang sinasabi ng iba tungkol sa kanya... yummy nga talaga siya. Napalingon siya sa direksyon ko. Itinigil n'ya rin ang machine saka lumapit sa akin. Kumuha siya ng towel na nakasabit sa upuang malapit sa 'kin at isinabit 'yon sa leeg n'ya. “Bakit ka nandito?” tanong n'ya saka nagtungo sa direksyon kung nasaan ang mga captain barbell. Umupo siya at kumuha ng maliit na captain barbell na pang isang kamay lang at binuhat buhat 'yon na parang magaan na papel. Napakagat ako sa loob ng pisngi ko at napatingin sa matipunong braso n'ya na nagalaw sa tuwing iaangat n'ya ang captain barbell. Tumayo ako at lumapit sa kanya. Napakunot naman ang noo ni boss habang sinusundan ng tingin ang bawat galaw ko. “Boss, mabigat ba 'yang captain barbell?” tanong ko saka itinuro iyon. “Bakit may captain pa? Barbell lang,” natatawang sabi n'ya. “Whatever... pero boss, mabigat ba 'yan?” tanong ko ulit. “Depende sa tao. Para sa 'kin hindi naman. Pero siguro kung para sa 'yo, medyo mabigat 'to,” sabi n'ya saka ibinaba na ang captain barbell. “Try ko, boss,” sabi ko saka hinawakan ang kapitan ng captain barbell. Natawa si boss habang pinapanood ako na sinusubukang iangat 'yon. Grabe. Ang bigat pala nito. Akala ko talaga malakas na 'ko bago ko nakilala si boss. Mukhang kailangan ko pang mag-ensayo. “Ay shet!” Isinuko ko na ang pagbuhat sa captain barbell at umupo sa upuan na nasa tapat ni boss. Nalimutan ko tuloy ang tunay na pakay ko. “Boss, tingnan mo naman ang nangyari sa buhok ko. Naging normal pink na lang siya!” reklamo ko saka itinuro ang buhok ko. Napatingin siya sa buhok ko. Naningkit ang mga mata n'ya saka marahang hinawakan 'yon. “Bagay pa rin naman sa 'yo,” matipid na sabi n'ya saka binitiwan ang buhok ko. Nagsimula na siyang magpunas ng pawis n'ya sa mukha at sa leeg... Ako na lang sana magpunas, hehe. “Thank you, boss. Alam ko naman na bagay sa 'kin,” sabi ko saka hinawi ang buhok ko. Napangisi na lang siya at pinunasan ang batok n'ya... Aaminin ko ng ang pogi talaga ni boss kahit anong gawin n'ya. Hindi na siya nakakatuwa. “Boss, hindi ka raw papasok sa work ngayon?” tanong ko. Tumango naman siya. “Why did you ask?” tanong n'ya. “Boss, mag-date kaya tayo?” tanong ko. Halata namang natigilan siya. Para-paraan lang 'yan, peoples. Ipinatong ni boss ang siko sa tuhod n'ya saka matiim na tumitig sa mukha ko. Napakurap na lang ako dahil ilang dipa na lang ang layo ng mukha namin sa isa't isa... Dagdag pa na titig na titig siya sa mukha ko. Tangina. Sana wala akong pimples ngayon. “That's why I didn't go to work... I want to go out with you today. I don't want you to get bored, Ma'am Nathalie,” anas n'ya habang nakatitig pa rin sa 'kin. Hindi ko masyadong naintindihan ang sinabi n'ya pero nagtayuan ang mga balahibo ko nang sabihin n'ya ang ‘Ma'am Nathalie’ “B-Boss, sarsgasm ba 'yan kasi lagi akong nagre-request sa 'yo?” nauutal na tanong ko. Bahagya siyang napangiti. “Hindi 'yon sarcasm... Balak talaga kitang yayain lumabas. Ayoko namang nabo-bored ka rito,” sabi n'ya saka pinitik ang noo ko. “Boss, tawagin mo nga ulit akong Ma'am Nathalie,” sabi ko saka ngumiti at nag-peace sign sa kanya. “Bakit?” tanong n'ya. “Nakaka-turning on, e. Sige na, boss,” pamimilit ko saka humawak sa braso n'ya. “Damn, you're so honest...” natatawang sabi n'ya. “...Ma'am Nathalie,” segunda pa n'ya. Natulala ako dahil ang pogi ng pagkakasabi n'ya no'n. Feeling ko nalaglag ang panty ko hanggang impyerno dahil sa kagwapuhan n'ya. Natigilan lang ako nang tumayo na siya saka bahagyang ginulo ang buhok ko. “Mag-ready ka na, Ma'am Nathalie. Aalis tayo maya-maya,” sabi ni boss saka agad na ring lumabas ng gym. OMG, peoples. * * * “Boss, saan tayo maglu-lunch?” tanong ko habang patingin-tingin sa mga gusaling nadadaanan namin. “Kung saan mo gusto,” sabi n'ya habang nasa daan pa rin ang tingin. Umayos ako ng upo at napahawak sa baba ko at matiim na nag-isip. Ano ba'ng paborito kong kainan? Marami, e. Kaso mga karinderya 'yon. Malamang hindi nakain si boss sa mga gano'ng lugar. “Ano ba'ng iniisip mo? Kakain ako kahit saan mo gusto,” biglang sabi ni boss. Hala! Nababasa n'ya ba ang iniisip ko? “Boss, na-miss ko kumain sa karinderya ni Aling Iska. Masarap mga pagkain no'n, promise. Pero kung ayaw mo, okay lang din naman,” agad na dugtong ko. “Okay lang, tanga. Saan ba 'yon? Pupuntahan natin,” sabi n'ya. Mukha namang okay lang sa kanya kaya itinuro ko kung saan 'yon. Mabilis din kaming nakarating do'n dahil hindi naman gano'ng kalayo 'yon. Bumaba na kami ng kotse matapos n'yang iparada 'yon sa gilid. Agad naman akong humawak sa braso n'ya at hinila siya papasok sa karinderya. Buti na lang at kaunti lang ang nakain sa loob. “Naths! Bakit ngayon ka na lang ulit napadaan dito?” bungad sa akin ni Aling Iska pagpasok ko. Napangisi ako at napahawak sa ilong ko. “Palagi pong busy ang magandang tulad ko,” sabi ko na lang at basta pinaupo si boss. “Boss, ano'ng gusto mong kainin?” tanong ko saka itinuro ang mga ulam na naka-display. “Kung ano 'yung sa 'yo,” sabi naman n'ya. K, fine. Lumapit na ako kay Aling Iska para um-order. Agad naman n'yang inilapit ang mukha sa akin saka bumulong. “Jowa mo ba 'yang poging foreigner?” bulong ni Aling Iska. “Ano ka ba naman, Aling Iska? Tingnan n'yo naman po siya, hindi po bagay ang tulad n'ya sa akin,” bulong ko. “Masyado po akong maganda para sa kanya,” dugtong ko naman. Natatawang napailing siya sa sinabi ko. “Loka loka ka pa rin talagang bata ka,” napapailing na sabi nito. Bumalik na lang ako sa pwesto namin ni boss saka umupo sa tapat n'ya. “Boss, saan tayo pupunta pagkatapos natin dito?” tanong ko. “Sa mga lugar na gusto mong puntahan,” sagot n'ya naman. Wow. Iba talaga pag rich kid. “Talaga, boss? Hindi ka magrereklamo?” paninigurado ko. Tumango na lang siya habang nakatitig sa 'kin... Napapansin ko na madalas siyang napapatitig sa akin nang ganyan. Parang gusto ko na tuloy mag-skin care row teens. Para naman makinis ang mukha ko kapag tinititigan n'ya ako nang ganyan. Dumating na ang order namin. Hindi ko maalis ang tingin ko kay boss habang nakain siya. Napapaisip ako kung bakit hindi siya nagrereklamo. Diba gano'n ang ibang mayayaman? Hindi nila ma-take kumain sa mga ganitong lugar. Pero si boss walang reaksyon, tuloy lang siya sa pagkain. “Naths!” Napapitlag ako at napapikit nang mariin nang marinig ko ang bwisit na boses na 'yon. Anak ng tinapa naman oh. Akala ko patay na ang lalaking 'to. Napakagat ako sa loob ng pisngi ko nang umupo si Bartie sa tabi ko at inakbayan ako. Naghiyawan naman ang mga tropa n'yang mababaho na tila kinakantyawan kami. Unti-unti namang nag-alisan ang mga tao sa karinderya. Takot kasi sila kay Bartie at sa mga tropa nito. Naghahari-harian ang mga gagong 'to rito, e. “Kaya ba paulit-ulit mo 'kong binabasted dahil sa kano na 'yan?” tanong ni Bartie saka ininguso si Ashteroh na malamig na nakatingin sa kanya. “Ano ba?! Bitiwan mo nga 'ko. Bibigwasan na talaga kita, e... Saka binabasted kita kasi hindi kita type! Ayoko sa lalaking puro kagaguhan ang alam!” asik ko at inalis ang pagkakaakbay n'ya sa 'kin. Tila nang-aasar na naghiyawan ang mga tropa n'ya. Mukha namang nainis si Bartie at muli akong inakbayan. Kumpara sa mga tropa ni Bartie, hindi naman gano'ng kasama ang mukha n'ya. Hindi ko lang talaga siya gusto dahil sobrang sahol ng ugali n'ya. Halos lahat yata ng babaeng makita n'ya, pinapatulan n'ya, e. “H'wag ka ng pakipot. Saka boypren mo ba talaga 'yang foreigner na 'yan? Nagkakaintindihan ba kayo? Hindi ka marunong mag-english, diba? Hindi rin kayo magkakaintindihan n'yan.” Napangisi siya. “Sa 'kin ka na lang, iwan mo na 'yan. Marami rin naman akong pera, e.” Pasimple kong pinatunog ang mga daliri ko. Mukhang kailangan ko ng itumba 'to. Mahihirapan ako dahil marami sila pero bahala na. Nangyari na rin naman 'to dati, e. Hindi ko sila naitumba lahat pero nakatakas naman ako. Akmang iaangat ko na ang kamao ko ngunit natigilan ako nang tumayo si Ashteroh. Itinukod n'ya ang isang kamay sa mesa saka hinawakan ang kamay ni Bartie na nasa balikat ko. Napahiyaw si Bartie nang baliin ni Ashteroh ang buto n'ya sa kamay gamit lang ang isang kamay nito... nang walang kahirap-hirap. Narinig ko pa ang pagtunog ng buto ni Bartie. Mukhang binali talaga ni boss ang buto n'ya sa kamay. Bahagyang napaatras ang mga tropa ni Bartie sa nangyari. Maski ako ay natigilan sa ginawa n'ya. Nagtayuan din ang mga balahibo ko sa malamig na tinging ibinibigay n'ya kay Bartie. Para bang handa siyang patayin ito ng walang pag-aalinlangan. “Kapag hindi mo pa inalis ang kamay mo kay Nathalie... may kalalagyan ka sa 'kin,” malamig na sabi ni boss habang nakatingin kay Bartie. Halata namang natakot si Bartie at agad na inalis ang pagkakaakbay sa 'kin. Panay pa rin ang daing n'ya at napahawak sa kamay n'yang nabalian ng buto. Agad naman silang umalis ng karinderya. Tila nakahinga ako nang maluwag. Akala ko talaga mahihirapan pa 'ko sa pakikipagbakbakan sa mga 'yon. Napatingin ako kay boss nang lumapit siya sa 'kin. Hinawakan n'ya ang kamay ko at nag-iwan ng isang libo sa mesa saka agad akong hinila paalis ng karinderya. Hindi na lang ako nagsalita at nagpatianod sa kanya dahil mukhang na-badtrip talaga siya. Akmang sasakay na kami sa kotse pero agad akong humawak sa braso n'ya para pigilan siya. Natigilan siya at napatingin sa akin. “Boss, galit ka pa ba? Uuwi na tayo? Hindi na ba tayo tutuloy?” sunod-sunod na tanong ko sa mahinang boses. Halata namang natigilan siya. Ang kaninang galit na ekspresyon n'ya ay tila nagbago. Kahit papa'no nawala ang kabang nararamdaman ko nang mukhang kumalma siya. “Saan mo gustong pumunta?” tanong n'ya sa malumanay na boses. Napangiti ako sa sinabi n'ya. Bahagya rin naman siyang napangiti at pinitik ang noo ko. Niyaya ko siya sa park. Narinig ka na may magkakantahan daw na maliit na banda ro'n mamaya. Saka mahilig din talaga ako tumambay sa mga gano'ng lugar at bumili ng mga strict food saka man-trip ng mga batang naglalaro. “Dito mo gustong pumunta?” tanong ni boss habang naglalakad-lakad na kami sa park. Tumingin ako sa kanya saka tumango. “Yes, boss. Halika!” Hinawakan ko ang kamay n'ya at hinila siya sa bilihan ng mga pagkain ng pets. “Pahingi ng pera, boss,” sabi ko saka inilahad ang kamay ko. Inabot n'ya ang buong wallet n'ya sa akin. “Bahala ka na,” sabi n'ya na lang. Agad kong binuksan ang wallet n'ya. Napakunot ang noo ko nang mapansing puro 500 at 1000 bills lang ang laman no'n. Wala ba siyang maliit-liit na halaga lang? Napakibit balikat na lang ako at kumuha ng isang libo saka muling binalik sa kanya ang wallet n'ya. “Pabili nga po, dog food. 'Yung palagi kong binibili,” sabi ko sa tindero. Napatango na lang siya dahil alam na n'ya 'yon. Pagkabili ko ng isang bag na dog food. Hinila ko na ulit si boss sa tambayan ng mga asong gala rito sa park. Hindi naman nagsasalita si boss at hinahayaan na lang ako. “Chuchuchu... Ito na, friends. Papakainin ko na kayo,” sabi ko saka inilagay sa kainan ng mga aso ang dog food. Ako pa ang nag-provide ng kainan at tubigan nila. Buti na lang hindi nawala. Sabagay, sino ba namang magnanakaw no'n? Naki-upo si Ashteroh sa tabi ko at pinanood akong magpakain ng mga aso. “Boss, may alam ka bang mapagkakatiwalaang animal shell there para sa mga asong 'to?” tanong ko saka nilingon siya. “Animal shelter? Oo, mahilig magpatayo ang isang kaibigan ko. Mapagkakatiwalaan siya. Pwede nating dalhin ang mga asong 'to sa kanya. Maaalagaan sila ro'n,” sabi n'ya habang nakatitig sa 'kin. Napangiti ako at sinuntok ang braso n'ya. “Wow, thank you, boss!” Umalis na kami ro'n pagkatapos kong pakainin ang mga aso. Namili kami ng kung ano-anong pagkain bago kami nagtungo sa paggaganapan ng kantahan mamaya. Gumagabi na kaya malamang magsisimula na 'yon maya maya. Excited na 'ko dahil mahilig akong manood ng mga gano'n kapag napunta ako rito. “Boss, upo tayo rito,” sabi ko saka hinila si Ashteroh paupo sa tabi ko. Marami-rami na ang taong nag-aabang. Mukha namang walang ideya si boss sa magaganap dahil patingin-tingin siya sa paligid. Maya-maya pa dumating na ang banda. Napapalakpak naman ang mga tao nang magsimula ng magpatugtog ang mga 'yon. “Wooh!” nakisigaw ako kasama ng mga tao. Napatingin ako kay boss na napapangiti na lang habang nakatingin sa 'kin. Napakunot ang noo ko at hinawakan ang kamay n'ya saka inangat 'yon. “Boss, maki-cheer ka rin!” sabi ko na lang. Nang matapos ang kanta, panay na ang request ng mga tao sa paligid ng pwedeng kantahin ng banda. Agad ko namang kinalabit si Ashteroh. “Boss, magpatugtog ka kaya ng gitara sa unahan. Pwede 'yon,” sabi ko sa kanya. Napakunot ang noo n'ya. “Ayoko.” Napaismid ako. “Sige na, boss. Ipakita mo ang talent mo sa kanila... para din kiligin ako.” Halatang natigilan siya sa sinabi ko. Saglit na napatitig siya sa akin saka napabuntonghininga. “Okay,” sabi na lang n'ya saka tumayo. Napapalakpak ako at napangiti nang malaki nang lumapit si boss sa stage at nakipag-usap sa vocalist. Nagtanguan naman ang mga miyembro ng banda at inabot sa kanya ang gitara. Bigla tuloy akong na-excite. Naghiyawan na ang mga tao nang magsimulang patugtugin ni boss ang gitara. Nagsimula na ring kumanta ang vocalist kasabay ng pagtugtog n'ya. Agad akong tumayo para i-cheer si boss. “Ang pogi nung naggi-gitara 'no.” “Oo nga. Sana single pa siya.” Napaismid na lang ako sa bulungan ng mga babae sa paligid. Nevermind you, peoples! “Wooh! Go, boss mapagmahal sakalam! The best you!” hiyaw ko at kumaway kaway pa. Napatingin si boss sa direksyon ko saka napapangiting umiling. Nako, h'wag siyang ngingiti nang ganyan. Lalong mapo-pogian sa kanya ang mga babae rito! Matagal ding nagpatugtog si boss sa unahan. Matapos ang tugtugan session, umalis na rin ang banda at ang mga tao... Agad din naman akong nagyaya pauwi dahil mukhang pagod na si Boss Ashteroh. “Boss...” Natigilan siya sa paglalakad papasok sa mansyon nang tawagin ko siya. Agad siyang humarap sa 'kin. “Hmm?” tanong n'ya. “Bakit ang bait mo?” tanong ko habang seryosong nakatitig sa mga mata n'ya. Ibang iba siya sa inaakala ko. Hindi siya ganito noong una ko siyang nakilala. “Hindi ako mabait, Nathalie. Hindi ako ganito sa ibang tao.” Naglakad siya papalapit sa 'kin. “Sa 'yo lang ako mabait,” dagdag pa n'ya. Napalunok ako dahil bigla na lang akong nakaramdam ng kakaiba sa tiyan ko... Nagkagusto na ako sa ibang lalaki noon kaya alam ko ang pakiramdam na 'to... pero mukhang mas malakas ang pakiramdam na ibinibigay sa 'kin ni Ashteroh kaysa sa mga unang nagustuhan ko. “B-Bakit ka mabait sa 'kin?” tanong ko habang nakikipaglabanan pa rin ng titig sa kanya. “Mukhang hindi tumatalab sa 'yo ang kasabihang action speaks louder than words.” Bahagya siyang natawa. Napapitlag ako nang marahan n'yang hawakan ang pisngi ko. Napabuntonghininga siya saka inilapit ang mukha sa akin at dinampian nang magaan na halik ang pisngi ko. Agad na nanlaki ang mga mata ko kasabay ng paghuhuramentado ng puso ko... Tumitig sa akin si Ashteroh. Para bang wala na siyang ibang nakikita sa mga oras na 'to kundi ako lang. “Gusto kita, Nathalie.” Napalunok ako sa sinabi n'ya. Tila hindi agad 'yon nagproseso sa isip ko. “Ahh, g-gano'n ba? Gusto rin kita, boss. Gusto ko rin si Andeng, si Inday, si Cam, si Aling Iska, si--” agad n'yang pinutol ang sasabihin ko. “Gusto kita, Nathalie... Gusto kitang yakapin, gusto kitang halikan, gusto kitang ligawan... gusto kitang maging girlfriend... Iyon ang ibig kong sabihin.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD