Past
LYKA
NAGMAMADALI akong bumaba ng hagdan dahil ayokong ma-late sa klase. Magko-commute lang kasi ako ngayong araw dahil maagang umalis sina Nanay Matilda at ang stepfather ko na si Daddy Arman para sa importanteng lakad. Kapag normal na araw naman, isinasabay ako ni Daddy sa pagpasok niya sa office.
Isa nga pala nga siyang CEO sa sariling company niya. Pero kahit mayaman ay hindi iyon naging hadlang para ma-in love siya sa Nanay ko na isang labandera. Two years ago ay nagbakasyon sa Legazpi ang biyudo na si Daddy Arman at nag-sideline naman na tourist guide ang nanay ko. Doon sila nagkakilala at nagka-in-love-an.
Mabait naman si Daddy at nakita ko naman na masaya si Nanay kaya hindi na ako humadlang sa pagmamahalan nilang dalawa.
Hanggang sa ikasal sila at dinala nga kami ni Daddy Arman dito sa mansion niya sa Maynila. Dito ko na ipinagtuloy ang pagka-college. Sa isang mamahaling university na kahit sa panaginip noon ay hindi ko inakalang mapasukan ko.
Pero kahit mayaman ang napangasawa uli ni Nanay, never akong naging buhay-prinsesa. Kabaligtaran pa nga.
"Ma'am Lyka, tara na po," tawag sa'kin ng family driver nila Daddy Arman, si Mang Monching. "Sumabay ka na sa'min."
Nginitian ko siya. Pero ang ngiti ko ay bigla na lang naglaho nang dumating ang isa sa mga dahilan kung bakit kabaligtaran ng pagiging prinsesa ko rito sa mansion ang buhay ko.
"At sino ang nagsabi sa'yo na puwede natin siyang isabay, Mang Monching?" masungit na sita ng bagong dating na magandang babae sa family driver. Sabay tingin sa'kin habang nakataas ang kilay. "Ayoko ngang makasama sa loob ng car ang babaeng 'yan. Yuck!"
Siya si Stella—ang solong anak ni Daddy Arman at nag-iisang prinsesa ng mga Montecillo. Lalaki rin kasi ang nag-iisang kapatid ng stepfather ko. Sa ibang bansa na siya naninirahan at nagtatrabaho bilang isang doctor. Never ko pa siyang na-meet. Kahit sa picture man lang.
Ang pagkakaalam ko lang, Verex ang pangalan niya.
At sa pagkakadinig ko, pauwi siya this month para magbakasyon.
Simula nang dumating kaming mag-ina sa bahay na ito, two years ago, hindi na kami matanggap ni Stella, kasama ang kaniyang Lola na si Madam Lucila. Pero takot din naman sila kay Daddy Arman kaya hindi nila maipakita kay Nanay ang pagkadisgusto. Pati na rin sa'kin. Basta nandiyan ang stepfather ko.
Pero kapag kami lang, kawawa talaga ako sa kanila. Pinagmamalupitan nila akong dalawa. Ginagawang katulong. Kahit tatlo naman ang kasambahay nila. May isang hardinero at family driver pa. At kaunting pagkakamali ko lang ay sampal at sabunot na agad ang inaabot ko. Palagi rin nila akong inaalipusta. Na kesyo sampid lang daw ako sa pamilya nila. O kung ano-ano pang masasakit na salita.
At lahat ng iyon ay itinatago ko kay Nanay. Kahit kay Daddy Arman.
Ayaw ko kasi na magkagulo ang pamilyang ito nang dahil sa'kin. Dagdag-problema pa iyon ni Nanay Matilda. Buong buhay nga namin ay puro problema na lang dahil sa kahirapan. Ngayon lang siya nakatikim ng kaginhawaan.
Kaya hangga't kaya ko ay tinitiis ko na lang. At titiisin ko pa.
Para kay Nanay. Para sa pagmamahal ko sa kaniya.
"Huwag mo nang pagalitan si Mang Monching, Stella. Wala naman akong balak sumabay sa inyo, eh," sagot ko sa kaniya. Hindi ko na lang pinansin ang mataray na tingin niya sa'kin.
"Mabuti naman kung gano'n. Dahil hindi ka nababagay sumakay sa kotse namin," pang-iinsulto na naman niya sa'kin. "Mas bagay ka sa jeep," sabi pa niya sabay tawa nang malakas.
"Okay lang. Masarap nga sumakay sa jeep. Try mo din minsan."
"What? Ano ang tingin mo sa beauty ko? Ka-level mo?" exaggerated na tili ni Stella, sabay hampas ng mamahaling shoulder bag niya sa akin. "You're crazy!"
Wala naman talaga akong laban sa kaniya kung katawan at kagandahan ang pag-uusapan. Kahit nga sa katalinuhan, eh.
Maganda, maputi at matangkad sa height na 5'7" si Stella. Manang-mana kay Daddy Arman. Matalino rin. Kung hindi nga lang siya mahilig mag-cutting classes, siguradong dean's lister siya. Kaya nga palagi rin siyang nananalo sa mga beauty pageant na sinasalihan niya. 'Campus sweetheart' din ang bansag sa kaniya sa university na pareho naming pinapasukan. Maraming lalaki ang gustong magpapansin sa kaniya.
Bagay na bagay sa kaniya ang course niya na AB Tourism. Maging flight attendant kasi ang pangarap ni Stella.
Samantalang ako, 5'2" lang. Hindi na nga sinuwerte sa height, pinagkaitan pa ng kaputian. Morena ang balat ko at hindi pa ganoon kaganda. Pareho lang kaming twenty years old ni Stella pero mukha na akong ate sa kaniya. Sophisticated kasi siya. Habang ako naman, masaya na sa face powder. Lipstick na nga lang, kinatatamaran ko pa.
Hindi rin ako matalino na gaya ni Stella. Masipag lang talaga akong mag-aral kaya sa awa ng Diyos ay matataas naman ang grades ko bilang isang nursing student.
"Ang pangit mo na nga, wala ka pang utak!" sabi pa niya sa'kin bago niya niyaya ang family driver. "Let's go, Mang Monching. Bago pa masira ng negra na iyan ang araw ko."
Parang naaawa lang na tiningnan ako ni Mang Monching bago siya sumunod kay Stella na naglalakad na parang modelo palabas ng bahay. Kering-keri niya ang kaniyang dress at mataas na heels. Takot ang mga helper kina Stella at Madam Lucila kaya walang nagtatangkang ipagtanggol ako sa tuwing nilalait at pinagmamalupitan nila ako.
Napayuko na lang ako at itinuloy na ang pagbaba sa hagdan. Sa halip na dumiretso sa labas ay humarap muna ako sa salamin na nasa sala. Tiningnan ko ang reflection ko. Nasaktan pa rin kasi ako sa mga pinagsasabi ni Stella kahit sanay naman na ako sa ugali niya.
Pero hindi naman ako galit sa kaniya. Itinuturing ko pa rin siyang kapatid katulad nang gusto nina Nanay at Daddy Arman. Kaya sana... dumating ang araw na matanggap niya ako. Pati na rin ni Madam Lucila para maranasan ko na ang magkaroon ng masaya at buong pamilya. Na hindi ko naranasan dahil namatay ang Tatay ko, ilang buwan lang simula nang ipanganak ako.
"At sino ang nagsabi sa'yo na puwede kang gumamit ng salamin ko?"
Literal talaga akong napaigtad nang marinig ko ang um-e-echo na boses na iyon ni Madam Lucila mula sa aking likuran. Dali-dali akong umalis sa harapan ng salamin. Ngunit hindi pa man ako nakakalayo ay bigla na lang may humila sa mahabang buhok ko.
"Aray!" nasasaktan na sigaw ko habang pinipigilan ko ang aking buhok. At nang tingnan ko kung sino ang gumagawa niyon sa akin, nakita ko ang nanlilisik na mga mata ni Madam Lucila.
"Ambisyosa ka talagang babae ka!" sigaw pa niya sa'kin at lalo pa niya hinila ang buhok ko.
"Tama na po, Lola. Nasasaktan na po ako." Umiiyak na ako sa sakit na dulot ng malakas na paghila niya sa aking buhok. Pakiramdam ko ay hihiwalay na ang anit sa ulo ko.
Lalo kasi siyang nagagalit kapag tinatawag ko na 'lola' kapag kami lang. Dapat 'madam' din ang tawag ko sa kaniya. Kung bakit kasi nasabi ko pa. Ang hirap naman kasi kapag paiba-iba ang tawag. Di ba?
Kung hindi nga lang magtatampo si Daddy Arman na hindi ko tatawagin na 'lola' ang mommy niya. Katulad na rin ng paghihinampo niya noon sa tuwing tinatawag ko siya na 'tito' lang sa halip na daddy.
"Anong 'lola', ha? Wala akong apo na pangit at hampas-lupa!" Galit na galit na kinaladkad ako ni Madam Lucila palabas ng bahay. "Umalis ka na rito! Nangangamoy basura ang mansion ng anak ko kapag nandito kayong mag-ina," pang-iinsulto niya sa'kin. At saka padabog na isinara ang maindoor. Wala siyang pakialam kahit naiwan sa loob ang shoulder bag ko. Nahulog kasi iyon dahil sa pagkaladkad niya sa akin.
Napaiyak na lang ako dahil sa awa sa aking sarili. Lalo na kay Nanay. Dahil wala siyang kaalam-alam sa masasamang salita na sinasabi sa kaniya ng biyenan niya kapag wala siya. Kung hindi ko nga lang alam na masasaktan siya kapag umalis kami dito at bumalik na lang sa bahay namin sa Legazpi. Mas gusto ko na doon na lang kami uli kahit mahirap ang buhay.
Lalong dumami ang mga luha na tumulo sa aking mga mata nang makita ko na gusot-gusot na ang kulay-puti na uniporme ko. Pinaghirapan ko pa naman itong plantsahin.
Sa gitna ng luhaang mga mata ay napangiti ako nang makita ang isa sa mga kasambahay na si Neneng. Bitbit niya ang aking shoulder bag habang palapit sa akin.
"Ito na ang bag mo, Lyka. Umalis ka na at baka ma-late ka pa sa klase mo," naaawa na sabi niya sa'kin.
Mabuti na lang at mababait lahat ng helper dito sa bahay.
"Salamat, Neng," sabi ko sa kaniya.
Matanda lang naman siya sa'kin ng dalawang taon kaya hindi na siya nagpapatawag sa akin ng ate. Kaibigan ko na rin siyang maituturing. Pero ayaw ko na mawalan siya ng trabaho kaya sinasabi ko na huwag na niyang subukan kapag nagtatangka siya na magsumbong kina Nanay at Daddy Arman tungkol sa ginagawa sa'kin nina Stella at Madam Lucila.
Nang marinig namin ang boses ng matanda ay sabay kaming napatakbo ni Neneng. Siya, pabalik sa loob ng bahay. Samantalang ako, palabas naman ng gate.