LYKA
“LYKA, are you okay?” narinig ko na tanong sa akin ng iba’t ibang boses na nag-alala pagkatapos kong mahimasmasan dahil sa pagkawala ng aking malay. Pero hindi ko pa magawang idilat ang mga mata ko dahil nahihiya ako sa nangyari.
Ngunit sa dami ng boses na aking naririnig, natuon ang pansin ko sa kakaibang boses at sa nagmamay-ari niyon. He sounded like music to my ears. Pati na rin ang pamilyar na bango niya na kahit dalawang beses ko pa lang naamoy ay memorize ko na. Incredibly masculine, fresh, and fruity. Hindi ako mahilig sa pineapple. Pero ngayon na naamoy ko na ito sa kaniya, baka maging favorite ko na rin.
At si Uncle Verex ang nagmamay-ari ng boses at fruity scent na iyon.
Pagdilat ko ng aking mga mata ay siya namang pagdukwang ni Uncle Verex para siguro usisain ang kalagayan ko. Umawang ang aking bibig. Tumiim ang titig niya sa akin at hayon na naman ang malakas na kabog ng aking dibdib.
Naalala niya kaya ako na babaeng yumakap at j-um-owa sa kaniya sa park kanina?
“Mabuti naman at gising ka na.” Si Uncle Verex uli ang nagsalita. Nakaupo siya sa gilid ng sofa kung saan ako nakahiga. Matino naman ang distansiya naming dalawa. Pero hindi ko maintindihan kung bakit parang nagwawala ang puso ko sa pagkakalapit naming ito.
Pinaglapat ko naman ang aking mga labi at baka nakanganga na pala ako sa harapan niya.
Sa pagkagulat ko ay bigla na lang niyang hinawakan ang ilong ko at sinilip ang loob niyon para tingnan daw ang daanan ng hangin. Mabuti na lang at ugali ko na ang maglinis din ng ilong habang naliligo. Nakakahiya sana kung may nakita siyang booger sa loob ng ilong ko.
Pinanganga rin ako ni Uncle Verex para i-check din ang lalamunan ko. Noong una, nahiya pa akong ibuka ang bibig ko. Hindi pa ako nagto-toothbrush dahil kakain pa lang naman ng dinner. Amoy-adobong pusit pa ang hininga ko dahil tumikim ako sa niluluto ng kusinera namin kanina. Kaya imbes na ngumanganga ay tinakpan ko pa ang bibig ko.
He smiled, “Open your mouth, sweetie,” magiliw na utos sa akin ni Uncle Verex.
Hindi ko magawang gumalaw dahil sa pagtawag niya sa akin ng ‘sweetie’. Kinilig yata pati ang talampakan ko. Mas lalo pang bumilis ang t***k ng puso ko. At parang nananadya naman na mas inilapit pa niya ang mukha niya sa mukha ko kaya nalanghap ko na ang hininga niya. Ang bango!
At ngayon ko mas napag-aralan ang kaguwapuhang taglay ni Uncle Verex.
Ang kinis pala ng kutis niya. Matangos pa ang ilong. At natural ang pagkapula ng mga labi niya. Bushy eyebrows, dark brown eyes, and heart-shaped. Plus, perfect set of white teeth. No wonder kung bakit ang guwapo niya!
Gosh! Hindi ako naniniwala sa ‘love at first sight’ dahil ayoko pa naman talagang makaramdam niyon habang nag-aaral pa. Pero ngayon na nakita ko na si Uncle Verex, parang iyon ang tamang description sa nararamdaman ko sa kaniya.
“Titingnan ko lang kung maayos din ba ang throat mo,” wika pa ng baritonong boses niya habang nakatitig pa rin sa akin.
“Sige na, Anak. Para ma-check na ng Uncle Verex mo kung bakit ka biglang nahimatay kanina,” utos din sa akin ni Nanay Matilda. “Baka mamaya may problema na pala ang kalusugan mo. Hindi mo lang sinasabi sa amin.”
“Oo nga naman, Anak. Sige na. Sumunod ka na lang sa Uncle Verex mo,” wika naman ni Daddy Arman.
Hindi po ito problema sa kalusugan. Kundi heart problem! sagot ng aking pilyang isipan.
Nang makahuma ay inalis ko ang aking kamay na nakatakip sa bibig ko. “O-okay lang naman po ako.” Tumingin ako sa aking ina at sa stepfather ko. “W-wala naman po akong masamang nararamdaman.”
“Pero kailangan mo pa rin na masuri para makasiguro tayo,” nakangiti na giit ni Uncle Verex. “Okay?”
“S-sige po.” Sunod-sunuran lang ako sa kaniya. Ano pa nga ba ang magagawa ko kung sa titig pa lang niya ay tunaw na tunaw na ako?
Pero ang totoo, grabe ang kaba ko sa mga oras na ito. Paano ba naman hindi? Kung napakalapit ng mukha niya sa akin. Tapos hinawakan pa niya ang kamay ko. Ramdam ko ang hatid na kaunting kilabot at hindi maipaliwanag na sensasyon nang magdikit ang balat naming dalawa.
Maraming itinanong sa akin si Uncle Verex. Tungkol lahat sa kalusugan ko na posibleng related kung bakit ako nawalan ng malay. Doctor na doctor talaga ang dating niya. Lalo tuloy siyang p-um-ogi sa paningin ko.
Hays… kung alam lang nila kung bakit ako nawalan ng malay. Baka makurot ako sa singit ni Nanay.
Pero natatandaan nga kaya niya ako?
Napatingin ako kay Uncle Verex na kausap ang aking ina habang sinasabi ang resulta ng eksaminasyon niya sa akin. Nakaka-destruct ang bawat paggalaw ng mga labi niya kaya wala akong naintindihan sa mga sinasabi niya. Maliban sa okay at healthy naman daw ako.
Naramdaman yata ni Uncle Verex na titig na titig ako sa lips niya kaya napalingon siya sa akin. Our eyes met. And my heart skipped a beat once again. Nagbaba ako ng tingin dahil hindi ko na nakayanan na salubungin pa ang titig niya. Feeling ko ay para akong nahi-hipnotize sa tuwing nakatingin ako sa kaniyang mga mata. Pati ang mga tuhod ko ay parang nanghihina kahit nakahiga naman ako.
Mabuti na lang at binitiwan na ni Uncle Verex ang kamay ko at tumayo na siya. Saka lang umayos ang paghinga ko nang umalis siya sa tabi ko.
“You look a bit pale. So, I suggest na kumain ka ng maraming maberdeng gulay, atay at karne,” pahabol pa ni Uncle Verex nang lingunin niya ako. Ngumiti na naman siya sa akin.
Ang bait niya talaga! Tapos ang pogi pa.
Tumango lang ako sa kaniya. “O-okay po, Dok. Maraming salamat po.”
“Narinig mo ba ang sinabi ng Uncle Verex mo?” wika sa akin ni Nanay nang umupo siya sa tabi ko. “Kumain ka raw ng maberdeng gulay tulad na lang ng ampalaya.”
Agad akong napangiwi nang marinig ko ang gulay na iyon.
“Ang arte kasi sa pagkain! Parang hindi nanggaling sa mahirap!” nakaismid na sabi sa akin ni Stella. Nakahalukipkip siya habang nakatingin sa akin. Katabi niya si Madam Lucila na ang sama din ng tingin sa akin.
“At kumain ka rin ng atay. Hindi iyong puro ka arte. Pasalamat ka nga at may nakakain ka pa.” Pinagalitan ako ng lola ni Stella. Pero agad din namang sinaway ni Daddy Arman.
Totoo naman ang sinabi nilang dalawa na hindi ako kumakain ng ampalaya at atay. Pero hindi dahil maarte ako sa pagkain. In fact, halos lahat naman ay kinakain ko. Ultimo nga mata ng isda. Kaya lang, hindi naman siguro porke’t laking hirap ang isang tao ay wala ng inaayawan na pagkain.
Katulad ko.
Simula noong bata pa lang ay hindi ko na talaga kayang kumain ng ampalaya at atay. Mapa-manok o baboy man. Ewan ko ba. Basta para akong nasusuka at nauumay sa atay. Tapos pait na pait naman ako sa ampalaya kahit gaano pa kasarap ang luto niyon at sabihin na hindi mapait ang pagkakaluto.
Mayamaya ay naputol ang pag-uusap-usap namin sa sala nang pumasok si Neneng.
“Excuse po. Sir Arman, nakahanda na po ang hapunan,” magalang niyang sabi sa stepfather ko. Pero napansin ko na kay Uncle Verex siya nakatingin.
Naloko na! Mukhang magiging magkaribal pa yata kami ni Neneng sa guwapong doctor na ito.
Naunang sumunod kay Neneng ang maglola na sina Stella at Madam Lucila. Pero bago sila umalis ay huling-huli ko na naman ang pag-irap nila sa akin. Makakaramdam na naman sana ako ng kalungkutan dahil ang init talaga ng dugo nila sa akin.
Pero mabilis na nabura ang lungkot ko nang makita ko si Uncle Verex na ngingiti-ngiting nakatingin sa akin. Nakatayo pa rin siya sa harapan ko.
“Kaya mo bang tumayo at maglakad, Anak?” sabay na baling sa akin nina Nanay Matilda at Daddy Arman.
“Kayang-kaya po,” magalang na sagot ko. Bumangon ako. Pero bigla akong na-out-of-balance nang tumayo ako. Sigurado naman ako na hindi ako nahilo. Normal lang talaga siguro na nanghihina ang mga tuhod ko kapag kaharap si Uncle Verex.
“Mukhang hindi mo kaya,” wika niya pagkatapos niyang makipag-unahan kay Daddy Arman sa pag-alalay sa akin. Muntik na kasi akong mabuwal. “Kaya mabuti pa na buhatin na lang kita. Baka mahilo ka na naman at matumba.”
Aktong tututol pa sana ako nang walang ano man na binuhat ako ni Uncle Verex in bridal position. Para akong namingi sandali dahil sa tila mga kabayo na nag-uunahan sa loob ng dibdib ko.
“Are you sure na ikaw na?” tanong ni Daddy Arman sa kapatid niya.
“Of course, Kuya. Magaan lang naman pala itong si Lyka, eh,” sabi ni Uncle Verex, sabay kindat sa akin.
Daig ko pa ang parang maiihi sa ginawa niyang pagkindat sa akin. At iyong pagbanggit niya sa pangalan ko? Gosh! Bakit feeling ko, ako ang may pinakamagandang pangalan ngayon sa buong mundo?
“Sige, ikaw ang bahala,” wika ni Daddy Arman kay Uncle Verex.
“Maraming salamat, Verex,” sabi naman ng aking ina. Pagkatapos ay inalalayan na siya ng aking stepfather papunta sa kusina. Nag-holding hands pa talaga sila na parang mga teanager.
Napangiti ako habang tinitingnan silang dalawa. Kahit matatanda na, sweet pa rin talaga sila sa isa’t isa. Kaya siguro palaging blooming si Nanay at parang bumata ng ilang taon kung titingnan, kaysa noong nasa Legazpi pa lang kami at wala pa siyang katuwang sa buhay. Ang happiness niya sa piling ng bagong asawa ang isa sa mga rason kung bakit tinitiis ko ang pang-aalipusta sa akin nina Stella at Madam Lucila.
“Kapit ka lang sa’kin,” nakangiti na untag sa akin ni Uncle Verex malapit sa aking mukha. "At huwag kang matakot. Hindi ako nangangain," biro pa niya sa akin.
Napalunok na lang ako sabay tango. “S-sige po, Dok.” At saka ako kumapit sa batok niya para hindi ako mahulog.