LYKA
NAGISING ako sa malalakas na katok sa labas ng pinto ng aking kuwarto. Kung sino man ang may gawa niyon ay siguradong galit na galit. Kunot ang noo na idinilat ko ang aking mga mata.
Pagkabangon ay agad na humayon ang aking tingin sa alarm clock na nakapatong sa ibabaw ng sidetable. Alas sais pa lang nang umaga. May isang oras pa bago iyon mag-alarm.
“Lyka! Lyka!” Napapitlag ako nang marinig ko ang galit na boses ni Madam Stella na sinasabayan niya ng malalakas na katok. Kulang na lang ay wasakin na niya ang pinto. “Gumising ka na at ipaghanda mo ng almusal si Stella! Bilisan mo kung ayaw mong sabunutan kita!”
Malungkot na napailing na lang ako. Siguradong nakaalis na sina Nanay at Daddy Arman kaya nagmala-tigre na naman ang matandang ito.
Pero dahil ayokong mag-almusal ng sampal at sabunot kaya dali-dali akong bumaba ng kama at tumakbo papunta sa banyo upang magmumog. Sa pagmamadali ko ay hindi ko na nagawang magsuklay pagkatapos kong magpalit ng damit. Mamaya ko na lang din aayusin ang aking higaan pagkatapos ng mga iuutos sa akin ni Madam Lucila.
Pagbukas ko pa lang ng pinto ay mga kamay na niya ang sumalubong sa akin. Hinila niya ang aking buhok. Mabuti na lang at nagawa kong iiwas ang aking mukha bago pa man makalmot ng matatalas niyang kuko.
“Ang kapal mo talagang babae ka para tanghali na gumising! Ano ang akala mo sa sarili mo, ha?” galit na bulyaw sa akin ni Madam Lucila habang hinihila ang aking buhok. “Senyorita sa bahay na ito?”
“Tama na po, Madam,” ang nasabi ko na lang habang pilit na binabaklas ang kamay niyang mahigpit na nakasabunot sa buhok ko. Nasasaktan na ako kaya bigla na namang tumulo ang aking mga luha.
Sa wakas ay nagawa kong makatakas sa malulupit na mga kamay ni Madam Lucila. Sumiksik ako sa isang sulok para hindi ako maabot ng matutulis at mahahabang kuko niya.
“Bumaba ka na sa kusina at ipagluto ng almusal si Stella. Bilisan mo!” Nanlilisik ang mga mata na duro niya sa akin.
“O-opo, Madam.” Natataranta na tumalima naman ako. Nanginginig sa takot ang katawan ko nang maramdaman ko na sumunod sa akin si Madam Lucila habang pababa ako ng hagdan.
Tandang-tanda ko pa kasi kung paano niya ako itinulak dito noong unang araw namin dito ni Nanay. Gumulong-gulong ako hanggang sa pinakaibaba. Mabuti na lang at hindi naman grabe ang nangyari sa akin. Napilayan lang ako at may tatlong bukol sa ulo. Tinakot at binantaan niya ako na si Nanay naman daw ang itutulak niya sa susunod kapag nagsumbong ako. Kaya nagdahilan na lang ako noon na nadulas kaya ako nahulog.
At doon na nagsimula ang trauma ko sa hagdan kapag kasabay ko sa pag-akyat si Madam Lucila. Kahit si Stella. Kung puwede nga lang na lumipad ako.
“Bilisan mo at maglilinis ka pa ng kuwarto ko!” sigaw na naman niya sa sakin at saka binilisan ang mga hakbang para sundan ako.
Sa takot na baka maabutan niya ako at maisipan na namang itulak kaya nanakbo ako paibaba. Pero nadulas ang isang paa ko. Ang akala ko talaga ay gugulong na naman ako paibaba.
Pero hindi.
Dahil mabilis na sinalubong ako ni Uncle Verex. Sinalo ako ng matitipunong braso niya bago pa man ako tuluyang mahulog sa hagdan.
“Are you okay?” tanong niya sa akin sa tinig na tila hapong-hapo. Halata na nagmadali siya sa pag-akyat nang makita niya siguro ako na nadulas.
Nakaawang ang aking bibig na napatingin ako kay Uncle Verex. Saglit kong nakalimutan ang takot na naramdaman ko sa presensisya ni Madam Lucila nang makita ko ang kaniyang guwapong anak. Kung ganito kaguwapo ang bumungad sa umaga ko, okay lang siguro na mapagalitan ako araw-araw.
Dahil hindi ako nakasagot kay Uncle Verex at nakatulala lang ako sa kaniya kaya nagtanong siya sa kaniyang ina. “Ano ho ang problema, Ma? Bakit ang aga mo naman yatang pinapagalitan si Lyka?” may halong paglalambing na tanong niya kay Madam Lucila.
“Huwag mo nang intindihin ang babaeng iyan, Verex. Nag-iinarte lang iyan,” mataray na sabi ni Madam Lucila habang nakatingin sa akin. “Ganiyan ‘yan kapag wala rito ang nanay niya at ang Kuya Arman mo. Nagbubuhay prinsesa.”
Nang makita ko na naman ang nanlilisik na mga mata ng ina ni Uncle Verex ay saka ko lang napagtuunan ng pansin ang posisyon naming dalawa sa mga oras na ito. Nakahawak sa aking baywang ang dalawang braso niya. Samantalang nakakapit naman sa kaniyang leeg ang dalawang kamay ko. Kaya pala lalong sumama ang tingin sa akin ni Madam Lucila.
Mabilis tuloy akong napabitaw kay Uncle Verex. “I’m sorry po, uncle… “magalang na sabi ko sa kaniya at hindi ko naman mapigilan ang pag-blush ng aking mukha nang magsalubong ang tingin naming dalawa.
“Tingnan mo nga, may pasok ‘yan ng nine pero tanghali na nagising. Hindi man lang marunong tumulong sa gawaing bahay,” masungit na sabi pa ni Madam Lucila at masama pa rin ang tingin sa akin.
Nilabanan ko ang aking sarili na mangatuwiran kahit napapahiya na ako sa harapan ni Uncle Verex. I know na hindi totoo ang ibinibintang sa akin ng kaniyang ina. At gustong-gusto kong ipagtanggol ang aking sarili. Ngunit pinili ko na naman ang manahimik na lang kaysa ang magkagulo pa.
“Pasensiya na po. Hindi na po mauulit,” magalang na sagot ko na lang at saka iniyuko ang aking ulo.
“It’s too early, Ma. Nine pa naman daw ang pasok ni Lyka,” pagtatanggol sa akin ni Uncle Verex na siyempre, ikinatuwa na naman ng aking puso. Napakabait niya talaga at nagawa pa niyang magpakahinahon kahit galit na ang mama niya. “At saka gabi na kasi siya natulog kagabi dahil nakipagkuwentuhan pa ako sa kaniya. So, it’s my fault kung late man siyang nagising.” Binalingan niya ako, sabay kindat.
Nahihiya naman na napayuko ako dahil nakita iyon ng kaniyang ina at tiningnan na naman ako nang masama.
Humakbang siya paakyat at tinalikuran ako upang lapitan ang kaniyang ina. “Relax lang kayo, ‘Ma, okay? Huwag mo nang pagalitan si Lyka. Sige ka, madadagdagan ang wrinkles mo niyan,” malambing niyang paliwanag sa ina. Hindi nawawala ang ngiti sa mga labi niya. “At saka huwag mo na siyang patulungin sa mga gawaing bahay. May helpers naman tayo. Kawawa naman ang bata. Baka hindi makapag-focus sa pag-aaral.”
Napahawak ako sa rails ng hagdan. Okay na sana na ipinagtanggol niya ako sa mama niya. Kaya lang, ‘bata’ pala ang tingin niya sa akin.
Ang sakit sa tainga, ha?
Umingos lang si Madam Lucila habang pinapaliwanagan ni Uncle Verex. Pero nang makita niya ako na nakatayo pa rin ay humarap siya sa akin at namaywang. “Ano pa ang tinutunganga mo riyan? Mag-asikaso ka na bago pa man magising si Stella.”
Napahugot ako ng malalim na hininga at saka iyon maingat na pinakawalan. “S-sigo po. Pupunta na po ako sa kusina.” Hindi ko na nagawang tumingin pa kay Uncle Verex sa takot na baka makita na naman iyon ng kaniyang ina.
Pagdating ko sa kusina ay naabutan ko si Manang Rose. Alam na niya ang routine namin kapag ganoon na wala sina Nanay Matilda at Daddy Arman kaya agad siyang umalis sa harap ng lababo upang ipaubaya sa akin ang mga gawain doon.
“Pasensiya ka na, Lyka. Alam mo na gusto kitang tulungan. Pero ayoko naman na lalo kang pag-initan ni Madam Lucila kapag ginawa ko iyon,” malungkot na wika niya sa akin.
Ngumiti lang ako sa kaniya. “Wala pong problema, Manang Rose. Ayaw ko rin naman na madamay ka sa galit sa akin ni Madam.”
LYKA
PAGKATAPOS kung magluto ng almusal ni Stella ay kumain na rin ako. Ang mga tirang pagkain kagabi ang kinain ko dahil bawal naman akong magluto kapag wala sina Nanay.
Nang matapos akong kumain ay nagmamadali ako na tumungo sa kuwarto ni Madam Lucila upang maglinis. Mabuti naman at wala siya roon nang pumasok ako. Ang sabi ni Neneng, nag-jogging daw kasama si Uncle Verex. Pasalamat talaga ako dahil mabilis ko tuloy natapos ang paglilinis sa kuwarto niya. Kapag nandito kasi siya, maya’t maya ang utos sa akin. Pinapaulit pa niya kapag may nakita siyang dumi. Kahit kaunting alikabok.
Nagmamadali akong bumalik sa aking kuwarto nang maalala kong magpaplantsa pa pala ako ng uniform ko. Ang totoo niyan, gusto talaga sana ni Nanay Matilda na siya ang magplantsa ng mga uniform ko. Katulad nang ginagawa niya noong nasa Legazpi pa kami. Pero hindi ko na siya pinapayagan dahil ayokong mapagod siya.
Naglalakad na ako sa hallway nang makasalubong ko si Uncle Verex. Pawisan siya at may nakasabit pang towellete sa kaniyang balikat. Mukhang kababalik lang niya mula sa pagja-jogging. Muntik na akong mapaatras sa pag-aakalang kasama niya ang kaniyang ina. Nakahinga ako nang maluwag nang makitang nag-iisa lang siya.
“Hi,” nakangiti na bati niya sa akin.
Normal na yata talaga sa kaniya ang pagkakaroon ng smiling face. Na para bang lagi siyang may nakahandang ngiti para sa lahat. Kaya siguro lalo siyang gumguwapo sa bawat oras na nakikita ko siya.
“Hello po, uncle,” nakangiti na bati ko rin sa kaniya. Bahagya akong nakaramdam ng pagkailang nang maalala ko na ang dungis ko pala dahil sa katatapos ko lang na paglilinis. Pawis ako tapos magulo pa ang buhok ko.
“Bakit hindi ka pa naliligo?” Tumingin siya sa suot na relo. “Mag-aalas otso na, ah,” aniya nang tumingin siya uli sa akin.
“Katatapos ko lang po kasing maglinis ng kuwarto ni Mad—” Muntik na naman akong madulas. “Ni Lola Lucila po.”
Kumunot ang noo niya at parang may gustong itanong sa akin pero hindi na niya itinuloy. “Gano’n ba. Sige, maligo ka na at baka ma-late ka na sa class mo.”
“Ahm. Magpaplantsa pa po ako ng uniform ko, eh.”
Lalong nagtaka ang mukha niya. “Kung magpaplantsa ka pa, baka ma-late ka na talaga niyan,” wika niya at ramdam ko ang kaniyang pag-aalala. “Ganito na lang, ilabas mo na ang mga dapat mong plantsahin at ako na ang gagawa. Sa kuwarto ko na paplantsahin.”
Literal talaga na nanlaki ang aking mga mata nang marinig ko ang sinabi ni Uncle Verex. Parang hindi ko ma-imagine na ang kasingguwapo at kasing hunk niya ay nagpaplantsa. At nurse uniform pa. “Marunong po kayong magplantsa?”
Tumawa lang siya. “Oo naman. Sa France, wala akong katulong. Ako lahat gumagawa ng gawaing bahay.”
“Wow!” namangha talaga ako. “Ang galing n’yo naman po. Guwapo at mabait na, masipag pa.”
Napakamot siya sa ulo. “Hindi mo na ako kailangang bolahin, Lyka. Ipagpaplantsa pa rin kita kahit hindi mo ako i-compliment.”
“Salamat na lang po, Uncle, pero huwag na,” sagot ko na nakangiti sa kaniya. “Nakakahiya naman po sa inyo.”
“Hindi, ‘no? Ano ka ba? Sige na, akin na ang mga paplantsahin mo para maumpisahan ko na. Bago ka pa mahuli sa klase,” giit ni Uncle Verex. Bigla na lang niya akong hinawakan sa siko at iginiya papunta sa aking kuwarto.
Napasinghap ako dahil para naman akong nakuryente nang magdaiti ang balat naming dalawa.
Hindi na ako nakakontra dahil para na naman akong nawalan ng lakas habang sabay kaming naglalakad. And darn, his body was so close to mine. Amoy na amoy ko na naman siya. He smells like a baby talaga. Kahit pawisan na, ang yummy pa rin.
Dahil abala ako sa pagsinghot sa amoy niya, hindi ko napansin na nasa tapat na pala kami ng aking kuwarto.
“I’ll wait for you here. At huwag ka nang mahiya na iabot sa akin ang uniform mo kung ayaw mong ma-late,” malambing na sabi niya sa akin at kulang na lang ay ipagtabuyan niya ako papasok para kunin na ang uniform ko.
Hindi rin naman siya atat na ipagplantsa ako, ‘no? kinikilig na wika ko sa aking isipan.
Alam ko naman na hindi siya papayag kapag tumanggi uli ako. Pumasok na ako at kinuha ang isang pares ng aking puting uniform. Pinili ko pa ang pinakamabango sa lahat. Iyong maraming Downy na nailagay para humalimuyak iyon kapag pinalantsa niya. Pero nag-atubili pa rin ako na dalhin iyon sa labas dahil nahihiya talaga ako sa kaniya.
Biruin mo, isa siyang magaling na cardiothoracic surgeon sa France tapos pagpaplantsahin ko lang dito sa Pinas?
Nang balikan ko sa labas ng aking kuwarto si Uncle Verex ay nakangiti siya. Muntik nang mawala ang kaniyang mga mata dahil sa pagkakangiti niyang iyon. “S-sigurado po kayo rito, uncle?” nahihiya at nag-aalangan pa rin na tanong ko sa kaniya bago ko iabot ang aking uniform at plantsa. “K-kaya pa naman ng oras ko—” Naputol ang pagpapaliwanag ko nang bigla na lang niyang inagaw sa aking kamay ang damit ko.
Natawa ito. “Ikaw talagang bata ka. Akin na iyan at maligo ka na,” iiling-iling na pagtataboy niya sa akin. “Ipapahatid ko na lang kay Neneng kapag natapos ko na,” aniya at saka tumalikod na habang bitbit ang aking uniform at plantsa.
Nanatili lamang akong nakatayo sa labas ng aking kuwarto habang nakatingin sa kaniya na papalayo. Ni hindi ko na nagawang mag-thank you sa kaniya. Hindi ko kasi alam kung matutuwa ba dahil ipagpaplantsa niya ako. O maiinis dahil tinawag na naman niya akong ‘bata’.
“Ayaw niya na pino-‘po’ ko siya. Pero kung maka-‘bata’ sa’kin, wagas…” nakasimangot na kausap ko na lang sa aking sarili bago pumasok para maligo na.