Chapter One
Nathalie Mariano
“Tanginang buhok 'yan, Naths!”
Napairap na lang ako nang marinig ang malutong na mura ni Kenan Toth, Ken for short.
“Tangina mo rin, Kenan Toth! Ano na naman bang problema mo sa buhok ko?” nakapamaywang na tanong ko saka pinakyuhan siya.
“Nakakairita 'yang buhok mo! Ginawa mo ng coloring book!” reklamo ni Ken. Napaismid na lang ako.
“Nakakairita rin naman 'yang mukha mo, e. Nagreklamo ba ako?!” asik ko at inambahan siya ng suntok.
Pinakulayan ko kasi ng rainbow 'tong buhok ko kasi trip ko lang.
“Saka hindi pa ba kayo sanay sa 'kin? Laging may kulay ang buhok ko. Kulang na nga lang pati public hair ko pakulayan ko rin, e,” sabi ko saka hinawi ang color pool hair ko.
“Pubic hair 'yon, Naths. Hindi public hair,” pagtatama ni Chinu Fah sa sinabi ko saka inayos ang salamin n'ya sa mata.
“Tangina, basta parehas lang 'yon,” sabi ko na lang saka kinuha ang iniinom na soft drinks ni Ken saka ininom 'yon.
“Bobo ka talaga, Nathalie. Masyadong agaw atensyon 'yang buhok mo. Paano kapag hinahabol tayo ng mga pulis, edi kita agad 'yang buhok mo,” panenermon ni Kuyu Coat.
Wala talagang apelyido si Kuyu Coat. Dinagdagan lang namin ng Coat 'yung pangalan n'ya kasi lagi siyang naka-coat. Kahit tirik na tirik 'yung araw naka-coat pa rin siya. Siraulong Kuyu Coat.
“Tanga, ako ang pinakamagaling magnakaw sa 'tin. Lahat nga kayo muntik na mahuli maliban sa 'kin. Saka uso 'yung sumbrero, 'no," sabi ko na lang saka itinapat sa 'kin ang electric fan.
Putang kainit talaga rito. Magnakaw kaya ako ng aircon sa mall mamaya?
“Nga pala, nasaan si Gina?” tanong ko nang mapansing wala si Gina Cool.
“Nandoon pa sa hotel diyan sa malapit, may inuuto siyang mayamang lalaki ngayon,” sabi ni Kuyu saka inagaw ang electric fan sa akin.
“Iba talaga ang alindog ni Gina. Mang-akit na lang din kaya ako ng mayayaman,” nakangising sabi ko saka pinaikot ang makulay kong buhok sa daliri ko.
“Walang tangang maaakit sa 'yo. Tingnan mo naman ang hitsura mo, mukha ka pang lakaki kaysa sa 'min, e.” pambabara sa 'kin ni Chinu.
Napatingin ako sa sarili ko. Nakasuot ako ng baggy pants at malaking t-shirt. Ano namang masama sa suot ko? Tangina talaga ng mga 'to, ang sasama ng ugali.
“Ewan ko sa inyo, ang papanget n'yo. Labas muna 'ko para magpahangin. Ife-flex ko na rin 'tong buhok ko sa mga kapit-bahay,” nakangising sabi ko saka lumabas ng headquarters kuno naming mga magnanakaw rito sa looban.
Shit, headquarters daw... Gumagaling na talaga ako sa english. It's me na talaga.
Agad na bumungad sa 'kin ang maiingay na tao paglabas ko. Iba't ibang klase ang mga tao rito sa looban namin. Ang tawag ng iba rito sa lugar, tirahan ng mga napariwara sa buhay. Wala ngang nagtatangka pumunta rito maliban sa amin na dito na halos lumaki. Ang tingin ng iba sa lugar namin, tambayan ng mga adik at kriminal... pero hindi naman lahat.
Kami lang ng mga kasamahan kong magnanakaw ang kriminal dito. 'Yung mga kapit-bahay nadadamay lang sa dumi ng pangalan namin. Tambayan ang lugar na 'to ng mga inabandona, iniwan ng pamilya, pinabayaan, may mga sakit, lasenggo, may problema sa pag-iisip at kung ano-ano pa.
Para sa 'kin, pamilya ko na ang mga tao rito. Nagnanakaw ako hindi lang para sa sarili ko kundi para na rin sa mga tao rito. Alam kong alam nilang magnanakaw kami ng mga kasamahan ko. Hindi sila tanga at alam nilang hindi naman kami mayayaman para magkaroon ng maraming pera at kung ano-ano. Alam nila na sa marumi galing ang itinutulong namin sa kanila pero hindi na nila pinapansin 'yon.
Hindi ko naman sinasabi na mabuti ang ginagawa namin, wala na rin naman kaming pakialam. Ang mahalaga lang sa 'min makakain ng sapat. Wala na 'kong pakialam sa tama o mali. Walang pagpipilian ang mga gaya namin sa mundo... Kung meron man, ito na ang landas na pinili namin dahil hindi patas ang mundo sa amin.
“Ate Naths! Ang ganda ng buhok mo! Parang coloring book!”
Napaismid ako sa sinabi ng batang si Putotoy, Putots for short. Pinaglihi kasi siya sa puto ng nanay n'ya.
“Manahimik kayo mga bata, wala kayong alam sa passion.” Hinawi ko ang buhok ko.
“Ate Naths, fashion po 'yon, hindi passion,” pagtatama ng batang si Girlie sa sinabi ko.
Anak ng tinapang mga bata 'to... Mas matalino pa sila sa 'kin. Sarap nilang ihagis sa labas.
“Teka nga, nag-aaral ba kayo nang mabuti mga bata?” tanong ko nang pagkaguluhan na 'ko ng madudungis na bata rito sa looban.
“Opo, Ate Naths! Sabi nga pala ni Nanay, thank you raw po sa mga gamit sa school na binigay n'yo sa 'min,” sabi ni Putots.
"Walang anuman... basta mag-aral kayo nang mabuti at h'wag munang mag-jowa. Aba, h'wag n'yo kong unahan sa ganyang bagay, maiinggit ako.” Napaismid ako.
Nagtawanan naman sila sa sinabi ko. Napangiti na lang ako at pinagbabatukan sila. Ganito talaga ako maglambing sa kanila. Minsan nga binibitin ko sila ng patiwarik kapag naku-kyutan ako sa kanila.
“Nathalie! Salamat binigay mong pera para sa pagpapagamot ni tatay!” hiyaw naman ng isang kapit-bahay.
Napangisi na lang ako. “Walang anuman, pare. Basta tigilan n'ya na ang kakainom, badtrip siya ha.”
Pagkatapos kong kumustahin halos lahat ng tao rito, bumalik na 'ko sa amin. Abandonadong building ang lungga namin. Doon kami nakatira, nagpa-plano, nandoon din ang mga gamit namin sa pagnanakaw pati ang mga nanakaw namin.
Naabutan ko na nandoon na si Gina, pati na rin ang taga-balita ng grupo namin na si Cheese Moza. Si Cheese ang nagbibigay sa 'min ng mga impormasyon sa susunod naming target. Realable kasi ang source n'ya lagi.
Realable ba 'yon? Relieble? Ah, basta 'yon.
“Sakto, nandito na si Nathalie,” sabi ni Gina saka humithit sa yosi n'ya. Binugahan pa ko ng usok ng loka nang tumabi ako sa kanya.
“Papakain ko sa 'yo 'yang sigarilyo mo, makita mo,” pananakot ko sa kanya.
“Ops, tama na muna 'yan,” pananaway sa 'min ni Chinu.
Marami kaming magnanakaw rito, siguro lagpas sampu rin kami. Si Chinu Fah ang tumatayong leader namin dahil siya ang pinakamatalino sa 'min, magaling din siya sa mga computer at mang-hack ng kung ano-ano. Si Gina Cool ang magaling mang-akit ng mga biktima namin, ayaw ko man aminin eh maganda naman kasi talaga siya at malaki pa 'yung boobs. Si Kenan Toth ang pinakamalakas sa 'min, mahalaga siya sa grupo kasi kaya n'yang magpatumba ng mahigit sampung tao kapag sumasabit kami. Si Kuyu Coat naman ang pinakamagaling magbukas ng kung ano-ano rito. Kahit yata gaano katindi ang lock ng pinto, kaya n'yang buksan.
Ako naman, masasabi kong ako ang may pinakamabilis na kamay rito. In short, ako ang pinakamagaling magnakaw. Bukod sa mabilis ako kumilos, tahimik din ako sumugod. Pinag-iisipan ko munang maigi ang kilos ko bago tumirada. Sa pagnanakaw lang yata talaga ako matalino.
“Malala na 'yung lagay ni Pacing. Kailangan na talagang madala sa ospital,” sabi ni Chinu saka napabuntonghininga.
Napakagat ako sa kuko ko. Isa sa mga kapit-bahay namin si Pacing, meron siyang leukemia. Nakita ko nga si Pacing kanina at mukhang mahina na talaga siya. Hindi naman namin siya agad madala sa ospital kasi dumidiskarte pa kami.
“Kailangan natin ng big time na biktima. Ayokong mawala si Pacing, isa siya sa pamilya ko,” sabi ko na lang saka hinawi ang buhok ko.
“Alam namin 'yang nararamdaman mo. Kaya nga nandito tayo para pag-usapan 'to, e. Kailangan na nating matulungan si Pacing pati na rin 'yung ibang may sakit dito,” sabi naman ni Kuyu.
Hindi man kami magkakadugo, pamilya na ang turing namin sa mga nakatira dito, gano'n din naman sila sa amin. Kaya palagi ko silang tinutulungan sa abot ng makakaya ko, gano'n din naman sina Chinu. Mahalaga rin para sa kanila ang mga tao rito. Halos dito na kasi kami lahat lumaki.
Hindi ko na maalala kung kailan ako iniwan ng mga magulang ko rito. Sa totoo lang hindi ko na rin maalala ang mga mukha nila. Wala na rin naman akong pakialam. Iniba ko na lang ang pangalan ko dahil ayoko na ng kahit anong ugnayan sa kanila. Inabandona nila ako kaya hindi na nila ako anak.
Ang mga tao rito ang totoong pamilya ko.
“Kilala n'yo ba si Ashteroh Alexeev?” tanong ni Cheese sa amin.
“Aba, malay namin kung sino 'yan,” sabi ko na lang at ipinatong ang paa ko sa mesa.
“Tanga ka, sobrang yaman no'n. May ari siya ng jewelry company, sabi sa reliable source ko na maraming mamahaling alahas at pera sa mansyon no'n... at ito pa.” Lumapit pa lalo sa 'min si Cheese. “Matandang uugod ugod na raw 'yon. Hindi kasi nagpapakita 'yon sa media, e. Pero marami na ang nakakita sa kanya at matanda na raw talaga siya. Konti lang din guards no'n sa mansyon kaya malamang kayang kaya n'yo 'yon... at ito ikatutuwa n'yo talaga, may blueprint ako ng mansyon n'ya. Kaya mapag-aaralan n'yong maigi kung paano natin papasukin ang mansyon n'ya,” dagdag pa ni Cheese.
Napangisi ako. “Mukhang tiba tiba tayo sa Ashteroh Alexeev na 'yon, ah.”
“Malamang, siya ang pinakabig time sa lahat ng nanakawan natin... Sobrang yaman ng taong 'yon, Naths. Literal na nalulunod sa pera ang matandang 'yon,” sabi ni Cheese at napapalakpak pa.
Napatingin ako kay Chinu na tahimik habang nakatitig sa kung saan. Kapag ganyan ang hitsura n'ya, malamang malalim ang iniisip n'ya.
“Chinu, ano na?” tanong ni Ken.
“Hindi ba tayo sasabit diyan? Masyadong perpektong biktima ang Ashteroh Alexeev na 'yon. Malamang marami na rin ang nagtangkang nakawan siya. Pag-isipan muna nating maigi,” sabi ni Chinu.
“Wala na tayong ibang pagpipilian. Kailangan na nating mapagamot si Pacing. Saka gaya na lang ng dating gawi, kapag sumabit tayo, iwan n'yo 'ko at akong bahala. Lahat naman natatakasan ko, e. Basta dalhin n'yo lang 'yung mananakaw natin dahil 'yon ang mahalaga,” sabi ko na lang.
“Oo nga, itong babaeng 'to ang pinakamagaling sa 'tin sa ganyan. Wala pang nakahuli rito,” sabi naman ni Gina saka inakbayan ako.
Kung talagang sasabit man kami, magpapaiwan ako kapag nangyari 'yon. Hindi ko lang pinapahalata kina Chinu pero pamilya rin sila sa 'kin. Saka kahit makulong man ako o ano, alam ko namang hindi nila papabayaan ang mga taga-rito.
“Sige, magsisimula tayo mamayang gabi. Sa ngayon pag-aaralan natin ang blueprint,” sabi na lang ni Chinu.
Halos buong araw kaming nagplano. Nahahalata ko kay Chinu na medyo hindi pa rin siya kampante sa magiging biktima namin ngayon pero desperado na rin siya. Ayaw naming mawala si Pacing kaya kailangan talaga naming gawin 'to.
“Huy, Naths. Suot mo 'tong bonet na 'to. Takpan mo nang maigi 'yang buhok mo,” sabi ni Ken saka hinagis sa 'kin ang bonet. Napaismid na lang ako.
Nang sumapit ang gabi, naghanda na kami. Kapag nanakawan namin ang Ashteroh Alexeev na 'yon, siguradong iyon ang pinakasaganang mananakaw namin. Kaya hindi kami pwedeng sumabit dito.
Sumakay na kami sa lumang van namin saka nagtungo na sa address ng mansyon ni Ashteroh Alexeev. Buti na lang at walang masyadong nakatira sa tinutuluyan ng taong 'yon. Bawas sabit kapag gano'n.
“Alam n'yo na 'yung plano. Ken, ikaw ang bantay sa labas. Signal-an mo na lang kami kapag may napansin kang kakaiba. Kapag may nakakita sa 'yo, magtago ka pero labanan mo na kapag wala ka ng choice. Gina, bantay ka sa loob ng mansyon. Si Kuyu ang magbubukas ng mga pinto kaya kasama namin siya. Cheese, sasama ka sa 'min ni Naths sa pagpasok sa loob. Kailangan masibat natin ang mga alahas at pera ni Alexeev kaya bawal ang sumabit... pero kung sakaling magkaproblema, gagawin natin ang dating gawi gaya ng sabi ni Naths. Iiwan natin siya at mauuna tayo...” Tumingin sa 'kin si Chinu. “Mag-iingat ka, Nathalie. Alam naming magaling ka pero hindi natin masasabi ang sitwasyon.”
Napatango na lang ako sa sinabi n'ya. “Alam ko 'yan. Halika na, sibat na tayo ng matapos na 'to,” sabi ko na lang saka sinuot ang pangharang sa mukha ko. Mata lang namin ang kita sa suot naming mask.
Iniwan namin ang van sa malayo-layo sa mansyon ni Ashteroh Alexeev. Gaya ng nasa blueprint ni Cheese mukhang marami nga talagang blind spot sa mansyon na 'to. Kaunti nga lang din ang guard at sa harapang gate lang sila nakabantay, pero hindi dapat kami makampante.
Nagsenyasan na kami. Nagpaiwan na si Ken sa labas. Inakyat naman naming natira ang mataas na gate. Sisiw na lang sa 'min 'to. Kahit pa siguro abot langit ang taas ng gate, kaya naming akyatin.
Napaawang ang labi ko nang makita namg malapitan ang mansyon ng Ashteroh Alexeev na 'yon. Mukhang ubod nga sa yaman ng matandang 'yon.
Pasensya na pero hihingi lang kami nang kaunting biyaya sa 'yo Ashteroh Alexeev, kung sino ka man.
Pumasok na kami nina Chinu, Cheese, at Kuyu. Sisiw lang din kay Kuyu ang pagbubukas ng mga pinto. Agad na kaming pumasok sa mansyon. Napangiwi ako nang mapansing madilim sa paligid. Takot ba sa liwanag ang Ashteroh na 'yon? Buti na lang talaga malakas ang mga mata ko kahit sa dilim, sanay na siguro.
“Naths, doon ka sa second floor gaya ng plano. Sa first floor kami at didiretso agad sa jewelry room,” bulong ni Chinu.
Tumango ako at agad na kumilos papuntang second floor. Nandito raw ang kwarto ng matanda. Malamang mas maraming tinatagong kayamanan ang Ashteroh na 'yon sa kwarto n'ya. Gano'n karamihan ang mayayamang nanakawan namin, e.
Natigilan ako nang makakita ng malaking pinto. Sa tingin ko ito ang kwarto ng Ashteroh Alexeev na 'yon. Sinubukan kong buksan ang pinto. Hindi ako kasing galing ni Kuyu pero kaya ko ring magbukas ng mga lock.
Napasuntok ako sa hangin nang bumukas ang pinto. Dahan dahan kong binuksan 'yon at pumasok sa loob. Madilim sa silid at mukhang walang tao... pero nakakarinig ako ng tunog ng tubig mula sa isang pinto.
Mukhang naliligo ang Ashteroh Alexeev na 'yon.
Hindi na 'ko nag-aksaya ng pagkakataon at nilibot ang kwarto n'ya. Kailangan kong bilisan sa abot ng makakaya ko. Kapag lumabas ang matanda, papatulugin ko na lang siya nang very light. Magnanakaw ako pero ayoko namang nananakit pero wala na 'kong choice.
“Tangina, bakit walang nakatago rito sa kwarto n'ya?” naiinis na bulong ko.
“Naths, walang laman ang jewelry room. Mukhang naisahan tayo ng matandang 'yon,” sabi ni Chinu sa kabilang linya. Napabuga ako ng hangin.
“Alis na tayo kung wala tayong mapapala rito,” sabi ko na lang.
“Hoy, tumakas na kayo. Kumikilos ang mga guard dito. Mukhang natunugan tayo ng mga 'to,” sabi naman ni Ken.
Sumang-ayon na kaming lahat. Akmang magtutungo na 'ko sa pinto para lumabas nang biglang bumukas ang ilaw sa silid. Agad akong napalingon nang mapansin kong hindi na natunog ang tubig.
Nanlaki ang mga mata ko nang may makitang matangkad na lalaki na lumabas mula sa banyo. Akmang didiretso na 'ko sa pinto ngunit gano'n na lang ang gulat ko nang kusang sumara 'yon. Agad naman akong nagtago sa gilid ng malaking cabinet.
Putangina, mukhang hindi basta basta ang mansyon ng matandang 'yon! Tanginang technology 'yan.
“Naths, nasaan ka na? Ba't wala ka pa rito?” tanong nina Kuyu.
Napalunok ako. “Mauna na kayong tumakas, susunod na lang ako. Medyo sumabit,” sabi ko saka napangiwi.
“Sumunod ka ha. Didiretso na kami sa atin. H'wag kang magpapahuli, naiintindihan mo?” narinig kong sabi ni Gina. Tumango na lang ako kahit hindi naman nila ako nakikita ngayon.
Pasimple akong sumilip sa lalaki ngunit gano'n na lang ang gulat ko nang nasa tapat ko na siya. Napasinghap ako nang basta na lang nito hinila ang damit ko at itinulak ako paalis sa pinagtataguan ko. Napaigik na lang ako nang sumubsob ako sa sahig.
Imposible, wala akong narinig na pagkilos mula sa kanya kanina. Wala pang nakalagpas na ganito sa 'kin noon.
Napatingin ako sa lalaki. Mukhang mahihirapan akong patumbahin 'to dahil matangkad at medyo malaki ang katawan, wala siyang damit pang-itaas at tanging towel lang ang nakabalot sa ibabang parte ng katawan n'ya. Mukha ring hindi siya pinoy dahil blond ang buhok n'ya.
Tumayo naman agad ako at akmang susugurin siya ng suntok pero agad n'yang nasalo ang kamao ko, nang walang kahirap-hirap. Sinubukan kong bawiin ang kamao ko mula sa kanya pero masyadong mahigpit ang pagkakawak n'ya ro'n.
“My, my... look what we have here... a woman, huh,” sabi nito sa matigas na ingles.
Sinubukan kong suntukin siya gamit ang isa ko pang kamay ngunit agad n'ya ring nahawakan 'yon. Napaigik na lang ako nang sipain n'ya ang tuhod ko dahilan para mapaupo ako sa sahig... nang walang kalaban-laban.
Tangina, mukhang iba yata ang isang 'to sa mga pinatumba ko noon.
Nanlaki ang mga mata ko nang malaglag ang towel n'ya. Tila wala naman siyang pakialam do'n at malamig na nakatitig lang sa 'kin.
Ngayon lang yata naghuramentado nang ganito ang puso ko sa kaba sa pagnanakaw. Halos hindi na 'ko makatayo dahil sa panginginig ng mga tuhod ko, idagdag na ang sakit ng pagsipa n'ya ro'n. Pinagpapawisan na 'ko nang malamig. Mukhang mahihirapan ako tumakas dito... o baka nga hindi na ako makatakas.
Napatingin ako sa kanya. Ngayon ko lang nagawang napag-aralan ang mukha n'ya. Mukha talagang walang bahid ng pagiging pinoy sa mukha n'ya. Kulay brown ang mga mata n'ya, makapal ang kilay, matangos ang ilong, maganda ang hugis ng mukha, sakto lang ang kapal ng labi, at talagang makalaglag panty ang tingin... in short, ubod n'ya ng gwapo...
...at malaki rin ang etits n'ya.