LYKA
KANINA pa ako nakahiga sa aking malambot na kama. Malalim na rin ang gabi. At dapat ay tulog na ako kapag ganitong oras dahil may pasok pa bukas. Pero kahit anong pikit ko ay hindi ko magawang patulugin ang aking sarili. Hanggang ngayon ay hindi pa rin mawala-wala ang pagkapahiyang nararamdaman ko sa tuwing naiisip ko ang ginawa ko kay Uncle Verex sa park kanina.
Sigurado naman ako na hindi niya iyon ipagsasabi dahil mabait naman siya tulad ni Daddy Arman.
Nahihiya lang talaga ako dahil baka akalain niya na isang flirt ang anak ng babaeng pinakasalan ng kaniyang kapatid.
Balak ko na nga sanang sabihin sa kaniya kanina ang totoo. Na dahil lang iyon sa laro naming magkakaibigan. Kaya lang, biglang dumating si Madam Lucila kaya um-exit na agad ako bago pa man niya ako mapahiya sa harapan ni Uncle Verex.
Hindi talaga ako makakatulog nito hangga’t hindi ko nasasabi sa kaniya ang totoo. Nakakahiya!
Bumangon ako. Hinubad ko ang aking T-shirt at saka nagsuot ng bra na nakasanayan kong hubarin bago matulog. Nagdamit uli ako. Pagkatapos ay bumaba na ako ng aking kama. Kakausapin ko si Uncle Verex.
Magsusuot pa lang ako ng pajama upang patungan ang maiksing shorts na suot ko, nang biglang may kumatok nang dalawang beses. Napaisip agad ako. Imposibleng gising pa si Nanay o si Daddy Arman. Maaga silang natulog dahil may lakad na naman sila bukas. Mag-aanak yata sila sa kasal sa Laguna kaya tatlong araw silang mawawala.
“Ah, baka sina Madam Lucila at Stella na naman,” wika ko sa aking sarili. Silang dalawa lang naman ang mahilig manggising ng hatinggabi sa akin upang utusan. Dahil alam nila na kapag ganitong oras ay tulog na sina Nanay Matilda at ang stepfather ko.
Sa pag-aakala ko na silang dalawa ang kumakatok sa labas, itinigil ko muna ang pagsusuot ng aking pajama. Ayaw nila ang pinaghihintay. Siguradong sabunot na naman ang abutin ko kapag hindi ko agad sila napagbuksan.
Subalit ganoon na lang ang pagkatigil ko nang sa pagbukas ko ng pinto ay bumungad sa akin ang isang anghel… este, ang guwapong mukha pala ni Uncle Verex. Nakasuot na lang siya ng sando at pambahay na shorts. Halata rin na katatapos lang niyang maligo ng mukha dahil medyo wet pa ang kaniyang buhok. Humahalimuyak din ang bath soap at shampoo na ginamit niya.
Grrr… Ang sarap yakapin!
“Bakit po, Uncle Verex?” magalang na tanong ko sa kaniya nang makabawi ako sa pagkagulat. Bigla akong nailang nang mapansin ko ang pagtingin niya sa akin. Saka ko lang naalala na maiksi at manipis pala ang shorts na suot ko.
Tumikhim muna siya bago itinaas sa harapan ko ang hawak niyang malaking paper bag na ngayon ko lang napansin. “Nakalimutan ko palang ibigay ang mga pasalubong ko sa’yo.”
“H-ho? May pasalubong ka rin sa akin, Uncle Verex?”
Tumango siya habang may pigil na ngiti sa mga labi. Siguro dahil nakita niya na nanlaki ang mga mata ko. “Of course. Lahat naman ng mga tao rito sa bahay ay pasalubong ako. Naibigay ko na sa mga helper ang pasalubong ko sa kanila. Itong sa’yo na lang ang hindi.”
Feeling ko ay nalaglag ang puso ko sa sinabi ni Uncle Verex. Okay na sana, eh. Kikiligin na naman sana ako. Dahil akala ko, special ako. Iyon pala…
Sabagay, bakit nga naman ako magiging special kung ngayon nga lang kami nagkita, di ba?
Pasalamat ka na lang at naisipan ka pa niyang bilhan ng pasalubong, Lyka! saway ko sa aking sarili.
Nakangiti na tinanggap ko ang paper bag na inaabot niya sa akin. Mabigat pala. Siguradong puro chocolates ang laman nito. At naka-box pa. Ano pa nga ba ang puwede niyang ipasalubong sa akin kung ngayon lang naman kami nagkita? “Maraming salamat po, Uncle Verex. Nag-abala pa kayo. At saka sana po, bukas n’yo na lang ibinigay sa akin. Napuyat pa po tuloy kayo.”
“’Po’ na naman…” Napakamot siya sa batok habang nakangiti sa akin. “Hindi ba talaga kita mapipigilan sa pag-‘po’ sa’kin?”
“Pasensiya na po, Uncle. Gumagalang lang po ako. Magagalit sa akin sina Nanay kapag narinig na hindi ako nagpo-‘po’ sa inyo. Lalo na si Madam Lucila.”
Nabura ang ngiti niya at kumunot ang noo. “’Madam’?”
Napakagat-labi ako. “I mean, Lola Lucila po pala.”
Bumalik ang ngiti ni Uncle Verex. Anak ng tipaklong. Ang pogi niya talaga!
“Okay… Akala ko pati ikaw, pinapa-‘madam’ ni Mama sa kaniya.”
Nanahimik na lang ako. Wala rin akong balak na magsumbong sa kaniya. “May kailangan pa po kayo?” magalang na naman na tanong ko sa kaniya para basagin ang katahimikan.
Napatingin lang siya sa akin. Ngumiti uli bago umiling. “Wala. Inihatid ko lang talaga ‘yan at baka sabihin mo na ikaw lang ang walang pasalubong sa akin.”
That made me smile.
“Naku, wala po ‘yon, Uncle. Masaya na ako na nakauwi kayo nang ligtas dito.” Totoo sa puso ko ang sinabi ko. Bibihira sa mundo ang mababait na taong gaya ni Uncle Verex. Kaya hindi sila dapat mawala nang maaga.
“Thank you,” amused na sagot niya sa akin. “I am so glad to finally see you, Lyka.”
Nagsalimbayan ang t***k ng aking puso. Daig ko pa ang napapalibutan ng stars sa mga oras na ito. Ano daw?
Muli niya akong tiningnan.
“M-masaya rin po ako na makita kayo sa wakas, Uncle Verex. Totoo nga ang sinabi ni Daddy Arman na mabait ka raw at… guwapo.” Nakagat ko ang aking labi. Hindi ko masisisi ang aking sarili kung nasabi ko man sa kaniya na guwapo siya. Ang hirap niya kaya hindi purihin.
“Naku, dapat pala dinagdagan ko ang pasalubong ko sa’yo,” biro niya sa akin at sabay pa kaming napangiti na dalawa.
At hindi ko namalayan na unti-unti na palang napanatag ang loob ko sa kaniya kahit ngayon pa lang kami nagkita.
Napahawak ako sa dulo ng aking buhok. “T-tungkol nga po pala sa nangyari kanina sa park, Uncle.” Sa wakas ay nagkaroon na rin ako ng lakas ng loob na sabihin sa kaniya ang totoo. “I’m sorry po kung nagawa ko ‘yon sa inyo. Ang totoo niyan, naglalaro kami ng truth or dare ng mga kaibigan ko. At iyon ang inutos nila sa akin.”
“Ang alin? Ang jowa-in at yakapin ako?”
Kagat-labi na naman na napatango ako. “Opo. Sorry talaga. Akala ko kasi hindi na tayo magkikita uli kaya pumayag ako. At saka bawal kasi ang KJ sa laro na iyon, Uncle.”
At hayon na naman ang pambihirang ngiti niya. “Iyon ba ang totoong rason kung bakit ka hinimatay kanina nang makita ako?” may panunukso sa boses niya.
Muntik ko na namang malulon ang aking dila. Pero inamin ko na rin ang totoo. “Opo, Uncle. Para akong nakakita ng multo.”
“Mukha pala akong multo?” Tumingin siya sa akin at nagtama na naman ang aming mga mata.
“Hindi po!” mabilis na sagot ko. “I mean, sobrang nagulat ako.”
“Siyempre, alam ko.:” Napasinghap ako nang abutin ni Uncle Verex ang aking pisngi at saka pinanggigilan. “Kalimutan mo na ang nangyari sa park kanina. Pero sana huwag mo nang ulitin iyon, Lyka,” may himig panenermon na wika niya sa akin. “Paano kung sa ibang lalaki mo ginawa iyon? At sinamantalala ka?”
Pakiramdam ko may humaplos sa aking puso dahil sa sinseridad na naramdaman ko sa boses ni Uncle Verex. Napakabait niya talaga. Ngayon lang kami nagkita pero kung mag-alala siya sa akin, parang totoong pamangkin niya talaga ako.
Pamangkin? Bakit parang napangiwi ang puso ko?
Sumeryoso ang guwapong mukha niya. “Huwag mo nang ulitin iyon, ha?”
Wala akong maapuhap na sasabihin kaya napatango na lang ako.
“Promise?” pangungulit pa niya sa akin.
“Promise po.” Nakahinga na ako nang maayos dahil sa wakas hindi na ako mahihiyang humarap kay Uncle Verex kasi naipaliwanag ko na sa kaniya ang sarili ko.
“Sige na matulog ka na,” mayamaya ay sabi niya sa akin. “May pasok ka pa bukas, di ba?”
“Opo, Uncle. Nine ng umaga ang pasok ko.”
Tumingin siya sa suot na relo. “Past twelve na. Kaya matulog ka na. Bukas na lang uli tayo magkuwentuhan.”
Ang sarap sanang pakinggan. Gutso ko rin na makipagkuwentuhan pa nang matagal kay Uncle Verex. Lalo pa at maaga ang labas ko sa school bukas. Kaya lang, wala nga pala sila Nanay at Daddy Arman. Tatlong araw na naman akong pag-iinitan nina Madam Lucila at Stella. Lalo na siguro kapag nakita nila na nakikipagkuwentuhan ako kay Uncle Verex.
“Sige po. Papasok na ako para matulog na,” magalang na paalam ko sa aking tiyuhin. Totoong nakaramdam na ako ng antok. Hindi ko nga napigilan na humikab sa harapan niya. “Matulog na rin po kayo. Siguradong pagod pa kayo sa biyahe.”
“Hindi nga ako makatulog, eh. Sanay kasi ako sa France na umaga natutulog. Madalas panggabi kasi ang duty ko sa ospital.”
“Uminom lang po kayo uli ng sterilize milk. Ganoon kasi ang ginagawa ko kapag nahihirapan akong matulog sa gabi.”
“Don’t worry about me. Wala naman akong trabaho bukas. Ikaw ang kailangan na matulog na at baka mahuli ka sa klase mo bukas,” nangingiti niyang wika. “Or worst, baka makatulog ka sa klase mo.” At nasilayan ko na naman ang guwapong ngiti ng uncle ko.
Hays. Kung puwede ko lang sana siyang titigan hanggang umaga…
“Thank you po dito sa pasalubong n’yo, Uncle Verex. Good night po,” sabi ko sa kaniya bago ko isinara ang pinto ng aking kuwarto.
Tinititigan muna ako ni Uncle Verex bago siya ngumiti at tumango. “Good night, Lyka.”
Isinara ko na ang pinto pagkatapos ko siyang sulyapan sa huling pagkakataon sa gabing ito. Ramdam ko ang nag-uumapaw na saya sa aking puso. Ngayon ko lang ito naramdaman. Lalo na sa isang lalaki at mas matanda pa sa akin.
Sa halip na matulog agad ay excited ko na binuksan ang paper bag na galing kay Uncle Verex. Kahit alam kong puro chocolates lang naman ang pasalubong niya sa akin.
Pero mali pala ako nang ibuhos ko sa ibabaw ng kama ang laman niyon. May mga chocolates nga pero may kasama na dalawang headband at isang set ng panyo. Tapos rubber shoes pala ang laman ng box, hindi chocolates. Natural, kilig na kilig na naman ang lola ninyo.
At tamang-tama pa sa paa ko nang isukat ko ang sapatos. Paano niya kaya nalaman ang size ko?
Isinukat ko rin ang dalawang headband. Nagustuhan ko pareho. Hindi ko na nga hinubad ang huli hanggang sa pagtulog ko. Nakangiti rin ako hanggang sa pagpikit ko…
Hanggang sa paggising ko kinabukasan.